Buong araw ay naging abala si Mandie sa pagtitinda ng isda sa palengke. Nagkataon na nagkasakit si Aling Pasing na siyang ine-extrahan niya kaya nakiusap ito sa kaniya na bantayan na muna ang puwesto nito ngayong araw. Mas mabuti na rin iyon para makapagpahinga ang dalawa niyang kapatid sa pagtutulak ng kariton.
Dalawang daang piso din ang kinita niya at sakto na iyon para sa panggastos nila kinabukasan. Kahit siguro maglabada na lang siya bukas at hayaan ang mga kapatid na maglaro buong araw ay hindi agad aangal ang bulsa niya.
“Utoy? Upeng?” pumasok siya sa loob ng maliit nilang sala bitbit ang pasalubong niyang mainit na lugaw na binili pa niya sa kanto. Alas singko pa lang naman ng hapon. Magpapahinga lang siya saglit at magluluto na ng isdang bigay ni Aling Pasing sa kaniya.
Namangha siya nang maabutan ang dalawang paslit na parehong abala sa tig isang cellphonena hawak ng mga ito. Parang hindi siya narinig ng dalawa dahil halos maduling na ang mga ito sa pagdutdot sa gadgets.
“Utoy!”
“Ate?” hindi nag abala ang kapatid niyang lingunin siya.
“Teka ano ba iyan?” mabilis na isinabit niya ang dalang plastic sa dingding na may pako malapit sa drawer na pinapatungan ng sirang TV at tumabi kay Utoy.
“Ate, cellphone,” ani Upeng.
“Alam ko, diyos ko naman. Bakit kayo may mga ganiyan? huwag ninyong sabihin na—ang babata pa ninyo! Hindi ko kaya tinuruan na manguha ng gamit na hindi naman sa atin.” namilog ang mga mata niya kasabay nang paninikip ng dibdib.
Ang mga kapatid niya. Papaano nagawa ng mga ito na suwayin siya?
“Ate, hindi kami nagnakaw! Kahit hirap tayo sa buhay, natatandaan pa rin namin ang mga itinuturo mo.” natatawang sabi ni Utoy sa kaniya. Nalilitong nagpalipat lipat ang tingin niya sa dalawa.
“Sabihin ninyo sa akin kung saan ninyo nakuha iyan?”
“Naku ate, hindi ka maniniwala. Kanina may feeding program dito sa lugar natin. Parang fiesta dahil bumubuhos ang mga pagkain. Tapos may paraffle at nanalo kami ng cellphone. Nanalo rin naman ang mga kapitbahay natin. Pero mas bongga ang mga nakuha namin.”
“Ah…” kahit papaano ay nakalma siya. Malapit na ang eleksiyon kaya malamang na nagpapasiklab na ang ilang mga politikong tatakbo sa halalan.
“Pero…” kailan pa naging bongga ang mga event sa lugar namin?
Bigla ay parang nadagdagan ang pagod niya dahil sa pag iisip.
“Tingnan mo nga ate, kompleto tayo sa grocery. Bigas, de lata, shampoo, sabon na mabango at lahat lahat na. At teka, meron pa!” ininguso nito ang drawer na kinalalagyan ng sirang TV. Napasinghap siya nang makita na hindi na ang luma at maliit na TV nila ang naroon. Flatscreen TV na iyon at malaki pa!
“Diyos ko!”
Panaginip lang ba ito? kinurot kurot niya ang pisngi.
Baka kasi magising siya sa magandang panaginip na naroon sa mismong harapan niya.
“At saka ate si inay hindi na problema na mainitan siya. Makakatulog na rin tayo ng masarap sa gabi na hindi nag aagawan sa hangin ng lumang electric fan.” pagmamalaki ni Upeng.
“N-nasaan ba ang inay?”
“Nasa kwarto,” magkasabay na sagot ng dalawa. Parang wala sa sariling tumayo siya at inilang hakbang lang ang nag iisang silid sa maliit na bahay nila. Napaawang ang mga labi niya nang tumambad sa kaniya ang ina na payapang natutulog sa malaki at bagong kutson. Sa paanan nito ay may nakatayong bago at kulay itim na electric fan. Malaki iyon at sapat na ang ibinubugang hangin para sa ganoon kaliit na silid.
Pati ba iyon ay premyo ng mga ito sa paraffle kanina?
napakamot siya sa batok at dahan dahang nilapitan ang nanay niya. Inayos niya ang unan na nahulog sa sahig at ipinatong iyon sa paanan nito. Naramdaman naman ng ina ang presensiya niya dahil agad na nagmulat ito ng mga mata.
“'Nay, sige na po matulog lang kayo. Mamaya pa ako magluluto ng hapunan natin. Ibababad ko lang ang mga labada ko at magpapahinga bago ako magluluto.” pigil niya dito. Hindi naman ito nakinig dahil bumangon pa rin ito at tumingin sa kaniya.
“Anak, galit ka pa rin ba sa akin?”
“'Nay….”
“I-iyong utang ko kay Cheng…. Kasi…” nahihiyang yumuko ito. Nag iwas siya ng tingin para itago dito ang pamumula ng mga mata niya.
Si Cheng ay dati nilang kapitbahay at isa sa masasabing may pera sa lugar nila. Nagpapa 5’6 ang asawa nitong si Cherie. Magmula ng maging driver ito ng isang napakayamang negosyante at maging kanang kamay ay mas naging maluwag sa pera ang mag asawa. Matagal nang lumipat ang pamilya nito sa isang magandang bahay malayo sa kanila at papunta punta na lang ang kaniyang ina sa mga ito para humiram ng pera.
Tumataginting na bente mil na ang utang ng nanay niya sa intsik na si Cheng. Lumaki ng ganoon ang pagkakautang ng ina dahil sa walanghiya nitong ex boyfriend na si Sonny. Ang masama pa ay narinig niya ang pag uusap ng ina at ni Cheng nang minsang pumunta ito sa kanila. Mawawala na ang utang ng nanay niya. Magkakaroon pa ito ng tatlumpung libong pisong kabayaran basta pumayag lang siyang iregalo ang sarili sa anak ng boss ni Cheng.
Dahil sa natuklasan ay nagalit siya ng todo at nagrebelde sa ina. Nakagawa siya ng isang bagay dahil sa matinding hinanakit niya.
Napabuntong hininga siya at nilingon ang ina. “Ako na po ang bahala, kakausapin ko na lang po siguro si Cheng para mabigyan niya tayo ng sapat na panahon sa pagbabayad ng utang.”
Walang imik na tumango na lang ang nanay niya. Siya naman ay lumabas na ng silid para simulan ang mga gagawin niya. Kailangan niyang matapos agad ang mga gawain dahil sa gabi ay matiyaga siyang nagbabasa ng mga librong hinihiram niya sa mga kalugar niyang nag aaral ng kolehiyo.
Ilusyunada daw siya ayon sa iba. Pero wala siyang pakialam doon. Wala naman sigurong masama sa pagbabasa at pagsisikap na matuto kahit mahirap lang siya.