Kinaumagahan ay maaga akong nagising. Nag-shower lang ako kagabi pagkatapos ay tinawagan ang mommy ko para sabihing maayos naman kaming nakarating dito.
Inayos ko ang hinigaan ko, sandalling nagbanyo at naghilamos bago bumaba. Napahinto pa ako sa paghakbang nang matingnan ang hagdan paakyat sa susunod na palapag.
“Nakababa na kaya siya? O, natutulog pa?” bulong ko sa sarili. Biglang-bigla tuloy ay nagdadalawang-isip ako kung aakyat ba ako para kumustahin si Sander o bababa at hihintayin na lang siya roon?
Nasa kalagitnaan ako ng pagmumuni-muni nang biglang may magsalita. Halos mapatalon ako sa gulat dahil hindi ko iyon inaasahan. Tapos ay nasa malalim pa akong pag-iisip.
“Naimbag nga bigat mo ma’am, apan kayo kuma sukunin ta ur-urayin na kayo ni sir sadiay baba,” sabi noong babaeng sa tingin ko ay kasambahay dito. Nakasuot lang kasi siya ng itim na pantalon at putting t-shirt. Hindi naka-uniform ng pang-maid kaya hula-hula ko lang iyon. Pero ang talagang nagpakunot nang husto sa noo ko ay ang sinabi niya. Wala kasi akong naintindihan kahit isa. Iyon kaya ang salita nila rito?
“Ah, sorry po, ate. Pero hindi ko po kasi naintindihan iyong sinabi ninyo. Ngayon pa lang po kasi ako nakapunta rito sa probinsya ninyo kaya hindi ko pa po alam iyong diyalektong ginagamit ni’yo rito,” hinging paumanhin ko. kinakabahan ako kasi baka bad impression na agad ako sa kaniya. Baka isumbong pa ako kay Sander na nag-iinarte, pero nagsasabi lang naman ako ng totoo.
“Ay, pasensya na!” napapalakpak pa siya, “Sana’y lang kasi akong mag-Iloco kaya nakalimutan kong taga-Maynila pala ang bisita namin. Ang sabi ko po, ma’am, magandang umaga at sinusundo ko lang kayo dahil kanina pa kayo inaantay ni sir Sander sa ibaba,” maikling paliwanag nito. Nakahinga ako ng maluwag dahil mukhang mabait naman pala itong kausap ko.
“Ayos lang po, ate. Siya nga po pala ako si Coleen. Coleen na lang po ang itawag ninyo sa akin, huwag na pong ma’am,” pagpapakilala ko sa sarili. Napangiti ito at bahagyang umiling.
“Ako naman po si Beth, Ma’am Coleen. Bisita po kayo ni Sir kaya dapat lang po na ma’am ang itawag ko sa inyo. Isa ako sa mga katulong dito at iyong nanay ko naman iyong pinaka-head ng mga tagaluto,” tugon naman niya. nahihiya man ay hindi na ako nakipagtalo pa at hinayaan na lang siyang tawagin akong ma’am. Nakakaasiwang pakinggan dahil para lang akong nasa fast-food chain, pero ayos na rin. At least mabait at palangiti itong si Ate Beth.
Sinundan ko siya hanggang marating namin ang hapag kainan at sa pinakadulo niyon ay naroon si Sander at nakaupo. May kausap ito sa telepono pero ngumiti sa akin nang makita ako, saka sumenyas na maupo na. Palihim ko siyang tinititigan habang lumalakad palapit sa kinauupuan niya. Fresh na fresh ang hitsura niya. Nakasuot ng checkered polo na medyo nakabukas kaya kita ang malapad niyang dibdib. Napalunok tuloy ako. Hindi man siya maangas gaya nina Charles, Drake at Marcus, siya naman iyong tipong pang-boy next door gano’n.
Nagulat ako nang tumayo siya at ipaghila ako ng upuan. Nang makaupo na ako ng maayos ay tinapos na rin niya ang tawag sa kung sino mang kausap niya.
“Good morning!” nakangiting bati niya sa akin. Ang ganda ng ngiti niya abot hanggang mata. Tapos litaw na naman iyong dimples niya at iyong mapuputi at pantay-pantay niyang mga ngipin.
“Hi! Pasensiya na, tinanghali na yata ako ng gising,” nahihiyang bati ko.
“No, it’s okay. I know you were tired, and I am glad you had a good night sleep,” aniya. Hindi niya inalis ang ngiti sa mukha kaya tuloy parang may mga paruparong nagpapaligsahan sa tiyan ko. Parang gusto ko na lang siyang gawing breakfast ko, este, kasalo-kasalo sa agahan! Ano ba?!
“Salamat. Oo medyo napasarap nga iyong tulog ko. ang weird kasi hindi man lang ako namahay. Mukhang bagay talaga ako dito sa bahay mo,” saad ko. At sa muling pagkakataon ay umarangkada na naman ang bunganga ko. Minsan talaga hindi magka-vibes ang utak ko at bunganga ko. Madalas pala-desisyon itong bibig ko at kung ano-ano na lang lumalabas.
Napatikhim tuloy si Sander at parang medyo naasiwa sa sinabi ko. Pero hindi nakaligtas sa akin ang patagilid niyang pagngiti.
“Let’s eat. Pagkatapos ay sasamahan kitang mamasyal,” sabi na lang nito, at iyong sinabi niya ay parang appetizer ko lang kaya bigla akong ginanahang kumain. Well, actually, sa dibdib pa lang kanina ginutom na ako, eh.
Pagkatapos mag-almusal ay inilibot na nga niya ako sa buong bahay at sa bakuran. Ito pa lang mansyon niya ay bahagi lang ng maluwang na taniman ng tabako at palay. Ipinakita niya sa akin kung gaano kaluwang iyong nasasakupan ng mga lupain nila kaya lalo tuloy akong namangha.
“Nagugutom ka na ba?” maya-maya ay tanong niya. Katatapos lang din naming pumunta sa isang bahagi ng farm na ang mga tanim naman ay iba’t ibang klase ng prutas gaya ng manga, mani, niyog, saging at iba pa. Grabe! Parang ayaw ko na talagang umuwi! Ang sarap-sarap namang tumira rito.
“Hindi pa naman. Medyo naparami yata iyong kain ko ng mangga kanina. Ang tatamis at ang lalaki pa. Ang mahal kaya ng mga gano’n sa Maynila!” hindi ko naiwasang masabi. Ngumiti siya at tumango.
“Well, kung gano’n pumunta na tayo sa pinakapaborito kong parte ng rancho,” nangingiting sabi niya. Sa totoo lang, medyo napapagod na ako, tapos ang init-init pa, pero dahil mas madalas siyang nakangiti sa akin parang nawawala iyong pagod ko. Saka palagay ko naman ay nag-eenjoy din siyang kasama akong mamasyal. Sure naman ako doon, promise!
“Saan naman iyan? Huwag mong sabihing may dagat dito banda ha? Kotang-kota ka na sa mga pa-surprise mo,” pagbibiro ko. Natawa lang siya at napahigit ako ng hininga ng hawakan niya ang isang kamay ko at banayad akong hilahin papalapit sa naghihintay na sasakyan. Yes! Sa luwang nitong nilibot namin kailangan talaga namin ng sasakyan!
Para akong kinukuryente sa kilig dahil sa pagkakadikit ng mga balat namin. Alam kong wala lang sa kaniya iyon, pero sa akin grabe ang epekto. Pakiramdam ko lumulutang na ako sa alapaap!
Akala ko talaga ay sagad na iyong pagka-sorpresa ko sa mga nakita ko kanina, pero may mas titindi pa pala! Mayroon siyang malaking kuwadra na naglalaman ng iba’t ibang klase at kulay ng kabayo. Yes as in!
Dala ng pagkamangha ay nakatulala lang ako habang si Sander naman ay lumakad patungo sa kinaroroonan noong mga kabayo! s**t. First time ko ito!
“Come here,” tawag niya sa akin. “I want you to meet my personal horse,” patuloy na agaw-pansin niya sa akin. Doon pa lang ako tila nagising sa reyalidad at may pag-aatubilng lumapit sa kaniya.
“Akala ko hindi ka mahilig sa mga hayop kasi wala man lang akong nakitang aso o pusa doon sa bahay mo, tapos ganito pala ang mga alaga mo,” puno nang pagkamanghang saad ko. Medyo napapitlag pa ako nang lumikha ng ingay ang mga kabayo na tila may gustong sabihin.
“I love horses since I was a kid. Kaya ipinangako ko sa sarili kong bibili ako paglaki ko. At hindi ko naman akalaing dadami sila nang ganito,” buong pagmamalaking banggit niya, saka muling nilingon iyong malaking kabayo sa tabi niya.
“Ilan na lahat ang kabayong naririto sa kuwadra mo?” biglang naisipan kong itanong.
“I have 78 horses in total and–”
“78? Seriously? Personal mo lang na pag-aari iyon?” sa pagkabigla ay bigla akong sumabat habang nagsasalita pa siya. Natawa pa nga siya sa naging reaksyon ko.
“Yes! Actually, I had more than a hundred before kaya lang iyong iba ipinangreregalo ko tapos iyong iba naman ay ibinebenta sa mga mahilig din sa kabayo,” paliwanag niya. Patuloy ang pagpapakain niya doon sa kabayong nasa tabi niya, pagkatapos ay hinahaplos-haplos pa iyong mukha at ulo.
“Grabe naman pala! Pansin ko pinakamalaki iyang pinapakain mo sa lahat ng mga nakikita ko rito. O, mayroon pang iba na wala lang dito sa puwesto natin?” tanong ko habang nakatitig sa napakagandang itim na itim na kabayo. Makintab ang kabuuan nito at mukhang higit na makapangyarihan kaysa sa iba. Malamang espesyal ang kabayong ito.
“You’re right. This is Zeus, my personal and most favorite here. I got him as a gift from my grandfather for my fifteenth birthday! Zeus is a black stallion from the Powerhouse of Coolmore, Ireland!” buong pagmamalaking saad niya. Kahit hindi ko naman na-gets iyong sinabi niya, pero sa paraan ng pagkakasabi niya ay parang angat talaga itong si Zeus sa mga ordinaryong kabayo.
“Ganiyan ba iyong mga ginagamit sa equestrian race ba iyong tawag doon?” nakatuon ang buong atensiyon ko kay Zeus habang nagtatanong.
“Yes! At galing si Zeus sa mga rare breeds ng stallions. Nanalo na rin siya ng tatlong gold medals sa mga competition sa Amerika at New Zealand,” buong pagmamalaking pagbibigay-alam niya sa akin. Umawang ang mga labi ko at humahangang nginitian si Zeus.
Iniangat ko ang kamay ko para hawakan ang mukha niya. Noong una ay parang ilag ito, pero noong kausapin ko ay pinayagan naman niya akong haplusin ang mukha niya.
“Gusto mo ba siyang sakayan? Mukhang good mood siya ngayon, eh,” nanlalaki ang mga matang nilingon ko si sander. Gusto kong malaman kung seryoso ba siya o nagbibiro lang. Nakangiti siya pero hindi naman mukhang nagjo-joke. Bigla tuloy ay nakaramdam ako ng excitement. Tuwang-tuwa kami ng kapatid ko kapag sumasakay kami sa kabayo kapag pumupunta kami ng Baguio City. At siyempre iba ngayon kasi sosyal na kabayo itong si Zeus.
“Talaga? Sige, sige gusto ko iyan!” walang pag-aatubiling sagot ko. lumapad ang pagkakangiti ni Sander at tinawag iyong isa sa mga tauhan niyang namamahala sa kuwadra.
Pagkatapos maihanda si Zeus at ako naman ay makapagsuot na ng safe gears, inalalayan ako ni Sander na makasakay. Napasinghap ako nang buhatin niya ako sa may bandang baywang. Napatitig ako sa mga mata niyang diretso ring nakatingin sa akin.
Sa pagkakataong iyon ay tila huminto sa pag-inog ang mundo at wala kaming ibang nakikita kundi ang isa’t isa. Maging ang paligid ay tila tumahimik at tanging ang t***k lang ng aming mga puso at paghinga ang naririnig.
Tila ako nabuhusan ng malamig na tubig nang biglang tumikhim si Sander at nag-iwas ng tingin sa akin. Ako naman ay tila nawala sa konsentrasyon dahil sa paghuhuramentado ng puso ko. Grabe naman kasi iyong titig niya kanina, sobrang nakakatunaw.
Napahawak ako ng mahigpit sa renda ng kabayo nang bigla itong gumalaw.
“Ay!” hindi ko maiwasang mapatili nang bahagya dahil sa pagkabigla. Natatarantang pinakalma naman ni Sander si Zeus.
“Okay ka lang ba? pasensya na, medyo matagal na rin kasing hindi nakalabas itong si Zeus kaya siguro medyo excited,” paliwanag niya na may kasamang paghingi ng paumanhin. Pilit akong ngumiti at kahit kinakabahan ay tumango sa kaniya.
“Yeah! Okay lang. Medyo nagulat lang ako,” pag-amin ko.
Halos isang oras kaming nagpaikot-ikot. Noong una ay naglalakad lang si Zeus habang nasa tabi namin si Sander. Pagkatapos ay halos pangapusan ako ng hininga nang biglang sumakay si Sander kaya nasa likuran ko na siya.
Lalong nagwala ang puso ko nang mapadikit siya sa akin at ngayon ay dalawa na kaming nakahawak sa kabayo. Ang sarap sa pakiramdam dahil parang literal na niya akong niyayakap sa posisyon naming ito. Nakangiti lang ako at walang naramdamang takot kahit pinabilis na niya ang pagtakbo kay Zeus. Hindi ko alintana ang malakas na hanging tumatama sa mukha ko dahil sa bilis ng takbo namin. Mas ramdam ko pa nga iyong init ng katawan ni Sander sa likod ko.
Pagod na pagod at gutom na gutom na ako nang mapagpasiyahan ni Sander na huminto na at bumalik sa kuwadra. Muli niya akong inalalayan pababa at halos matumba ako dahil hindi ko maramdaman ang mga paa ko noong una.
“Kaya mo na ba?” may pag-aalalang tanong ni Sander. Ang dalawang kamay niya ay nasa magkabilang braso ko.
“Oo, okay na. First time ko pa lang kasi sumakay sa kabayo na ganoon kabilis ang takbo. Pakiramdam ko kanina lumilipad ako,” hindi ko maiwasang masambit. Para akong batang tuwang-tuwa habang nagsasalita. Mahinang tumawa si Sander at saka unti-unting binitawan ang braso ko.
“I’m glad you enjoyed the ride,” sabi pa niya.
“Oo, naman, ano! Saka salamat, ha? Unang araw ko pa lang dito, grabe ang saya-saya na!” humarap ako sa kaniya at inayos ang medyo nagulong bahagi ng damit ko. Pagkatapos ay sinuklay ko ang aking buhok gamit ang mga daliri.
May sasabihin pa sana siya nang biglang may magsalita.
“Sir,” si Bernard ito at humahangos. Halatang may dala itong balita dahil mukha siyang worried. Sana naman hindi bad news.
“O, Bernard, ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Sander. Niyaya na niya akong lumakad patungo sa sasakyan niya. Sumunod naman ako agad at gaya niya ay naghihintay sa sasabihin ni Bernard.
“Sir, nasa mansyon po si Doña Aurora at kanina pa po kayo hinihintay,” pagbabalita ni Bernard. Nagulat pa ako nang mabilis na napahinto sa paglalakad si Sander at hindi makapaniwalang napatitig kay Bernard.
“What? Bakit hindi mo ako tinawagan agad?” naninitang tanong niya. nahihintakutan namang tumingin sa kaniya si Bernanrd.
“Eh, sir kanina ko pa po kayo tinatawagan kaya lang naka-off ang cellphone ninyo kaya napilitan na po akong pumunta rito,” halata ang takot at bahagyang panginginig sa boses ni Bernard. Napapikit nang mariin si Sander at namaywang saka parang naguguluhang tumingin sa kalawakan. May problema ba? Hindi ko tuloy maiwasang lingunin si Bernard na nakatunghay sa amo niya at naghihintay ng susunod na gagawin.
“Let’s go!” sa wakas ay turan ni Sander at mabilis na itong naglakad patungo sa sasakyan. Nakalimutan na nga yata niyang kasama niya ako dahil si Bernard pa ang nagbukas ng pinto para sa akin. Ang sobrang sayang awra ko kanina ay napalitan ng kaba para kay Sander. Bakit kaya ganoon ang reaksyon niya sa pagkakarinig ng ibinalita ng assistant niya?
Makalipas ang ilang minuto ay narating na namin ang bahay niya. At least, ngayon ay ipinagbukas na niya ako at inalalayan pang makababa.
“Salamat,” may ngiting usal ko. Tumango lang ito at bahagyang ngumiti. Mukha talaga siyang tensed.
Nang makapasok na kami sa loob ay natuon agad ang atensiyon ko sa matandang babaeng nasa sala. Napaka-elegante nito sa suot niyang long dress na kulay maroon. Napalunok ako nang direkta itong tumingin sa akin at taasan ako ng kilay. s**t!