Chapter Two

1820 Words
“THEO, anong ginagawa mo diyan?” Napalingon si Theo nang marinig niya ang boses ng nanay niya. Nakatayo siya sa may harapan ng pinto ng kwarto niya. Nasa loob niyon si Eloisa at isinusukat ang wedding gown nito. Ngayon pa lang ay nai-imagine na niya ang hitsura ng kaniyang mapapangasawa habang suot ang magandang gown na iyon. Si Eloisa ang pumili ng disenyo ng gown at ipapagawa sana nila iyon sa isang mananahi na hindi kilala. Gusto kasi nito na makatipid siya. Pero lingid sa kaalaman ni Eloisa ay dinala niya ang disenyo sa sikat na gumagawa ng wedding gown at doon niya iyon ipinagawa. Isang beses lang ikakasal si Eloisa kaya nais niya na hindi basta-basta ang isusuot nito. Wala namang problema sa pera dahil nakapag-ipon na siya bago pa man siya mag-propose kay Eloisa. Talagang sigurado na siya na mag-ye-yes ito, e. Ang tanging nakakaalam lamang kung magkano ang wedding gown ay ang kaniyang nanay. Wala kasi siyang inililihim dito dahil dalawa na nga lang sila sa buhay ay maglilihiman pa ba sila? “`Ma, sinusukat lang ni Eloisa iyong wedding gown niya. Baka kasi hindi kasya o may kailangan pang ipabago, e,” sagot niya pagkalapit nito sa kaniya. Tumango-tango ito. “Wala na naman sigurong ipapabago sa gown. Masyado nang mahal ang gown ng mapapangasawa mo. Baka naman mag-inarte pa siya…” sanay na si Theo sa mataray na pagsasalita ng nanay niya. Kahit naman ganoon ito magsalita ay alam niyang mahal lang talaga siya nito. Naiintindihan din naman niya kung bakit ganoon na lang ang pagkaayaw nito kay Eloisa para sa kaniya. Isa ang tatay ni Eloisa sa sinisisi nito kung bakit namatay ang tatay niya. Sa kaniya naman ay walang kaso kung anak si Eloisa ng lalaking sinisisi ng nanay niya. Mahal niya si Eloisa. Iyon ang mahalaga para sa kaniya. “Hindi naman po ganoon si Eloisa, `ma. Kayo talaga…” Naglalambing na kinabig niya ito. “Kailan niyo po ba matatanggap si Eloisa para sa akin? Ikakasal na po kami sa susunod na Linggo, o. Hindi naman niya kagustuhan na mamatay ang papa.” Itinirik nito ang mga mata. “Ayokong sagutin ang tanong mong iyan, Theo! Kapag nabuhay ang asawa ko, baka sakali.” “Imposible naman pong mangyari iyan.” “Kaya imposible rin na matanggap ko si Eloisa. Oo nga pala, kuhain mo nga iyong cellphone ko sa ibaba. Sa salas. Nasa sofa `yon. Tinatamad na akong bumaba at nandito na ako sa itaas. Doon muna ako sa kwarto ko habang nandito si Eloisa.” Agad naman niyang sinunod ang utos ng nanay niya. Bumaba siya para kunin ang cellphone nito. Medyo natagalan pa siya dahil may dumating na delivery boy. Um-order pala sa isang online shop iyong nag-iisa nilang kasambahay na si Madel. Hinanap pa niya si Madel dahil kailangan nitong magbayad. Umakyat na din agad siya sa itaas matapos niyang mahanap si Madel. Nakabukas na ang pinto ng kaniyang kwarto. Malamang ay naisukat na ni Eloisa ang gown. Nasasabik na siyang makita ito! Pagpasok niya ay naroon ang nanay niya. Magkaharap ito at si Eloisa. “Mama, anong ginagawa ninyo dito?” tanong niya. Pumagitna siya sa dalawa. Ngumiti ito sa kaniya. “Ito kasing si Eloisa, ang sabi ay gusto pang padagdagan ang beads sa gown niya. Nakukulangan pa yata. Oh, my cellphone!” Kinuha nito ang cellphone na hawak niya. “Punta lang ako sa kwarto ko. Pakisabi kay Madel na sabihan niya ako kapag nakaalis na si Eloisa. At oo nga pala, sakto lang sa atin ang pinaluto kong dinner. Kaya kung may balak na makikain ang kasama mo dito ay hindi pwede,” anito sabay alis na. Isinara ni Theo ang pinto at muling binalikan si Eloisa. “Pasensiya ka na kay mama. Alam mo naman ang mga salita niyon. Masakit pero she don’t mean those…” Pilit na ngumiti si Eloisa. “Alam ko naman. Dapat lang naman na masanay ako sa kaniya, `di ba? Sabi mo nga, dito muna tayo titira habang hindi pa tapos iyong bahay na pinapagawa mo,” anito. “Salamat sa pag-intindi, Eloisa. Teka, may ginawa ba sa iyo si mama? Sinaktan ka ba niya?” Hinawakan niya ito sa braso at ipinaling sa kaliwa at kanan. Baka kasi may pasa ito o kung ano. “Hindi, Theo. Tiningnan lang niya iyong gown kapag suot ko Wala naman siyang sinabi…” “Totoo?” Paniniguro niya. Tumango naman si Eloisa. “Good.” “Pero hindi totoo na gusto ko pang padagdagan ito ng beads.” “Alam ko. Halata naman na si mama lang may sabi niyon.” “Pero hindi mo sa akin sinabi na three hundred thousand ang gown na ito? Paanong umabot ito ng ganoon kalaki, Theo? Mura lang ang singil sa atin no’ng mananahi, `di ba?” Nasampal niya ang sariling noo. “Sinabi pala sa iyo ni mama…” Inamin na rin niya kay Eloisa ang lahat. Sinabi niya na sa iba siya nagpatahi para quality talaga ang isusuot niyang wedding gown. “Maraming salamat, Theo, pero hindi ka na dapat nagpagawa sa mas mahal. Na-appreciate ko ang ginawa mo pero alam mo naman na kahit sako lang ang isuot ko sa kasal natin ay magpapakasal pa rin ako sa iyo.” Hinapit niya sa beywang si Eloisa at kinabig. “Iyan naman ang gusto ko sa iyo, e. Napaka simple mo. Walang arte! Kaya mahal na mahal kita, Eloisa. Ako na ang pinaka maswerteng lalaki sa mundo dahil akin ka. Akin na akin lang!” At binigyan niya nito ng mabilis na halik sa labi. MABILIS na lumipas ang mga araw hanggang sa dumating na ang araw na pinaka hihintay ni Eloisa-- ang araw ng kasal nila ni Theo. Maaga pa lang ay inayusan na siya sa bahay nila. Nagkaiyakan pa sila ng nanay niya dahil sa iiwan na daw niya ang mga ito. Nagpa-retouch tuloy siya sa make up artist dahil parang nabura ang make up niya dahil sa pag-iyak at pagpunas ng luha. Sa simbahan naman ay ang tatay niya ang naghatid sa kaniya sa altar. Hindi rin niya napigilan ang kaniyang mga luha nang iabot na nito ang kamay niya kay Theo. Pero wala nang tatalo sa luha niya nang magpalitan na sila ni Theo ng vows. Ang mga luhang iyon naman ay dahil sa labis na kasiyahan. Hindi niya kasi lubos maisip na bago pa man matapos ang araw na iyon ay mag-asawa na sila ni Theo. Iisa na sila. Magkabiyak. Mapapalitan na ang apelyido niya. Siya na si Mrs. Eloisa Castillo! “FRENNY!!!” Kung hindi lang naka-high heels si Eloisa ay tumakbo na siya palapit kay Lorraine nang tawagin siya nito habang nasa reception na ginaganap sa isang private resort. Kumakain na ang mga bisita nila at sandali siyang pumunta sa banyo para ayusin ang kaniyang sarili. Paglabas niya ay sinalubong naman siya ni Lorraine. Nagyakap silang dalawa. Ngayon lang siya nalapitan ulit nito matapos ang kasal sa simbahan kanina. “Bongga naman talaga ng kasal mo, frenny! Pang mayaman talaga! Ang ganda-ganda mo!” Nanlalaki ang mata na sabi ni Lorraine matapos ang kanilang yakapan. Nanatili muna sila sa daan papuntang banyo para makapag-usap. “Ewan ko ba kay Theo. Gusto kasi niya ay engrande itong kasal namin. Once in a lifetime lang daw ito, e.” “Tama naman si Theo. Ang swerte mo talaga sa kaniya,” anit sabay buntung-hininga. “O, bakit naman ang lalim ng paghinga mo? Naiinggit ka na ba sa akin?” tawa niya. “Hayaan mo, sa iyo ko ihahagis iyong bouquet mamaya para ikaw na ang ikakasal na sunod!” Tila nandidiring umiling si Lorraine na lalo niyang ikinatawa. “Ay, `di ko bet! And besides, hindi ko pa nakikita ang lalaking gusto kong iharap ako sa dambana!” “Dambana talaga? Ang lalim naman! E, paano mo naman makikita, palagi kang nakapikit. Ang dami mong suitors pero wala ka namang napipili sa kanila. Ikaw din, baka tumanda kang dalaga niyan!” “Iyan naman ang hindi mangyayari, frenny! Itong maganda kong katawan, ang dapat dito ay pinapakinabangan ng lalaki. In right time… Maghintay ka lang. Magiging bridesmaid din kita. Itaga mo `yan sa bato!” “Sabi mo `yan, ha! Sige, saka na lang ulit tayo magkwentuhan. Balikan ko na si Theo at baka hinahanap na no’n ako.” “Okay, frenny. Kailangan ko din mag-CR! Babush!” Pabalik na sana siya sa table nila ni Theo pero bigla siyang napahinto nang marinig niya ang usapan ni Daisy at ng dalawa pa nitong kaibigan sa table ng mga ito. “Ang ganda naman pala talaga ng napangasawa ng anak mo, Daisy! Parang beauty queen!” ani ng isang babae kay Daisy. “Agree ako diyan! Mukhang anak-mayaman. Ang ganda ng kutis, e!” dagdag pa ng isa. “Maganda nga pero ayoko sa kaniya para kay Theo. Saka anong mayaman? Mahirap lang ang babaeng iyan, `no! Malakas ang pang-amoy ko na pera lang ng anak ko ang gusto niya. Ang sabihin ninyo, matalino ang napangasawa ni Theo. Inasawa ang anak ko para kapag kasal na sila ay sa kaniya na rin ang pagmamay-ari ng anak ko! Pati iyong share ni Theo sa business namin!” “Ay, ganoon ba, mare? Naku, iba na rin talaga ang magaganda ngayon. Mabuti na lang hindi tayo magaganda.” “Hoy, kayong dalawa lang! Huwag niyo akong idamay kung mga pangit kayo!” Iyon na ang huli niyang narinig dahil umalis na siya doon at bumalik sa table ng kaniyang asawa. Baka kasi hindi na niya kayanin ang iba niyang maririnig at tuluyan na siyang mapaiyak. Umupo na siya sa tabi ni Theo. “Ang tagal mo naman…” anito. “Sorry, Theo. Nakasalubong ko kasi si Lorraine. Ayun, napakwento ng kaunti.” “Okay lang. Na-miss lang agad kita…” Inilapit nito ang bibig sa tenga niya at binulungan siya. “Sana matapos na itong kainan dito para mamaya ikaw naman kakainin ko.” Kinurot niya sa tagiliran si Theo habang nanlalaki ang mata. “Ang pilyo mo talaga! Baka may makarinig sa iyo. Ano ka ba?” Sa tingin naman niya ay walang nakarinig sa sinabi ni Theo. Bukod sa mahina naman ang pagkakasabi nito ay medyo malayo din ang table nila sa ibang naroon. “E, ano naman kung marinig nila. Saka alam naman talaga nila kung anong gagawin natin mamaya pagkatapos nito.” “Theo, tama na, ha!” saway niya dito habang pigil ang pagtawa. “Ang cute-cute naman talaga ng asawa ko kapag inaasar ko! Halika nga dito!” Kinabig siya nito at siniil nito ng halik ang labi niya. Malakas na naghiyawan at palakpakan ang ibang naroon nang makita ang ginawa ni Theo sa kaniya. Kaya naman pulang-pula sa hiya ang mukha niya pagkatapos ng halik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD