Chapter 11: New Friends
"I love you so much. Mwah, mwah!"
Uminom na lang ako ng tubig habang kunut-noong pinapanood ang paghalik-halik ni Jhas sa sobre na naglalaman ng sahod niya. Kasalukuyan kaming kumakain ng tanghalian kasama si Mike sa locker room.
May dalawang lamesa at anim na upuan dito sa loob. Magkakasama kami sa iisang mesa at nilalantakan ang fried siomai with rice.
Ibinaba ko na ang hawak na baso at nakaisip ng paraan para mapatigil si Jhas sa ginagawang kahalayan sa kawawang sobre. Magkaharap kami habang nasa gilid namin si Mike na asiwang-asiwa na rin sa ginagawa niya.
Dali-dali kong tinusok ng tinidor ang isang siomai niya at dinala sa mangkok ko. Nagtagumpay naman ako dahil huminto na siya. Nakipag-espadahan siya sa 'kin, gamit namin ang tinidor para mabawi ang siomai.
"Napaka bwisit mo, Bhe." Yung siomai naman na nakatusok sa tinidor niya ang kanyang hinalikan bago ibalik sa mangkok. Nangilabot ang katawan ko.
"Hindi naman kasi manganganak ang sahod mo kahit ano pang gawin mo."
"Mind your own business. At anong akala mo sa akin, si Ariane? So ano? Magiging tita na ba talaga kami?"
"Siraulo." Natawa na lang kami nang muling maalala ang sinabi ni Ariane kahapon. Solo siyang nagbabantay ngayon sa counter. Libre ang lunch namin at dinner naman sa kanila na mga panggabi.
Kahapon, pagkalabas ko ng locker room mula sa office ni Sir ay pinagkaisahan nila ako ni Ariane. Pinipilit nila akong ibigay sa kanila ang numero ni Reign dahil kailangan daw nila itong makilala at maimbestigahan ang pagkatao nito.
Ang sabi ko ay binura ko na, kahit ang mga conversation namin, na totoo ko namang ginawa dahil nanghingi sila ng patunay. Pero hindi pa rin nila ako tinantanan kaya naisip ko na ikwento sa kanila ang tungkol sa pag-aakala ni Sir King na pagbubuntis ko.
Sa huli ay nalihis sa akin ang atensyon at nalipat kay Ariane na sinimulan na namang asarin ni Jhas. Halos manigas tuloy sa kahihiyan si Ariane sa tuwing kakausapin kami ni Sir King. Hindi ko akalain na nagawang magkampihan ng dalawa na dati ay laging nagtatalo.
"Anong pinag-uusapan n'yo? K-Kaoru?" takang tanong ni Mike. Napatikom kami bigla at magkasabay na umiling.
"Kain na tayo ulit." Nagmadali akong sumubo at hindi na umimik. Ganoon din ang ginawa ni Jhas kaya walang napala si Mike sa amin.
Pagkatapos kumain ay iniwan na kami ni Mike dahil makikipagtawagan pa raw siya sa nobya niya. Thirty minutes pa ang natitira naming oras bago bumalik sa trabaho kaya ginamit namin iyon para mag-retouch ng makeup at mag-cellphone.
Nanonood ako ng guitar tutorial sa YouTube habang si Jhas ay kina-career ang paghahanap sa sss account ni Reign kahit hindi alam kung ano ang apelyido nito. Hinding-hindi ko aaminin sa kanila.
"Tigilan mo na si Reign. Hindi mo siya mahahanap sa pangalan lang."
"Hindi ako susuko, Bhe. Iisa-isahin ko ang lahat ng Reign dito. Siguradong mamumukhaan ko siya kapag nakita ko," saad niya habang tutok pa rin sa screen ng cellphone.
"Paano kung wala siyang account?"
Sa totoo lang ay sinubukan ko na ring hanapin kagabi ang account ni Reign pero wala akong nakita. Matapos ang pagkikita namin kagabi ay parang medyo nanghinayang ako na binura ko ang numero niya. Tumigil naman sa pag-scroll si Jhas at nakalabi na tumingin sa akin.
"Naisip ko na rin iyan. Ikaw kasi! Hinatid ka na sa McDo noong linggo, hindi mo man lang ipinakilala sa amin!"
"Para saan pa ba? Malinaw sa amin na wala lang ang nangyari kaya kalimutan na lang din natin." Pahina ng pahina ang boses ko habang nagsasalita. Napayuko ako dahil sa totoo lang ay imposibleng makalimutan ko iyon. Hindi lang iyon basta halik na sandali. Ibang-iba ang ginawa namin!
"Basta naniniwala ako na may dahilan ang nangyari. Baka siya na si Mr. Right mo." Sumandal siya sa upuan saka humalukipkip. Napailing naman ko. Tama lang talaga na hindi ko ibinigay sa kanila ang number ni Reign, lalo na ngayon na may potensyal siyang maging bugaw.
"Oo. Aral iyon na hindi na dapat ako magpakalasing ulit, wala nang iba pa." Napangisi siya.
"Bugak ka kasi, eh. Nakakita ka lang ng mga bagong kaibigan, nakipagtagayan ka agad. Mabuti na lang dahil walang lokong lalaki sa kanila kung hindi, baka iba ang nangyari. Hindi pa ako handang mamulubi tuwing pasko para sa aguinaldo ng anak mo!" Tumawa siya.
Hindi ko naman malaman kung matatawa ako sa sinabi niya o matatakot dahil sa posibilidad na pwede talaga akong mabuntis. Hindi ko alam kung makakaya ko bang tanggapin ang bagay na iyon.
"Kaya talagang hanga ako kay Reign dahil kahit nakahain ka na at nagwawala ang libido mo ay wala siyang ginawa. Utang na loob mo sa kanya kung bakit maayos ka pang nakakalakad ngayon."
"Tama na! Kinikilabutan ako!" Payakap kong hinimas ang mga braso habang iiling-iling naman ang gaga at nae-engganyo pa na panoorin akong mangisay.
"Kilabutan ka talaga dahil iyon ang posibleng nangyari nga sa 'yo!"
Tinapik-tapik ko ang magkabilang pisngi upang ipaalala na hindi ganoon ang naganap. Nakakatakot ang mga nagiging pagbabago sa akin. Paglalaro lang naman ang nasa isip ko noong bata ako pero ngayon ay sumasagi na ang ganitong bagay.
"Kasalanan 'to ni Reign. Bakit kasi siya ang sumagot sa tawag at hindi ikaw o si Sir King."
"Ba't parang kasalanan niya?" Humawak siya sa dibdib at umarte na parang si Bea. "Dapat nga ay magpasalamat ka pa. Baka wala ka nang balikang trabaho kung si Sir King ang minolestiya mo."
"Edi kung pumayag si Sir, ibig sabihin ay gusto niya rin ako." Biro lang dapat ang sinabi ko pero mukhang sineryoso ng gaga at bigla akong binatukan.
"Gaga! Ang dali-dali na lang lumandi at makipag-momol ngayon kahit walang romantic attraction! Huwag mong gawing basehan 'yon."
"Alam ko! Nagbibiro lang naman ako, hindi mo kailangang manakit! Ariane, ikaw ba 'yan? Sinasaniban ka yata ng espiritu niya."
Nagbanta pa siyang manabunot pero hindi niya itinuloy. Bumalik siya sa pagkakasandal at matalim akong tinitigan habang pinaliliit ang mga mata.
"Naks! Nagiging anghel na si Jhas," bawi ko at tinusok-tusok ang matabang pisngi niya para mas maasar pa.
"Aray ah! Ang haba ng kuko mo!" Hinawi niya ang kamay ko. "Hinay-hinay lang kasi sa pantasya, Bhe. Hindi mo makikita ang King size," saka ngumisi.
"A-Anong King size?" Napairap naman siya pagkatapos ay nag-gesture ng mahaba. Kagyat na nag-init ang mukha ko nang maunawaan iyon. "T-Tigilan mo 'yan. Bumalik na tayo sa trabaho." Dali-dali akong tumayo at naglakad palabas ng locker room. Narinig ko ang paghagalpak niya ng tawa.
"Hoy, Bhe! Saan ka pupunta? Sandali lang!" paghabol niya habang patuloy pa rin sa pagtawa na parang demonyo. Napapikit na lang ako ng mariin.
* * *
Tuwing payday ay bumibili ako ng supplies na magagamit ko hanggang sa susunod na sahod. Pagka-out sa café ay umuwi muna ako sa apartment para maligo at magpalit ng damit bago magpakad papunta sa grocery store.
Nagulat ako nang paglabas ko ng banyo suot na ang pambahay ay biglang sumalubong sa akin si Harold para sunod na papasok. Agad akong nailang dahil nakaharang siya sa daan habang nakahawak sa zipper ng pants niya.
Ngumisi siya at hindi ko pinalagpas nang ilapit niya ang mukha sa akin para amuyin ako. Buong pwersa ko siyang itinulak na muntikan niyang ikabagsak sa sahig at dali-dali siyang iniwan.
[Tita, may kailangan po kayong malaman tungkol kay Kate.]
Ilang beses kong kinumbinsi ang sarili ko na ipaalam na sa mga magulang ni Kate ang tungkol sa pakikipagrelasyon niya kay Harold, pero sa huli ay wala rin akong ginawa. Ayaw ko sanang makialam pero nadadamay din kasi ako.
Kaya kong hindi pansinin ang mga mahalay na tingin ni Harold pero kanina, sumobra na siya. Gusto kong ilayo sina Kate at Missy sa mga lalaking iyon.
"Kaoru!"
Bigla akong napatigil sa paglalakad at malalim na pag-iisip nang may tatlo o apat na boses ang sabay-sabay na tumawag sa akin. Lumingon ako sa paligid at nanlaki ang mga mata ko nang matanaw ang banda ni Macy na kumakaway mula sa kabilang side ng kalsada.
Sumenyas si Macy na manatili ako sa pwesto saka sila naghanap ng tyempo para makatawid. Nang makalapit ay halos mawalan ako ng balanse sa bigla niyang pagdamba para yakapin ako.
"I miss you, Baby Kao!" Sumigaw pa nga sa tapat ng tainga ko. "Halika! Sama ka sa amin!" Hinila-hila niya ang braso ko nang kumalas na sa yakap.
"S-Saan? A-Ayaw ko na sa inuman." Natawa silang magbabanda.
"Hindi. Magmimiryenda lang kami. Gusto kitang makachikahan. Please." Pinaglapat niya ang mga palad at ngumuso para magmakaawa.
Dinala nila ako sa resto na unli chicken wings at fries. Akala ko ay mababawasan ang pera ko na pang-grocery pero sagot na raw nila ako dahil pinilit akong sumama.
"Mahina lang akong kumain."
"Don't yah worry. May tatlo tayong kasamang boys na patay-gutom," turo niya sa tatlong lalaki na kaharap namin sa lamesa.
"Grabe ka naman sa amin, Macy!" sabay na sigaw nina Gerald at Paulo na dumagundong sa paligid. Napatingin tuloy sa 'min ang ibang mga kumakain.
"Saan ba kayo galing?" May bitbit kasi si Diego na gig bag. Ang alam ko ay kay Macy ang gitara na iyon.
"Ah, sa studio. Nag-rehearse kami para sa gig mamaya." Tumango na lang ako. Sinabi niya na bukod sa Kanto Bar ay may iba pa silang mga tinutugtugan. "Kumuha ka rin dapat ng iba mo pang gig, Baby Kao."
Hindi ko maiwasang tumitig sa kanya sa tuwing nagsasalita. Todo ang pagpipigil ko na mapangiti dahil may mannerism siya na kapag nadadala sa pagkukwento ay nanlalaki ang mga mata.
Maganda siya, hindi maitatanggi iyon. Medyo makapal siyang mag-eyeliner na bumagay naman sa kulay ng balat niya na kayumanggi at sa porma na medyo rakista. Maikli ang buhok na hanggang balikat at nakatali ang itaas. Ang sabi niya ay 24 na siya pero mukhang teenager pa rin ang itsura.
"Hindi pwede. May trabaho kasi ako, eh."
"Working student ka ba?" tanong ni Diego. Marahan lang akong umiling at hindi nagbitiw ng salita. Inasahan ko na magtatanong pa sila pero mukhang mas pinili nilang huwag na munang alamin ang personal kong buhay.
Napasabak na kami sa pagkain nang dumating na ang unang serving ng chicken wings at fries. Kumain ng rice ang boys habang kami ni Macy ay namapak lang. Hindi na yata ako makakakain ng dinner sa dami nito.
"Baby Kao." Napatigil ako sa pagngatngat sa buto nang biglang humarap sa akin Macy. "Sorry ah, hindi ka na namin naasikaso noong sabado. Panatag naman ako dahil sinabi mo na susunduin ka ni Baby King," ngisi niya.
"Ayieh! May Baby King si Baby Kao!" tukso pa ni Diego.
Dagli kong binitiwan ang hawak na manok at mabilis na uminom ng tubig bago pa ako tuluyang mabulunan. Sumama na rin sa panunukso ang dalawang lalaki. Bwisit. Naalala pa pala ni Macy iyon.
"H-Hindi ko siya boyfriend." Napakamot ako sa braso nang hindi pa rin sila lumubay. "B-Boss ko si Sir King," mahina kong bigkas. Sabay-sabay naman silang natigilan at kukurap-kurap na tumingin sa akin.
"What the f? C-Crush mo yung boss mo?" Kinagat ko ang hintuturo na may sauce pa saka nahihiyang tumango. Nagkatinginan naman sila na pare-parehong nagpipigil ng tawa. "Eh sino yung nakita nina Kuya Edward at Kuya Anthony na sumundo sa iyo? Si Baby, este, si Sir King mo?"
"N-Nakita nila?"
"Oo. Sinundo ka raw ng lalaki na nakaputing kotse. Ang gwapo nga raw." Napapikit ako. Wala na akong kawala. Balak ko pa naman sanang sabihin na mag-isa akong umuwi.
"A-Ah, oo. Si Reign iyon." Naghintay pa sila ng katuloy. "K-Kaibigan ko."
"Aray! Friendzoned!" sigaw ng mga lalaki. Sinubukan kong itanggi ang sinasabi nila pero dinaig pa nila ang babae sa pagiging ma-issue.
"Sure ka ba na kaibigan lang ang turing sa iyo niyang boy best friend mo? Masyado siyang concern para sunduin ka ng gabing-gabi." Isa pa itong si Macy. Kaibigan lang ang sabi ko, naging best friend naman na.
Hindi pa rin sila nakuntento sa pahayag ko na nagkataong papauwi pa lang din si Reign kaya dinaanan niya ako sa bar. Dinaig pa nila ang manghuhula nang sabihin na kami ang magkakatuluyan.
"Baka gusto niyang maging buddha sa China. May lahing tsino kasi 'yon."
"Wow! Mixed breed!" Puta?
Hanggang sa matapos kumain ay paulit-ulit na naging bukambibig nila ang tungkol sa amin ni Reign. Shet. Hindi ko na alam kung anong delubyo pa ang mangyayari sakaling makilala nila ang tatlong abnoy.