“MAMI-MISS kita, Eloisa. Huwag kang mag-alala dahil hindi ako titingin sa ibang babae sa Japan. Ikaw at ikaw lang ang babae na mamahalin ko… At siyempre, pati na rin si mama. Kayong dalawa lang.”
“Dapat lang, `no! Subukan mo lang na maghanap doon ng Haponesa at wala ka nang babalikan dito!”
“`Sus! Ako lang ba dapat? Ikaw din dapat. Baka dahil sa matagal akong mawawala ay tumingin ka na sa iba.”
“Iyon naman ang hindi mangyayari. Faithful ako sa’yo, Theo. Ikaw lang ang lalaki sa buhay ko!”
Iyon ang palitan ng salita nina Eloisa at Theo habang mahigpit nilang yakap ang isa’t isa. Naroon sila sa kanilang kwarto. Nakahanda na ang maleta ni Theo at ngayon araw na ang alis nito.
Hindi pa rin makapaniwala si Eloisa na napakabilis ng araw. Isang buwan na agad ang nakalipas simula nang ibalita sa kanila ni Theo na magtatrabaho ito ng tatlong buwan sa Japan. Alam niyang tinanggap ng asawa niya ang trabahong iyon para rin sa kanilang dalawa at sa future nila. Kaya kahit malungkot na mawawalay agad ang asawa niya sa kaniya matapos silang maikasal ay kailangan niya munang magtiis. Isa pa, kung malungkot siya ay mas malungkot si Theo dahil mag-isa lang ito doon at malalayo hindi lang sa kaniya kundi sa nanay nito. Mas malaki ang sakripisyong gagawin nito para sa kanila.
Habang nasa ganoon silang sitwasyon ay bumukas ang pinto at sumilip si Yaya Madel. “Ay, ano bang ginagawa ninyo?! Bumaba na daw kayo sabi ni ma’am at baka daw ma-late si sir sa flight niya,” anito at isinara din nito agad ang pinto.
Isang halik na puno ng pagmamahal ang pinagsaluhan nila ni Theo bago sila tuluyang bumaba. Isang malaking maleta lang ang dala ni Theo at ito na rin ang nagdala niyon paibaba. Inilagay nito iyon sa likod ng van na maghahatid sa asawa niya sa airport. Pinakiusapan ni Daisy ang kapitbahay nila na marunong na mag-drive upang ito ang magmaneho ng van. Ayaw kasi nilang si Theo pa ang magda-drive. Hindi rin naman siya marunong magmaneho.
Nasa loob na sila ng van kasama ang nanay ng asawa niya at nakapwesto na rin ang driver.. Nakasimangot si Daisy sa kaniya kahit wala naman siyang ginagawa dito. Halatang mainit talaga ang dugo nito sa kaniya. Iyon din ang inaalala niya kapag umalis na si Theo sa bahay. Paniguradong kailangan niya ng napakahabang pasensiya sa pagsusungit ng biyenan niya.
“`Yong passport ko pala. Nakalimutan ko!” bulalas ni Theo matapos tingnan ang laman ng hand carry bag nito.
“Saan mo ba inilagay? Ako na ang kukuha,” prisinta ni Eloisa.
“Hindi. Ako na lang, Eloisa, para mabilis,” turan ni Theo. Bumaba ulit ito ng van at bumalik sa loob ng bahay para kunin ang naiwanang gamit.
“Eloisa,” bahagyang nagulat si Eloisa nang tawagin siya ni Daisy.
Mabilis niya itong nilingon. “Bakit po, mama?”
“May nakalimutan din pala ako sa kwarto ko. Iyong cellphone ko. Pwede bang kunin mo? Nakapatong iyon sa side table ng aking kama. Naka-charge.”
“Pero baka po maiwanan ako.”
“Hindi ka talaga marunong sumunod, `no? Hindi ba’t ang sabi ko, kung gusto mong magkaayos tayo ay sundin mo ako? At sa tingin mo ba ay tanga kami para umalis ng wala ka? Hihintayin ka namin, malamang!”
“Sige po. Kukunin ko na. Pakihintay na lang po ako…”
Mabilis na bumaba si Eloisa ng van at dumiretso sa kwarto ni Daisy. Pero nalaman niyang naka-lock iyon kaya naman bumaba ulit siya para puntahan si Yaya Madel. Bago siya bumaba ay nasilip niya sa kwarto nila si Theo na palabas na doon. Hindi na lang niya ito kinausap dahil kailangan na niyang magmadali.
Nasa kusina ang kasambahay. Sa pagkakaalam niya kasi ay may duplicate key ito sa lahat ng pinto sa bahay para kapag maglilinis ito ay hindi na nito kailangang hiramin ang susi na hawak nila.
“Yaya Madel, pahiram naman ako ng susi sa kwarto ng mama. Pinapakuha niya kasi iyong cellphone niya doon. Pakibilis lang,” aniya kay Yaya Madel na hawak ang cellphone.
May narinig siyang yabag ng paa sa may hagdanan at sigurado siyang si Theo iyon. Pabalik na ito sa sasakyan. Wala naman siyang kaba na nararamdaman na baka maiwanan siya dahil gaya ng sabi ni Daisy ay hindi aalis ang mga ito ng wala siya. Saka alam din niya na hindi aalis si Daisy na hindi dala ang cellphone.
Inilapag muna ni Yaya Madel ang hawak. “Sandali lang. Kunin ko lang sa kwarto ko.” Tumayo ito at pumasok sa kwarto nito na malapit lang din sa kusina.
Sumunod na lang din siya sa kasambahay upang makuha niya agad ang susi.
“Ano ba `yan? Nandito lang iyon, e. Bakit wala?” Binuksan nito ang aparador. Nakatalikod ito sa gawi niya at naghahalughog doon.
Iginala niya ang mata hanggang sa dumako iyon sa kama. Doon ay may nakita siyang bungkos ng susi. “Iyon ba `yon?” aniya sabay turo sa nakita.
Nilingon ni Yaya Madel ang itinuro niya. “Ay, oo. Iyan nga! Ano ba iyan? Ulyanin na agad ako!” Tumatawang kinuha nito ang susi at ibinigay sa kaniya.
Sinabi na rin nito kung ano ang susi sa kwarto ng biyenan niya para hindi na siya mag-isa-isa niyon. Nagmamadali siyang umakyat sa itaas dahil baka magalit na sa kaniya si Daisy kapag natagalan pa siya. Nabuksan naman niya ang pinto ng kwarto ni Daisy. Pagtingin niya sa side table ay wala namang cellphone na nakapatong doon. Charger lang ang nakita niya na naroon sa ibabaw.
Hahanapin pa sana niya sa ibang parte ng kwarto ang cellphone at baka nagkamali lang ng pagkakasabi si Daisy nang makarinig siya ng ugong ng sasakyan sa labas. Bigla siyang kinabahan at humahangos na tinungo ang bintana. Pagsilip niya doon ay nanlaki ang mata niya dahil papaalis na ang van na maghahatid kay Theo sa airport.
“Sandali lang!” ubod lakas na sigaw ni Eloisa pero alam niyang imposibleng marinig siya ng mga nasa loob ng van. Nakasarado kasi ang lahat ng bintana tapos ang taas pa ng kinaroroonan niya.
Nagmamadali at halos lumipad na bumaba si Eloisa para humabol. Bahala na kung mapagalitan siya ng biyenan niya dahil hindi niya nahanap ang cellphone nito. Ang importante sa kaniya ay maihatid si Theo sa airport. Matagal-tagal din silang hindi magkakasama kaya gusto niyang makapagpaalam ng maayos.
Paglabas niya ng bahay ay napakalayo na ng van. Tumakbo na siya papunta sa kalsada pero lumiko na ang sasakyan at hindi na niya iyon nakita pa.
“Theo…” Iyon na lang ang nasambit niya habang may luhang pumapatak sa kaniyang mga mata. Napakasakit para sa kaniya na hindi siya nakasama sa paghahatid sa sarili niyang asawa sa airport.
Sumunod naman si Yaya Madel sa kaniya at may pagtatakang tinanong siya. “O, bakit nandito ka? Hindi ka sumama sa paghahatid kay Sir Theo?” kunot-noo pa ito.
Pinunasan niya ang luha gamit ang mga kamay. “Naiwanan ako, Yaya Madel. Hindi ko alam kung bakit sila umalis ng wala ako. Gusto ko pa sanang makita ang asawa ko kahit sa huling sandali bago man lang siya pumunta sa Japan,” malungkot niyang pagkukwento.
Nameywang si Yaya Madel. “Aba! Hindi pwedeng wala kasa paghahatid kay Sir Theo. Asawa ka kaya dapat ay naroon ka! Sandali lang. Dito ka lang, ha.”
Aalis sana ito pero pinigilan niya ito sa pamamagitan ng paghawak sa isang braso. “Saan ka pupunta?” takang tanong ni Eloisa.
“Kay Budoy. Iyong driver ng kapitbahay natin na nanliligaw sa akin! Kakausapin ko siya na ihatid ka sa airport para makahabol ka!”
Ganoon na lang ang pagbangon ng pag-asa sa puso ni Eloisa. “Naku, sige! Salamat. Yaya Madel!” Sa labis na kasiyahan ay nayakap pa niya ng mahigpit ang mabait na kasambahay.
Tinapik naman siya nito sa likod. “Tama na muna ang hug moment. Kailangan na nating dalian para makahabol ka talaga!” At tumakbo na nga ito papunta sa gate ng kanilang kapitbahay.
Siya naman ay umaasa na sana ay pumayag ang sinasabing driver ni Yaya Madel para makahabol pa siya kay Theo sa airport.
PAGBALIK ni Theo sa van ay nagtaka siya dahil wala doon si Eloisa. Kaya naman tinanong niya ang kaniyang mama na naroon. “`Ma, si Eloisa? Nasaan ba siya?” Pumasok na siya sa loob at sa tabi ng ina siya umupo.
Inilabas ng nanay niya ang cellphone mula sa shoulder bag nito at may tiningnan ito doon. “`Ayon, hindi na daw siya sasama sa paghahatid sa iyo gawa ng may kaibigan yata na tumawag. Ako na lang daw maghatid sa iyo. Nagmamadaling bumalik sa loob ng bahay para magpalit ng damit. Grabe din naman talaga iyang asawa mo, Theo. Alam na nga na aalis ka na ngayon ay ibang tao pa rin ang inuuna! Hay, ewan! Kaya hindi ko talaga gusto ang Eloisa na iyan, e! Iba ang ugali!” anito sabay irap.
Labis na nalungkot si Theo sa ginawa ni Eloisa. Tama naman ang mama niya. Dapat ay mas pinili nito na ihatid siya sa airport kesa sa puntahan ang kaibigan nito.
“Baka po emergency lang, `ma…” Kahit malungkot ay ipinagtanggol pa rin niya ang asawa.
“Emergency? E, narinig ko na sa mall lang pupunta. Anong emergency sa mall? Baka sale! Mas inuna pa ang walang katuturang bagay!”
Matapos magsalita ng nanay niya ay biglang sumingit iyong driver sa unahan. “`Di ba, inutusan niyo po si--”
“Tumigil ka nga diyan!” pigil ng nanay niya sa pagsasalita ng driver. “Ang mabuti pa ay mag-drive ka na diyan at baka maiwanan ng eroplano ang anak ko!” bulyaw pa nito.
“Okay po. Pasensiya na…”
“Hindi ka naman kinakausap kaya huwag kang sumabat!”
Kakamot-kamot sa batok ang driver. Matapos iyon ay binuhay na nito ang makina ng van at pinaandar iyon.
Sa huling pagkakataon ay sinulyapan ni Theo ang bahay nila. Aaminin niya na medyo sumama ang loob niya kay Eloisa. Pero iniisip na lang niya na baka may kung anong nangyari sa kaibigan nito at mas pinili nitong sumama dito kesa sa ihatid siya sa airport. Kilala niya kasi si Eloisa. Hindi ito mababaw na tao at alam niya kung gaano nito kagusto na maihatid siya bago siya pumunta sa Japan. Kagabi nga ay hindi na ito kumalas sa pagkakayakap sa kaniya.
Kapag nagkaroon ng pagkakaton ay kakausapin niya ang asawa. Ganoon kasi sila ni Eloisa. Kapag may tampo sila sa isa’t isa ay sinasabi nila para hindi na lumaki pa…