"I will take on the responsibility your sister left behind, " hindi kumukurap na pahayag ni Judge Santuri bago pa ako makabuo ng desisyon. "Whether you like it or not."
Isang mapaklang tawa ang pinakawalan ko. Napailing ako, hindi dahil sa tuwa, kundi dahil sa inis na parang sasabog mula sa dibdib ko. Sa bandang huli ay lilitaw at lilitaw pa rin talaga ang kaarogantihan niya, ang tono pa lang niya ay halatang inaasahan niyang susundin ng lahat.
"Sobrang galing 'no?" nang-uuyam kong usal, rinig ang panginginig ng boses ko, dahil sa tinitimping galit. "Para bang sa gagawin mo ay kaya nang linisin ang konsensya mo..." Kusa akong napatigil na tila may naalala. "Mali pala, wala ka naman palang konsensya. Hindi ang katulad mo ang makokonsensya." Binigyang-diin ko bawat kataga habang matapang na sinalubong ang malamig niyang mga mata.
Pero hindi man lang siya natinag. Ni katiting na pagbabago ng ekspresyon niya ay wala at talo niya pa ang taong-bato na walang nararamdaman .
"Nanagot na ang totoong may kasalanan sa nangyari sa kapatid mo," may kariinan niyang sagot, halos parang binabasa lang ang isang hatol na wala nang puwedeng bumago. "Kaya hindi pa kita pinapaalis ay dahil sa huling habilin ng Ate mo na hindi ko pwedeng balewalain. Dapat ay ipapasundo kita sa probinsya pero ikaw na mismo ang nagpunta rito kaya ngayon ay sanayin mo na ang sarili mo sa presensya ko."
"Paano kung ayaw ko?" nanghahamon kong tanong sa kanya.
Alam kong malinaw niyang nakikita ang pagrerebelde sa ekspresyon ko. Hindi ko tinatago ang inis, ang galit, at ang matinding pagkasuklam na para bang bawat paghinga ko ay pagtutol sa presensiya niya.
"There's nothing you could do," pahinamad niyang sagot. "You can throw tantrums, glare at me all you want, or even curse me every single day, but it won't change a thing. Your sister entrusted you to me, so from now on, you'll have to live in this house." Bawat katagang binibitiwan niya ay tila ba hatol na hindi ko matatakasan.
"So, sapilitan mo akong papatirahin dito sa bahay mo?" sarkastiko kong tanong. "Magiging preso ba ako?"
"Don't be so dramatic," balewala niyang tugon. "Wala ka namang ibang mapupuntahan kaya mas maiging dito ka na sa puder ko."
Lalong nagngitngit ang kalooban ko dahil totoo ang sinabi niya na wala akong ibang mapupuntahan. Naiinis ako dahil alam niya kung gaano nakakaawa ang sitwasyon ko ngayon. Hangga't maaari ay ayaw kong kaawaan ng kahit sino lalo na ng katulad niya!
"Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo," mababa ang boses niyang saad. "Just let me take care of you."
Nagrerebelde ang kaloobang sinimaan ko siya ng tingin. Siguro kahit na lumuwa ang mata ko ay wala akong makukuhang reaksiyon mula sa malamig niyang ekspresyon. Hindi ko tuloy alam kung paanong minahal ng kapatid ko ang katulad niyang malamig pa sa yelo.
"I promise to be your burden until the day you die, Judge Santuri," mahina pero mariin kong sabi.
Sa gulat ko ay isang tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi niya.
"I don't care if you hate me," pagpapatuloy niya habang hindi pa rin nawala ang naglalarong ngiti sa kanya mga labi. "I don't care if you'll make it your mission to ruin every step I take. None of that matters. What matters is that I gave your sister my word that I'll be responsible for you."
"Responsible?" Mapait akong pumalatak, habang naramdaman ang kirot ng salitang iyon. "Gano'n lang? Para bang isa lang akong obligasyon na iniwan sa lamesa? Isang kaso na kailangan mong tapusin?"
Siguro ay masyado na akong emosyonal kaya kung anu-ano na ang lumalabas sa bibig ko.
"Obligation, burden, responsibility, call it whatever you want," hindi kumukurap niyang sagot. "But the fact remains, I won't let you go. Not because I care, but because she asked me to. And a promise... is something I don't break."
Ilang sandali pa muna akong nakipagtagisan sa kanya ng tingin bago marahas na tumalikod at tuloy-tuloy na naglakad patungo sa pintuan.
"Dinner will be served at exactly eight. Don't wander too far, or you'll be late."
Pabagsak kong sinara ang pinto bilang sagot sa pahabol niyang bilin. Hindi pa ako nakontento at sinipa ko pa ito nang malakas. Nakalimutan kong nakapaa lang ako kaya napahiyaw ako sa sakit sa pagkakatama ng paa ko sa dahon ng pinto.
Ilang sandali pa muna akong napatalon-talon bago umuklo upang suriin ang nasaktan kong paa.
Mahina kong minura si Judge Santuri sa isipan ko habang hinahaplos ang nasaktan kong paa. Lahat ng kamalasan ko simula ngayon ay sa kanya ko isisisi!
Nang medyo um-okay na ang pakiramdam ng paa ko ay tsaka pa ako tumayo ulit. Hahakbang na sana ako nang tuluyang tumino sa'kin ang paligid ko.
Nakatayo ako ngayon sa gitna ng mahaba at malawak na pasilyo kung saan ay napapalamutian ang mataas na ceiling ng ilang maliliit na chandelier. Mistula akong nasa loob ng isang palasyo at sa kasamaang palad ay hindi ko alam kung saan patungo ang nakikita kong mga sanga nitong hallway na kinatatayuan ko.
Pakiramdam ko ay isang hakbang ko lang at mawawala na ako. Pero hindi rin naman ako pwedeng bumalik sa pinanggalingan kong silid dahil nandoon sa loob ang taong pinakaayaw kong makita.
At kung bumalik man ako roon ay hindi naman pwedeng magkukulong lang ako roon dahil takot akong lumabas at magkanda-ligaw-ligaw.
Isa pa, wala akong suot na pangyapak kahit tsinelas man lang. Hindi ko alam kung nasaan ang sapatos ko! Kahit pala iyong dala kong backpack ay hindi ko hindi ko alam kung nasaan.
Pero wala naman sigurong magkainteres sa mumurahin kong bag na iyon. Sa nakikita kong mga mamahaling palamuti na nandito pa lang sa hallway, ay baka napagkamalan pang basura iyong bag ko.
Kahit ako mismo, nakaramdam ako ng panliliit sa sarili habang nakatayo sa gitna ng karangyaang hindi ko nakasanayan. Parang may malaking tatak sa noo ko na nagsasabing hindi ako nababagay sa lugar na ito.
Tapos sabi ni Judge Santuri ay rito na ako titira simula ngayon! Hangad pa yata ng judge na iyon na pahirapan ang buhay ko, hindi naman kasi ako sanay lumanghap ng hanging nilalanghap din ng katulad niyang mayaman.
Nasa gano'n estado ako ng self-pity nang bumukas ang pintuan nang pinanggalingan kong silid. Mabilis kong inayos ang sariling ekspresyon, hindi ako pwedeng kakitaan ng kahit kaunting kahinaan ni Judge Santuri.
"You're still here..." puna niya.
"Sa tingin mo ay makakaalis ako nang nakapaa?" paangil kong tanong sa kanya.
Bahagya ko pang itinaas ang paa ko upang makita niya.
Bwesit naman kasi, sa reaksiyon niya ay parang hindi niya inaasahan na malalabasan niya ako. Iniisip niya sigurong kanina pa ako nagmartsa palabas nitong bahay niya. Iyon naman talaga ang gusto kong gawin, pero ayaw kong maligaw at magiging katawa-tawa pa kung sakali.
Napatigil ako sa pag-iisip nang wala siyang babalang umupo sa harapan ko. Bago pa ako makapag-react ay hinawakan na niya ang nakataas kong paa at pinasuot ang isang bedroom slippers.
Hindi ako nakahuma, kahit paghinga ko nga ay bigla kong nahigit habang pinapanood siyang gawin din iyon sa kabila kong paa. Para sa isang taong walang emosyon at malamig pa sa yelo ay sobrang gaan ng kamay niya.
Ewan ko lang kung guni-guni ko lang ba pero ramdam ko ang pag-iingat sa hawak niya.
Nagising ko mula sa saglit na pagkahipnotismo nang tumayo na siya. Tsaka ko lang din napansing sarili niyang tsinelas ang pinasuot sa'kin, iyong mabalahibo at sobrang lambot sa paa.
Masyado rin itong malaki sa paa ko kaya pakiramdam ko ay para akong bata na nagsuot ng tsinelas ng tatay niya. Saglit na nanatili ang tingin ko sa paa niyang nakasuot ng itim na medyas. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isipin sa ginawa niyang pagpasuot sa'kin ng sarili niyang tsinelas.
"Let's go... alas otso na, tiyak na handa na ang hapunan," maya-maya ay yaya niya sa'kin.
Napakibot-kibot ang nguso ko, may gusto akong sabihing pabalang pero hindi ko mabuo-buo. Ang sarap nga sanang magdabog at hubarin ang sinuot niya sa'kin pero sobrang sarap nito sa mga paa kaya hindi ko magawa.
Gusto ko rin sanang tanggihan ang hapunan pero grasya iyon, hindi pwede lalo na't kumakalam na rin ang sikmura ko.
Pahapon na ako no'ng dumating dito, pagod ako sa biyahe at kulang sa kain kaya nga napahaba ang tulog ko matapos mawalan ng malay at ngayon ay ginabi na ako.
Kung sakali palang hindi ako binilin ni Ate rito kay Judge Santuri ay tiyak na gabing-gabi na pero nasa kalsada pa ako. Kung sakaling nagmatigas ako at pinilit pa ring pairalin ang pride at emosyon ay ako lang din ang magiging kawawa.
Wala na akong pera, tapos hindi ko pa kabisado ang pasikot-sikot sa buong siyudad, walang duda na kapahamakan talaga ang kakahantungan ko.
"Leah?" untag sa'kin ni Judge Santuri.
Agad kong pinalis sa'king isipan ang ilang mga morbid na senaryong namuo roon.
"Hindi ko alam kung saan iyong kusina," masungit kong sabi kay Judge Santuri. "Mauna kayong maglakad at susunod ako," pairap kong dugtong.
Kunot-noo muna siyang napatitig sa'kin bago walang kibong tumalikod at nagpatiuna sa paglakad. Sinibat ko naman ng matalim na tingin ang likod niya bago ako humakbang pasunod.
Kung inaasahan niyang magpapasalamat ako dahil sa tsinelas niyang masarap sa paa ay nagkakamali siya. Never! Tingnan natin kung hanggang saan ang pasensya niya, gusto kong makita kung paano siya magalit kapag mapuno na sa ugali ko.