NAIIPIT AKO sa gitna ng dalawang taong napakahalaga sa akin. Hindi dahil sa mistula silang dalawang batong nag-uumpugan, sa katunayan, mahal nila ang isa’t isa. Naiipit ako dahil kapwa sila dumadaan sa masalimuot na yugto ng kanilang mga buhay. Kapwa nila kailangang labanan ang mga nilalang na hindi kami nakatitiyak kung paano labanan o kung sila ba ay makakaya naming burahin sa aming mga landas dahil sa totoo lang, sila lang naman ang nagbibigay ng pasakit at kawalan sa amin.
Nagi-guilty ako dahil hindi man lamang nayakap ni Koreen ang kaniyang ina bago ito nawala. Kinailangan ko siyang pigilan dahil hindi ko pa natitiyak kung handa na ba si Mirasol na malaman ang buong katotohanan. Oo, naroroon kaming dalawa ng araw na iyon. Lihim kaming nakasunod sa grupo ni Mirasol—nagbabantay at nagmamanman sa posibleng panganib sa paligid. Nagkulang lamang kami at iyon ang malaking tinik sa puso ni Koreen hanggang sa kasalukuyan. Nalingat lamang kami sandali hanggang sa magulantang kami nang umalingawngaw ang mga sigaw ng kanilang ina. Inutusan niya ang kaniyang alagang aso na kunin ang pansin nina Mirasol at nakatutuwang sumunod ang kaniyang alaga, marahil ito man ay nagdalamhati sa sinapit ng kaniyang amo dahil pagkalipas lamang ng ilang araw nang umuwi kami at lisanin ang lugar na iyon ay nakatanggap si Koreen ng tawag mula sa kaibigang si Emma na wala na rin ito. Nakapagnakaw man siya ng kaunting sandali para masilip ang labi ng kaniyang ina ay nauunawaan kong kulang na kulang ang pagkakataong iyon para magpaalam sa taong pinagkakautangan niya ng kaniyang buhay at pagkatao.
Hindi ko siya maiwan, lalo pa’t kailangan ko rin sanang gugulin ang aking oras para samahan si Mirasol. Subalit, sinamahan ko pa rin siya sa kaniyang tinutuluyan hanggang sa maging okay siya dahil alam kong may mga kaibigan ang aking kapatid na hindi siya iiwan. Ngunit halos madurog ang puso ko nang sila mismo ang tumawag sa akin at sinabing walang sinuman sa kanila ang kinakausap ni Mirasol.
Ilang araw itong nagkulong at umiyak lang nang umiyak sa kaniyang kuwarto. Malaki naman ang pasasalamat ko na malaki ang pagkakaiba nila ni Koreen dahil ito ay nagsumikap na makayanan ang sakit na kaniyang nararamdamn at sa halip na panghinaan ay tila nag-ibayo pa ang kaniyang tapang para labanan ang panganib na nakaabang sa paligid.
“Saan ka nanggaling?”
Nagulat si Koreen nang bigla akong magsalita ng dumating siya buhat sa kung saan sa kuwartong kaniyang inuupahan. Alam kong hindi niya inaasahan na dadatnan niya ako roon, maging ako naman ay hindi umaasang hindi ko siya madadatnan doon sapagkat akala ko ay kailangan niya pa ng panahon para matanggap ang pagkawala ng kaniyang mahal na ina.
“May pinuntahan lang ako,” sagot niya. “Ano’ng ginagawa mo rito? Sino’ng kasama ng kapatid ko?”
“Kukumustahin sana kita. Nagdala na rin ako ng makakain mo,” tugon ko. “Hindi naman talaga ako magtatagal. Hindi pa rin namin makausap si Mirasol, pero h’wag kang mag-alala dahil nasisiguro ko namang ligtas siya.”
“Hindi mo siya dapat iniwan, baka magtangka na naman siyang magpakamatay!” naibulalas niya. “Siya na lang ang mayro’n ako, Symon!”
“Nasisiguro kong hindi niya gagawin `yan,” mariin kong tinuran. “Galit na galit siya. Sa kabila ng lahat, naturuan siya ng mga nangyari na maging matapang para lumaban. Kailangan niya lang ng panahon para matanggap ang nangyari dahil hindi siya kasing tibay mo.”
Bumuntong-hininga siya. Tahimik siyang naupo sa pang-isahang silya habang hinuhubad ang kaniyang itim na jacket. “Ang totoo niyan, hinatid ko si Lizbeth sa bahay nila.” Makahulugan siyang tumingin sa akin.
“Nagpakita ka sa kaniya sa ganyang ayos? Bakit?” Bigla akong nag-alala. Hindi siya basta-basta magpapakilala kung walang nangyari at kung walang malalim na dahilan.
“Katulad natin, kailangan niya ring matutuhang ipagtanggol ang sarili niya sa anumang posibleng panganib na sumalubong sa kaniya,” paliwanag niya. “Nagkasundo na kami. Sasanayin ko rin ang kaibigan ninyo.”
Sumang-ayon ako sa kaniyang naging pasya. Hindi naman sa gusto namin siyang madamay, iyon nga ang iniiwasan namin kaya kailangan niyang matuto na kahit babae siya ay mapuprotektahan niya ang kaniyang sarili katulad ni Koreen na siyang labis kong hinahangaan.
Ano’ng nangyari sa `yo? Bakit may mga pasa ka?
Nang maulinigan ko ang boses ni Mirasol na nag-aalala para kay Lizbeth at mapansin kong hindi ito makasagot ay kaagad akong nagdahilan. Mabuti na lamang at naging kapani-paniwala nang naisip kong excuse na kaagad namang sinakyan ni Liz.
Natamo ni Liz ang mga pasang iyon nang simulan siyang sanayin ni Koreen na lumaban. Nahihirapan man ay nagpursige at tiniis niya ang pagod para na rin sa kaniyang mga mahal sa buhay at sa kaniyang sarili. Mababasa sa kaniyang mga mata ang kagustuhang matuto, sinabi niya mang natatakot siya sa mga nilalang na iyon, hindi siya nagpakita ng kahit na anong kahinaan. Gusto niya umaong mag-ipon ng lakas para sa mga sandaling nanghihina si Mirasol ay matulungan niya itong bumangon.
Kasalukuyan akong nasa garden, nagpapalipas ng oras at nag-iisip-isip. Pinagmumuni-munihan ang pinapangarap kong bukas. Naulinigan kong may nagbukas ng gate, ngunit payapa naman ang loob ko dahil alam kong nandoon si Nanay Goring at abala sa paglilinis. Mayamaya lang ay mayroong boses na kumuha ng aking pansin. Nang lingunin ko siya ay nakita ko si Lizbeth na may dalang bag na sa wari ko ay mga damit ang laman. Nagtaka ako kung ano ang nangyari.
“Oh, Liz?” naibulalas ko. “Naglayas ka ba?” Napakunot ang aking noo dahil sa pagtataka, napawi na lang iyon nang makita kong gumuhit ang kaniyang mga ngiti.
“Si kuya naman,” nangingiti niyang tinuran. “Ako, lalayasan si mama? Hindi ko yata magagawa `yan.” Lumapit siya sa kinauupuan ko. “P’wede po bang dito muna ako tumuloy? Umalis po kasi si mama, isinama siya ng boss niya sa abroad. Biglaan nga po, e. Aabutin yata sila ro’n ng ilang linggo kaya sabi niya dumito na lang ako para hindi siya masyadong mag-alala sa `kin. Gusto niya nga akong isama kaya lang hindi ko naman maiiwan ang trabaho ko ng gano’n katagal.”
“Oo naman!” kaagad kong sagot sa kaniya. “Mas maganda nga `yan, do’n ka na sa kuwarto ni Mirasol. Sigurado akong matutuwa `yon.”
“Salamat, kuya.” Muli siyang napangiti.
Masayang tumuloy si Lizbeth sa bahay. Naulinigan ko pa mula sa garden ang boses ni Mirasol na tuwang-tuwang malaman na sa amin muna tutuloy ang best friend niya. Mas maigi na rin siguro ang ganito. Mas maraming tao sa bahay, mas mahihirapan ang mga nakaabang na sumalakay.
***
ISANG GABI, nagising akong kumakalam ang aking tiyan. Hindi ko na lang sana ito papansinin, iyon nga lang hindi na ako makabalik sa pagtulog dahil doon. Halos kalahating oras din ako sa kusina, nagkwentuhan pa kami sandali ni Alvin na nagising nang bumaba ako. Nakaalerto pala siya kaya nang maramdamang may naglalakad ay kaagad siyang bumangon. Buong akala niya ay may nakapasok na sa bahay, lalo na umano iyong nakita nila sa villa na ilang gabi raw siyang hindi pinatulog nang maayos dahil sa takot.
Pabalik na ako sa aking kuwarto nang makita kong palabas ng kaniyang kuwarto si Mirasol. Dinaanan niya lang ako na para bang hindi ako nakita. Kahit naman bagong gising siya ay hindi siya ganoon.
“Mira, saan ka pupunta?” tanong ko na tila hindi niya rin narinig. Dire-diretso lang siya pababa ng hagdananan.
Sumilip ako sa loob ng kuwarto niya, tulog na tulog si Liz at hindi napansin na bumangon si Mirasol. Gustuhin ko man siyang gisingin ay nag-alinlangan ako. Pagod siya sa trabaho sa coffee shop at kailangan niya rin ng pahinga. Ayaw ko ring isipin ni Tita Eloisa na inaabuso namin ang kabaitan ng kaniyang anak.
Nagkibit-balikat na lang ako at inisip na maaring nagutom lang din siya o kaya naman ay iinom lang ng tubig. Nakiramdam pa ako dahil sa posibilidad na bigla na lang siyang sumigaw o humingi ng tatlong, ngunit ilang minuto na ang lumipas ay tahimik naman ang paligid kaya tumuloy na ako sa aking kuwarto. Ganoon pa man, hindi pa rin kaagad na nakabalik sa pagtulog. Nakahiga lamang ako sa kama at naghihintay na muling dalawin ng antok.
Naagaw ng aking cellphone na nag-vibrate ang aking pansin. Tumatawag si Koreen. Malalim na ang gabi, kung wala siya sa inuupahan niyang kuwarto ay maaaring nasa labas siya at nagmamasid kaya’t bigla akong kinabahan. Kaagad kong sinagot ang kaniyang tawag nang mayroong kaba sa aking dibdib.
“Symon…” mahinang tinig mula sa kabilang linya.
“Bakit, ano’ng problema?” nag-aalala kong tanong.
Narinig ko ang kaniyang malalim na paghinga kasabay ng paghikab niya. “Hindi ako makatulog. Bigla kasi akong kinabahan. Okay lang ba kayo r’yan?” balik-tanong niya. “Tulog na ba ang kapatid ko?”
“Bumaba, uminom yata ng tubig. Ewan ko lang kung nakabalik na sa kuwarto niya. Tahimik naman dito ngayon,” saad ko.
“P’wede mo ba akong puntahan bukas?” untag niya pa na ipinagtaka ko.
“Bakit?” Napaupo ako habang naghihintay sa kaniyang sagot.
“Masama kasi ang pakiramdam ko. Para akong magkakasakit.”
“Sige, magpahinga ka na. Pupuntahan na lang kita bukas,” pangako ko naman. Kung maaari ko lang nga sana siyang puntahan ngayon, gagawin ko. Kaya lang, baka magtaka si Mirasol kapag hinanap ako at hindi niya ako makita. Isa pa, baka sa oras nang pag-alis ko ay makakita ng pagkakataon ang mga nakaabang na nilalang sa labas para gambalain na naman ang aking kapatid.
“Salamat. Pasensiya ka na, wala kasi akong ibang malalapitan,” wika niya.
Hindi ko man siya nakikita, alam kong nahihiya siya. Wala lamang siyang ibang mapagpipilian kung hindi ang lumapit sa akin dahil sa kasalukuyan ay mag-isa lamang siya. Kapag dumating na ang tamang panahon at malaman na ni Mirasol ang lahat ng tungkol sa kaniya, doon ko lamang siya maaalok na dito na tumira kasama namin. Hindi na rin naman siya iba sa akin. Hindi lang siya basta espesyal, kapatid siya nang kinikilala kong kapatid at ang isa’t isa na lamang ang natitira sa kanila.
Kinaumagahan, ginising ako ng liwanag na pumapasok sa aking kuwarto mula sa sumikat nang araw. Lumusot ang liwanag niyon sa siwang ng kurtina. Muli pa sana akong babalik sa pagtulog dahil inaantok pa ako, ngunit bigla kong naalala si Koreen at muli akong nag-alala dahil may sakit siya. Pilit akong bumangon at nilabanan ang aking antok. Kaagad akong lumapit sa bintana at sa pinto ng terrace. Hinawi ko ang mga kurtina roon upang malayang makapasok ang liwanag, ganoon pa man ay hindi ko tuluyang binuksan doon. Aalis din naman ako at gabi na uuwi galing sa kompanya.
Dumiretso muna ako sa banyo para maligo. Hindi naman nagtagal ay narinig kong tumatawag na si Nanay Goring dahil handa na raw ang aming agahan. Nang lumabas ako ay tahimik pa sa loob ng kuwarto ni Mirasol.
“`Nay, p’wede n`yo po ba akong ipagbalot ng pagkain,” wika ko.
“Magbabaon ka?” nagtatakang tanong ni Nanay Goring.
“Hindi po, para sana kay Koreen. May sakit kasi siya, dadaan ako sa tinutuluyan niya ngayon.” Pasimple kong iginala sa aking paligid ang aking paningin sa pag-aalalang may nakarinig na iba sa tinuran ko.
“H’wag kang mag-alala, tulog pa siguro sila. Ako lang ang nakarinig ng binanggit mong pangalan,” saad niya. Marahil ay nabasa niya ang mga kilos ko. “Kawawa naman ang batang `yon. Sana maging maayos na ang lahat para hindi na siya mag-isa. Mabuti na lang, nandiyan ka para sa kaniya.”
“H’wag po kayong mag-alala. Sandaling panahon na lang, makakasama rin natin siya rito para hindi na siya nag-iisa,” nakangiti kong tugon sa kaniya. Siya ang unang nakaalam nang tungkol kay Koreen dahil nakita niya kami. Isa siyang mabuting tagapag-ingat ng lihim.
Kapwa kami nagulat ni Nanay Goring nang marinig namin ang mga sigaw ni Mirasol.
“Kuya!” umalingawngaw iyon sa aking pandinig.
Nadatnan naming takang-taka sina Mirasol at Lizbeth sa kanilang sitwasyon sa loob ng kuwarto. Ako man ay napamulagat.
“Bakit maputik ang mga paa ko? Hindi naman ako lumabas ng kuwarto mula kagabi,” nagtatakang tinuran ni Mirasol.
Nabaling ang tingin ko sa sahig at maging doon ay may mga putik at bakas ng kaniyang paa. Noon lamang namin napansin na mula sa sala at sa hagdananan ay ganoon din. Nakabukas na rin ang main door at ayon naman kay Nanay Goring ay hindi pa siya lumalabas. Pagkagising niya ay kaagad siyang nagluto kaya hindi niya rin iyon napansin.
“Mira, nakita kitang lumabas kaninang madaling araw. Hindi mo ba naaalala?” untag ko.
***