First day ng klase. High school na ko. Hindi pa rin ako makapaniwala. Doon na din kasi ako papasok sa private catholic school na pinapasukan ng ate ko.
"Joni, bilisan mo. Malelate na tayo." sigaw ni Ate habang nakita niyang nagbibihis pa ko. Bakit naman kasi ang hirap suotin ng uniform na 'to. Longsleeve na blouse na ang daming butones tapos may necktie pa na lalong nagpatagal dahil first time ko nga, hindi ako magkandatuto sa pag-ikot para maging maganda ang lapat. Nahalata naman ni Ate kaya tinulungan na ko.
"Lika na" sabay hila sa 'kin nang matapos na maayos ang necktie sa pagkakalagay sa ilalim ng collar ng blouse ko.
"Ate, hindi pa ko nakakasuklay." himutok ko kaya ayaw ko pa lumabas.
"Sa jeep mo na gawin 'yan kung ayaw mong iwan kita. Malelate na tayo. Ayokong ma-late at maparusahan sa first day ng pasok. Ang bagal mo kumilos." yamot na sabi ni ate sa 'kin. Pinaglilinis kasi ng backyard ang malelate bago makapasok sa classroom. Bukod sa nakakahiya at nakakapagod daw, eh tamad kaya ang ate ko kaya ayaw niya.
Ewan ko ba, sabay naman kaming naligo. Pero nauuna pa siyang makatapos magbihis. Ang bagal ko ba talaga? O sadyang mabilis lang siya? Sige, aamin na ko. Matagal talaga kong kumilos. Namana ko ata ang ugaling ito kay Lola Conching, sa mother side ko. Ang tagal kumain na inaabot ng isang oras sa hapag. Ako inaabot lang naman ng 30 minutes sa pagkain.
Paglabas namin ng kuwarto. Naabutan namin si Papa na nag-aalmusal sa hapag-kainan. At napatingin siya sa suot ko. Nanibago ata. Dahil nung nasa public school pa ko ay tshirt na white lang at paldang green, nakatsinelas pa ang suot ko pag napasok.
"Ang cute ng bunso ko tingnan ah. Bagay sa'yo" na nginitian ko naman dahil alam kong totoo 'yun. Hindi masalita ang tatay ko lalo na kapag hindi lasing. Kaya kapag nagsalita siya, totoo yun. Pero pag lasing, bola lang yun at hindi totoo ang sinasabi nito.
Nadescribe ko na ba ang sarili ko? Ang buhok ko eh lagpas hanggang balikat na natural na may pagkablonde ang kulay na parang kay Isabel Granada. May nagsabi sa 'kin na classmate ko ng elementary na kamukha ko si Harlene Bautista pero mas gusto ko na si Carmina Villaroel ang kamukha ko, siya kasi ang idol ko eh he he. Pagbigyan nyo na, ako ang author neto eh. In my dreams, tuwa ko lang pag nagkatotoo. Maputi din kasi ako at mapapansin ang prominenteng cheek bones ko. Sabi ni Mama, tisay nga daw ako nung baby ako kaya napagkakamalan na Amerikano ang tatay ko. Niloloko pa nga tatay ko na baka nasalisihan daw si Papa dahil security guard siya noon sa Olongapo at naiiwan sa bahay si Mama sa bahay at lingguhan lang kung umuwi. Kaya naiisip ko, nararamdaman ko at nakikita ko na si Ate ang favorite ni Papa sa aming magkakapatid. May isa pa nga pala akong kuya, yun ang kamukha ko daw para kaming pinagbiyak na bunga, lalaki lang siya at babae ako. Five years ang tanda niya sa 'kin. Si ate naman ay 2 years ang tanda niya sa 'kin. Mas maraming nakuha si ate na facial feature ni Papa kaya nakakatakot ang dating. Takot kaming dalawa ni kuya kay ate. Samantalang si Mama naman ay maamo ang mukha na akala mo laging iiyak, na nakuha naming dalawa ni Kuya.
Lalong nairita si Ate at nauna nang lumabas ng bahay. Masaya ako dahil napansin ako ni Papa. Dahil alam naman naming lahat na si ate ang favorite ni Papa. Dahil lahat ng gusto niya ay ibinibigay nito. At suwerte na ko na mabahaginan ng alinman sa ibinigay kung sobra o ayaw na niya. In short, sambot ko ang pinaglumaan. Katulad ng blouse na suot ko ngayon. Ipinasa niya sa akin after niyang suotin ng dalawang taon dahil maliit na daw at siya na ang tahian ng bago. Ang tanging bago ay ang palda dahil royal blue ang kulay na kailangan at sapatos ko dahil mas maliit ako kay ate kaya malaki sa akin ang ibang gamit niya. Hinabol ko tuloy si Ate kaya hapong-hapo ako ng maabutan ko sa may sakayan. Alam ko namang aantayin ako kasi hindi ako sanay sumakay ng jeep dahil nilalakad lang ang dating school na aking pinapasukan.
"Krriiiiiiiiiiing...krrŕriiiiiiiiinggggg"
Alarm na ng bell iyin, tanda na magsisimula na ang flag ceremony at pinapalabas na ang lahat ng estudyante sa ground. Pero ako, ayaw pang bumitaw sa ate ko na akala mo bata na natatakot mawalay sa ina at baka mawala. Pero masisisi nyo ba ko, kung ganun ako katakot sa tao. First day ko sa skul, first year high school, transferee galing sa public school. Nakaka-intimidate naman talaga. Feeling ko hindi ako nababagay sa bagong mundo nila.
"Joni, ikaw ba 'yan?" galing ang boses sa isang babae na mas maliit kaysa sa kin. At nang matitigan ko ay bigla akong natuwa, " Bellaaaaaaaaaaaa" yun talaga ang pagkakasabi ko.
"Wag mo namang pakasigaw ang pangalan ko, baka bigla akong maging popular agad at makilala sa buong school.. Masyado pang maaga. First day pa lang natin sa school eh." bulong naman ni Bella.
" O paano ba 'yan may kakilala ka na, siguro naman puwede na kitang iwan? " ang sambit ng ate ko na pinabibitaw ako sa blouse niya na nagusot na dahil sa pagkakakapit ko.
Kaya nakapunta na siya kung saan ang pila ng mga third year students. Nung nakapila na kami ni Bella, dun ako pumuwesto sa likuran niya dahil mas matangkad ako sa kanya. Pero dahil sa may kaliitan siya sa karamihan, ay napapunta siya sa pinakaunahan at naiwan ako sa puwesto ko. Maraming sumingit na pinagbigyan ko na din at mas maliit daw sila. 'Yung iba magkakakilala na at ang iingay. Siguro ay doon na sila nag-elementarya kaya close na sila at mga siga. Kahit pala babae ay may siga din kahit na Catholic school etong pinasukan ko. Sa isip-isip ko, sana kasi ay hindi na ko inilipat dito at kuntento naman ako sa public school na pinapasukan ko dati.
Mas gusto ko nga din doon kasi may naiwan akong someone special he he. Grade 6 pa lang pero may nagkamaling manligaw. Si Crispin yun. Una ko siyang makita nang pinaturuan sa amin ang mga taga Section 4. Siyempre kasama ko sa mga batang nag-aaral sa Section 1. Kulang ang teacher kaya aalisin na ang section 4. Pag-eexamin sila pero bago yun ay pinatuturuan sa amin. At sa akin napatapat si Crispin para turuan ko. Math ang ituturo. Favorite subject ko yun, basic operation lang naman. Ang addition, subtraction, multiplication at division. Pero talagang pinahirapan niya ko, talagang nagbakod-bakod pa ko para maintindihan niya ang pagdidivide. At ang borrowing sa pagma-minus. Kalahating araw din yun bago kami natapos. At ang siste, nagulat ako na siya ang isa sa napalipat sa amin sa section 1. Siyempre, proud ako kasi ako nagturo sa kanya. At nabalitaan ko na lang nagkagusto pala sa 'kin ang pobre kaya talagang nag-aral para mapasama sa section namin. At yun nga, minsang tumabi sa kin ay nagpahayag ng nasa sa loob niya.
"Joni, wag kang lilipat ha. Itutuloy ko pa ang panliligaw sa'yo" kinilig naman ako sa sinabi niya. Pero siyempre hindi ko pinahalata. Nalaman ko kasi na siya pala ng crush ng barkada ko na nasa unahan ko din lang nakaupo kaya maririnig niya ang usapan sa pagitan namin. Kaya never kong pinahalata na may chance sana dahil mabait siya at parang tanggap niya ang totoong ako.
Kaso nang sinabi ko kay ate ang dahilan kaya ayaw kong lumipat, dahil may usapan kami ni Crispin. Nagalit si Ate na inuuna ko pa daw ang lovelife kaysa sa future ko. Dapat daw unahin ko muna ang pag-aaral ko. Madali na daw makipaglovelife pag tapos na sa pag-aaral. Wala tuloy akong nagawa kundin sundin ang ate ko.
Natapos na pala ang flag ceremony kaya napatigil ako sa pagmumuni-muni ng nakaraan. At sabay-sabay na kaming pumasok sa loob na nakapila pa rin. Kung magulo habang andun sa labas, ay lalo na nung andun na kami sa loob. Nakita ko si Bella na nakaupo na, at may nakaupo na rin sa tabi niya. Kaya wala akong choice kundi maghanap ng bakante na mauupuan.
"Dito ka na, wala akong katabi." tumingin ako sa babaeng nagsalita. Maganda siya at mahinhin, nasisiguro ko na transferee rin siya at walang kakilala. Kaya umupo na din ako sa tabi niya. Nakilala ko na siya si Rhea.
Nagulat ako na may biglang lumapit sa 'kin.
"Hi!" sabay lahad ng kamay. "Ako nga pala si Karla. Dating Vice President ng klaseng ito at natitirang honor student. Lahat kasi ng ibang honors last year, nagtransfer na, ako na lang ang natira dito ngayon. Puwede nyo rin akong inominate bilang muse" sabay tawa. Hindi na ko nakapagsalita at ngumiti na lang ako, sa dami ng kanyang sinabi. At nakipagkamay sa babaeng parang ang energy ay talagang up to the highest level.
Dumating na ang teacher kaya umayos na ang lahat sa pagkakaupo Si Mrs. Flores ang nagpakilalang school adviser namin, mukhang mabait siya, maliit lang na babae, laging nakangiti pero mukhang istrikta din kapag nagalit. At dahil first day, lahat kami ay pinaalis sa upuan para lumabas na dala ang gamit dahil aayusin daw ang seating arrangement in alphabetical order. Castelo ang apelyido ko, kaya madalas sa gitnang bahagi ako. Samantalang si Bella ay Aranzanso, kaya sa unahan pa din siya. Malabo kaming magkatabi. Ganun din nung nasa elementarya pa kami eh.
Nakahinga ako ng maluwag, na malamang babae pa din ang makakatabi ko. Nakilala ko na siya, si Sheryl Castro, mabilis ko siyang nakagaanan ng loob. Hindi siya ganun kadaldal, pero masaya siyang kausap. Parang lahat ng bagay nagiging green jokes kaya napapangiti na lang ako.
At dahil recess time na, kami pa rin ni Bella ang magkasama. May sariling grupo si Sheryl. Shye ang tawag ng lahat sa kanya. Dati na siyang nag-aaral kaya kakilala niya ang lahat. Kami lang sigurong mga transferee na hindi niya kilala at hindi nakakakilala sa kanya. Pero si Karla na patuloy na nag-iikot para magpakilala sa lahat ay kilala na siya. Matangkad siya, maputi, straight ang hanggang balikat na itim na buhok at malapad ang mukha kasinglapad ng ngiti niya para siyang si Juday. Pero maganda siya at flawless kita sa kanyang palda na bahagya nang humaba hanggang tuhod. Samantalang ang palda ko ay halos matakluban ang kalahati ng binti at ang medyas ay mahaba na halos sakupin ang kalahati ng binti, kaya wala ng makikitang binti sa aking suot na uniform, longsleeve pa ang aming blusa. Kaya mukha at kamay na lang ang kita.
Natapos ang recess. Nagconduct ng election. Gaya ng inaasahan ng lahat. Si Karla ang naging president, hindi ko alam kung sino ang nagnominate sa kanya at hindi naman ako interesado. Ang gusto ko lang eh magtago sa kinauupuan ko dahil ayokong mapansin o makita nila at baka mapasama pa sa mga ninonominate. Pero hindi pinakinggan ng Diyos ang panalangin ko.
"I respectfully nominate Joni Castelo for secretary" ang sabi ng lalaki na nasa likuran sa kaliwang bahagi. Na sa paglingon ko ay nakilala kong classmate ko nung elementary sa pinanggalingan kong public school. Siya si Rico Valle pero "Anchies" o "Kiko" ang tawag ng marami sa kanila. Pero kabilang ako sa Anchies ang tawag na nakasanayan ko na, at sa paglingon kong yun sa gawi niya, talagang tinititigan ko ng masama para patigilin pero tawang-tawa lang siya na lalo pang nang-asar. At itinuloy ang pagnominate sa akin.
Mga tatlo kami na nominated for secretary. Pinapunta sa harapan at pinasulat sa blackboard. Hindi ako umaasang mananalo dahil nga transferee ako. Ang sigurado ko lang na boboto sa akin ay si Bella at Anchies at pinsan niyang si Andy na dati ko ng classmate. Pero laking gulat ko, na ako pa ang nanalo. Ang laki ng lamang ko sa iba, na majority sa akin nagtaasan ng kamay. Napapaisip ako kung maganda ba talaga ang sulat ko para piliin nila o mas nagandahan sila sa akin, char. Lalo na sa mga lalaki na kakaiba ang mga tingin nila na nagngitian na akala mo eh kakilala ko sila. Echos lang yun ah, baka sabihin nyo ang yabang ko, mahaba lang talaga ang hair ko.
Pasalamat din ako na nakayanan kong tapusin ang araw na yun kahit sobra ang hiya ko. Pagdating ng uwian, ay niyakag ko na si Bella na sabay kaming umuwi dahil isang way lang naman ang uuwian namin dahil iba ang oras ng uwian ni Ate at sinabihan ako na huwag na kong sumabay sa kanya pag-uwi. Dapat daw matuto akong maging independent. Hjndi ako ganun kasanay sumakay ng jeep, nahihiya akong pumara. Mahina kasi ang boses ko kaya hindi marinig ng driver kapag ako ang napara. At ewan ko ba nang magsabog ang Diyos ng hiya, ay nabuhos ata sa kin at nasalo ko ata lahat kaya lahat na lang ng gagawin ko ay kinahihiya ko.
Nasanay din ako na sa lahat ay nakadepende ako sa ate ko. Lahat ng kinikilos at ginagawa ko ay base sa gusto niya. Lahat na lang, ako ay "oo, ate.. oo, ate". Kaya pati ang pagpasok sa school na ito ay impluwensya niya dahil dito niya gustong pumasok kaya dapat daw na ganun din ako.
Haaaaayyysssss.. sana matulad din ako sa kanya. Ang ganda kaya ng ate ko. Popular siya at balitang ang daming lumiligaw. Wish ko lang....