Chapter 5: First
*Last Night
"Wow! Sa 'yo ito?!"
Hindi na halos kumukurap pa ang mga mata ko nang makita ang looban ng condo ni Reign. Akay niya ako mula sa lobby hanggang 7th floor kung nasaan ang kanyang unit.
Walang pinalampas ang paningin ko sa mga kagamitan na nasa kanyang kaharian. Susuray-suray pa rin ang aking paglakad pero hindi na katulad sa bar dahil nakakaya ko nang magbalanse ng katawan ngayon.
"Humiga ka na riyan. Kukuha lang ako sandali ng kumot mo."
Iniwan niya akong nakaupo sa malambot na kutson. Isinabit niya sa gilid ng closet ang gitara ko at pinaandar na ang air con. Nagsimula na itong maglabas ng malamig na temperatura.
Nakasunod lang ako sa bawat galaw niya na aligagang-aligaga. Pawisan na ang kanyang mukha at katawan. Hindi ko tuloy maiwasang pagpawisan din dahil ang hot niya kahit na buto't balat.
Hubad na ang kanyang mga sapatos. Tumigil siya sa aparador na malapit sa akin at nakitang kumuha ng damit na pamalit at isang kumot.
"Matulog ka na, Miss." Lumapit siya at inilapag sa tabi ko ang kumot. "Yung sandals mo, ilagay mo na lang d'yan," tukoy niya sa ilalim ng bedside table.
Napangisi ako. Itinukod ko ang mga braso sa likuran sabay hain sa kanya ng aking mga binti. Iwinagayway ko pa ang mga paa ko para maintindihan niya ang gusto kong ipagawa. Bumuga siya ng hangin at nagkamot ng batok bago lumuhod sa harapan ko.
"Hahaha! Nakikiliti ako, Babe!" Kita ko ang biglaang pamumula ng tainga niya. Matapos niya akong hubaran ng sapin ay dali-dali na siyang naglakad patungo sa shower at hindi man lang tumingin sa akin.
Inilugay ko ang buhok ko at humiga sa kama habang nakalaylay pa rin ang mga binti. Nilalaro ko ang mga hibla at pinaiikot sa daliri. Nakatulala lang ako sa kisame habang inaalala ang sinabi ni Kate kay Harold kaninang umaga na dahilan kung bakit ako nandito.
"Magsama kayo ng p****k mo. Tignan natin kung masiyahan ka."
Ilang minuto, narinig ko na ang pag-slide ng pinto. Bigla akong bumalikwas ng upo at nakita ko pa ang pag-igtad niya sa gulat.
"H-Hindi ka pa ba inaantok?" tanong niya habang isinasampay ang twalya. Sandali siyang sumulyap sa akin para tignan ang pag-iling ko. "Gusto mong umuwi na sa inyo?" Umiling ulit ako.
"Tara na rito, Babe."
Lumiyad ulit ako at itinagilid ang ulo. Inipon ang buhok sa isang banda saka inilahad ang kamay. Shet. Ewan ko na lang kung hindi pa siya maging lalaki. Good job, Kaoru.
Nahuli ko ang paghapyaw niya sa leeg ko. Nagsimula na namang mataranta ang kanyang pagkilos. Puting t-shirt na may tatak na Good Boy at itim na jersey shorts ang suot niya.
Iginala niya ang tingin at huminto sa maliit na black leather couch na napaiibabawan ng mga libro. Tila ngayon pa lang ay hirap na ang itsura niya sa pag-iisip na roon siya hihiga ng magdamag.
"Ang arte mo talaga, Mr. Good Boy." Tumayo na ako para hilahin siya. Agad kong ipinulupot sa leeg niya ang mga braso ko bago pa siya makalayo.
Gulat siyang napasalo sa likod ko dahil sa biglaang pagkawala ng aking balanse. Namula na parang rosas ang mukha niya nang mapagtanto na balat ko na ang kanyang nahahawakan.
Kagyat niya akong dinala pabalik sa kama pero imbes na ako ang mahiga rito ay siya ang tinulak ko ng patihaya. Dali-dali akong lumundag at ikinulong siya sa aking mga braso at binti.
"M-Miss, anong ginagawa mo? Umalis ka r'yan. Lasing ka." Napayakap siya sa kanyang sarili na parang birhen.
"Shhh, baka magising ang mga kapitbahay." Pinatikom ko ang mga labi niya gamit ang hintuturo. "Alam ko na malungkot ang buhay mo, kaya nandito ako para paligayahin ka," ngisi ko sabay pisil sa kanyang pisngi. Humawak ako sa magkabila niyang pisngi kasabay ng paglapit ng mukha ko.
Pero bago ko pa man maramdaman ng paglalapat ng mga labi namin ay nagawa na niyang hulihin ang aking mga kamay. Gumulong kami hanggang sa siya na ang nakaibabaw sa akin at ako ang nakakulong sa kanyang mga binti.
Naramdaman kong dumikit ang mga labi niya sa pisngi ko dahil sa ginawa naming paggulong. Paglingon ko sa kanya ay nanlalaki ang mga mata niya habang namumula ang mukha.
"H-Hindi ko sinasadya." Bumaba ang tingin niya sa mga labi ko na nagpaawang ng bahagya ng sa kanya, hanggang sa ibaba pa para tignan ang posisyon ng mga katawan namin. Umalon ang lalamunan niya dahil doon.
Nagawang makawala ng isa kong braso mula sa pagkakagapos niya. Kagyat na bumalik sa mukha ko ang atensyon niya nang dalhin ko ito sa likod ng ulo niya at isinabunot sa kanyang buhok na basa pa. Ngumisi ako.
"M-Miss, sandali---" Hindi na niya natapos ang sasabihin nang mabilis kong inangat ang ulo ko at siniil siya ng halik. Sa gulat ay napabitiw siya sa isa ko pang kamay at dagli ko itong ipinulupot sa kanyang batok.
Isang nakakaliyong sensasyon ang dumaloy sa akin. Parang akong tinindigan ng balahibo sa katawan. Walang gumagalaw sa amin ng ilang segundo, ni hindi na rin siya nagpumiglas pa sa ginawa ko. Pikit lang ang mga mata ko at pinapakiramdaman ang malambot niyang mga labi.
Nang maubusan ng hangin ay bumitiw na ako sa halik at ibinagsak ang ulo sa kutson. Pero hindi ko inasahan ang paghabol niya para muling ikulong ang sarili namin sa isa't isa.
Napasinghap ako at namilipit ang mga paa nang dumagan ang mabigat niyang katawan sa akin at bahagyang ibukas ang bibig upang sakupin ang mga labi ko. Lumubog ang ulo ko nang idiin pa iyon.
Dahan-dahan ay kinuha niya ang kamay ko na nakakawit sa batok niya at itinaklob dito ang kanyang palad. Sinusubukan kong imulat ang mga mata ko pero agad din akong napapapikit sa tuwing mararamdaman siyang kumilos.
Hinahayaan kong gawin niya ang lahat hanggang sa magawa ko nang sundan ang kanyang estilo. Hindi ko mabilang kung makailang beses kaming sandaling naghihiwalay para maghabol ng hininga saka muling sasalubungin ang init ng isa't isa.
Ang basa, mapupusok, at malilikot naming halik ang lalo pang bumubuhay sa kabaliwan ko. Hanggang sa unti-unti na kaming bumagal at magdesisyong tumigil.
Bumungad ang mapupungay niyang mata pagdilat ko. Ilang segundo kaming nagkatitigan hanggang sa siya na ang unang tumapos. Kita ko ang pamumula ng mukha hanggang sa leeg niya nang umalis siya sa ibabaw ko. Umupo siya sa gilid ko at hinilamos ang mga palad.
"I... I'm sorry."
Tumingin siya sa akin. Napatitig na lang ako nang makitang puno ng pagsisisi ang mga mata niya. Hinawakan ko ang mga labi ko hanggang sa hindi ko na napigilan ang pagpatak ng isang luha na sinabayan ko ng tawa.
"Ayos ba?" Nagsalubong ang mga kilay niya nang ngumiti ako sa kanya. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at hinarap siya. "Tara. Ituloy natin."
"M-Miss." Hinuli niya ang mga pulso ko nang sinubukan kong hawakan siya sa balikat. "W-What are you doing?" Sinikap kong bawiin ang mga kamay ko pero lalo lang niyang hinigpitan ang pagkakahawak.
"Bitiwan mo ako, ano ba?!"
"Miss, lasing ka lang. You'll surely regret this tomorrow."
"Gusto mo naman ah!" Natahimik siya. Napangiti ako nang mapansin siyang lumunok.
"N-No."
"No, no. Supot ka ba, ha?"
Umigting ang panga niya at napatili ako nang bigla niya akong ibagsak pahiga sa kama. Ginapos gamit ang isang kamay niya ang magkabilang pulso ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang kunin niya ang kumot, inalis sa pagkakatupi nito, at ibinuhol ang tela sa akin. Napakagat ako ng labi nang mapagtanto ang mangyayari.
Hindi ko na maiwasang mapasinghap, mapalunok, kabahan para sa sarili ko. Handa na ba talaga akong mawasak ngayong gabi? Ibinaba ko ang tingin sa pagitan ng mga hita niya. Daks kaya?
"Dahan-dahan lang ah." Naging malikot ang mga mata niya at nagsimula na namang mamula ang mukha. "F-First time ko."
"Hindi ko gagawin ang iniisip mo," matabang niyang sabi. Kumunot naman ang noo ko.
Natapos na niyang igapos ang mga kamay ko at nagulat ako nang isunod niya ang mga paa. Marami pa ang natirang tela sa kumot kaya iyon lang din ang ginamit niyang panali. Naipulupot na niya ito bago ko pa nagawang pumalag.
"Siraulo ka! Pakawalan mo ako!"
"Aalisin ko lang ito kapag nakatulog ka na." Wala akong nakagawa kundi umangil at ngumawa. Nanatili lang siyang nakaupo sa gilid ko at nakatingin sa akin nang walang emosyon. "I'm sorry... s-sa nangyari kanina."
"Paulit-ulit? Pakawalan mo kaya ako nang mapatawad kita!" Umiling siya.
"Why are you doing this?"
Natigilan ako at agad na umiwas ng tingin. Gusto ko siyang tadyakan ngayon pero para akong baboy na kakatayin niya at walang kalaban-laban. Bwisit!
"Ganito naman talaga ang tingin ninyo sa akin, 'di ba?" Sarkastiko akong tumawa. "Nakakapagod na. Mas madaling pangatawanan ko na lang ang sinasabi ninyo tungkol sa akin kaysa patunayan ang sarili ko. Like mother like daughter nga, 'di ba?"
Tumulala ako sa puting kisame. Natahimik kami ng ilang segundo at tanging ang ingay ng pagbuga ng air con ang maririnig.
Hindi na dapat ako naaapektuhan sa salitang iyon. Hindi na dapat ako nasasaktan dahil ilang beses na akong nakarinig ng ganoon mula sa iba. Pero hindi ko maintindihan kung bakit parang nagsama-sama silang lahat ngayon at wala na akong ibang gusto kundi ang sumabog.
Dala ba ng alak o napuno na lang talaga ako? Hindi ko na mapigilan.
"Bukod sa isa lang akong hamak na cashier sa café na hindi nakakapag-aral, wala rin akong kinilalang tunay na magulang." Buong buhay ko ay si Mama Theza na ang tumayo kong ina. Isa siya sa caregivers na nag-aalaga sa amin.
Magkahalong gulat at pagkailang ang nakita ko nang ibalik sa kanya ang tingin. Kumibot ang mga labi niya. Pinigilan ko siyang ituloy ang sasabihin na alam ko na kung ano.
"Huwag kang mag-sorry. Hindi naman ikaw ang nag-abandona sa akin kundi ang nanay kong pokpok."
"Don't say that. It's still your mother." Napahalakhak ako. Seryoso ba siya?
"Anong mother? Motherfucker?" ngisi ko. Napaiwas siya ng tingin na parang siya pa ang nahiya. Ngumiti ako ng maikli.
Kailan ba ako nagsimulang magalit ng ganito sa nanay ko? Noong naiinggit ako sa mga batang nakikita ko na kasama ang mga magulang nila habang ako ay tinatanaw lang sila mula sa malayo? Noong tuwing may nakakaaway ako ay ibabato nila sa akin na malandi ako at anak ng p****k?
Mukhang may point naman sila kapag sinasabi nila iyon. Sino bang mabuting ina ang mag-iiwan ng anak sa ampunan? Kita rin ang ebidensya. Hapones ang tatay ko. Halata iyon sa akin. Pero hindi ko gamit ang apelyido nito dahil wala naman akong ama sa record. Tss. Alam na ang istorya.
Ang mabuting ginawa lang siguro ng nanay ko ay ni-register niya ako sa PSA bago itapon. Wow ah. At least ay alam ko ang pangalan niya, ang birthday ko, at nagagamit ko pa ang apelyido ng gaga.
"Paano kaya kung totoo ang reincarnation? Pwede ko na kayang patayin ang sarili ko tapos mabubuhay ako ulit?"
Tumingin siya sa akin. Sa pagkakataong ito ay ako naman ang nag-iba ng direksyon at tumitig ulit sa kisame. Napapangiti ako ng mapait.
"Kapag nangyari iyon, hindi ko na kailangan pang magtiis bilang si Kaoru."
Narinig ko siyang umismid ng mahina kaya napalingon ako. Bahagyang salubong ang mga kilay niya. May iritasyon sa paraan niya ng pagtitig sa akin pero naroon pa rin ang pagiging maamo ng mukha. Hindi ko alam kung dapat akong matakot. Ito ang pinaka transparent na emosyong ipinakita niya.
Kumagat ako sa ibabang labi at tumingin sa iba't ibang direksyon nang hindi niya pa rin inaalis ang mga mata sa akin. Baby face naman siya at mukhang hindi pumapatol sa babae kaya hindi dapat ako matakot. Pero hindi ko maiwasang isipin na baka ngayon ay mag-transform siya at maging tiyanak!
"Taking your life to escape from all these? Humihiling ka pa ng reincarnation."
Sinuyod niya paitaas ang buhok at sandaling ibinaling sa iba ang tingin. Tila gusto niyang magsalita pero pinipiling pag-isipan muna ang mga sasabihin.
"Let's say that theory happened to be real. You'll be reincarnated after you take your life. But are you certain that you won't face problems again? If you don't get the ideal life you want, would you cut yourself again until you get a perfect life that you know the world won't ever give you?"
Hindi ko maiwasang lumunok na lang habang nagsasalita siya. Kalmado ang boses niya pero parang sinasaksak ako dahil sa nilalaman nito.
"Hindi ninyo maiintindihan ang tulad namin maginhawa ang buhay ninyo at nakukuha ninyo lahat," mariin kong sabi. Tumagilid ang ulo niya.
"Huwag kang umarte na parang ikaw lang ang may dala ng lahat ng problema. Everyone has their own battles."
Ramdam ko ang panginginig ng mga labi ko. Matalim ko siyang tinitignan kahit pa lumalabo na ang paningin ko dahil sa namumuong luha. Ilang sandali pa ay isa-isa na itong nagsibagsakan.
"Kung hindi mo kayang harapin ang mapait na realidad ngayon, paano pa sa susunod mong buhay? Even how many times you get born, you'll always end up being a loser if you don't have the guts to fight. Please, huwag mong sirain ang buhay mo."
Hindi ko alam kung bakit talaga ako umiiyak. Dahil ba masakit ang sinabi niya o dahil may katotohanan ang mga iyon? Ganoon ba talaga ako kadesperada? Pinipilit kong lumaban para sa pangarap ko pero minsan ay parang gusto ko na lang maniwala sa isang teorya.
Hindi ko gusto ang buhay na mayroon ako. Kahit minahal kami na parang tunay na anak ni Mama Theza at ng iba naming caregivers, alam namin na mayroon silang mga sariling pamilyang inuuwian, hindi kami.
Kahit na masaya ako kasama ang mga orphan na kasabayan ko na ring lumaki, hindi namin maitatanggi na hindi kami magkakadugo. Marami sa amin ay inabandona ng magulang.
Masama bang hilingin na sana ay posible pa akong magkaroon ng panibagong buhay? Mali bang mangarap na sana ay mabuhay pa ako sa ibang pagkatao?
"Ano bang ginawa ko sa 'yo? Hindi naman talaga ako magpapakamatay pero bakit nagagalit ka?!" Parang bata akong ngumawa nang hindi ko na napigilan ang paglakas ng iyak.
Nagitla ako nang hawakan niya ang kamay ko. Pagtingin ko ay inaalis na niya ang pagkakagapos sa akin. Mabilis kong itinakip sa mukha ko ang mga palad saka umikot padapa para ibuhos pa ang luha. Naramdaman kong pinatong niya ang kumot sa katawan ko.
"Hindi ako galit sa 'yo. Nakakatawa ka kasi."
Tiim-bagang ko siyang nilingon pero agad din iyong nagbago nang makita ko ang mukha niya. Nakaangat ng katiting ang sulok ng kanyang mga labi habang nakatingin sa akin. Mula sa sasakyan ay ito ang pangalawang ngiti na ipinakita niya at alam kong totoo iyon dahil sa sinasabi ng mga mata.
"Hindi ka naman tumawa eh. Nakangiti ka lang." Ako na ang tumawa para sa kanya. Nanatili naman siya sa tipid na emosyon.
Ipinatong ko ang ulo sa mga braso habang nakadapa pa rin at nakipagtitigan sa kanya. May itsura talaga ang tsinong ito lalo na kapag naglalabas ng emosyon. Hindi naman tulad ng mukha niya kanina na parang papatayin ako kundi iyong ganito na nakangiti siya.
"Um, k-kailangan na nating matulog. You'll be fine once you sober up." Dahan-dahan siyang bumaba ng higaan. Bumangon ako at inabot ang laylayan ng damit niya para pigilan.
"Saan ka matutulog?"
Tumingin siya sa direksyon ng sofa. Napailing na lang ako. Nanlaki ang mga mata niya sa sumunod kong sinabi.
"Dito ka na sa tabi ko matulog."