Prologue
ANG HUNI ng mga kuliglig sa kalaliman ng gabi ay siyang bumabasag sa nakabibinging katahimikan ng paligid. Subalit higit na nakapupukaw sa mga maiilap na hayop ang tunog ng mga tuyong dahon na natatapakan at mga halaman na nagsisigalawan dahil sa paparating na nilalang. Hindi naglaon, isang batang babae na nakasuot ng bulaklaking asul na bestida ang tumatakbo mula sa madilim na bahagi ng masukal na kagubatan. Tanging ang liwanag ng bilog na buwan ang kaniyang ilaw sa tinatahak na daan. Duguan ito at umiiyak. Mababakas ang takot sa mga mata niyang may luha. Nagtago siya sa likod ng isang malaking puno kung saan may mayayabong na halaman. Tinakpan niya nang mahigpit ang kaniyang bibig habang nanginginig sa takot.
Hindi ko maunawaan, ngunit dama ko ang bilis nang t***k ng kaniyang puso.
Nang makita niya ang paglagpas ng mga anino sa kaniyang pinagtataguan ay muli siyang humagulhol ng iyak.
“Nanay… Tatay…” tinuran ng bata sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.
Umalingawngaw na lamang ang kaniyang mga sigaw nang may isang nilalang na humila sa kaniyang mga paa. Kumapit siya sa mga ugat ng puno, ngunit sadyang malakas ito. Muling namayani ang katahimikan sa lugar, kasabay nang pagkawala ng bata sa dilim.
Dama ko ang mahigpit na pagkakahawak sa kaniyang mga paa, hindi ko alam kung bakit.
Mula sa pagkakatulog ay napabalikwas ako ng bangon. Nandoon pa rin ang mabilis na t***k ng aking puso na sumasabay sa lagatik ng orasan at naiwan pa rin sa aking balat ang mahigpit na mga hawak sa kaniyang mga paa. Napabuntong-hininga na lamang ako nang matutop ko ang aking sarili sa kaparehong eksenang palagi kong kinagigisnan.
Iyon ang palaging laman ng aking mga panaginip. Paulit-ulit na para bang may ibig na ipahiwatig. Sa tuwing nakikita ko ang batang babae na iyon, ganoon na lamang ang kabang aking nararamdaman. Sa wari ko ay nasa pito o walong taong gulang siya. At dahil hindi ko rin makita ng malinaw ang kaniyang mukha ay hindi ko masabi kung sino siya—kung kilala ko ba siya o nakita ko na minsan sa tunay na buhay. Ang alam ko lang, kung sino man siya ay nararamdaman kong may puwang siya sa aking puso.
Tumayo ako at binuksan ang ilaw sa loob ng aking kuwarto. Alas tres pa lamang ng madaling araw, nasa kasarapan pa ng tulog ang lahat samantalang ako’y ginising na naman ng ganitong oras. Nagpasya akong bumaba sa kusina upang uminom ng tubig dahil sa panunuyo ng aking lalamunan, ngunit hindi katulad ng mga nagdaang gabi, tila ba may kakaiba. Sa bawat hakbang ng aking mga paa sa hagdananan ay para bang may nakasunod—parang may nagmamasid. Hanggang sa mapapitlag ako sa gulat nang makarinig ako ng mga kalabog mula sa sala.
“Kuya? Kuya, ikaw ba `yan?” pagtawag ko, ngunit walang sumagot sa akin.
Napakibit-balikat na lamang ako at dumiretso sa kusina. Madalas namang nagpupuyat si kuya sa paggawa ng lesson plan at iba pang kailangan niyang gawin para sa kaniyang pagtuturo sa pamantasan. Marahil ay mas pinili niyang magtrabaho sa sala kaysa sa kaniyang kuwarto dahil kanina’y maingay sa kuwarto ko. Hate na hate niya pa naman ang mga love songs dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin siya makapag-move on sa dati niyang karelasyon.
Habang nagsasalin ako ng tubig sa baso ay bigla na namang bumilis ang kaba sa dibdib ko. Parang may nagmamasid. Parang hindi ako nag-iisa. Ganoon din habang iniinom ko iyon.
“Kuya, ikaw ba `yan? H’wag mo naman akong takutin.”
Naghintay ako kung may sasagot o tatawa, ngunit hindi nangyari. Inaasahan kong niloloko na naman ako ni kuya para makaganti pero wala siya.
Muli akong napabuntong-hininga. “Matulog ka na nga ulit, Mirasol. Tinatakot mo lang ang sarili mo.”
Ihahakbang ko na sana ang aking mga paa patungo sa lababo nang mula sa sulok ng aking mga mata ay nakita ko ang isang aninong tumakbo sa aking likuran. Naramdaman ko pa ang mahinang hangin na dumampi sa aking balat at tila nanuot hanggang sa kaibuturan ng aking mga buto. Nagtayuan ang aking mga balahibo. Nabitiwan ko ang basong aking hawak at umalingawngaw sa paligid ang pagkabasag nito sa sahig.
“Kuya?” nanginginig kong tinuran. “Kuya, tama na. H’wag ka namang ganyan!” Lalo pang bumilis ang t***k ng aking puso. Nakiramdam ako sa paligid at tila ba hindi lamang isa ang nakatingin sa akin.
“Mira!” narinig kong sigaw ng isang batang babae kasunod ng tila kung anong nilalang na nasa aking likuran hanggang sa may umihip na malamig sa aking batok.
Tumakbo ako palabas ng kusina habang nagsisisigaw sa takot. Pansin kong mas malakas ang ingay ng mga yabag na sumusunod sa akin sa hagdanan. Paulit-ulit kong tinatawag si Kuya Symon, ngunit hindi siya dumating para saklolohan ako. Dumiretso ako sa kaniyang kuwarto at walang tigil na kinalampag ang pintuan niya, pero hindi niya ako pinagbuksan. Wala na akong magawa kung hindi ang lakasan ang aking loob at pumasok sa kuwarto ko. Maghanda at ipagtanggol ang aking sarili.
Madali akong pumasok sa aking kuwarto at ini-lock iyon. Nagtalukbong ako ng kumot. Hindi ko na napigilan ang aking sarili sa pag-iyak sa takot. Nakiramdam ako sa paligid. Umaasang sa wakas ay maririnig ko ang boses ni kuya na kumakatok sa aking pinto upang gisingin ako kung ito man ay isang masamang panaginip.
Kapagdaka’y natahimik ang buong paligid at tanging ang lagatik na lamang ng kamay ng orasan at ang mabilis na t***k ng puso ko ang aking naririnig. Dahan-dahan kong hinatak ang kumot pababa sa aking mukha. Iginala ko ang aking paningin sa buong paligid—wala na ang mga anino at wala na rin ang mga yabag na papalapit.
Napahugot ako ng malalim na hininga kasabay ng pagyapos sa aking dibdib upang pakalmahin ang aking sarili. Subalit nang pumihit ako pakanan ay tumambad sa akin ang mukha ng batang babae na tumabi pala sa akin sa kama. Ganoon pa man ay hindi ko lubusang makita ng malinaw ang mukha niya dahil natatakpan ito ng kaniyang buhok at duguan siya. Mabilis niya akong sinunggaban ng sakal.
Nagsisigaw ako sa takot at pilit na nanlalaban, ngunit katakatakang ang isang batang katulad niya ay ganoon na lamang ang lakas upang hindi ako makatayo o maitulak man lang siya palayo. Unti-unting lumapit ang kaniyang mukha sa akin na halos bumigay na ang puso ko. Sa lalo pang paglapit ng kaniyang mukha ay lalo pang napalakas ang aking mga sigaw na tila walang nakaririnig.
“Manatili kang gising. Nandiyan na sila.”
***