Chapter 10

2664 Words
Chapter 10: Gentle "Is that really how it works? You are all meant to be alone?" Nilunok ko ang nabuong bara sa lalamunan ko dahil sa sinabi niya. Nakatitig lang kami na parang binabasa ang mga mata ng isa't isa. Hindi ko alam kung bakit nasaktan ako roon. Iyon naman talaga ang totoo. "Hindi mo ba sinubukang hanapin ang nanay mo? Do you know her name?" Bumaba ang tingin ko sa hawak na Pringles. Hinanap? Tss. Kung alam lang niya kung ilang taon ang sinayang at ilang pamilyang gustong mag-ampon sa akin ang tinanggihan ko dahil sa lintik na paghahanap at paghihintay sa wala. Alam ko ang pangalan niya. Ginusto kong alamin kung sino siya dahil akala ko ay magagawa nitong punan ng kahit kaunti ang kulang sa pagkatao ko. Bakit ko pa nga ba kinilala ang isang tao na hindi naman kailanman naging ina sa 'kin? Siya lang ang nagdala sa 'kin ng ilang buwan pero hindi niya ako itinuring na anak. Bigla kaming napalingon ni Reign sa pintuan nang may kumatok. Pagbalik ng tingin ko sa kanya ay nag-alangan pa siyang tumayo habang nakatingin din sa akin dahil hindi ko pa rin nasagot ang tanong niya. "Sandali lang. Nandyan na siguro yung pizza." Tumayo na siya at inilabas mula sa bulsa ng shorts ang wallet habang naglalakad patungo sa pinto. Humawak at napatitig na lang ako sa mainit na tasa. Narinig ko ang pagbukas ng pinto at ang pagsasalita ng isang lalaki. Naglibot ang paningin ko sa paligid at huminto sa dulo ng kwarto kung saan malapit ang divider ng higaan. Ngayon ko lang napansin ang kurtinang nakasabit sa pader na abot hanggang sa sahig. Tumayo ako para tignan ang nasa likod niyon. Pinaghiwalay ko ang magkatabing tela sa gitna at kagyat na nanlaki ang mga mata ko nang makitang transparent glass na pinto pala iyon na papuntang balcony. Tumagos ang paningin ko rito at napatanaw sa malayo kung saan kita ang papalubog na araw. Sumilay ang ngiti sa aking mga labi. Ngayon ko lang nakita ng ganito kaganda ang sunset. Habang unti-unting nilalamon ng tanawin ang atensyon ko ay muling dumalaw sa akin ang isang alaala halos labinlimang taon na ang nakararaan. "Mama!" "Mommy, may star po ako oh!" Araw-araw pagkatapos ng klase, ang mga kaklase ko ay sinasalubong ng kanilang mga magulang. Lalabas sila ng masaya at ikukwento ang mga bago nilang natutunan. Habang ako... "Kaoru, anak. Dito ka muna ah. Tignan ko lang kung palabas na rin yung iba." Ang sumasalubong sa 'kin ay tagapag-alaga namin sa ampunan. "Sige po, Miss Theza." Araw-araw ay naghihintay ako sa pagdating ng ibang bata bago kami umuwi sa bahay na tinutuluyan. "'Di ba, sabi ko, Mama ang itawag mo sa akin?" Ngumiti na lang ako. Hindi naman niya ako totoong anak eh. Hinihintay ko na bumalik ang totoo kong Mama para ito ang tatawagin ko ng ganoon. Tinapik niya muna ang ulo ko bago umalis. Nakasunod lang ako sa paglilibot niya sa ibang classrooms. "Bata, sa orphanage ka ba nakatira?" Lumingon ako sa isang nanay na kasalukuyang pinupunasan ang pawis ng babaeng anak na kaklase ko. May kasama siyang isa pang nanay at bata. "O-Opo." "Nasaan ang nanay mo?" Natigilan ako dahil wala akong ideya tungkol doon. "Hindi ko po alam. Ang sabi po ni Miss Theza, nagtatrabaho siya sa malayo." "Baka p********e. Mukhang naanakan ng hapon kaya iniwan yung bata sa ampunan," rinig kong bulong ng isang nanay sa katabi. "A-Ano po yung pros---" "Hindi naman po maganda na pagchismisan ang buhay ng iba lalo na sa harapan ng mga bata," biglang pagsingit ni Miss Theza kasama ang mga nakakasama kong bata. Hinawakan na niya ang kamay ko para dalhin na sa van. Simula noong araw na iyon ay nagsimula akong magduda sa tunay na pagkatao ko at ng nanay ko. Kung totoo ba ang sinabi ni Miss Theza na kinailangang magtrabaho ng nanay ko sa malayo kaya ako iniwan sa ampunan. Kung babalikan ba ako pagkatapos ng trabaho o kinalimutan na nito na may anak itong iniwan. Sinikap kong alamin ang mga bagay tungkol sa kanya. Pero paano ko makikilala ang isang tao na walang iniwan na anumang bakas? Na kahit ang sarili ko ay 'di magawang mabuo. Sa paglipas ng panahon, unti-unti, nagawa ko nang masagot ang mga tanong ko. Totoo na kailangang magtrabaho ng nanay ko. Marami-rami pa siguro siyang paliligayahing lalaki. Pero ang hindi totoo ay ang paniniwala ko na babalik pa siya. "Baka kunin ng buwan ang kaluluwa mo." Napaigtad ako bigla nang magsalita si Reign sa gilid ko. Lumihis ang tingin niya sa 'kin nang lumingon ako sa kanya at tumingala sa kalangitan kung saan naroon na rin ang buwan. Nakikita ko ngayon ng malapitan ang mukha niya. Hindi siya nakangiti pero iba ang timpla ng mga mata niya kumpara sa seryoso laging emosyon. Ito yata ang pangalawang beses na nagbiro siya. "Saang kulto naman nanggaling 'yan?" Umirap ako sa kanya at saka naglakad pabalik sa lamesa. Nakakakilabot ang mga hirit niya. Alam kong sinusubukan niya lang pagaanin ang mood pero kabaligtaran ang nagiging epekto sa akin. Paano kaya natitiis ng tatlong abnoy ang corny at weird niyang jokes? Pare-pareho silang no sense of humor. Agad akong naglaway nang maabutan ang box ng Shakey's Pizza sa lamesa. Nauna siyang umupo sa dating pwesto kaya dali-dali na rin akong umupo sa tapat niya. Binuksan na niya ang kahon at sumalubong ang mabangong amoy ng 14-inch Hawaiian Delight. "Umm, I'll get plates." Tumayo ulit siya nang mapagtantong wala pa pala kaming mga pinggan na paglalagyan. Pagbalik ay inilapag niya sa harap ko ang isang puting plato bago siya umupo. Ako ang una niyang pinakuha ng slice. "Salamat talaga rito ah. Basta sabihin mo lang kapag gusto mo ulit ng kasamang kumain," ngisi ko sabay kagat sa hawak na slice. Nasibat ko naman ang lihim na pagkurba ng mga labi niya habang nakayuko. Napapadalas na 'yon ah. "By the way, tinanong mo kanina kung ano ang pangalan ng nanay ko. Ang sabi nila sa akin ay Yvette ang pakilala nito." Kumuha ako ng tissue at pinunasan ang gilid ng labi dahil sa kumalat na sauce. Sinubo niya ang hiniwa at nakatinidor na pizza pero may naiwan ding sauce sa labi niya kaya kumuha rin siya ng tissue. Ang arte kasi kumain. Tumango-tango siya. Wala nang nagsalita sa amin hanggang sa maubos ang unang slice. Binasag ko na ang katahimikan matapos kong kumuha ng pangalawang pizza. "So ano sa tingin mo ang pagkatao ng nanay ko?" Tumingin lang siya sa akin ng sandali, pagkatapos ay tumikhim. "Actually, posible ang pinaniniwalaan mo but I choose not to make any assumption," seryoso niyang sagot at kumuha ng pangatlong slice. Hindi ako makapaniwala na sa sobrang payat ng tsinong ito ay malakas palang kumain. "Tsk! Nagla-law ka nga pala. Mayroon nga pala kayong principle na--- ano nga 'yon? Presumed innocent until proven guilty?" asar ko at nag-gesture pa ng quotation marks gamit ang dalawang kamay. Tumigil naman siya sa paghiwa ng pizza at humarap sa akin habang nakataas ng kaunti ang kilay. "It is not about the law. Okay. Why did you ask for my opinion in the first place? Dahil hindi ka kuntento sa kung ano ang iniisip mo. Hindi ka ma-satisfy kahit ilang tao pa ang magsabi na p********e ang nanay mo dahil hindi mo pa rin malalaman sa sabi-sabi nila kung ano ang totoo." Humilig siya sa upuan. Hindi niya inaalis ang tingin sa 'kin. "Assume that she is a w***e or not, walang pinagkaiba. Pareho kang hindi patatahimikin. Even how many times na makarinig ka ng opinyon ng iba, your assumption will never be a conclusion hangga't hindi mo mismo nakikilala kung ano nga ba talaga ang nanay mo." Nawala ang ngisi ko at bumaba ang tingin sa lamesa. Naiinis ako. Hindi sa kanya kundi sa sarili ko dahil totoo ang lahat ng sinabi niya. Hindi ko alam kung bakit gusto kong inaalam ang pananaw ng mga tao sa bagay na ito kahit na pare-pareho lang naman sila ng sinasabi. "Isn't it better na huwag ka na lang mag-isip ng kung anu-ano? She's still your mom, Kaoru." Para bang umaasa ako na may kahit isang tao ang naniniwala na hindi ganoong klase ng babae ang nagdala sa akin at sasabihin niya na mali ako. Nakakainis dahil parang ayaw ko pa ring paniwalaan ang sarili kong ideya. Nakakainis dahil tama siya. "Umm." Umangat ang tingin ko sa kanya nang tumikhim siya. "Look. I... I'm sorry. I didn't mean to offend you. Well... I really meant it." Pinagtaklob niya ang mga labi. Natawa naman ako. Ang gulo niya. "Natural ba talaga sa abogado ang maging harsh magsalita? Hinay-hinay lang naman, attorney." Lumabi ako at nagkunwaring naiiyak. Kumibot naman ang mga labi niya saka umiwas ng tingin. Namumula ang mukha niya. "Okay. I'll be gentle." Hindi ko alam kung bakit biglang nag-init ang mga pisngi ko. Napalunok pa ako ng laway bago alangang tumawa. Shet. Iba ang naiisip ko sa sinabi niya! * * * Alas siyete na kami natapos sa pagkain at may pa-takeout pa dahil hindi namin naubos yung pizza. Walang nagsasalita sa amin kaya halos hindi na naman ako mapakali sa sobrang katahimikan. Bigyan ko kaya siya ng CD at nang may mai-play kaming music next time. Wait. May next time? "Diretso lang," pagbasag ko sa katahimikan at tumango naman siya. Naabutan kami ng stop light pagdating sa crossing sa tapat ng university. Sa halip na ang campus ang tignan ko ay natuon ang atensyon ko sa tatlong street children na natanaw kong natutulog sa upuan ng waiting shed. Dali-dali akong lumabas ng kotse, bitbit ang paper bag na pinaglalagyan ng pizza at nagtungo palapit sa mga bata. Narinig ko pa ang pagtawag sa akin ni Reign pero hindi na ako huminto para magpaalam dahil baka maabutan pa kami ng pag-andar ng mga sasakyan. Inilapag ko lang sa ulunan nila ang papel at hindi na sila ginising. Mahimbing na silang natutulog. Puro lalaki sila at magkakayakap silang tatlo habang nasa gitna ng dalawa ang pinakabata. Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko nang maalala ang gawain namin sa ampunan na pagtabi-tabihin ang mga kutson namin sa sahig para magkakatabi kami sa pagtulog. Kagyat ko rin iyong pinunasan bago naglakad pabalik sa kotse. "Umm... h-hindi ko na makakain sa apartment yung pizza kaya ibinigay ko na lang sa mga bata," paliwanag ko nang makaupo. Hindi ako tumitingin kay Reign dahil baka mapansin niya na naluluha ako pero kita ko mula sa gilid ng mata na nakatitig siya sa akin. "It's okay." Wala nang nagsalita sa amin. Hindi ko maiwasang kamutin ang tuhod dahil sa pagkailang. Pagtingin ko sa labas ay natataw kong gising na ang isang bata. Hawak na nito ang paper bag at nanlaki ang mga mata nang masilip ang laman. Nagulat ako nang tumingin ito sa gawi ko at ngumiti ng malawak, bago masayang niyugyog ang mga kapatid. "You should visit the orphanage." Mula sa mga bata ay dahan-dahan niyang inilipat ang tingin sa akin. Umiwas ako at tumingin na lang sa harapan. "Bakit naman?" Narinig ko ang pagtikhim niya. "I got your point. Gusto mong turuan ang mga bata na huwag mag-invest ng affection sa mga tao." Tumango ako. Nauunawaan naman pala niya. So bakit? "But should they do that? Are you sure that would make them in good shape? Or maybe you're only making them believe that they are unworthy of love. Worst is, they might grow up begging for love and get easily fooled by other person's words." Kunut-noo akong lumingon sa kanya. Sa pagkakataong ito ay siya naman ang hindi nakatingin sa akin dahil nagsisimula nang umandar ang mga sasakyan. Hindi ko inalis ang tingin sa kanya hanggang sa makalagpas kami sa crossing. "Just think about it," patuloy niya. Sumulyap siya sandali sa akin. Tila kinakabahan ako sa patutunguhan nito. "Most of you were abandoned by your family. You should know how much that hurts to them, yet you're making them feel the pain of being neglected again. Aren't you just like being your parents? You can always choose to stay if you want to. It would mean so much to them having you." Ramdam ko ang mabilis na pamumuo ng likido sa gilid ng mga mata. Pasimple akong tumingala para pigilan ang pagtulo nito pero kahit ang sarili ko ay trinaydor ako. Kahit ang paghikbi ko ay hindi ko na nagawa pang patahimikin. Naramdaman ko ang paghinto ng sasakyan sa gilid ng kalsada at ang pagbukas ng compartment. Mabilis kong hinablot sa kamay niya ang box ng tissue at sinalo ang luha na kanina pa binabasa ang damit ko. Hanggang sa madama ko ang paghagod ng mainit na palad niya sa likod ko na lalong nagpaiyak sa akin. Hindi ko siya sinuway. Bwisit, bwisit. "Hindi pa ako tapos sa sasabihin ko pero umiyak ka na." Sinamaan ko siya ng tingin at gigil siyang hinampas sa braso. "'Di ba, ang sabi ko, dahan-dahan lang! Binigla mo naman! Ang sakit kaya!" "I-I'm sorry. Mabuti nang mabilis para mawala agad ang sakit." Napaangil na lang ako pero mayamaya ay tumagos ang tingin ko sa likuran niya nang makita na nasa tapat pala kami ng Kingdom Café. Tanaw ko sa loob si Ariane na naglalakad, bitbit ang tray ng pagkain. Napalingon din si Reign. "Gusto mong bumaba? Milk tea? Matcha?" Inirapan ko lang siya. "Ituloy mo na. Malapit na yung apartment ko." Pabagsak akong sumandal at humalukipkip. "Ayos ka na?" Kinagat ko ang gilid ng ibabang labi saka dahan-dahang tumango. "Mukhang tama ka naman. Siguro, masyado lang akong nasaktan noon sa pag-asang babalikan ako ng isang tao kaya hangga't maaga ay gusto kong masanay na sila na hindi umaasa." "Tama naman talaga ako." Pinigilan kong matawa sa sinabi niya pero sa huli ay naisinghal ko lahat ng naipong hangin. "Oo na nga." Kumuha ako ng tissue para pahirin ang natirang luha sa mukha. "Siguraduhin mo lang na hindi mo ginagamit sa kabastusan itong mga tissue na ibinibigay mo sa 'kin ah." "W-What do you mean?" kunut-noo niyang tanong. Matawa-tawa naman akong umiling. Naalala ko ang naisip kong dahilan noong lasing ako kung bakit siya maraming tissue. Ang dami kong natututunan kay Jhas na gaga. Sumandal din siya sa upuan niya at tinapik-tapik ang manibela. Pareho lang naming sinusundan ng tingin ang mga dumadaang sasakyan. "There's a saying, kapag nagagalit ka at nasasaktan ka dahil sa isang tao, that means you love that person." "Kung sinasabi mo na mahal ko ang nanay ko, nagkakamali ka. Galit na lang ang nararamdaman ko sa kanya. Parang ikaw. Galit ako sa 'yo... pero hindi kita mahal," ngisi ko. Makalipas ang ilang minuto ay pinaandar na ulit niya ang kotse. Pinaliko ko siya ng dalawang kanto at rinig ko ang pabulong niyang pagbanggit sa mga street. Pagkarating sa tapat ng bahay ay muntik pang magdikit ang mga mukha namin nang magkasabay naming kunin si Melody sa backseat. Nang makababa ako ay binuksan niya ang isang bintana. "Bye. Ingatan mo na ang gitara mo." Tumango ako. "Bye. Umm..." Hindi ko malaman kung ano ang idudugtong. Kung magkikita pa ba kami at makakapag-usap pa ba ulit kami kapag nangyari iyon. Wala na akong kailangang balikan sa kanya. "I-Ingat." Tumango rin siya bago unti-unting humarang sa pagitan namin ang muling pagsara ng bintana. Nakatitig lang kami sa isa't isa nang mga sandaling iyon. Hanggang sa pinaandar na niya ang sasakyan. Nanatili lang akong nakatayo sa pwesto ko habang sinusundan ng tingin ang paglayo niya... na posibleng huling beses ko na ring magagawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD