Sumapit na ang alas diyes ng gabi pero wala pa rin ang taong hinihintay ni Mandie. Malapit na ring mamuti ang mga mata niya at ilan beses niyang pinigilan ang mapahikab.
Kainis! dis oras na ng gabi pero hindi pa rin dumarating si Taru. Malapit na siyang ugatan sa paghihintay dito. Iyon ang unang gabi niya sa mansiyon pero hindi man lang nito nagawang saluhan siya sa pagkain kanina. Napakaraming pagkain pa naman ang ihinain sa kaniya ng mga kasambahay at hindi niya kayang ubusin ng mag isa iyon.
Naisip niya na napakalungkot pala ng buhay ni Taru. Kahit na ubod ito ng yaman at nakatira sa isang malaking mansiyon ay may kulang pa rin pala sa buhay nito. Ang ama na lang nito ang nag iisang kamag anak nito. Matagal nang pumanaw ang ina nito at hindi naman ganoon kalapit ang mag ama sa ibang kamag anak. Napag alaman din niya na kasama ni Taru na naninirahan ang ama sa mansiyon. Nasa bakasyon daw ngayon ang matanda at baka abutin ng isa o ilan pang buwan bago umuwi ng bansa.
Apat na palapag ang mansiyon ng mga Campbell. Kompleto sa mga kagamitan at may napakalaking swimming pool pa sa ibaba. Sa malawak na garahe ay nakita niya ang pito o higit pang sasakyan. Marami rin mga maid doon kaya kahit papaano ay hindi naman siya maiinip.
Para na rin niyang pinasok ang pag aasawa dahil sa katayuan niya ngayon. Kahit hindi naman sila kasal ni Taru ay magsasama sila ng binata at gagawin nila ang mga bagay na ginagawa ng mag asawa. Napalunok siya sa naisip. Habang nakahiga sa kama ay nagtalukbong siya ng kumot. Kanina pa siya nangangatog sa lamig dahil sa nakabukas na aircon.
Gustuhin man niyang patayin ang aircon ay hindi niya magawa dahil hindi siya marunong mag operate niyon. Ang isang kasambahay kasi na kasama niya kanina ang nagbukas niyon habang inaayos nito ang malaking kama sa silid ni Taru.
Ilan sandali pa at namigat na ang talukap ng mga mata niya. Ibinaba niya ang kumot hanggang sa baywang niya at tumagilid ng higa. Dahan dahan na siyang hinihila ng antok ng bigla siyang matigilan. Bigla ay naramdaman niya na may mainit na palad ang humahaplos sa isang pisngi niya. Gulat na iminulat niya ang mga mata. Napasinghap siya nang bumungad sa kaniya ang maamong mukha ni Taru.
Nakaupo ito sa gilid ng kama at tahimik na pinagmamasdan siya. Bumilis ang t***k ng puso niya nang dumukwang ito at ginawaran ng magaang halik ang tungki ng ilong niya.
“Hi,” bati nito.
Parang yelong natutunaw ang puso niya dahil sa matinding sensasyon na naramdaman niya nang magdikit ang mga balat nila. Nanatili lang itong nakadukwang sa kaniya habang hinahaplos nito ang mahabang buhok niya.
Kung pagmasdan siya nito ay parang siya na ang pinakamagandang babae na nakita nito sa buong buhay nito. Maingat na bumangon siya at isinandal ang likod sa headboard ng kama. Pilit na itinago niya ang pamumula ng mga pisngi at mahinang tinampal sa balikat si Taru.
“Uy, ikaw ha, may atraso ka sa akin, Mister. Ang sabi ko sa'yo ako na lang ang pupunta dito. Ikaw—T-taru?” natigilan siya nang mapansin ang pagod na rumehistro sa gwapong mukha nito.
Parang ang sama ko naman! pagod pala siya tapos sesermunan ko pa? bigla siyang nakonsensiya.
“Teka nga, kumain ka na ba? kung hindi pa dahil kay Manang Marcy, hindi ko malalaman na ganito pala palagi ang oras ng uwi mo. Natutulog ka pa ba? kumakain pa ba?” naaawang tanong niya. Umiling lang ito at halatang pagod na pagod.
Ang baby ko.. may kurot sa dibdib niya sa tuwing tinitingnan niya ang binata. Masuyong tinapik niya ang pisngi nito.
“Kumain ka muna,”
“Hindi ako nagugutom.”
Iglap lang ay nagusot ang ilong niya at pinisil ang tungki ng matangos na ilong nito.
“Hindi pwede sa akin ang ganiyan. Kung hindi ka kakain sa tamang oras pwes, kailangan mong kumain bago matulog. Hindi ako papayag na matulog kang walang laman ang tiyan mo.” giit niya.
“At kung ayoko? ako kaya ang boss sa bahay na ito,” nakataas ang isang sulok ng mga labing tanong nito sa kaniya. Tinaasan niya ito ng kilay.
“Ayaw mo? eh, 'di hindi ako tatabi sa'yo ngayong gabi. Marami ka namang guest room dito,” hamon niya.
“Grrrr! Kung ikaw na lang kaya ang kainin ko?” kinagat nito ng bahagya ang isang balikat niya.
“Bastos!” tinapik niya ito sa tiyan saka siya bumangon.
“Wow!” mabilis pa sa alas kuwatrong tumayo ito nang makita ang suot niyang nightgown.
Pumalakpak ang mga tenga niya nang mapansin ang pagkislap ng kapilyuhan sa mga mata ni Taru. Simple lang naman ang suot niyang nightgown. Nakita niya iyon sa mga nakahilerang damit sa cabinet na ipinabili daw ni Taru sa sekretarya nito para sa kaniya.
Kulay pink iyon at manipis ang tela na umabot lang hanggang sa itaas ng tuhod niya. Sa bandang dibdib niya ay medyo malalim ang ukab ng nightgown kaya sa kaunting galaw ay nakikita ang cleavage niya.
“Babe, wait, parang ayoko na pala munang kumain,” mahigpit na yumakap ang mga kamay nito sa tiyan niya habang nakatalikod siya. Iglap lang ay dinadampian na nito ng masuyong halik ang batok niya.
Napapikit siya nang maramdaman ang munting kuryenteng dumadaloy sa balat niya. Para siyang apoy na unti unting nagliliyab dahil sa masarap na sensayong ipinapalasap ni Taru sa kaniya.
Pero kailangan kong magtimpi… ayoko namang magkaulcer siya! napabuntong hininga siya at kahit tutol ang buong katawan ay inalis niya ang mga kamay ni Taru na nakayakap sa kaniya.
Hindi siya makaramdam nang pagkailang sa binata. Hindi niya maramdaman iyon dahil alam niyang gusto rin naman niya ang ginagawa nilang dalawa.
“Dito ka na nga muna, kukuha lang ako ng pagkain mo. Huwag ka nang bumaba, alam ko naman na pagod ka. Ako na lang ang magdadala ng pagkain mo dito sa kuwarto.” sabi niya. Kahit punong puno ng pagtutol ang reaksiyon nito ay muling kumislap ang mga mata nito at kontentong ngumiti sa kaniya.
“Okay, baby.”