Gamit ang natitirang pera mula sa ipon ko ay bumiyahe ako nang ilang oras para matunton ang address ng fiance ni Ate. Habang nasa biyahe ay inihanda ko na ang sarili sa posibleng paghaharap namin ng walang pusong lalaki.
Ilang sandali pa at natagpuan ko ang sariling nakatanaw sa isang bahay na malapalasyo ang laki na nakatirik sa mismong address na hawak-hawak ko.
Ilang beses ko pang chineck kung tama ang napuntahan ko, kahit alam ko sa sarili kong hindi ako nagkakamali. Nakakagulat lang iyong laki ng bahay kaya hindi ko mapigilang magduda. Ang dinig ko ay galing sa mayamang angkan si Judge Franco Santuri, mukhang totoo nga talaga iyon. Na-curious tuloy ako bigla kung paano ito nagkakilala at ang ate ko. Isang simpleng empleyado lang ang ate ng isang hindi kalakihang kompanya sa siyudad.
Ilang buwan pa lang siya sa pinagtatrabahoan ay binalita na niya sa'kin na lumipat na siya sa kompanya ng boyfriend niya na hindi nagtagal ay naging fiance na niya. Mukha namang masaya si Ate kaya hindi na ako gaanong nagtanong ng ilang mga detalye.
Ngayon ay parang gusto kong magsisi kung bakit hindi ko iyon ginawa.
Pabuntonghiningang muli kong inilibot ang paningin sa paligid.
Wala man sa isang exclusive subdivision ang lugar ay halata namang mapera ang mga nakatira dito.
Naglalakihan ang mga bahay at malalaki rin ang bakanteng lote na naghihiwalay sa mga ito. Pero sa lahat ng mga iyon ay itong bahay ni Judge Santuri ang pinaka-agaw-pansin sa lahat. Tila isa itong palasyong mayabang na nakatunghay sa napapaligiran nito. Parang imposibleng mag-isa lang itong nakatira sa ganito kalaking bahay kasama ang mga katulong nito.
Hindi ko tuloy mapigilang itanong kung ilang beses na bang nakapunta rito si Ate. Ang alam ko lang ay hindi rito nakatira si Ate dahil tuwing nagv-video call kami ay nakikita kong nasa inuupahang condo pa rin naman siya nananatili, at ni minsan ay hindi ko pa nakitang kasama niya si Judge Santuri tuwing nagtatawagan kami.
Muling nagngitngit ang kalooban ko at naramdaman ko ang pag-iinit ng sulok ng mga mata ko. Naalala ko kung gaano kasaya si Ate tuwing kinukwento sa'kin si Judge Santuri kaya iniisip ko siguro kahit parang masyado itong busy upang maglaan ng oras na kilalanin ako bilang nag-iisang pamilya ni Ate ay may maganda pa rin itong ginagawa na nakapagpangiti sa kapatid ko.
Marami man akong napapansin ay sinarili ko na lang dahil ang importante ay totoo ang mga ngiti ni Ate Riza at ang dahilan niyon ay ang fiance nito na sa bandang huli ay napagtanto ko kung gaano kawalang kwenta.
Marahas kong kinurap-kurap ang mga mata upang tiyuin a g namumuong luha roon. Binaling ko ang atensiyon sa mataas na bakod na nakapalibot sa bahay na nasa harapan ko. Kung gusto kong makapasok ay kinakailangang sa mismong gate ako dumaan dahil imposibleng maaakyat ko iyong bakod. Hindi ko man nakikita ang loob mula rito sa labas ay sigurado akong may mga guard na nakabantay sa loob. Gano'n na gano'n talaga kapag mayayaman at idagdag pa ang trabaho ni Judge Santuri. Sa dami ng mga nasasagasaan nito ay siguradong kailangan nito ng mga bantay para sa sariling proteksiyon.
"Miss, may kailangan ka ba?"
Napatuwid ako sa pagkakatayo nang biglang may nagtanong. Kabado akong pumihit paharap sa pinanggalingan ng boses at isang lalaking nakatayo sa tabi nang nakahintong sasakyan ang nakaharap ko. Masyadong natuon ang atensiyon ko sa malaking bahay ni Judge Santuri kaya hindi ko napansin ang pagdating ng sasakyan at paghinto nito. At ngayon ay tinatanong na ako no'ng may-ari nito.
Pasimple kong sinuyod ng tingin ang lalaking nasa harapan. Unang tingin pa lang ay halata nang mayaman ito kahit mukhang magkakaedad lang naman kami. Mukha naman itong disenteng tingnan at masasabi ko na ring may hitsura ito... higit pa roon kung tutuusin dahil parang artista ang dating nito. Matangkad ito, makinis, maamo ang mukha, at maayos manamit.
Halata ring mamahalin ang sasakyan nito, maging ang ayos nito kahit gaano kasimple ay hindi pa rin maikaila ang katayaun nito sa buhay.
Wala sa sariling naikuyom ko ang mga kamao. Dahil sa lintik na Judge Santuri na iyon ay may prejudice na ako sa mga mayayaman. Sa paningin ko ay nagiging pare-pareho na silang mapagsamantala sa mga katulad kong mahihirap kaya hindi ko pa man kilala itong kaharap ko ay buo na agad ang paniniwala kong hindi ito naiiba.
Dahil mukha itong kaedad ko ay tiyak na eighteen pa lang ito. Sigurado ring isa ito sa mga spoiled brat na anak ng mga mayayaman na sunod sa luho at asa sa yaman ng mga magulang.
"Hello, Miss..." muli ay untag nito sa'kin. "Naririnig mo ba ako?"
Kahit mukha naman itong mabait ay hindi ibig sabihin mapagkatiwalaan ito.
"Okay ka lang ba?" muli nitong tanong sa'kin. "May kailangan ka ba riyan sa bahay? Baka matulungan kita."
Napakurap-kurap akong napatitig sa mukha nito dahil sa huli nitong sinabi. Napasulyap ulit ako sa malaking bahay ni Judge Santuri bago muling ibinalik ang tingin sa kaharap.
"Tito ko ang nakatira diyan—"
"Tito mo si Judge Santuri?" marahas kong putol sa pagsasalita niya.
Nakita ko siyang natigilan dahil sa inakto ko pero marahan din agad tumango pagkatapos.
Naramdaman ko ang panginginig ng mga kamay ko kasabay nang matinding galit sa puso ko para sa tito niya.
"May kailangan ka ba sa Tito ko?" tanong ulit ng kaharap ko.
Mariin kong kinuyom ang mga kamay upang pigilan ang panginginig ng mga ito dahil sa galit. Pilit ko ring hinahamig ang sarili upang kumalma ang nararamdaman ko.
No'ng papunta pa lang ako rito kanina ay naglalaro na sa isip ko ang iba't ibang paraan kung paano ko gagantihan si Jusge Santuri, ngayong nandito na ako ay hindi pa rin nagbabago ang hangarin ko pero hindi ko na nga lang alam kung paano iyon gawin.
Gusto kong manliit sa sarili dahil sa laki ng bahay nito ay tuluyan kong napagtanto kung gaano ito kayaman at kaimpluwensya. Hindi ko na nga masabi kung makakalapit ba ako rito gayong malabong maalala nito ang existence ko gayong sarili ko gayong sarili ko ngang kapatid na girlfriend niya ay hindi naman gano'n kaimportante para sa kanya.
"Miss?" untag ulit sa'kin ng kaharap.
Bago pa ako makasagot ay malakas na busina ng paparating na sasakyan ang kumuha sa atensiyon naming dalawa.
Sabay na napabaling ang tingin namin dito. Panibagong mamahaling sasakyan ang nakita kong paparating at ilang sandali pa at huminto sa mismong tabi nang sasakyan no'ng nagpakilalang pamangkin ni Judge Santuri.
Mula sa bagong dating na sasakyan ay lumabas ang driver na posturang-postura sa suot na three-piece coat and tie. Hindi kami nito binigyang pansin at tuloy-tuloy itong umikot sa tapat ng passenger seat at pinagbuksan ang sinumang nandoon.
Parang slow-motion ang nangyaring pagbaba no'ng taong lulan ng sasakyan. Una kong nakita ay ang makintab nitong sapatos bago tuluyang lumantad ang mahahaba nitong mha binti na natatakpan ng suot na mamahaling trousers.
Mula sa mga paa nito ay umakyat ang tingin ko pataas hanggang sa tuluyang lumantad sa'kin ang aroganteng mukha ni Judge Santuri.
Para akong tinulos sa kinatatayuan kasabay ng magkasabay na pag-iinit at panlalamig ng mga kamay ko.
Bigla ay parang nakalimutan ko kung ano ang pinunta ko rito at ang tanging malinaw sa'kin ay ang hitsura ni Judge Santuri sa personal. Sa mga pinadalang larawan lang ni Ate ko ito nakikita at wala sa hinagap ko na ibang-iba ang dating nito sa personal.
Hindi man nalalayo ang hitsura nito sa mga larawan ay may certain aura ito na tila kayang i-command ang mga nasa paligid.
Katulad no'ng sa mga larawan ay hindi rin ito nakangiti ngayon, nagmukha na itong istrikto sa mga kuha nito, pero mas malala pa ngayong ilang hakbang na lang ang layo nito sa'kin. Gano'n pa man ay hindi maikakaila ang taglay nitong kagwapuhan. Hindi man ako nagwapuhan sa pamangkin niyang mala-matinee idol ang dating pero sa kanya na mukhang masungit at mas may edad ay sumagi pa sa utak ko ang salitang gwapo.
Dapat ay galit ang una kong naramdaman pagkakita sa lalaking ito, pero kakatwang kailangan ko pang ipaalala sa sarili ko ang tungkol doon upang magising ako sa pansamantala kong pagkatunganga sa mukha niya.
"Tito Franco!" masayang bati rito no'ng lalaking nagpakilalang pamangkin nito.
Lihim kong pinagpasalamat ang ginawa nito dahil parang gumising sa tila pagakahipnotismo ko ang boses nito.
"Harry, what brought you here?" pormal na tanong ni Judge Santuri sa pamangkin.
Lihim kong nahigit ang sariling hininga dahil parang nanunuot ang malamig nitong boses.
Dapat ay negatibo ang dating niyon sa'kin dahil kahit sa sariling pamangkin ay malamig ang pakikipag-usap nito, pero ang ending ay naguguluhan ako.
Kailangan ko pang ipaalala sa sarili ko kung anong klaseng lalaki ang nagpagulo sa mga nararamdaman ko ngayon. Siguro ay napagod lang ako sa biyahe kaya parang wala ako ngayon sa sarili.
Dapat hindi ko makakalimutan kung gaano kawalang puso ang isang Judge Franco Santuri, at isa na sa katibayan niyon ang kawalan niya ng emosyon kahit sa pakikipag-usap sa sariling kadugo.
"May pinapahatid si Daddy," sagot ni Harry sa tiyuhin. Pansin kong tila hindi naman ito apektado sa pakikitungo ng kaharap, o baka sanay na ito sa ugali ng sariling tiyuhin.
"Bakit hindi ka pumasok?" nakakiling ang ulong tanong ni Judge Santuri dito.
"Kinausap ko pa kasi siya..."
Habang nagsasalita si Harry ay iminuwestra ng isa nitong kamay ang direksiyon ko. Parang may sariling isip naman ang mga paa kong humakbang palapit kay Judge Santuri.
Habang papalapit ay binalikan ko sa'king isip ang walang buhay na katawan ng kapatid ko upang gatungan ang nararamdaman kong galit para sa taong dahilan niyon.