Chapter 12: Walk
"Ah, ang liit! Mas malaki ang akin!"
Nagprisinta sila na samahan muna akong maglakad papunta sa grocery store bago tumuloy sa bar na tutugtugan. Inabot na kasi kami ng dilim. Nauuna sa lakad ang mga lalaki na nagpapaligsahan sa kung ano mang laro ang ginagawa nila sa phone. Kami ni Macy ay nakasunod sa kanila.
"Ang kukulit ng mga kabanda mo. Hindi ka ba naiilang na mag-isa kang babae?" Pasinghal siyang natawa saka dahan-dahang umiling.
"Sanay na ako sa mga 'yan. Araw-araw nakikita ko ang pagmumukha nila."
"Bukod sa pagbabanda, may iba ba kayong sideline na trabaho?" Lumingon siya sa akin. Hindi ko alam kung dapat ko bang bawiin ang tanong ko dahil hindi agad siya nakasagot.
"Umalis ako sa trabaho ko." Ngumiti siya ng maigsi saka muling ibinalik sa harap ang tingin.
Gusto kong sampalin ang sarili ko. Hindi ko na dapat binuksan iyon. Kahit na nakangiti siya ay kita ko ang emosyong itinatago niya sa mga mata. Tumikhim ako at magsasalita sana para ibahin ang usapan nang mauna siya.
"Kung hindi dahil sa kanila, siguro hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakalaya sa desisyong ginawa ko noon." Sandali akong sumulyap kina Diego, Gerald, at Paulo na kasalukuyang nagtatawanan.
Bumuga siya ng hangin. Nanatili akong nakatingin sa kanya. Hindi ako nagsalita at hinayaan lang siyang magkwento.
"Bago ko makilala si Diego, I was skeptic to pursue music. Tulad ng iba, mas pinili kong maging praktikal kaysa makipagsapalaran sa passion. Tayo kasing mga tao, we're afraid to end up a nobody. Walang napatunayan, walang narating. Mas masakit kapag nabigo ka sa bagay na mahal mo."
"Ang sabi nga ng iba, wala raw pera sa sining." Tumango siya.
"My parents are both CPAs. Yung dalawang kuya ko, nurse at accountant din. Natakot ako na baka ako lang ang hindi maging successful so I took up an engineering course. Sinubukan kong i-give up ang music. Then slowly, parang hindi ko na kilala ang sarili ko. I lost my purpose."
Kagyat niyang pinahid ang pisngi nang may dumaloy na luha roon. Tuloy pa rin sa paglalaro ang mga lalaki at hindi napapansin ang pagbagal namin.
"Natapos ko ang limang taon sa kolehiyo at nakapasa sa board. Nakakuha kaagad ako ng desenteng trabaho at kumita ng malaki. Para sa iba, napaka successful ko nang tao. Pero hindi ganoon ang nararamdaman ko. May kulang. I felt like I'm a failure."
Suminghap siya at pagkatapos ay marahang tumawa. Ngumiti ako. Inabot ko ang kamay niya at nagpatuloy kami sa paglakad ng makahawak-kamay.
Hindi ko alam kung bakit sinabi ni Macy sa akin ang mga iyon. Hindi pa kami gaanong magkakilala pero komportable siyang nakapagkwento ng problema.
"It's not wrong tho. Hindi masamang maging praktikal. Hindi lahat ay may pribilehiyo at kayang suportahan ng magulang sa passion nila. Ang mali ay ang pagdudahan mo ang talento mo at tuluyan itong isuko. We should never stop pursuing our dreams no matter what."
Kumapit siya sa braso ko at ikiniling ang ulo sa balikat ko. Walang mga salitang pumapasok sa isip ko na dapat kong sabihin upang mapagaan ang nararamdaman niya. Sa tingin ko ay gusto lang niya ng makikinig at masaya ako na nagawa niya akong pagkatiwalaan. Ito lang ang tangi kong magagawa.
Napahinto kami sa paglakad nang biglang humarap sa amin ang mga lalaki. Nagtaka sila nang makita ang mga itsura namin. Lumapit si Diego kay Macy at hinipo ang mukha nito.
"Anong problema?" Umiling si Macy.
"Nag-uusap lang kami ni Baby Kao. Umalis ka muna. Hindi pa kami tapos." Pabiro niyang itinulak palayo ang nobyo. "Nasaan na ba tayo?"
"Um, paano mo sila nakilala?"
Lumapit na rin sa amin sina Gerald at Paulo. Base sa mga ngisi nila ay alam na nila ang sasabihin ni Macy.
"A friend introduced these guys to me. Noong nakilala ko sila, nakita ko sa kanila ang bagay na wala sa akin. Courage. Tapang na kahit mahirap umangat sa industriyang ito, naniniwala silang kaya nilang marating ang future na pinapangarap. How I wish I met them earlier."
"Nagdadrama na naman si Macy-pon. Oh, punasan mo nga 'yang ilong mo!" si Paulo sabay hagis kay Macy ng panyo.
"Wala sa schedule ang pag-iyak. May gig pa tayo," ani Gerald.
"Kingina kayo." Napalakas ang tawa namin dahil sa lutong ng pagkakabigkas niya. Sa huli ay sabay-sabay nila siyang binalot ng yakap. Napapangiti ako habang pinagmamasdan ang masaya nilang samahan.
Hindi ko akalain na ang sobrang energetic na si Macy ay dating takot na abutin ang kanyang pangarap. Pero sadyang iba maglaro ang tadhana. Ipinakilala sa kanya ang mga kaibigan na tumulong para muling mabuo ang sarili niya. Ngayon ay hindi siya mag-isang lumalakad.
* * *
Kinabukasan ay lumabas kami ni Jhas ng tanghalian para mag-deposit ng pera sa bangko. Si Ariane naman ay nakapaghulog na bago pumasok. Nagbukas kasi kaming tatlo ng savings account. Pagbalik namin ay hindi ko inasahan na makikita si Goku.
"Anong ginagawa mo rito?" Inilibot ko ang paningin dahil baka nandito rin si Reign at yung dalawang abnoy.
Pagtingin ko kay Ariane ay para siyang pusang nailigtas mula sa pangungulit ng agresibong aso. Nakahinga na siya ng maluwag dahil dumating kami.
"Teka. Ikaw yung isa sa mga nangulit kay Kaoru, 'di ba?" singit ni Jhas at bahagyang pumagitna sa 'min ni Goku. Pinigilan ko siyang ituloy ang sasabihin pero hindi siya nagpaawat. "Oo nga! Nasaan yung magaling mong kaibigan? Nasaan ang Reign na 'yon?"
Nanlaki bigla ang mga mata ni Ariane at mukhang siya naman ngayon ang mag-aalboroto kaya dali-dali ko silang hinila palayo. Mas malala ang sasabihin ng babaeng ito. Baka igiit na naman na kailangan akong panindigan ni Reign!
"Ako na ang bahala. Huwag na kayong magsasalita. Hindi niya pwedeng malaman ang tungkol doon," bulong ko nang madala ko sila sa counter.
"Pero, Kao---"
"Wala nang pero pero," pagputol ko kay Jhas. Kinuha ko kay Ariane ang sulatan ng order na wala pa palang nakasulat. Balak yata siyang bingwitin ng dragon ball na 'yon ah. "Behave." Isa-isa ko silang dinuro. Pairap naman silang nagsitango kaya umalis na ako.
Nang makabalik sa table ni James ay pumwesto ako sa side na nakaharap sa counter para masubaybayan ang kilos ng dalawa. Banas kong sinipa ang binti niya nang mahuli ang titigan nila ni Ariane. Aba aba! Ibang klase 'to!
"Anong binabalak mo sa kaibigan ko? Sinasabi ko sa 'yo, tigilan mo siya," ma-autoridad kong utos.
"Why? Is it illegal to befriend her? Magaling ang strategy ng boss n'yo ah. Hatak customer nga naman kapag magaganda ang empleyado."
"Wala ka bang ibang babae na mauto at dito ka pa talaga dumayo? Nasaan yung mga kasama mo? 'Di ka ba pumasok?"
"Late na ako kaya next subject na ako papasok. At sinong nagsabi na nang-uuto ako? We're just... getting to know each other," ngisi niya.
"Ano? Bibilhin mo rin yung number niya?" Lumawak pa ang ngiti niya sabay angat ng phone.
"Ibinigay niya sa akin. No fee." Madiin pa ang pagkabigkas niya sa no fee at parang ipinapamukha na ako lang ang mukhang pera. Pagtingin ko sa screen ay nakita kong maling numero ang nakalagay. Tss. Loka-lokang si Ariane. "By the way, Reign said na nagkita kayo at ibinalik mo yung pera. Bakit?"
"Nagbago na ang isip ko. Ayaw ko pala. Bwisit kasi 'yang kaibigan n'yo, eh."
Nangunot ang noo niya at mayamaya ay tumawa. Natakot naman ako bigla sa tunog higanteng sinisinok niyang paraan ng pagtawa. Hindi ko maipaliwanag. Parang kinakapos siya ng hininga.
"Ibig sabihin ay may conversations talaga kayo? Wow! Anong ganap sa text?" Natigilan ako. Kung alam lang niya na sa personal talaga may ganap.
"Boring siya," tipid kong sagot. "Walang sense kausap. Insensitive!" dagdag ko pa. May grupo ng mga estudyante ang kumakain at nagchichikahan sa malapit na table kaya 'di masyadong maingay ang boses ko. Tumawa na naman siya saka sumandal sa bangko.
"It's good to know na tumugon siya kahit papaano. He must have found you interesting. That was really new." Tumango-tango siya. "Well, kung hindi mo siya nagustuhang kausap, hindi mo na sana ibinalik pa yung tip namin."
"Masyadong malaki ang ibinigay n'yo. Ayaw kong magkaroon ng utang na loob. Bakit ba kasi gusto n'yong bigyan siya ng ka-text?"
"Idea 'yon ni David. Wala lang. You two look good together. Bagay kayo."
"Ahh, gusto n'yong maging kupido. Ang gagaling. Pwes, ayaw ko sa taong masyadong seryoso tulad niya. Parang kulang na kulang aruga at bitamina."
"Ganyan lang talaga si Reign, mahirap i-please. Tatawa o ngingiti lang siya kapag nakakatawa talaga ang sinabi mo. Siya kaya ang magandang audience ng mga comedian. Masasabi mo kung effective talaga yung jokes," ngisi niya.
Havey pala ang mga biro ko dahil napapangiti ko si Reign. Napangiti ako sa sarili. Oh, well.
"You can also see kung interested siya sa iyo kapag inaalam niya yung tungkol sa pagkatao mo or when he's asking you questions."
Ako naman ngayon ang nangunot ang noo at tumingin sa kanya. Bigla kong naalala ang pagpunta ko sa condo noong lunes. Bakit parang...
"And I totally disagree na wala siyang sense kausap. He just doesn't like small talks. He only entertains nice topics. Subukan mo rin siyang asarin, baka hindi mo kayanin kapag nilabanan ka niya. Mapapa-shut up ka na lang talaga. But I assure you, he really is a good pal. He's genuine."
Lahat ng sinabi ni James ay nangyari. Sinubukang alamin ni Reign ang mga bagay tungkol sa akin. Nagtanong siya tungkol sa ampunan at sa nanay ko. Nilabanan niya ako dahil inasar ko siya. Anong ibig sabihin noon? Gusto niya akong makilala? Interested siya sa akin?
"M-May something ba kayong dalawa? Ang ganda ng mga sinabi mo," seryoso kong sabi. Impit naman siyang natawa.
"Isusumbong ko kay Reign na inaasar mo siya. Teka. Nakahalik na ba ng babae 'yon?" Kinamot niya ng marahan ang baba at nag-isip. Hinampas ko naman sa kanya ang hawak na papel. "Oh, bakit? Natatakot kang mahalikan ni Reign?" tukso niya pa. Kinagat ko ang ibabang labi. Pinaalala na naman!
"Hindi ka nakakatuwa. Tantanan mo 'ko," gigil kong banta habang dinuduro siya ng ballpen. Nagtaas naman siya ng mga kamay bilang pagsuko.
Napatingin ako sa counter at nakitang natutuwa si Jhas sa ginagawa ko kay James. Si Ariane naman ay parang disappointed dahil kaibigan nito ang lalaki na dumungis at lumapastangan sa pagkatao at p********e ko.
"O-Opo, Miss Kaoru. Ibaba mo na 'yan. Baka pumutok." Ipinukpok ko sa ulo niya yung ballpen at natawa. Seryoso ba siya?
"Para saan ba 'yang muscles mo, ha? Kaloka." Napailing-iling ako. Pareho na lang kaming natawa sa huli. Sandali lang iyon. Pagkatapos ay muli kaming nagseryoso. Ipinatong niya ang braso sa lamesa para mas mapalapit sa akin.
"I'm telling you, you should know him more. He's not that boring person you're saying. His life's not easy," bulong niya.
"B-Bakit?"
"Oh, akala ko ba ay boring siya?" ngisi na naman ni Goku. Malapit ko na itong mabatukan talaga.
"Kaya nga ako nagtatanong para magka-interes, 'di ba?" Lumapit ako at yumuko ng kaunti. "May problema ba siya?" Umiling lang siya at ngumiti.
"Hindi naman problema. Rather, mabigat ang responsibilidad niya sa pamilya. He will be the successor of their law firm. Hindi siya nag-o-open up sa amin pero mukhang hindi niya naman talaga gusto iyon." Nagkibit siya ng balikat kasabay ng malalim na buntong-hininga.
Natahimik ako at tumango na lang. Mula sa sinabi niya, nabigyan ko ng kahulugan ang sinabi ni Reign noong sabado. Everyone has their own battles.
"Actually, he's acting weird lately. Noong lunes ay hindi siya pumasok ng buong araw sa university. Akala namin ay inatake na naman ng anemia tapos... maaabutan namin na gumagawa ng gitara sa balcony ng condo niya."
"H-Ha?" Si Reign ang gumawa kay Melody?
"He said it was his. Hindi namin alam na may pusong musikero pala 'yon."
Gulung-gulo ako. Ang buong akala ko ay ipinagawa ni Reign ang gitara ko sa kung saan. Ngayon ay malalaman ko na siya pala at inilihim niya iyon sa akin. Ang malala pa ay nagawa niyang um-absent at pabayaan ang pag-aaral niya.
"Mukhang tama nga na sumakay kami sa trip ni David na bugok. He starts liberating and it's a good thing, right? Maybe Reign just really need a little distraction. And maybe... girlfriend? You think?" sabay taas-baba ng kilay. Napapunas na lang ako ng noo at binatukan na siya.
* * *
Biyernes. Tulala lang akong nakatitig sa loob ng locker pagkalapag ko ng apron at cap. Out na namin ni Jhas kaya nagre-retouch na siya ng makeup dahil susunduin siya ng nobyo.
"Bhe, mahal ka n'on."
"Raulo." Isinara ko na yung locker at umupo sa tapat ni Jhas. Tumigil siya sa paglilipstick at tumingin sa akin.
"Ano ba kasing nangyayari sa iyo? Oy, don't tell me nami-miss mo si Reign?"
"Gaga, hindi. Hindi ko nga alam kung nasaang lupalop na 'yon. Nag-iisip ako ng tutugtugin ko bukas sa gig." Ngumisi lang siya na parang hindi kumbinsido sa sinabi ko at nagpatuloy sa pag-a-apply ng pulang lipstick.
Nangunot naman ang noo ko. Susunduin lang naman siya pagkatapos ay ihahatid na sa bahay, 'di ba? Alam ko na maarte talaga siya sa katawan pero kailangan pa ba talaga na magpaganda ng sobra para sa jowa?
"Alam mo, Bhe. Kinakabahan na talaga ako sa kinabukasan ni Inang Ariane. Halata namang type siya ng James na iyon tapos pinakawalan pa!" gigil niyang saad at hawak naman ngayon ang face powder.
"Sinabi naman niya na ayaw niya sa maingay na tao. Darating din ang Juan Crisostomo ni Maria Clara. Tiwala lang."
Magkasabay na kaming lumabas sa café nang mag-text na nasa labas na si Dan. Nakapambahay na damit lang ito at mukhang pumunta lang talaga rito para sumundo ng maarteng girlfriend. Sinalubong niya ito ng halik sa pisngi.
"Hi, Dan," bati ko.
"Oh, Kaoru! Buti naabutan kita. 'Di ka yata naunang umuwi ngayon. May susundo na rin sa 'yo?" sabay ngisi na nang-aasar. Pareho silang magjowa.
"Lumayas na nga kayo!" sigaw ko pero ako ang naunang maglakad palayo.
"Bhe, bakit d'yan ka pupunta?" tanong ni Jhas.
Sa kanan kasi ako nagtungo imbes na sa kaliwa kung saan ang talagang daan pauwi sa apartment. Huminto ako sandali at lumingon sa kanila.
"Kain muna ako sa Jollibee." Nakasakay na siya sa motor sa likuran ni Dan.
"Samahan ka na kaya namin?"
"Ayaw ko. Shupi!" Ikinumpas ko ang kamay para itaboy sila at tumalikod ulit.
"Baka magkita kayo ni Reign, sige ka! Kailangan mo ng backup!" pahabol niya pa pero hindi ko na pinansin. Mas mabuti kung mangyari iyon.
Halos tatlong minutong paglakad lang ang layo ng Jollibee. Katapat niyon yung university. Maraming estudyante ngayon ang nagkukumpulan sa labas at naghahanap ng masasakyan. Ang iba naman ay naghihintay na magpula ang traffic light para makatawid.
Napatigil ako bigla nang makita na kasama sa mga taong tumatawid si Reign. Mag-isa lang siya. Nakababa ang tingin niya sa cellphone at hindi pa napapansin ang presensya ko. Magkatapat kami habang paliit ng paliit ang distansya namin sa isa't isa.
Umangat lang ang tingin niya nang malapit na siya sa akin. Napatigil din siya nang magsalubong ang aming mga mata. Sabay kaming napalunok.
"Umm." Naging malikot ang mga mata namin.
Bigla na lang ay may bwisit na taong nakabangga sa likod ko. Napahakbang ako palapit sa kanya at naging halos isang dangkal na lang ang agwat namin.
Natuon ang tingin ko sa kamay niya na humawak sa braso ko upang hindi ako tuluyang sumubsob sa kanya bago inangat sa mukha niya. Wala sa aming kumibo ng ilang segundo. Ramdam naming pareho ang pagka-ilang.
"S-Sorry." Hinawakan ko ang kamay niya saka marahan itong inalis sa akin.
"Ayos lang." Lumipas pa ulit ang mga segundo at walang umaalis sa pwesto.
Sa totoo lang, wala na kaming kailangan sa isa't isa. Naibalik ko na sa kanya ang pera at naibalik na niya sa akin si Melody. Iyon naman talaga ang plano. Magkakalimutan na kami pagkatapos.
Pero... bakit tila wala sa amin ang gustong lumayo ngayon? Dahil sa kabila at matapos ang mga nangyari, gusto ko pa pala siyang makilala. At kung pwede, gusto ko rin na maging totoo kaming magkaibigan.
Huminga ako ng malalim at naglabas ng maikling ngiti. Wala namang masama kung susubukan namin. Unti-unting umuwang ang mga labi ko.
"T-Tara. Kain tayo?"