KULOT POV
Dala dala ang paboritong egg pie ng bunso naming si Clifford ay pumunta na kami sa kanyang puntod sa ilalim ng puno ng kalachuchi sa sementeryo. Dito na kami magpapalipas ng maghapon.
Malayo ngang mas payapa ang katahimikan dito kesa sa mga huling linggo nila ni Cindy na puro away dahil sa selos nito sa mga lalaking umaaligid sa kanyang girlfriend. Kinakantyawan lang namin sya noon ni Kuya Prime dahil sa tindi ng kanyang pagseselos na kung alam lang namin na hahantong sa ganito ay sana namagitan na kami sa kanilang halos araw araw na bangayan. Masyado kaming naging kompyansa na matatag ang loob nito at hindi nya magagawang magpakamatay. Matapos kong punasan ang picture frame nya kung saan nakalagay ang litrato nitong walang bahid ng ano mang negatibong emosyon; malawak ang ngiti nitong pinapakita ang kanyang pantay pantay na mapuputing mga ngipin ay binuksan ko na rin ang isang bote ng alak. Sya ang pinaka may itsura sa amin, marahil dahil sya ang bunso at hindi na namin malalaman kung ano nga ba ang itsura nya ngayon kung nabubuhay pa sana sya.
Nagsindi na din ako ng kandila at kahit mahangin ay hindi nagagalaw ang apoy nitong nagsimulang paluhain ang puting pagkit na kasabay ng aming pag usal ng taimtim na panalangin. May isang babasaging garapon sa tabi ng kanyang puntod kung saan kami naglalagay ng mga puting bato sa bawat babaeng nabibigyan namin sakit.
"Pang two hundred eighteen na ito kuya", wika ko kay Kuya Prime nang mailagay ko na ito sa loob.
"Wag mo nang bilangin Hilston dahil hindi tayo titigil hanggang hindi ko nakikitang unti unting nahihirapan si Cindy", sagot sa akin ni Kuya Prime. "Hanggat buhay ang babaeng yun na syang may kasalanan bakit ito nagawa ni bunso ay ibang mga babaeng tulad nyang malandi ang sasalo ng ating galit at paghihiganti".
Sumang ayon na lamang ako dahil pareho naman kaming sobra sobrang poot ang nararamdan, hindi na kailanman maibabalik ang buhay ni Clifford. Ang dating matatag naming samahang magkakapatid ay hindi na maibabalik nang dahil lang sa p u t a n g i n a n g si Cindy. Kahit ilang tirik namin ng kandila at pagluhod sa simbahan, kahit ilang dasal ay hindi na sya maibabalik pa, pero ang paghihiganti ay walang hanggan kaya iyon ang ginagawa namin sa ngayon.
"Marami sa kanila ang kompirmadong namatay dahil sa sakit kuya", saad ko sa kanya habang busy ito sa pagtusok ng mga dala naming bulaklak sa basang floral foam. "Effective yung hepa kuya, wala bang mas madali maka patay yung mas malalang sakit? kase yung iba nagagamot nila eh".
Bumuntong hininga si kuya at saglit na tumigil sa pag ayos ng kanyang flower arrangement.
"Gusto mo ba makakita ng dugo ? kaya kong gawin yun Hilston pero ikaw ang iniisip ko. Kaya kong sumaksak pero pano kung nakulong ako? kakayanin mo ba dito sa labas? wala si Clifford pero ang daming nagbago sa atin. Parang isinama nya sa hukay ang lahat ng kasiyahan natin, at ayokong maiwan ka mag isa dahil baka sundan ko sya pag nalungkot ako sa loob ng bilangguan.
Totoo ang sinasabi ni kuya, wala na kaming bonding. Dati dati tuwing Sabado nasa ilog kami para maligo at paliguan ang sasakyan at motor namin, tuwing hapon ay basketball naman ang libangan naming tatlo, lahat ng yun nawala dahil sa kalandian ni Cindy.
"May balita ako na darating daw si Cindy sa susunod na buwan kuya", Pagbibigay alam ko nga pala na muntik ko nang makalimutan. Palihim kaming nakikipag ugnayan sa mga kaibigan nyang naiintindihan ang aming galit sa kanya at naiintindihan din ang binabalak naming paghihiganti. "Anong plano mo?".
"Hindi nararapat sa kanya ang biglaang pagkamatay", Ramdam ko ang nag aapoy na emosyon sa boses ng kuya ko. "Kailangan nyang mabaldado hanggang sa sya na mismo ang humiling na bawiin na ang buhay nya".
"Naghiwalay na daw sila nung foreigner na pinagpalit nya kay Clifford kaya dito na ulit sya titira sa Pinas", pagpapatuloy ko.
"Hindi na ako makapag hintay sa......." Napatigil si Kuya sa kanyang sasabihin nang bumagsak sa kanyang muka ang isang mahalimuyak na bulaklak ng calachuchi.
Napasapo sya sa kanyang muka at hindi na nagpigil na umiyak.
"Patawarin mo ang Kuya Prime mo Clifford", hikbi nito. "Patawarin mo kami ng kuya Hilston mo".
Habang tumatagal na kinakausap namin ang kanyang larawan sa kanyang puntod ay mas nakukumbinsi namin ang aming sarili na naririnig nya kami.
Naalala ko nung mga unang gabi matapos mailibing si Clifford.
Sinundan ko si Kuya Prime sa bukid sa ilalim ng mangga. Sya ang pinaka tahimik sa aming tatlo, madalas ay tumatawa lamang sya at nawawala ang seryoso nitong ekspreyon sa muka pag magkakasama kaming tatlo. Nasanay ako sa katahimikan nya, pero ang katahimikan nya ngayon ay mas pinangingibabawan ng labis na kalungkutan at luksa na bumabalot sa amin at tila ba naging parte na ito ng hangin sa disyertong kadimiman ng gabi. Habang dumaraan ang oras sa pinakamanipis na nitong takbo ay naroon kami at pinag iiwanan ng ala ala ng aming kapatid. Pansamantala ay nakaramdam ako ng kapayapaan at alam kong kami na lang dalawa ang naiwan mula noon. Kami na lang habang buhay.
Dumukot ako sa bulsa ko at naghahanap ng alin mang bagay na pipigil sa mga kamay ko para gisingin sa reyalidad si kuya para tanggapin na wala na ang aming bunsong kapatid.
"Hindi na nga pala ako naninigarilyo", bulong ko sa sarili ko.
Tumingala ako. Bilog na buwan sa buwan ng Septyembre. Marahil ay naroon si Clifford sa mga bituin at nakatingin sa amin. Ngunit napakalayo nya para muling mahagkan. Wala ring halaga.
Patay na si Clifford. Parang kailan lang nag iinuman kami sa lamesa sa harapan ng tindahan ni Aling Bing. Parang kailan lang magkaka akbay kaming tatlo habang lasing na naglalakad sa ilalim ng mga bituin. Parang noong isang hapon lang narito kami sa ilalim nitong mismong puno ng mangga at pinapanood ang mabagal na agos ng tubig sa ilog tungo sa dulo nito kung saan papalubog na ang araw. Kung makakapag salita lang sana ang punong ito ay malamang masasabi nya ring napaka lungkot nya para sa amin at nagtataka bakit narito kaming dalawa at umiiyak sa kalagitnaan ng gabi.
Sumandal ako doon at unti-unting napa upo at tahimik na umiiyak. Katahimikan. Tanging huni ng mga insekto at malamig na haplos ng hangin lamang ang nasa paligid na kahit ang mga anino namin ni Kuya ay wala para subukan kaming patahanin.
Hanggang sa narinig ko ang tinig ni Clifford.
"Hislton".
Gusto kong marinig muli ang tinig nyang iyon kahit sa isa pang huling pagkakataon, handa akong mapaglaruan ng aking ilusyon basta makita ko lang ulit ang ngiti ng aking kapatid.
Sinubukan kong ngumiti. At nang magawa ko iyon ay tumawa ako ng maiki. Isang malakas na tawa, hanggang sa mapaos ako at muling umiyak. Nababaliw na ako. Naghihintay ng ano man sa dilim na mag anyong si Clifford upang mayakap namin sya, pero wala, naging madamot maski ang aking imahinasyon.
Iyon na ang pinaka mahabang gabi ng buhay namin ni Kuya Prime.
Pagkatapos na pagkatapos ng libing ay nagpasya kami ni Kuya Prime na lisanin ang maliit na bayan kung saan kami lumaki at napag pasyahang makipag sapalaran sa Maynila..
Nagising kami ng maaga. Nagpahangin sa ilog. Ang hirap gawin ng kaming dalawa lang ang mga bagay na dati ay ginagawa naming tatlong magkakapatid. Pagka ubos namin ng tig isang bote ng alak ay naglakad na kami paalis ni kuya. Hindi na kami lumingon, kasama namin sa byahe ang mga bituin at ang buwan sa kalangitan at ang ala ala ni Clifford na hindi na namin madadagdagan.