Mula sa binabasang dokumento ay napilitang sulyapan ni Taru ang cellphone nang marinig niyang tumunog iyon. Napakunot noo siya nang matuklasan na ang ama pala niya ang tumatawag. Agad na dinampot niya ang cellphone at sinagot ang tawag.
"Dad?" malamig na bungad niya.
Magmula nang magtalo sila at mapilitan siyang magtungo sa bar ay hindi na sila nito nag usap. Nalaman na lang niya sa isang kasambahay nila na umalis din pala ito noong gabi pagkatapos nilang magtalo. Nagtungo ito sa farm nila sa Batangas at ilang araw na namalagi doon bago umalis ng bansa para magbakasyon.
"Kentaru, hijo," ang masayang bati sa kaniya ng daddy niya.
Sa tono nito ay parang nakalimutan na nito ang pinag awayan nila. Kungsabagay ay mahigit isang buwan na rin naman nangyari iyon. Ama pa rin niya ito at hindi niya dapat na kalimutan iyon.
Pero kilala niya ang daddy niya. Hindi ito tatawag sa kaniya kung wala itong importanteng sasabihin. Lumaki siya na natanim sa isip niya na wala itong pakialam sa kanila ng mommy niya. Bunga siya ng isang gabing pagkakamali ng mga magulang niya. At dahil nga mas makapangyarihan ang pamilya ng ina ay natakot ang daddy niya sa maaaring gawin ng pamilya nito.
Nang magdalangtao ang mommy niya ay nagpakasal ang mga ito. Hindi mahal ng mga ito ang isa't isa at matagal na niyang tanggap ang katotohanang iyon. Nagkaroon ng lihim na relasyon ang daddy niya sa sekretarya nito at ang mommy naman niya ay nakipagbalikan sa ex boyfriend nito.
Perpekto man ang tingin ng lahat sa pamilya nila ay hindi nangangahulugan iyon na masaya siya. Kailanman ay hindi siya nakontento sa marangyang buhay na mayroon siya. Madalas na nag aaway ang mga magulang niya dahil nga sa walang sawang panloloko ng mga ito sa isa't isa.
"Tumawag ako sa bahay at nabanggit sa akin ni Marcy na may dinala kang babae sa mansiyon, Kentaru."
"Dad, mag aaway na naman ba tayo? hindi lang naman ikaw ang pwedeng magdala ng babae sa bahay 'di ba?"
"Diyan ka nagkakamali, anak. Kahit marami akong nagawang pagkakamali ay hindi ko kailanman tinangkang magdala ng babae sa mansiyon. At base na rin sa mga kwentong naririnig ko tungkol sa inyong dalawa ay masasabi ko na seryoso ka sa kaniya."
"Dad.." natigilan siya. May punto naman ang kaniyang ama.
Oo nga at gumagastos ito sa mga naging babae nito pero kailanman ay hindi nito dinungisan ang tahanan nila. At ang pagdadala niya kay Mandie sa mansiyon ay nangangahulugan lamang na seryoso siya sa pakikipagrelasyon niya sa dalaga.
Halos mabingi siya nang marinig ang malakas na halakhak ng ama. Naikurap niya ang mga mata at pinakiramdaman ang sarili.
"Tumawag lang ako para sabihin na masaya ako para sa'yo. Alam ko na marami akong pagkukulang bilang ama mo. Hangad ko ang kaligayahan mo, Kentaru. Hindi na ako makapaghintay na mabigyan mo ako ng mga apo." seryosong saad ng kaniyang ama bago ito tuluyang nawala sa kabilang linya.
Nang maputol ang tawag ay nakatulalang tumingin siya sa kawalan. Isang buwan na pala siyang parang lutang. Palagi siyang nakangiti at alam niyang naninibago na ang mga tauhan niya sa kaniya. Nawala na kasi ang pagiging moody at istrikto niya. Unti unti na rin siyang nagiging malapit sa mga empleyado niya. Pansin pa nga niya ay mas lalong sinipag ang mga ito sa trabaho.
Nang sumagi sa isip niya ang maamong mukha ni Mandie ay agad na napangiti siya. Hindi na siya makapaghintay na sumapit ang oras nang uwian para makasama ito. Iba pala sa pakiramdam na may taong nag aalala at nag aalaga sa kaniya.
Gumigising siya sa umaga na nakahain na ang almusal niya at nakahanda na ang damit na isusuot niya. Umuuwi naman siya sa gabi na ang mainit na yakap at masarap na luto ni Mandie ang sasalubong sa kaniya. Hindi niya pagsasawaan ang masayang buhay na mayroon siya ngayon sa piling nito.
Nang may biglang maalala ay pinindot niya ang intercom para utusan ang sekretarya niya na pumasok sa loob ng opisina niya. Ilang sandali lang ay naroon na ito at naghihintay nang ipag uutos niya.
"'di ba mahilig kang manood ng mga Korean drama series?" tanong niya sa sekretarya niyang si Kimmy. Alam niya ang tungkol doon dahil minsan ay naririnig niya itong kausap sa lobby ang isa pang staff. Tungkol sa mga gwapong Koreano ang madalas na pinag uusapan ng mga ito.
"E-eh, opo, e-eh sir, bakit po?" kinakabahang tanong ng babae.
"Well..." napakamot siya sa batok.
Ngayon lang marahil siya nawalan nang sasabihin at sa harap ng mismong tauhan pa niya. Napansin kasi niya na napupuyat madalas si Mandie sa panonood ng mga drama sa TV. Ang ilan pa nga sa mga iyon ay Korean drama na isinalin lang sa tagalog.
Nabanggit sa kaniya ni Mandie na hobby daw nito ang panonood at noon ay pangarap daw nitong bumili ng TV at DVD player para hindi ito mabitin. May mga pirated DVD copy daw kasi ng mga inaabangan nitong drama series na nabibili sa bangketa.
"May alam ka bang website na kompleto na sa mga drama series?"
"H-ho?" napamulagat pa sa kaniya ang sekretarya niya. Napailing na lang siya at ibinigay dito ang isang papel.
"'Yan ang title ng mga dramang pinapalabas ngayon dito sa bansa, 'di ba? ang kailangan ko iyon buong series na ng mga 'yan para hindi na napupuyat sa-err-may alam ka ba?"
Lumobo ang mga pisngi ni Kimmy na halatang nagpipigil lang itong matawa.
"Kay ma'am Mandie po ba?"
"Ah, yeah.."
Ngumiti ito. "Kung pagdownload po ang gagawin natin ay matatagalan tayo dahil medyo mahaba ang isang series at umaabot iyon ng sixteen to twenty episodes. Minsan nga mas mahaba pa. Pero may naisip po akong paraan, meron po akong kakilala sa divisoria kompleto po siya nitong mga gusto ninyong title."
Tumango siya at agad na kinuha ang wallet sa loob ng bulsa.
"Ngayon ko kailangan," aniya at inabot dito ang pera.
"Naku, sir. Okay na po ang five hundred at baka nga sobra pa," magalang na ibinalik nito sa kaniya ang dalawang libong piso.
Maluwang ang ngiti at kinikilig na lumabas na ng opisina ang sekretarya niya. Napapalatak siya at inabot ang cellphone na nasa ibabaw ng mesa. Tinawagan niya si Mandie at ilang ring lang ay sumagot na ito.
"Alam mo ba kung ano ang ginawa mo sa akin ngayon?"
"Ha?" nalilitong tanong ng babae sa kabilang linya. Nang sabihin niya dito ang ginawa niya at ang naging reaksiyon ng sekretarya niya ay panay ang tawa nito.
"Thank you," masuyong sabi ni Mandie. Napangiti siya niya nang marinig ang masayang tinig nito.
"You're welcome, baby. I miss you."