Hindi ko na ulit kami nagtagpo ni Judge Franco nang sumunod na mga araw, partida nasa iisang bahay lang kami. Hindi naman sa iniiwasan ko siya pagkatapos no'ng insedente sa swimming pool, pero pinagpasalamat ko na rin na hindi ko na ulit siya nakaharap.
Hindi ko pa alam kung paano ko siya pakikitunguhan. Hanggang ngayon di ko pa rin alam kung ano ang pumasok sa utak at nagawa ko iyon.
Nitong mga nakaraang araw ay unti-unti ko nang napalagayan ng loob ang ibang mga kasambahay. Hindi lang si Irene at Manang Maria ang kilala ko ngayon kundi ay sila nang lahat. Gano'n pa man ay nalagay pa rin ako ng boundary sa pakikipaglapit ko sa mga ito, wala naman kasi akong balak na magtagal sa pamamahay na ito.
Isa pa ay masyado silang loyal kay Judge Franco kaya tiyak na ikadidismaya nila ang anumang gagawin kong pagbibigay ng sakit sa ulo sa kanilang amo.
"Leah, ready ka na ba?"
Nabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ang tanong ni Irene kasabay niyon ay ang pagsulpot nito sa harapan ko.
Pareho na kaming nakaayos para sa pagpasok sa paaralan ngayong araw. Unang araw ko ngayon kaya hindi ko maiwasang kabahan lalo na at napag-alaman kong kilalang university ang papasukan ko at isa sa principal donors doon si Judge Franco.
Isa rin iyong pangmayang paaralan kaya expected na may makakasalamuha ako roong mga anak ng mga sikat na personalidad. Kapag gano'n ay hindi rin malabong may mga prima Donna at entitled na mga anak-mayamang naghahari-harian doon.
Mukhang ako yata ang unang mahirapan nito kaysa kay Judge Franco.
"Naghihintay na sa'tin si Kuya Pedring," dugtong pa ni Irene bago pa ako makapagbigay ng sagot sa nauna niyang tanong.
"Leah…"
Natigilan ako sa akma kong paghakbang nang marinig ang pamilyar na boses ni Judge Franco. Napakunot-noo ako nang mapansin ang biglang pagkabog ng puso ko pagkarinig sa buong boses ng judge.
Hindi ko tuloy mapigilang mairita dahil sa nararamdaman. Nagsalubong ang kilay ko pero hindi na tinangkang lingunin si Judge Franco kahit na naramdaman ko ang papalapit nitong mga yabag mula sa'king likuran.
Nang masamyo ko ang pabango nito ay wala sa sariling napahigpit ang kapit ko sa strap ng bag na nakasukbit sa balikat ko. Pamilyar sa'kin ang scent na gamit niya pero hindi ko maalala kung kailan ko ito unang naamoy gayong halatang mamahalin ito.
"Ako ang maghahatid sa'yo," pahayag ni Judge Franco nang tumayo ito sa tabi ko.
Marahas ko tuloy siyang nilingon habang nanatili ang pagkakasalubong ng mga kilay ko.
"Hindi na po kailangan," mahina pero nayayamot kong sagot. "Nariyan na si Kuya Pedring."
"Irene, mauna na kayo ni Mang Pedring," baling ni Judge Franco sa napatangang si Irene.
"S-sige po, Judge," napatuwid ang likod na tugon ng babae pagkarinig nang sinabi ng amo.
Ngumiti pa muna ito sa direksiyon ko bago tumalikod upang sundin ang utos ni Judge Franco.
Naiwan naman akong nayayamot habang nakatingin sa seryoso at walang ekspresyon na mukha ni Judge Franco.
Ngayon ko lang ulit siya nakita simula no'ng niligtas niya ako. Ilang araw lang naman iyon pero parang may nagbago sa mukha ni Judge Franco. Ang naalala ko ay thirty-five na ito pero ngayong natitigan ko ito sa malapitan ay mukha pala itong mas bata kaysa edad nito. Iyong nakakaintimida nitong awra ang tila nagpapa-mature dito.
Dati ko nang napapansin na gwapo ito, pero mas lalo yatang nadepina ngayon ang kagwapuhan nito. Nang biglang lumingon sa'kin si Judge Franco ay muntikan pa akong mapasinghap sa gulat, bago patay-malisyang nagbawi ng tingin.
Ramdam ko ang nanunuot niyang titig sa'kin pero nanatili akong walang imik at diretsong nakatingin sa ibang direksiyon.
"Let's go," yakag sa'kin ni Judge Franco pagkalipas nang ilang sandali.
Nang magpatiuna siyang humakbang ay tsaka ko lang napansing nahigit ko pala ang sariling hininga. Pinanood ko muna ang malapad niyang balikat bago nagpasayang sumunod sa kanya patungo sa naghihintay sa aming sasakyan.
Dalawang bodyguard ni Judge Franco ang kasama namin sa sasakyan at iyong isa ang magmamaneho. Katabi ko ang judge sa backseat. Hindi ko maipaliwanag kung saan nanggagaling ang pagkailang na nararamdaman ko ngayon.
Tuwid na tuwid ang likod habang nakaupo at pinakiramdaman ang tahimik kong katabi. Hindi naman masikip sa loob ng sasakyan pero pakiramdam ko konting galaw ko lang ay masasagi ko na siya. Kahit nga simpleng paghinga ko ay pakiramdam ko makakaisturbo na sa katahimikang bumabalot sa pagitan naming dalawa ni Judge Franco.
Mabuti na lang at buong atensiyon na nasa dinadaanan namin ang tingin ng dalawang body na nasa front seat. Ang awkward sana kung mapansin nila ang paninigas ko rito sa likuran.
Wala pa rin akong kagalaw-galaw sa kinauupuan hanggang sa binaybay na nang sinasakyan namin ang highway.
"Give me your phone..." maya-maya ay saad ni Judge Franco.
Kunot-noo akong napalingon sa direksiyon niya. Hindi ko kasi alam kung tama ba ang narinig ko.
"Ilalagay ko ang personal number ko," pagbibigay-sagot niya sa katanungang nakalarawan sa mukha ko.
Napahigpit ang kapit ko sa bag na nasa kandungan ko, wala akong maisip na dahilan kung bakit kakailanganin ko ang number niya.
"Ako ang magiging contact mk in case of any emergency," pagpapatuloy ni Judge Franco.
"Wala naman po sigurong mangyaring gano'n," pagmamatigas ko.
"Hindi na natin kailangang hintayin pa," matigas niyang giit, bahagyang tumalim ang tingin niya. "Kahit anong kailangan mo ay gusto kong ako ang una mong lalapitan. Iniwan ka sa'kin ng Ate mo, hindi ko bibiguin ang tiwalang binigay niya."
Wala sa sariling napakurap-kurap ako dahil sa bigat ng bawat salitang binitiwan niya. Maliwanag sa ekspresyon niya na seryoso siya sa responsibilidad na iniwan sa kanya ng kapatid ko.
Pero kasabay rin niyon ay ang pagkaalala ko sa nangyari sa kapatid ko at ang pagsiklab ng galit na namamahay sa puso ko.
Bahagyang tumalim ang tingin ko sa kanya pero wala akong nakuhang reaksiyon mula sa kanya. Walang katinag-tinag na nanatili sa'kin ang seryoso niyang titig.
Ilang sandali muna kaming nagtagisan ng tingin bago ako nagpakawala ng buntonghininga at kahit napilitan ay kinuha ang cellphone ko sa loob ng bag at inabot sa kanya.
Walang imik niya itong tinanggap. Ilang sandali pa at narinig kong tumunog ang sarili niyang cellphone. Mukhang tinawagan niya ang sarili niyang number gamit ang cellphone ko.
"Save my number," wika niya bago binalik sa'kin ang cellphone ko.
Hindi ko na sinulyapan ang number na tinawagan niya, diretso ko nang binulsa ang cellphone ko.
Sa pagkakaintindi ko no'ng una naming napag-usapan ang tungkol sa pag-aaral ko ay iyong assistant niyang George ang mag-aasikaso ng lahat ng mga kailangan ko. Wala naman sigurong rason para tawagan ko siya, at siya ang pinakahuli ng taong ilalagay ko na pwedeng tawagan bilang guardian ko.
"Sir, nandito na po tayo," pormal na anunsiyo ng isa sa dalawang bodyguard na kasama namin.
Tsaka ko lang napansing nakahinto na ang sinasakyan namin sa mismong tapat ng Administration building ng university. Kapansin-pansin na iyong sinasakyan lang namin ang tanging sasakyang hinayaang makaabot sa bahaging ito ng campus. May sariling parking area ang paaralan at pinagbabawal na ang mga sasakyan sa mismong campus grounds pero mukhang VIP itong si Judge Franco na exception sa rule na iyon.
Ilang sandali pa at pinagbuksan na ng isa sa mga bodyguard ng pintuan si Judge Franco at tsaka lang ako tila natauhan.
Mabilis ko siyang hinawakan sa braso nang akma siyang bababa ng sasakyan.
"Teka, saan ka pupunta?" tanong ko pa matapos ko siyang pigilan sa balak na gawin.
"Sasamahan kitang kunin ang schedule mo," balewala niyang sagot.
Na-orient na ako ni George kung saan ako unang pumunta pagkarating ko rito sa campus kaya alam ko na kung saan kukunin iyong study load ko. Sasamahan nga sana ako ni Irene kaso hindi kami ngayon magkasabay pero ang isiping si Judge Franco mismo ang sasama sa'kin ay hindi yata ako handa!
"Baka nakaabala na ako," kumurap-kurap kong usal. "Kaya ko nang kunin iyon nang mag-isa," dugtong ko pa gamit ang nangungumbinsing tono.
Kilala siya rito, kays siguradong maging sentro ako ng atensiyon kapag makitang magkasama kami. Ngayon pa nga lang na nandito kami sa loob ng sasakyan ay halos napapatingin sa direksiyon nitong sasakyan ang bawat napapadaan. Tiyak na interesado sila kung sino ang mga sakay rito.
"Binigyan na ako ni George ng instruction kung ano ang mga gagawin ko," pahabol ko pa. Sa pagkakaalam ko ay may magga-guide sa'kin kapag pinakita ko ang school ID ko.
"I'll go with you," walang katinag-tinag niyang sagot bago tumuloy sa pagbaba.
Naiwan tuloy akong napapikit saglit sa inis. Parang gusto kong manapak bigla! Ang haba-haba naman kasi no'ng sinabi ko, pero hindi niya na-gets na ayaw kong may ibang makakita sa'king kasama siya.
Padabog kong sinandal ang sarili sa upuan habang sinundan ng masamang tingin ang pag-ikot ni Judge Franco patungo sa pintuang nasa gilid ko.
Siya mismo ang nagbukas ng pinto para sa'kin. Bahagya pa siyang yumuko upang silipin ako sa loob. Nakasimangot kong sinalubong ang tingin niya habang hindi gumagalaw sa pagkakaupo.
"Ipagpaliban mo muna ang pagta-tantrums..." balewala niyang kausap sa'kin. "You'll going to be late," mahinahon niya pang dugtong.
Nanatiling masama ang tingin ko sa kanya nang padabog akong bumaba ng sasakyan at hindi pinansin ang nakalahad niyang kamay.