Kinabukasan ay bumuti ang pakiramdam ni Jeremy. Papasok na sana sya sa paaralan ng tumunog ang relo nya. Ipinatawag silang muli sa REU Esmeraldan HQ. Nagpadala ng sagot si Jeremy bago nagpadala ng mensahe kay Zarah.
Kaagad naglaho si Jeremy at lumitaw sa opisina sa Levin. Dumiretso sya sa Briefing Room mula sa lobby. Naroon sina Tonton, Adrian, Ivan, ang mga miyembro ng Sphinx at mga tauhan nya sa Unit nya.
"Ano pong problema?" tanong ni Jeremy.
"May mga bagong ulat ng mga nawawalang bata sa Berdad. May mga kakaibang halimaw din na umaatake sa mga kalapit na nayon doon. Malalakas at hindi pangkaraniwan ang mga halimaw. Kailangan iyong maimbestigahan at mapuksa ang mga halimaw para mapangalagaan ang nayon. Nagpadala na ng mga tao doon para mangalaga sa lugar pero humingi na sila ng alalay," salaysay ni Tonton.
"Kung ganoon po ay kailangan natin silang tulungan," pasya ni Jeremy.
Tumango ang naroon.
"Binigyan tayo ng HQ ng S clearance. Base sa impormasyon makapangyarihan at malakas ang mga halimaw kaya mag-ingat kayo," wika ni Tonton.
"Sigurado kang kaya mo, Cowboy?" nag-aalalang tanong ni Ivan.
"Ayos lang po ako. Bukod pa po doon, alam nyo ang sitwasyon sa Berdad," sagot ni Jeremy.
"Cowboy, sumama ka sa Fire Unit. Sphinx, tatanggap kayo ng inyong utos mula sa Team Leader na nasa twenty habang sina Renegade at mga Fire Unit ang susuporta sa mga Cienetas na kasama nila," atas ni Tonton.
"10-4," anang grupo.
Bumalik ang buong grupo sa Berdad kung saan sila sinalubong ng grupo ni Luis.
"Ano pong ginagawa nyo dito?" tanong ni Jeremy na nabigla.
"Ako ang TL nyo dito. Masyado na akong nababahala at ito lang ang paraan para makapasok sila sa teritoryong ito," paliwanag ni Luis.
"Mas mabigat na ito kaysa noong huli," bulong ni Jeremy sa sarili.
"Natagpuan na namin ang mga bata. Binabantayan sila ng isang grupo ng halimaw at balak dalhin sa butas. Kapag naipasok na ang mga bata ay hindi na natin sila maililigtas. Maging maingat kayo dahil hindi natin alam kung anong mayroon sa butas na iyon," lahad ni Luis sa buong grupo.
Tumango ang mga kasama nila.
"Mag-ingat kayo. Paalala lang kahit anong mangyari huwag kayong papasok sa butas," ani Luis.
"Opo Sor," anang lahat ng miyembro.
"Kung ganun, trackers and radios on. Synchronize time. Good luck sa ating lahat," mando ni Luis.
Kumalat ang bawat grupo by sectors at sinuyod ang kagubatan. Nabawi nila isa-isa ang ilang bata hanggang hinarangan sila ng iba't-ibang halimaw.
"Heads up everyone!" babala ni Luis.
Sinalubong sila ng mga halimaw. Napalaban ang bawat grupo sa ibang klase ng halimaw. Nagkalapit ang magkapatid at magkasamang lumaban. Nakita ni Jeremy na hinahatak ng isang halimaw papasok sa loob ng butas ang bata.
"Ang bata!" sigaw ni Jeremy na kaagad nilapitan ang bata at ang halimaw.
Nabawi nya ang bata sa halimaw pero napalaban ito.
"Sasha, ilayo mo sya dito!" utos ni Jeremy na inilagay sa likod nya ang bata.
Lumabas si Sasha at hinawakan ang bata bago naglaho. Biglang yumanig at nawalan ng balanse si Jeremy kaya napaluhod sya. Kasunod noon ay bumigat ang pakiramdam nya. Isang malakas na kapangyarihan na tila buhawi ang biglang humigop sa kanila sa pagtungo sa butas.
"Humawak kayo!" utos ni Luis sa mga kasama nila.
Nakahawak si Jeremy sa isang sanga ng puno pero natamaan sya ng isang lumilipad na sanga kaya napabitaw sya at hinigop ng butas.
"Jeremy!" sigaw ni Luis.
Dagliang nawala ang hanging humihigop sa kanila.
"Akira! Misha!" tawag ni Luis ng mapayapa na ang lugar.
Lumabas ang dalawang Olviye.
"Iligtas nyo si Jeremy sa butas. Pakihanap sya at pakilabas!" utos ni Luis.
"Masusunod po!" ani Akira na naglaho.
Sa loob ng butas, nakaramdam ng kakaibang kilabot si Jeremy nang magising sya. Pinilit nyang tumayo kahit sobrang bigat ng pakiramdam nya.
"Kallen, naririnig nyo ako? Kallen, come in! Helix!" tawag ni Jeremy na sinubukan ang radyo pero puro static ang narinig nya.
Naramdaman nya ang paglapit ng panganib kaya iniikot nya ang paningin.
"Anong lugar ito?" tanong nya sa sarili.
Nilapitan sya ng kakaibang nilalang. Tila maliliit na manikang troll ang mga ito.
"Kakaiba ito," nabahalang wika ni Jeremy na hinawakan sa ulo ang troll.
Bigla syang inatake ng mga maliliit na troll at sinubukan syang kagatin kaya itinapon nya itong palayo.
Maya-maya'y nagulat sya ng dumagsa ang mga ito at nilusob syang muli. Ginamit nya ang kapangyarihan ng apoy nya kaya lumayo ang maliliit na nilalang.
Bigla syang inatake ng iba't-ibang halimaw sa paligid nya na naakit ng kapangyarihan nya. Humihingal na sya ng matapos nya ang mga iyon.
"Kailangan kong makalabas dito. Hindi ako maaaring magtagal," ani Jeremy na pilit na naglakad palayo sa lugar na iyon.
Habang naglalakad ay narinig nyang tinatawag sya. Sa hindi nya maunawaang dahilan ay kumilos ang katawan nya patungo sa pinanggagalingan ng boses.
"Jeremiah! Jeremiah!" anang boses ng babae na paulit-ulit
"Sino ka?" tanong ni Jeremy na lumingon sa paligid.
"Maligayang pagdating sa aking mundo, Jeremiah! Matagal na kitang hinihintay," anang babae na lumitaw sa harap nya.
Napakaamo ng kanyang mukha. Nakasuot ito ng hooded na damit na nabahiran ng dugo. Medyo kulot ang itim na buhok nya na nakaladlad sa kanyang likuran. May kadenang nakakabit sa sakong at pulsuhan nya.
Pilit syang umatras para magkaroon ng distansya mula sa babae pero lalong bumigat ang katawan nya. Inilapit ng babae ang mukha nya sa leeg ni Jeremy.
"Naaamoy ko ang dugo ni Esme sa'yo," nang-aakit na wika ng babae na ngumiti.
"Sino ka?" ulit ni Jeremy na umatras.
Nagulat sya ng hindi sya makakilos sa kinatatayuan nya.
"Ah! ah! ah! Hindi ka maaaring umalis hanggang hindi ko sinasabi dahil akin ka na!" anang babae na nakangiti.
"Walang nagmamay-ari sa akin!" matigas na wika ni Jeremy.
Marahang hinaplos ng babae ang kanyang mukha nya. Sinubukan nyang pumiglas sa babae pero wala syang magawa. Iginilid ni Jeremy ang mukha nya bilang pagsuway.
"Palaban! Iyan ang gusto ko!" anang babae na ngumiti.
Sinubukan ng babae na kontrolin si Jeremy gamit ang kapangyarihan nya pero nabigo ito dahil sa basbas ni Esme.
"Tingnan natin kung hanggang saan tatagal ang basbas na iyan," pahamong babae na kumuha ng isang alakdan mula sa kawalan.
"Anong gagawin mo?" tanong ni Jeremy na pilit kumikilos pero hindi makagalaw.
Pilit nagpumiglas si Jeremy pero hindi sya makakilos. Lumingon ang babae kay Jeremy na may nakasisindak na ngiti sa labi nito. Ipinatong ng babae sa balikat ni Jeremy ang alakdan. Napapikit sa sakit si Jeremy ng maramdamang tumusok sa balikat nya ang buntot nito. Unti-unting nalusaw ang alakdan matapos syang tusukin nito.
"Magiging akin ka na sa ayaw mo at sa gusto dahil nakukuha ko ang gusto ko!" bulong mula ng babae bago pinakawalan ang pagkakakontrol kay Jeremy.
"Hindi ka magtatagumpay! Hindi ako susunod sa nais mo!" laban ni Jeremy na napaluhod.
Napahawak sa balikat si Jeremy ng maramdaman ang tumitinding kirot ng kanti ng alakdan. Unti-unti syang nakaramdam ng kakaibang init mula roon kaya nagsimula syang maghabol ng hinga.
"Anong ginawa mo?" tanong ni Jeremy.
Tumawa lang ang babae habang pinapanood sya. Hahawakan sana sya muli ng babae pero napigilan sya ng pagdating nina Akira at Misha.
"Huwag mo syang hawakan Lucy kung ayaw mong masaktan!" banta ni Akira.
"Dumating ang mga bantay ni Esme pero huli na kayo!" anang babae na tumawa.
Kaagad nilapitan ni Misha si Jeremy.
"Master Jeremy, ayos lang po ba kayo?" tanong ni Misha na inalalayan si Jeremy.
"Sobrang init ng pakiramdam ko. Sobrang init!" daing ni Jeremy.
"Ilalabas na namin kayo rito. Ipasusuri namin kayo kay Sora. Tiisin nyo na po muna ng kaunti pang oras!" ani Misha.
"Akin sya!" anang babae na sinubukang agawing muli kay Misha si Jeremy.
Pinalibutan sila ng mga nilalang na lumitaw mula sa dilim. Nagpakawala ng apoy si Akira na ikinasindak ng mga nilalang doon. Nasindak din ang babae ng makita iyon.
"Anak sya ni Esme, Lucy! Hindi mo dapat sya pinakikialaman!" wika ni Akira.
"Akin sya!" anang babae na nagpakawala ng mga kaluluwa patungo kina Akira, Jeremy at Misha.
Kaagad sinunog ni Akira ang mga kaluluwang sumugod sa kanila. Lalo namang lumala ang nararamdaman ni Jeremy habang dumidepensa si Akira. Napasigaw si Jeremy sa sakit. Halos mawalan na sya ng ulirat sa pwesto nya.
"Akira! Si Master Jeremy! Kailangan na natin syang mailabas dito," sigaw ni Misha na nag-aalala.
Tumango si Akira kay Misha.
"Ang matapang na si Misha, nababalot ng pag-aalala ang mukha? Bihira iyan!" nanunuyang wika ni Lucy na tumawa.
"Palabasin mo kami kung ayaw mo na sunugin ko ang buong lugar!" banta ni Akira.
"Paano kung hindi ko sundin ang nais mo?" nanunuyang wika ng babae na tumawa.
"Hindi ako mahilig magbiro Lucy!" wika ni Akira na naglabas ng apoy sa kamay nya.