Chapter 4

2327 Words
Chapter 4: Remember "Bye bye." Lumabas na ako ng kotse at kumaway muna kay Reign bago isinara ang pinto. Naghintay ako na makaalis at makalayo siya. Pinagmasdan ko ang sarili ko na hindi pa rin nakakapagpalit ng damit. Bago kami umalis ay naghilamos lang ako ng mukha at humingi ng mouth wash sa kanya para hindi naman ako amoy alak. Umiling na lang ako at naglakad na papasok sa McDo. Natanaw ko sila sa corner at kumakaway sa akin. "Anong porma 'yan? Kinulang yata sa tela ang damit mo. Saan ka nanggaling, Kaoru? Ha?" mapang-usisang tanong ni Ariane. Ibinaba ko na ang kamay ko na ginagawang pangsuklay sa buhok na dahilan para umangat ang suot kong crop top at mailadlad ang tiyan at pusod. Napaka conservative kasi ng babaeng ito na napag-iwanan na ng modernisasyon. "Uh, diyan lang sa tabi-tabi. Kasama si Sugar Babe." Napalingon sa akin ang mga payapang kumakain sa kabilang table. Si Jhas naman ay nasamid pa sa iniinom niyang McFloat. Nagagawa kong gawing biro ang pagkakaroon ng lalaking binibigyan ng aliw kapalit ng malaking halaga pero ang totoo ay para iyong patalim na bumabaon sa dibdib ko. Dinala ako ng bagay na iyon sa ganitong buhay. "Umupo ka na nga! Kung anu-ano 'yang sinasabi mo. Mukha kang nakainom," bwelta ni Jhas habang napapaubo. Nakita kong may nakahain nang 1 pc chicken, spaghetti, fries, at McFloat sa tapat ng upuan ko. "Thank you sa food," nakangisi kong sambit pagkaupo. Nasa tapat ko sila. "Hoyoy! Hindi libre 'yan. Pabayaran mo sa Sugar Babe mo." Ngumuso na lang ako at naglapag ng pera sa nakalahad na palad ni Jhas. Nanghingi ako ng sukli bilang pambawi. Ilang segundo akong nakatitig lang sa pagkain. Alas onse na ako nagising at nakakain sa condo ni Reign. Busog pa rin ako. At hindi ako mapapakali dahil wala pa rin akong maalala sa nangyari kagabi. "Kunin mo na." Umangat ang tingin ko nang mahuli sa akto ang kamay ni Ariane na dumudukot sa fries ko. "Wala ka bang gana kumain?" tanong niya sabay subo sa fries na nadukot. Sa huli ay kinuha na niya ito ng tuluyan at pinagsaluhan kasama si Jhas. "Huwag mong sabihin na itinuloy mo ang gig sa bar?" Nagkatinginan kami ni Jhas na siyang nakakaalam sa pagtugtog ko kagabi. Tutol si Ariane na ituloy ko iyon dahil may inuman at marami raw akong lasing na makakasalamuha. Napailing na lang siya nang hindi ako sumagot. "Anong oras ka nakauwi? Tignan mo. Hindi mo man lang nagawang magpalit ng damit bago ka nagpunta rito." "Wala namang nangyaring masama sa kanya. Buhay na buhay pa rin ang frenny natin," pagtatanggol sa akin si Jhas. Tumango-tango naman ako habang nakanguso. "Uminom ka?" seryosong tanong ulit ni Ariane. "O-Oo?" Nahihiya akong ngumiti. Bigla naman silang napanganga sa gulat. "K-Kaunti lang," patuloy ko. "Talaga? Bakit hindi ka nagsasama, ha?" Hinila ni Ariane ang buhok ni Jhas dahil sa tanong nito. "Isa ka pa, Jhas! Walang mabuting maidudulot ang paglalasing," pangaral ng anghel na si Ariane. Iyan siya. Wala talagang maririnig na anumang kasamaan sa bibig ng babaeng iyan. "Ikaw? Bakit ka uminom?" "Dahil... nauhaw ako?" Humagalpak kami ng tawa ni Jhas kaya naman tig-isang kurot ang nakuha namin mula kay Inang Ariane. Paborito namin ang asarin siya dahil ganito lang ang kaya niyang gawin. 12 p.m. to 9 p.m. ang shift niya sa Kingdom Café kaya may ilang oras kami ni Jhas para bwisitin siya, pero minsan ay may ipinapagawa sa aming paperworks si Sir King sa office. "Ang corny, alam nyo 'yon?" nakangiwi niyang uyam. Unti-unti nang humupa ang pagtawa namin ni Jhas. Aminado naman kami na corny nga iyon pero natawa kami dahil biniro lang namin ang pangaral niya. Sinimulan ko nang lantakan ang manok sa plato ko. Itinabi ko muna ang balat dahil sa huli iyon kakainin. "Niyaya lang akong uminom kagabi ng mga kasama kong performers sa Kanto Bar pagkatapos ng gig. Mayroon kasing may birthday," paglalahad ko habang naghihimay. "Ichika mo naman ang naging ganap. Masaya ba tumagay?" inggit na tanong ni Jhas sabay kuha at sipsip sa McFloat ko dahil naubos na ang sa kanya. Masama naman ang tingin sa kanya ni Ariane pero hindi niya pinansin. Kumagat ako sa ibabang labi at magsasalita na sana nang biglang may lumapit na crew sa pwesto namin. "Ma'am, ipinabibigay po ng lalaki sa iyo. Nahulog mo raw po sa sasakyan." Inilapag nito sa lamesa ang pang-ipit ko ng buhok saka umalis na. Naalala kong nakalagay iyon sa pulso ko at hindi ko namalayang nahulog pala. Taragis. Bumalik pa si Reign para lang ipaabot ito? Pag-angat ng tingin ko kina Jhas at Ariane ay pareho silang nakatitig sa akin habang nanlalaki ang mga mata. Napalunok ako ng malalim. "M-May kasama kang lalaki?!" magkasabay nilang bwelta. "S-Sandali. Magpapaliwanag ako." Agad na napainom ng tubig si Ariane na tila inatake ng alta-presyon. "Please. Makinig muna kayo." "Kailan pa kayo magkasama? Kagabi? Anong nangyari sa inyong dalawa, Kaoru?" sunud-sunod na tanong ni Ariane. Napatakip ako ng mukha. Mabuti na lang dahil umalis na ang mga tao sa katabi naming table at medyo malayo ang pwesto ng ibang mga kumakain sa amin. "Huwag kayong mag-alala. Hindi niya ako ginalaw." "Sino ba ang lalaking iyon? Bakit ka naman sumama sa kanya, Bhe," naiiritang ani Jhas sabay sipsip sa McFloat ko na halos kalahati na lang. Pinabayaran niya sa 'kin ang pagkain ko pero siya rin naman pala ang uubos. "W-Wala akong maalala." Napayuko ako. Sabay pa silang bumuntong-hininga at seryosong tumingin sa akin. Wala sa aming nagsasalita ng ilang segundo at sinusubukang pahupain ang tensyon. "S-Sorry na," bulong ko. "Bakit sa amin ka nagso-sorry? Sa sarili mo ikaw humingi ng tawad kung sakaling napagsamantalahan ka." Hinawakan ni Ariane ang kamay ko at marahang inalog. "Sigurado ka ba na walang ginawang masama sa iyo ang lalaking kasama mo?" "Malalaman at mararamdaman naman ni Kao iyon dahil katawan niya 'yan," saad ni Jhas. Naubos na niya ng tuluyan ang McFloat ko at dumighay pa siya pagkalapag ng baso sa mesa. Hindi man lang ako nakatikim. "Mukhang hindi naman siya yung tipo na gagawa ng kabulastugan." "Ibig sabihin, gentleman siya? Gwapo ba?" Biglang umaliwalas ang mukha ni Jhas. Pinandilatan naman namin siya ng mata ni Ariane. "Bakit? Tinatanong ko lang naman ah. Masama, masama?" Pinigilan naming matawa sa itsura niya na parang aping-api. Hindi talaga maaasahan sa seryosong usapan ang isang ito. "Akala ko ba ay kaunti lang ang ininom mo pero bakit wala kang maalala?" dudang tanong at tingin ni Ariane. Alangan akong ngumiti kaya nakatanggap na naman ako ng kurot mula sa kanya. "Well, sabi nila, kapag lasing ka raw ay doon mo nailalabas ang wild side mo. Ang tinatago mong kulo. Sure ka ba na gusto mong maalala 'yon? Ano kaya si Kaoru sa loob?" ngingisi-ngising teorya ni Jhas. "Jhas!" Kinilabutan ako sa sinabi niya. "Hala! Totoo nga! Kung maginoo si Kuya at wala siyang ginawang masama sa 'yo, baka ikaw ang may ginawa sa kanya," tawa niya. Napakagat ako sa daliri. Hindi ko alam kung dapat ba akong matakot sa sarili ko. Anu-anong mga bagay at sikreto kaya ang nailantad ko sa tsinong 'yon? * * * Naabutan kong nanonood ng palabas sa laptop ang mga kasama sa apartment pagkauwi ko. Pagpasok ko pa lang sa pinto ay sinalubong na kaagad ako ng kanilang nang-iintrigang tingin. Dahan-dahan pa ang pag-scan nila sa suot ko na tila ngayon lang nila nasaksihan. Pumasok na ako sa kwarto bago pa ako malusaw sa pagtitig ni Harold. Hindi ko gusto sa tuwing ginagawa niya iyon at ayaw kong mag-isip si Kate na inaagaw ko ang boyfriend niya. Sinisikap ko nang makalayo sa ganoong gulo. Nagpahinga ako ng sampung minuto bago maisipang maligo na. Binuksan ko ang aparador at kumuha ng mga pambahay na damit. Nabaling naman ang atensyon ko sa isang stuffed toy. Ito ang pusa kong pet noong bata ako. Hindi kasi kami pinapayagang mag-alaga ng tunay na hayop sa ampunan kung saan ako nanggaling. Hindi pa rin pala ako nakakadalaw doon sa loob ng tatlong buwan. Kinuha ko ito mula sa ibang laruan at hinimas-himas. Ilang segundo akong napatitig dito sa hindi maipaliwanag na dahilan. Parang may dapat akong maalala patungkol sa pusa. Itinagilid ko ang ulo ko at pilit pa itong inalala. Ilang sandali ay isa-isa nang pumasok sa memorya ko ang mga pangyayari. "You're wasted." Tinulak ko palayo ang lalaking nasa harapan ko. Luminga ako sa paligid para hanapin si Sir King pero hindi ko siya makita. "Miss, umuwi ka na. Ihahatid na kita." Sinamaan ko lang siya ng tingin. "Sinusundan mo na ako, ha? Stalker ka ba?" Kumunot ang noo niya. Nakita kong nakasukbit sa balikat niya ang gig bag ko kaya tumayo ako para kunin iyon. "Akin na nga si Melody." Paghakbang ko ay tila nawalan ng lakas ang mga tuhod ko, dahilan para mawalan ako ng balanse. Sinalo ako ni Mr. Tahimik pero sa huli ay sumama rin siya sa pagbagsak ko. Pumaibabaw ako sa kanya. Nabuo ang tunog ng isang nasirang bagay, ang gitara ko. Gumulong ako paalis sa ibabaw niya at humawak sa dibdib kong naipit. Lalo tuloy itong mawawalan ng laman. Bwisit. "Let's go." Napasigaw ako nang bigla na lang hawakan ng lalaki ang magkabilang pulso ko at hinila ako na parang lampaso sa sementadong sahig. Hindi ba pwedeng buhatin na lang? "Puta, madudumihan ako!" Bumitaw na siya sa 'kin at hinayaan akong tumayong mag-isa. Binuksan niya ang pinto sa front seat ng puting kotseng malapit sa amin. Banas ko siyang tinulak sa balikat bago sumakay doon. Pagkasara niya sa pinto ay umikot na siya at sumakay sa driver's seat. Napansin ko naman ang bulto ng dalawang lalaki na papasok sa bar. "Where do you stay?" tanong niya sa manibela. Doon kasi siya nakatingin. "Sabihin mo lang kung anong number ng bahay at kung saang street. Or nag-aapartment ka? Miss?" Sa wakas ay tumingin na siya sa akin. Pero agad niya itong binawi nang masalubong ang mga mata ko. "Dalhin mo na lang ako kung saan mo gusto. Ayaw kong umuwi." Umawang ng bahagya ang mga labi niya dahil sa pagkagulat at muling tumingin sa akin. "S-Saan mo gustong magpunta?" Hindi ko maiwasang matawa dahil nanlalaki ang medyo singkit niyang mga mata. Ang cute niya magulat, parang chinese. Teka, chinese nga pala siya. Shet. Ang gaga ko. "Bahala ka nga. Pwede ring sa langit kasi impyerno na sa tinitirahan ko." Napapunas siya ng bibig. "Miss, hindi ako nakikipagbi---" "Basta sumunod ka na lang! Bilis!" Napaigtad siya sa sigaw ko. Umiwas siya ng tingin sa akin at napasuyod ng buhok. Sa huli ay pinaandar na rin niya ang sasakyan. Hindi na ulit ako nakaramdam pa ng antok. Dinaig pa kasi ang katahimikan ng gubat nitong katabi ko. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit ang bilis-bilis ko nang matawa sa mga simpleng bagay. Simpleng pagkindat-kindat lang ng pundidong streetlights at lampungan ng mga pusang gala na mahaharot ay kinikilig na ako. "Pst!" tawag ko kay tsino. Sumulyap lang siya sandali sa akin, pagkatapos ay tumuon na ulit sa kalsada. "Totoo ba na sa pusa gawa ang siopao?" Umangat ang sulok ng kanyang mga labi. Sa unang pagkakataon ay natanaw ko ang saya sa mga mata niya. Marunong naman pala siyang ngumiti. "I think so," sagot niya sabay tikhim. "Ano?!" Bigla akong napamura at galit na pinukpok ang busina ng sasakyan. Dali-dali niyang itinabi sa gilid ng daan ang kotse at pinakalma ako. "B-Biro lang. Sa aso, I mean, sa baboy talaga gawa ang siopao." Parang umangat ang sikmura ko dahil sa nalaman. Ginagawa rin pala nilang siopao ang aso at pinagtakpan niya pa. Nag-aligaga siyang buksan ang compartment at naglabas ng supot na duduwalan ko. Para akong nakaraos sa pagtatae pagkatapos. Ibinaba niya ang mga bintana para palabasin ang mabahong amoy ng suka ko. Binigyan niya rin ako ng isang box ng tissue para ipamunas sa bibig. Napatingin ako sa compartment at may isang box pa ng tissue roon. Anong ginagawa niya sa napakaraming tissue? "Bibili lang ako ng kape." Napatingin ako sa labas at nakitang nasa tapat pala kami ng Starbucks. Pagbalik niya ay ibinigay niya sa akin ang isang kape. Hindi ko maiwasang mag-isip ng kung anu-ano sa kanya. Kaya siguro malungkot ang buhay niya ay dahil wala siyang ~toot~ life at dinadaan na lang sa pa-tissue tissue. Ha! Ang galing ko talaga. "Cellphone mo." Hinugot niya mula sa bulsa ang cellphone ko. Nakuha niya pala iyon. "Call a friend. Doon na lang kita ihahatid kung ayaw mo sa apartment," utos niya sabay higop ng mainit na kape. Pasado alas dose na ng hatinggabi. Tulog na ang mga iyon. "Sa tirahan mo na pala ako uuwi." Hindi malandi ang pagkakasabi ko rito. Seryoso ako. "Wala akong mapupuntahang iba," saka ngumuso at nagpaawa. Umalon ang adam's apple niya. "Hindi pwede. Iche-check in na lang kita sa hotel. I will pay the bills." Suminghal ako sa inis. Ang arte! "Sa. Bahay. Mo. Ako. Uuwi. K?" mariin kong bigkas at tumingin sa kanya ng nakakasindak. Nanlaki ang mga mata niya at umasog sa pinto ng sasakyan. "O-Okay," sabay lunok ng malalim. Napangiti ako ng pagkaluwang sabay inom na sa kape habang nakatitig pa rin sa kanya. Ah. This will be a very fun and unforgettable night. Humanda ka, Mr. Sad Life. Magiging masaya ka na. Tila mabagal na bumagsak ang hawak kong laruan sa sahig. Naiwan akong nakatulala sa kawalan habang patuloy na tumatala sa isipan ang mga alaala. Hindi ko na halos maramdaman yung mukha ko dahil sa pamamanhid at tila napapaso na rin ako sa nag-iinit na temperatura ng katawan. Kinagat ko ng mariin ang ibabang labi kasabay ng pabagsak na pagdapa sa higaan. Sa unan ay ibinaon ang aking pagtili at nagwawalang emosyon ng kahihiyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD