INABUTAN AKO ni Fairah ng pagkain, ngunit hindi ako nag-abalang tumingin sa kaniya. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal sa itinalaga nilang kubol para sa akin. Wala na akong nagawa kung hindi ang magmukmok doon dahil wala na akong ibang maisip na paraan para makatakas. Ayaw ko namang lalong galitin si Darius dahil baka ang aking mga kaibigan ang kaniyang pagbalingan. Subalit hindi ibig sabihin noon na tanggap ko na ang lahat dahil hinding-hindi mangyayari iyon. “Anya?” malumanay na tawag niya sa akin. “Mirasol! Mirasol ang pangalan ko!” galit kong singhal sa kaniya. “Anya ang totoo, at kabilin-bilinan ng iyong ama na h’wag ka nang tatawagin sa pangalang iyon,” paliwanag niya. “Wala akong pakialam sa mga bilin niya,” pabalang kong sagot sa kaniya. “Kumain ka na. Nagpahanap ako ng m

