Natulala ako sa ganda ng loob at sa luwang ng receiving area nila. Dalawang set ng lounging area ang naroroon. At maging ang loob ng bahay ay marami ring mga iba’t ibang halaman na nakalagay sa mga magagarang paso. “O, narito na pala si Sander!” bulalas ng isang lalaking medyo may edad na. Napalingon ang lahat sa kinaroroonan namin. Hindi kami huminto sa paglalakad at lumapit sa kanilang lahat. Nang matuon ang atensiyon nila sa akin ay pinilit kong panatilihin ang ngiti sa mga labi ko. Bakas ang pagtataka sa mga mukha nila ngunit wala pa naman akong napapansin na pangungutya o pagkadisgusto mula sa kanila. “My favorite handsome nephew!” medyo malakas ang tinig noong magandang babae na sa tingin ko ay nasa limampu o higit pa ang edad. Lumapit siya kay Sander at niyakap ito saka hinalikan

