HINDI napigilan ni Almira ang pag-awang ng mga labi at panlalaki ng mga mata habang nakatingin siya sa bahay ng ina ni Brad. Iyon ang araw na makikilala na niya sa wakas ang nakatatandang babae na iginiit na sa bahay nito sila mananghalian. Hindi man masasabing mansion ang bahay ay malaki pa rin iyon. Tatlong palapag yata at ang haba ay katumbas ng apat na bahay nila kapag pinagdugtong-dugtong. Pagpasok nila sa loob ay nakita niyang moderno at elegante ang disenyo ng bahay. Minimal ngunit halatang mamahalin ang mga gamit at maraming bakanteng espasyo na sigurado siyang sinadya. Napakapit siya sa braso ni Brad, pilit na hinahamig ang sarili para hindi ma-intimidate sa karangyaan na nakikita niya. Mukhang napansin ng lalaki ang pagkabahala niya dahil ginagap nito ang kamay niyang nakakapit

