20

1477 Words
“'Nay, sa darating na sabado na po pala ang birthday mo, ano po ang birthday wish mo?” mula sa pagtutupi ng mga damit ay nag angat ng tingin si Mandie sa ina nang marinig niya ang papalapit na yabag nito. Linggo ngayon kaya naroon siya bahay nila. Mamayang gabi ay kailangan na rin naman niyang bumalik ng mansiyon kaya sinusulit niya ang mga oras na kasama ang pamilya niya. Pinayagan niyang lumabas saglit ang mga kapatid kasama ang mga kalaro. Ang nanay naman niya ay natulog pagkatapos nilang mananghalian at ngayon pa lang nagising. Naghihikab na tumabi ng upo sa kaniya ang ina. “Dalawang beses sa isang linggo ka na nga lang nandito tapos ikaw pa ang gagawa niyan. Itigil mo na nga iyan Mandie Lyn, kayang kaya na iyan ng mga kapatid mo.” Ngumiti lang siya at ipinagpatuloy ang pagtiklop ng mga damit. Kapag naroon siya ay siya na ang gumagawa ng lahat at hinahayaan niyang maglaro ang dalawang kapatid. “Naku 'nay hayaan na nga lang ninyo ako. Minsan lang ako dito kaya pinababayaan ko sila Utoy na mag enjoy sa labas.” “Baka naman masanay ang mga kapatid mo na maglaro na lang nang maglaro sa labas. Ayoko lang naman na matulad sila sa akin na naglilibang lang naman noong una hanggang sa masanay nang sumandal sa'yo.” “Ang inay naman,” natigilan siya. Nang mapansin ang pamumula ng mga mata nito ay itinigil niya ang ginagawa at inakbayan ang ina. “Kalimutan na po natin ang mga pangit na nangyari noon.” “Naalala ko lang kasi anak kung gaano ako kasama sa inyo noon. Noong sinumpong ako ng sakit ko sa puso at wala akong kahit sinong malapitan habang mag isa ako dito sa bahay, ikaw lang ang naiisip ko noon. Hindi ako makasigaw noon dahil nagsisikip ang dibdib ko. Hanggang sa magising ako at nasa ospital na ako, nakita kitang umiiyak at yakap ako. Hindi ko nga alam kung papaano ko kayo natiis na tatlo. Pasensiya na talaga anak ha?” Kinabig niya ang ina at mahigpit na niyakap. Nagpapasalamat siya na dininig na ng diyos ang dasal niya na magbago ang ina. Hindi siya napagod na maghintay na matupad ang dasal niya. “Lahat naman po tayo dumaraan sa problema 'nay. Wala na sa akin iyon, ang importante po bumalik na iyon dating ikaw. Hindi na po ako maghahangad pa ng mas higit doon. Pero 'nay, iyon tanong ko hindi mo pa sinasagot. Ano po ang gusto mong regalo sa darating na birthday mo?” Umiling lang ito at hinaplos ang mahabang buhok niya. Matagal na pinagmasdan siya ng ina na parang kinakabisa nito ang bawat sulok ng mukha niya. “Ang gusto ko… gusto kong ipagtapat mo sa akin ang lahat,” anito. “L-lahat?” napalis ang ngiti sa mga labi niya at nalilitong tumingin dito. “Ano po ba yun?" “Ang lahat anak, ang tungkol sa trabaho mo. Ang lalaking nakikita kong katagpo mo sa labas sa dis oras ng gabi at umuuwi ka dito. Ang maayos na buhay na mayroon tayo ngayon, ang kinakain namin sa araw-araw. Ang gastos sa pagpapaopera ko at ang mga gamot ko, lahat ba iyon galing sa kaniya?” seryosong tanong nito. “Nay…” napaawang ang mga labi niya dahil sa pagkagulat. Nagyuko siya at pilit na nag iwas ng tingin sa ina. Nahihiya siya dahil alam niya na wala na siyang maililihim pa. Malalim na huminga siya at ipinagtapat sa ina ang buong pangyayari kung papaano sila nagkita ni Taru at kung bakit siya pumayag na sumama sa lalaki. Hilam sa luha ang mga mata niya ng muli siyang tumingin sa ina at humingi ng tawad. “Inay, hindi ko na talaga alam ang gagawin ko ng mga oras na iyon. Nagrebelde ako sa'yo at pagkatapos ay kinailangan naman natin ng pera para sa operasyon at…at..” “At mahal mo siya?” “Nay!” natigagal siya hanggang sa kumawala ang mahinang hikbi sa mga labi niya. “Kilala kita, hindi ka materialistic na tao, Mandie Lyn. Mahal mo siya, iyon lang iyon, anak.” Yumakap siya sa ina at muling napaiyak. Totoong mahal na niya si Taru. Mahal na mahal. Hindi man niya alam kung hanggang saan aabot ang relasyon nila ay nakahanda siyang sumugal. Kahit alam niyang imposible. “Ang gusto kong regalo sa birthday ko ay ang maipakilala mo siya sa akin. Gusto kong makilala ang boyfriend mo.” Nakahinga siya ng maluwag dahil sa sinabi ng ina. Parang mas pabor pa nga yata kay Taru ang kahilingan nito. Pagsapit ng alas otso ng gabi ay sinundo na siya ni Mang Ariel. Nasa mansiyon lang daw maghapon ang boss nito at hindi umaalis ng kwarto. Agad na nagtaka siya. Kapag wala kasi siya ay panonood ng mga action movie o pagbabasa ng libro ang pinagkakaabalahan nito sa buong araw. Pagkauwi ng mansiyon ay patakbong pumanhik siya sa itaas at tinungo ang kwarto ni Taru. Pinihit niya ang seradura ng pinto at nang bumukas iyon ay napasinghap siya nang makita niya sa Taru na nakaupo sa malaking kama at may hawak na gitara. Sa kama ay nagkalat ang napakaraming mga petals. Medyo madilim ang buong paligid dahil tanging lampshade at mga kandila lamang ang nagsisilbing liwanag doon. “Taru?” kumakabog ang dibdib na ipininid niya ang dahon ng pinto at lumapit dito. Walang pang itaas na damit si Taru at tanging boxer lang ang suot nito. Hindi ba ito nilalamig? Pakiramdam niya ay literal na tumigil sa pag ikot ang mundo niya nang magsimula itong tumugtog ng gitara at kantahin ang paborito niyang kanta na ‘Your Love’. Wala sa tono ang pagtipa ni Taru sa gitara. Kahit ang boses nito ay hindi rin papasa sa kahit anong singing audition. Pero pakialam ba ng iba? siya lang naman ang kinakantahan nito at para sa kaniya ay walang sintunado sa ginagawa nito. Naupo siya sa gilid ng kama at buong pagmamahal na pinagmasdan ito habang patuloy sa pagkanta. “Hindi ko nga po alam kay Sir Kentaru. Basta kaninang umaga nagpasama siya kay Timong na bumili ng gitara. Hindi naman po marunong tumugtog ng gitara si Sir eh, sa pagkakaalam ko.” naalala niyang sabi ni Mang Ariel kanina. Parang kiniliti ng napakaraming anghel ang puso niya. Kaya pala naging abala si Taru buong araw ay dahil may sorpresa ito sa kaniya. Gusto siya nitong haranahin! Nakakataba iyon ng puso sa totoo lang. Nang matapos na sa pagkanta ang binata ay ibinaba nito sa paanan nila ang gitara at umusod ito palapit sa kaniya habang may kagat itong isang tangkay ng rosas. Hinaplos niya ang mga balikat ng binata bago masuyong sinapo ang mga pisngi nito. Iniyuko niya ang ulo nito para mahalikan niya ito sa noo. Pagkatapos niyon ay pinaulanan niya ng matunog na halik ang bawat sulok ng mukha nito. “Ang baby ko..” naawa siya nang mapansin na parang pagod na pagod ito. “Maghapon ka bang nagpaturo kay Timong na tumugtog ng gitara?” Mukhang nagpapaawa naman na pinalungkot nito ang mga mata at tumango. Bumuhos ang matinding emosyon sa dibdib niya at ipinulupot ang mga braso sa leeg nito. Nang maramdaman ang pagrehistro ng init ng katawan nito sa katawan niya ay muling bumilis ang t***k ng puso niya. Inalalayan siya nitong humiga sa kama habang nasa ibabaw niya ito. “May surprise ako sa'yo,” “Hmm?” hindi ito makapagsalita dahil sa rosas na nakaipit sa mga labi nito. “Gusto na kitang ipakilala kay inay at sa mga kapatid ko. Iyon kasi ang birthday wish ni inay eh,” Nakita niya kung papaano mamilog ang kulay asul na mga mata ni Taru. Nalaglag ang rosas nang umawang ang bibig nito. “T-talaga?” daig pa nito ang bata na nakatanggap ng isang magandang regalo nang magliwanag ang mga mata nito. “Ano ba ang pwede kong iregalo kay inay?” “Hep, ayoko ng mahal, okay?” kontra agad niya. “Pero...” “Naku Kentaru,” mas lalo niyang hinigpitan ang pagyakap ng mga braso sa leeg nito dahilan para lalong maglapit ang mga mukha nila. “Marami ka pa talagang dapat na matutunan sa akin,” Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi nito. “Pero ako marami akong itinuro sa'yo na hinding hindi mo malilimutan.” “Bastos!” namumula ang mga pisngi na tinapik niya ito sa balikat. Pareho silang natawa sa sinabi nito. Mayamaya ay umayos ito ng higa sa ibabaw niya at isinandal ang ulo sa kaliwang dibdib niya na parang pinakikinggan nito ang malakas na pintig ng puso niya. Masuyong hinaplos niya ang likod ni Taru at ilang sandali lang ay kontentong nakatulog na ito. Mukhang napagod nga ang loko! Naiiling na naisaloob na lang ni Mandie.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD