chapter 9

1552 Words
Kinagabihan ay dumating ang mga gamit na kakailanganin ko sa bago kong papasukang university. Kasama na sa mga dumating ang magiging uniform ko. Hindi ko maiwasang maalala iyong mga panahong kailangan ko munang hintayin ang sahod ni Ate bago ko mabili ang pinakakailangan ko na. Hindi talaga nangyari na kumpleto lahat ang requirements ko sa simula ng klase. Hindi lang maganda sa pakiramdam na kung kailan wala na si Ate ay tsaka ko naranasan ang ganito, at ang nagparanas pa sa'kin ay ang taong sinisisi ko sa pagkawala ni Ate. Habang nakatingin sa mga gamit na organisadong nakaayos sa mesang narito sa silid ko ay nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib kaya lumabas ako ng silid upang makasagap ng sariwang hangin. Pwede naman sana akong magpahangin sa terrace pero gusto ko ring maglakad-lakad upang gumaan ang pakiramdam ko. Kahit tahimik ang buong bahay ay hindi ito mukhang nakakatakot tulad ng ibang malalaking bahay sa probinsya namin. Modern na rin naman kasi ang istraktura at walang mga antique na mga palamuti katulad no'ng ibang mga bahay ng mga mayayaman. Pagkababa ko ng hagdan galing second floor ay nakasalubong ko si Irene. "May kailangan ka ba, Ma'am— Leah?" magalang nitong tanong pagkakita sa'kin. "Hindi pa ba tapos ang trabaho mo?" balik-tanong ko sa kanya sa halip na sagutin ang tanong niya. "Wala na akong ginagawa, pwede na akong umakyat sa servant's quarter," sagot niya. Tsaka ko lang naalala na nasa second floor pala ang nakatalagang mga silid para sa mga katulong. Mga silid dahil hindi lang iisang silod kundi isang hanay talaga ng mga silid. Nasa third floor naman iyong guestrooms at pati na rin ang sarili kong silid tapos buong fourth floor ay sakop ng silid ni Judge Franco at piling mga kasamabahay lang ang pwedeng umakyat doon katulad ni Manang Maria. Hindi ko pa naikot talaga ang buong bahay, sa laki nito ay kukulangin ang ilang oras. Pwede nga magtagu-taguan dito tapos next week na kayo magkitaan kung gugustuhin ninyo. "Ah, okay..." usal ko. Lalampasan ko na sana siya nang tawagin niya ang pangalan ko kaya huminto ako at lumingon sa kanya. "Lalabas ka?" medyo nag-aalangan niyang tanong. "Gusto mo samahan kita? Para hindi ka mainip gano'n..." dugtong pa niya. Wala akong nakitang masama sa suhestiyon nito kaya tumango ako bilang tugon. Bago nagpatiunang naglakad ay napansin ko pa ang pagsilay ng masayang ngiti sa kanyang mga labi. Lihim akong napailing dahil bigla ay naalala ko sa kanya ang kaibigan kong si Marcy, pareho kasi silang kulot ang buhok kaya medyo magaan ang loob ko sa kanya kahit pa no'ng una kaming nagkita. "Balita ko ay papasok ka na sa Monday," pagbubukas niya ng usapan nang makalabas na kami ng bahay. "Kanino mo nabalitaan?" kunot-noo kong tanong sa kanya. Wala pa naman kasi akong kinumpirma na araw na papasok ako sa school na pinag-enrol-an sa'kin ni Judge Franco. "Sa mga kasamahan ko sa trabaho, iyon iyong pinag-uusapan sa kusina kanina," inosente niyang sagot sa'kin. "Nasa parehong school kasi tayo," magaan ang boses niyang dugtong. Natigilan ako sa narinig at napahinto sa paglalakad bago pumihit paharap sa kanya. "Nag-aaral ka rin?" tanong ko. Sunud-sunod na tango ang naging sagot niya. "Isa ako sa maswerteng scholar ni Judge Franco," nakangiti niya pang pagbibigay-alam sa'kin. "Kapag nasa school na tayo ay ipapakilala kita roon sa iba." Kunot-noo kong pinagmasdan ang nakangiti niyang mukha. Sa tono pa lang nang pananalita niya ay halatang fan siya ni Judge Franco. Kulang na lang ay mag-twinkle-twinkle ang mga mata niya pagkabanggit sa pangalan nito. Pinigilan ko tuloy ang sariling mapaismid. Ano naman ngayon kung may mga pinaapaaral siya? Hindi ibig sabihin niyon ay mabuting tao na siya. Marami pa ring may galit sa kanya na dahilan kung bakit napahamak ang kapatid ko. "Balita ko ay kapatid ka raw ni Ma'am Riza," saad ni Irene kapagkuwan. Pansin ko na may pag-iingat sa tono niya habang nagsasalita. "Condolence pala," mahina niyang dugtong. Napatitig lang ako sa mukha niya. Napansin ko ang pamilyar na emosyon sa binigay niya sa'king tingin, katulad din iyon no'ng binigay sa'kin ni Manang Maria no'ng nakausap ko ito kahapon. "Kilala mo si Ate?" nag-alis ng bara sa lalamuna kong tanong. "Laging pumupunta si Ma'am Riza rito," mahina niyang sagot. "Mabait siya sa'min at maalaga kay Judge Franco." Lihim kong naikuyom ang isa kong kamao habang pinipigilan ang muling pag-alsa ng emosyon sa loob ko. Tumalikod na ako at itinuon ang pansin sa tanawing nasa harapan ko. Kahit gaano pa kaganda ang pagka-landscape ng paligid at maging ang pagkaposisyon ng malaking swimming pool sa bahaging ito ng property ni Judge Franco ay hindi pa rin nito kayang kalamayin ang loob ko. Parang ang hirap pa ring huminga kaya humakbang ako at tuluyang humakbang palapit sa infinity pool. Nilampasan ko ang mga upuan at loungers at tumuloy-tuloy hanggang sa nakatayo na ako sa mismong gilid ng swimming pool at nakikita ko ang sariling repleksiyon sa tubig dahil sa maliwanag na ilaw sa paligid. Palihim kong pinagmasdan ang sarili, wala namang pinagbago sa hitsura ko simula no'ng huli kong pananalamin. Malinaw pa rin iyong lungkot na nasa mga mata. Hindi kami magkamukha ni Ate Riza pero tuwing napapatingin ako sa sarili kong mukha ay naaalala ko siya. Huminga ako nang malalim at pinuno ang baga ko ng preskong hangin. Nakaramdam ako nang pag-iinit ng sulok ng mga mata ko kaya bahagya kong itingala ang mukha sa madilim na kalangitan. Walang buwan sa gabing ito pero maraming mga bituin. Kabaliktaran ng kaguluhan sa loob ko ang kapayapaang natatanaw ko sa kalangitan. "Alam mo bang pwede nating gamitin itong pool?" Nanatili akong nakatingala sw kalangitan kahit na no'ng marinig kong magsalita sa tabi ko si Irene. Hindi ako interesado sa sinsabi niya kaya hindi ako nagbigay ng tugon. Isa pa ay abala ako sa pagpapakalma ng kalooban ako. Ayokong mag-breakdown na naman katulad no'ng unang gabi ko rito na nakatulog ako sa kakaiyak at hindi ko na napansin kung sino ang bumuhat sa'kin pahiga sa kama. "Magpapaalam lang tayo kay Judge Franco at libre na tayong mag-swimming dito," pagpapatuloy ni Irene. Pansin ang saya sa boses niya na tila ba ay ilang beses na nilang ginawa ang bagay na iyon. "Tapos mag-barbecue tayo... parang outing! Isa-suggest ko kay Manang Maria iyon bilang welcome party sa'yo!" Hindi ko na pinaparinggan ang sunod niyang mga sinasabi. Itinuon ko ang buong atensiyon sa pagkalamay sa sarili ko. Sinimulan ko nang magbilang habang mabagal na humihinga nang malalim. "Pero pwede rin nating ipagpaliban muna habang pinagluluksa mo pa si Ma'am Riza," mahinang usal ni Irene na umabot pa rin sa pandinig ko. "Sorry... naging insensitive ako roon sa mga nauna kong sinabi at—" Hindi ko na hinintay pa ang karugtong nang sinasabi niya at walang babala akong tumalon sa swimming pool. Nakapikit ang mga mata at balot na balot at may suot pang tsinelas na mabilis akong lumubog sa malamig na tubig. Pinakiramdaman ko ang lamig ng tubig na mabilis yumakap sa buo kong katawan. Ilang sandali pa ay parang tila nawawalan na ako ng hangin pero hindi ko tinangkang iahon ang sarili upang makasagap ng hangin.Sa pagitan ng sakit na nararamdaman ko sa'king puso at sa kawalan ng hangin ng baga ko ay mas ramdam ko iyong una kaya parang ang sarap na lang magpalamon sa kadilimang tila humihila sa buo kong kamalayan. Dito sa ilalim ng tubig ay natagpuan ko ang kapayapaang kanina lang ay tila ba ang ilap sa'kin. Unti-unti na akong nawawalan ng kamalayan nang mula sa kung saan ay may mga kamay na humawak sa'kin. May pag-iingat man sa pagkakahawak nito sa'kin ay ramdam ang marahas nitong paghila sa buo kong bigat pataas. Ilang sandali pa at napaahon na ang mukha ko sa tubig at awtomatiko ang pagsagap ko ng hangin. Pakiramdam ko parang sasabog ang baga ko dahil sa sunud-sunod na pagpasok ng hangin dito. Tsaka lang tila tumino sa utak ko ang muntikan nanf mangyari kasunod nang pananakit ng lalamunan ko at paglabas ng ilang tubig sa ilong ko na ikaihit ko ng ubo. Panay ang ubo ko habang nakaalalay pa rin sa'kin ang pamilyar na mga kamay. Unti-unti ring luminaw ang pandinig ko at naririnig ko na ang tila pagkataranta ng ilang mga boses sa paligid. "Kailangan ba nating tumawag ng doktor?" "Kumuha kayo ng towel!" "Tubig! Magdala kayo ng tubig dito." "Diyos ko! Okay lang ba siya?" Pamilyar ang mga boses at ramdam ko ang pag-alala sa tono nila pero hindi ko na magawa pang bigyan sila ng atensiyon dahil panay ang ubo ko at paghahabol ng hangin. Kusa akong kumapit sa gilid ng swimming pool nang makapa ito ng isa kong kamay. Hindi ko na napansin kung kailan ako nadala rito ng taong humila sa'kin mula sa ilalim ng tubig. Sa madaling salita ay iniligtas ako nito sa katangahang ginawa ko. Kung kaninang nasa ilalim ako ng tubig ay hindi sumagi sa isip ko na kailangan ko nang tagapagligtas, ngayong nakakasagap na ulit ako ng hangin ay napagtanto ko ang kagagahang ginawa. Hindi sa takot akong mamatay pero ayaw ko pa palang sumunod agad kay Ate. May mga pangarap pa kaming dalawa na bigla ay gusto kong tuparin para sa kanya at sa sarili ko. Ang bobo ko sa part na tumalon ako sa pool gayong alam ko namang hindi ako marunong lumangoy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD