“AABOT pa ba tayo?” Kinakabahan at hindi mapakaling tanong ni Eloisa sa driver na nanliligaw kay Yaya Madel na si Budoy.
Mabuti na lang at pinayagan ito ng amo nito na gamitin ang sasakyan ng mga ito para ihabol siya sa airport. Hindi na sumama sa kanila si Yaya Madel dahil walang maiiwanan sa bahay. Malakas ang kutob ni Eloisa na sinadya ni Daisy na iwanan siya. Talagang gagawin nito ang lahat para hindi siya maging masaya. Naiintindihan naman niya kung saan nanggagaling ang galit nito pero sana naman ay isinantabi muna nito ang galit nito kahit ngayong araw lang. Para lang makasama sana siya sa paghahatid kay Theo. Tatlong buwan din niya itong makikita. Sana man lang ay naisip iyon ng kaniyang biyenan.
“Abot pa tayo niyan. Hindi naman traffic, e. Relax ka lang po diyan.” Magkatabi sila ni Budoy sa unahan.
“Pasensiya ka na, Budoy. Ang demanding ko yata. Gusto ko lang talagang maabutan ang asawa ko sa airport para makapagpaalam sa kaniya bago siya pumunta sa Japan.”
“`Ku! Wala po `yon. Naiintindihan kita. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay ang ugali ng biyenan mo. Iba!” palatak nito. “Saka hindi ka dapat humingi sa akin ng pasensiya. Si Madel ang nakiusap sa akin at gagawin ko lahat ng gusto niya!”
Hinayaan na lang niya na makapag-drive si Budoy at baka mawala pa ang konsentrasyon nito sa daan kapag kinausap niya ito nang kinausap.
At maya maya nga lang ay natanaw na ni Eloisa ang airport. Kung pwede nga lang na tumalon na siya ng sasakyan at tumakbo papunta doon ay ginawa na niya. Panay ang dasal niya na sana ay maabutan pa niya ang asawa.
Inihinto na ni Budoy ang sasakyan. Pagbaba niya ay nakita niya agad si Theo habang yakap ang nanay nito. Nakatalikod sa gawi niya ang kaniyang asawa habang si Daisy naman ay nakaharap sa kaniya. Kahit malayo ay nakita niya na nakita siya ni Daisy. Kumalas ito sa pagkakayakap kay Theo at tila minamadali si Theo sa pagpasok sa loob.
“Theo!” sigaw niya sa asawa pero hindi na siya nito nilingon.
Binilisan niya ang kaniyang paghabol dito pero mabilis itong nakalayo. At nang akmang susundan niya ito sa loob ay hinarang naman siya ni Daisy.
“Hindi mo na siya pwedeng sundan! Maiiwanan na siya ng eroplano!”
“Mama, sandali lang naman po. Magpapaalam lang ako sa asawa ko. Parang awa niyo na!” Kulang na lang ay lumuhod siya sa harapan nito. “Theo!” isinigaw niyang muli ang pangalan ng asawa sa pagbabaka-sakaling maririnig pa rin siya niyon kahit wala na ito sa paningin niya.
“Tumigil ka nga sa pagsigaw mo, Eloisa! Nakakahiya ka! Para kang palengkera! Kung gusto mong magpaalam sa asawa mo, magtext o mag-chat ka na lang sa kaniya! Tara na, umuwi na tayo. Hindi mo na mahahabol si Theo.”
Naglakad na ang biyenan niya. Sa tingin niya ay tama ito, hindi na niya mahahabol ang kaniyang asawa. Ang hindi lang niya matanggap ay kung bakit hinayaan ni Daisy na umalis ang mga ito ng wala siya. Ang akala ba niya ay hindi aalis ang mga ito ng wala siya. Malakas talaga ang pakiramdam niya na sinadya nito ang mga nangyari.
Sinundan niya si Daisy. Akmang sasakay na ulit ito sa van pero pinigilan niya ang kamay nito sa pagbukas ng pinto. “Bakit niyo po ginawa iyon? Ang sabi niyo ay hindi kayo aalis ng wala ako,” puno ng hinanakit na sabi niya dito. “Sana man lang ay naisip ninyong asawa ako ng anak ninyo at dapat lang na kasama ako sa maghahatid sa kaniya sa airport!”
Inalis ni Daisy ang kamay nito mula sa pagkakahawak niya sabay duro sa kaniya. “Hoy, Eloisa, hindi ko gusto iyang lumalabas sa bibig mo. Pinagbibintangan mo ba ako? Kasalanan ko bang sobrang tagal mo sa loob ng bahay? Mahuhuli na ang anak ko sa flight niya kaya iniwanan ka namin! Huwag mo akong tinataasan ng boses. Pinapakita mo lang ang tunay mong ugali ngayong wala na si Theo. Bait-baitan!” irap nito sa kaniya at tuluyan na itong sumakay sa van.
BAGSAK ang balikat ni Eloisa nang makabalik siya sa bahay. Dahil sa iniwan siya ni Daisy at hindi siya nito pinasakay sa van ay si Budoy na ang naghatid sa kaniya puwi.
Napakalungkot niya dahil sa hindi siya nakapagpaalam kay Theo bago ito lumipad ng Japan. Ngayong wala na ito ay natatakot siya sa kung ano pa ang pwedeng gawin ng biyenan niya sa kaniya. Tila nag-uumpisa na ito sa pagpapahirap sa kaniya. Pero ipinangako niya sa kaniyang sarili na kahit anong gawin ni Daisy sa kaniya ay hindi siya susuko para kay Theo.
Nanghihinang umupo sa sofa si Eloisa habang nakatulala.
Dumating si Yaya Madel na may dalang isang basong tubig. “Uminom ka muna. Mukhang pagod na pagod ka,” anito sabay upo sa tabi niya.
Inabot niya ang baso at ininom iyon. Mabagal niya iyong inilapag sa center table pagkatapos. “Hindi ko naabutan si Theo, Yaya Madel…” Malungkot niyang balita.
“Ano?! Naku, bwisit talaga iyang Budoy na iyan! Hindi niya yata binilisan ang pagmamaneho. Makikita niya sa akin mamaya!” Isinuntok nito ang nakakuyom na kamao sa isa nitong palad na akala mo ay naghahamon ng suntukan.
“Walang kasalanan si Budoy… Si mama kasi… Pakiramdam ko kasi ay sinadya niya akong hindi isama sa airport.”
“Sure ka ba? Naku, iyang talaga si ma’am. Ewan ko ba kung bakit ayaw niya sa iyo, e, ang bait mo naman. Kaya nga ang gaan agad ng loob ko sa’yo. Ikaw na lang ang magpasensiya at tumatanda na iyong si ma’am. O, siya. Maiwan na muna kita diyan, ha. Tingnan ko lang `yong labada ko,” anito at iniwan na siya nito.
KINABUKASAN ng umaga bago pumasok sa school na pinagtuturuan ay narinig ni Eloisa si Daisy na kausap si Theo sa cellphone. Nasa dining area ito at kumakain ng almusal. Nauna na siyang kumain dahil kailangan niyang makarating ng school ng maaga.
“Mag-iingat ka diyan, anak. Huwag mo akong alalahanin dito. Ikaw ang dapat na mag-ingat diyan dahil mag-isa ka lang diyan.” Narinig pa niyang sabi ng biyenan.
Sa kagustuhan niyang makausap ang asawa ay nagtungo siya kay Daisy. Nang makita siya nitong papalapit ay bigla nitong inalis ang cellphone sa tenga nito. Inilapag nito iyon sa lamesa at ipinagpatuloy ang pagkain.
“Mama, si Theo po ba iyong kausap mo?” Excited niyang tanong.
“Oo. Bakit?”
“Gusto ko rin po sana siyang makausap. Baka po pwede.”
“Hindi mo ba nakita na tapos na kaming mag-usap? `Ayan, o. Nakalapag na ang cellphone ko.”
“Ganoon po ba? Sige po. Aalis na ako…” Malungkot siyang tumalikod at umalis na sa bahay.
Labis siyang nalulungkot dahil simula ng umalis si Theo ay hindi pa ito tumatawag sa kaniya kahit sa Messenger man lang. Ayaw naman niyang siya ang maunang tumawag dito dahil baka nagpapahinga ito. Baka kasi nagtatampo ito sa kaniya dahil hindi niya ito naihatid sa airport. Nais niya itong makausap para makapagpaliwanag tungkol sa bagay na iyon.
Siguro naman ay tatawag din si Theo sa kaniya kapag may oras ito. Inuna lang nito marahil ang nanay nito. O baka sinusubukan siya nitong tawagan kanina kaya lang hindi siya nito makontak dahil patay ang cellphone niya dahil naka-charge. Sanay kasi siya na pinapatay ang cellphone kapag naka-charge iyon.
NAGTATAKA si Theo kung bakit biglang naputol ang pakikipag-usap niya sa nanay niya. Di-nial niyang muli ang numero ng cellphone nito at makalipas lang ang ilang ulit na ring ay sinagot naman iyon agad.
“Mama, bakit naputol?” tanong niya.
“Pasensiya ka na, anak. Napindot ko iyong end call. Nasaan na nga ba tayo sa kwentuhan natin? Nakalimutan ko na, e.”
“Nakalimutan ko na rin po. Oo nga po pala, si Eloisa ba? Nasaan na siya?”
Narinig niya ang paghinga ng malalim ng nanay niya. “`Ayon, nagmamadaling pumasok. Nakita ko nga no’ng naputol ko iyong tawag. Sabi ko ay mamaya na siya pumasok at baka tumawag ka ulit. Aba, `wag na daw. Nagalit pa nang pilitin ko…”
Parang ayaw maniwala ni Theo sa kwentong iyon ng nanay niya. Kilala niya si Eloisa. Hindi nito ugaling magalit sa maliliit na bagay. “Parang imposible naman po na magalit si Eloisa dahil sa pagpilit ninyo, mama. Mabait po ang asawa ko…” Pagtatanggol niya dito.
Ang totoo kasi ay si Eloisa talaga ang tinatawagan niya kanina pero nakapatay ang cellphone nito. Kaya ang nanay na lang niya muna ang kaniyang tinawagan.
“May mabait bang ganoon? Malamang, puro magaganda ipapakita no’n sa iyo. Ngayong wala ka na, ipinapakita na ng asawa mo ang sungay at buntot niya! Ewan ko ba sa iyo, sinabi ko nang huwag mong pakasalan si Eloisa. Manang-mana iyan sa tatay niyang mamamatay-tao!”
“`Ma…” May himig pagsasaway na sabi ni Theo. “Wala namang kasalanan si Eloisa sa pagkamatay ng papa. Isa pa, matagal nang napatunayan sa korte na walang kasalanan ang tatay ng asawa ko at ang mga kasama nito. Tanggapin na lang natin na oras na ni papa ng araw na iyon…”
“Hmp! Ewan ko ba sa iyo, anak. Masyado mong ipinagtatanggol ang asawa mo. Samantalang ako ang ina mo, ako ang nag-aruga sa iyo simula noong bata ka.” tila nagtatampong sabi ng nanay niya.
“Hindi naman po sa ganoon--”
“Ganoon ang pinaparamdam mo sa akin. Para bang nawala na ako sa buhay mo simula ng mag-asawa ka. Palagi mo na lang kinakampihan si Eloisa!” Humikbi ito.
“`Wag naman po kayong umiyak, mama…”
“Basta! Nagtatampo ako sa iyo!”
“Hay, naku naman… Okay po. Ano bang gusto mong pasalubong pag-uwi ko?” Alam na kasi niya ang kiliti ng mama niya.
“Kahit ano basta mamahaling bag lang, anak. Saka cash na rin, ha.”
“Noted po. Tama na ang iyak. Sige po, kailangan ko nang maghanda sa trabaho ko dito. Mag-iingat po kayo diyan. Pakisabi na lang po kay Eloisa na kaag nagkaroon siya ng time ay mag-message siya sa Messenger ko. Bye, `ma.”
“Okay, anak. Ingat ka din diyan. Bye…”
Malalim na huminga si Theo nang matapos na ang pakikipag-usap niya sa kaniyang ina. Naiiling na bumangon na siya sa kama upang maghanda na para sa unang araw niya sa trabaho. Ngayon siya i-to-tour sa kumapnya kung saan siya magtatrabaho.
Malungkot lang siya na hindi man lang niya nakausap si Eloisa. Mas gaganahan sana siyang magtrabaho kung maririnig niya ang tinig ng kaniyang asawa bago man lang siya mag-umpisa.
Sa kabilang banda, naiintindihan naman niya kung bakit hindi siya kinausap ni Eloisa. Oras na rin kasi ng pasok nito sa trabaho at bilang isa itong guro dapat lang na maaga ito. Para naman maging isang magandang ehemplo ito sa mga estudyante nito.