The next day, sinadya kong mag-dress para naman magmukha akong babaeng-babae sa paningin ni Sander. Actually, ngayon ang araw na nakumpirma nila ang lugar na pagdadalhan sa kaibigan ko at pagpaplanuhan na nilang maigi kung paano nila mababawi si Kristine.
Pagdating ko sa opisina ni Charles ay ramdam ko ang mga matang nakasunod sa akin hanggang makasakay ako ng elevator. Bago pa ito sumara ay humabol si Drake na humahangos pa dahil halatang nagmamadali rin siya.
Kami lang ang sakay ng lift at bahagyang lumayo sa akin si Drake at sinipat ako mula ulo hanggang paa.
“Wow! Anong meron at mukha ka yatang tao ngayon?” pambubuska nito kaya inambahan ko siya ng batok pero agad din namang nakaiwas. Natatawa ito na ewan. Bakit mukha ba akong clown? Minsan na nga lang umawra kokontrahin pa nitong taong ito! Palibhasa si Kristine lang yata kasi ang maganda sa paningin niya.
“Ano’ng problema mo?” nakairap na tanong ko sa kaniya.
“Wala naman. Nagulat lang ako. Kailan ka pa natutong mag-dress? Birthday mo ba?” natatawang tanong pa niya kaya lalong nag-init ang ulo ko.
“Puwede ba? Manahimik ka na nga lang diyan. Hindi ka nakatutulong!” pambabara ko. Pero tumawa lang ito lalo at ilang beses pang pumalatak.
“Pero, in all fairness bagay sa iyo. Mas maganda ka pala kapag nakasuot ng ganiyan,” komento nito kaya naman mabilis na nalusaw ang inis ko sa kaniya at napangiti ko. At least nabawasan ang pagkaasar ko sa kaniya dahil sa sinabi niya.
“Talaga?” pigil ang ngiting tanong ko.
“Oo naman. Pero ano ngang meron at nakaganiyan ka?” pangungulit pa nito.
“Wala lang. Gusto ko lang. Bakit masama ba?” taas-kilay na balik tanong ko sa kaniya.
“Wala lang… ang sabihin mo nagpapaganda ka lang doon sa congressman. Naku, mukhang hindi ang mga katulad mo ang type noon!” dagdag pang-aasar pa nito kaya bumalik na naman ang inis ko. Humarap ako sa kaniya saka namaywang.
“At bakit naman hindi niya ako magugustuhan, aber? If I know nagseselos ka lang!” tugis ko sa kaniya pero lalo lang lumakas ang tawa niya. Nagngitngit tuloy ang kalooban ko kasi parang nabawasan ang self-confidence ko sa sinabi niya. Kapag kami talaga nagkatuluyan ni Sander, hindi iimbitahin itong lalaking ito. Kahit isang shanghai o fish fillet wala siyang matitikman. Promise talaga!
“Bakit naman ako magseselos? The last time I check, binasted na kita kaya ka nga lumipat doon sa Sander ‘di ba?” patuloy lang ang pang-aasar nito sa akin. Lumaki pa yata ang butas ng ilong ko dahil sa ipinaalala niya. Taas din ng level ng kapal ng mukha minsan nitong mokong na ito, eh.
“Hoy! Joke ko lang iyon ‘no? Saka bakit naman ako magkakagusto sa iyo eh pogi ka nga boring naman!” palag ko. Biniro ko kasi siya dati na kapag hindi pa kami makahanap ng boyfriend o girlfriend ay kami na lang dalawa. Pinagtawanan lang niya ako noon at sinabing parang nakababatang kapatid lang daw talaga ang tingin niya sa akin.
Bago pa man niya maibuka ang bibig para magsalita ay bumukas na ang lift. Para tuloy kaming papasok sa Malacañang kasi nakalinya iyong mga bodyguards ni Charles sa labas at may mga pulis at sundalo rin. Mukhang mabigat nga ang makakalaban nila ngayong gabi sa dami ng mga guwardiya at awtoridad na narito.
Dumiretso na kami sa opisina ni Charles at naroon na nga silang lahat maliban doon sa Marcus. Naupo kami sa bakanteng upuan at tahimik na nakikinig habang naguusap-usap sina Charles, Sander at ilang mga unipormadong lalaki tungkol sa rescue operation na gagawin mamayang gabi. Habang nakikinig ay nakatuon lang ang tingin ko kay Sander. Pinag-aaralan ko iyong mga paggalaw ng mga mata niya. Iyong mga labi niya habang nagsasalita maging iyong paggalaw ng mga balikat niya. Ang lapad ng dibdib at parang ang sarap maglambitin sa leeg niya. Very neat ang ayos ng buhok niya at maging ang pananamit ay napakaayos at napakalinis. Parang ang bango-bango niya. Habang nasa kalagitnaan ako ng pagpapantasya sa kaniya ay tila naramdaman nito na may nakatitig sa kaniya kaya napalingon siya sa akin. Nataranta ako kasi huling-huli niya ako! Hindi ko na tuloy alam kung saan ibabaling ang paningin ko. My gosh! Lahat yata ng dugo sa katawan ko ay umakyat sa mukha ko. Pati pintig ng puso ko ang bilis-bilis.
Pero huminto yata ang paghinga ko nang unti-unti itong ngumiti sa akin bago bumalik ang atensiyon kay Charles.
“Nginitian ka lang, kilig na kilig ka na riyan? Tingnan mo nga iyang mukha mo, para ka nang hinog na kamatis!” pabulong na sita sa akin ni Drake. Panira rin talaga ng moment itong lalaki na ito. Kung wala lang mga ibang tao rito sigurado nabatukan ko na ito. Wala akong nagawa kung hindi samaan na lang siya ng tingin.
Maya-maya ay tumayo na si Sander para magpaalam. Siya kasi ang nakatokang magbantay sa mga maaring daanan ng mga kalaban kung sakaling magtagumpay ang plano nila. Siya rin ang naka-monitor kung saan talaga nila dadalhin si Kristine mamaya.
“I think, I have to go now. I have to be there so that we can make sure that everything is in the palm of our hands,” paalam nito kay Charles. Gusto kong makatulong din sa kaibigan kaya nagprisinta akong samahan siya. Huwag na kayong judgmental. Gusto ko lang talaga tumulong.
“Sasamahan na kita.”
Napalingon ang lahat sa akin sa sinabi ko. Maging si Charles ay napataas ang kilay sa narinig.
“It might be dangerous,” sabi ni Sander.
“It’s okay. Gusto ko lang naman magkatulong. Saka hindi ako natatakot kasi nandiyan ka naman,” medyo pabebeng katuwiran ko. Nagsalubong ang kilay ni Sander sa tinuran ko.
“Ano naman ang maitutulong mo roon?”
Mahina lang iyong comment ni Drake pero nakarating pa rin sa pandinig ko kaya pinandilatan ko siya.
“Okay. If that’s what you want, then let’s go!” saad ni Sander kaya napalingon ako sa kaniya at matamis na ngumiti. Hindi ko akalaing papayag siya pero nagdiriwang ang kalooban ko dahil ginusto naman niyang sumama ako.
“See? Okay daw! Kontrabida ka lang talaga. Isa kang malaking hadlang sa kaligayahan ko!” nanggigigil na bulong ko kay Drake.
“Naku, naawa lang iyan sa iyo. Saka ayaw lang niyang mapahiya ka rito,” pang-aasar pa nito. Pero hindi na ako nakasagot dahil lumakad na palabas si Sander. Pinakitaan ko na lang ng kamao si Drake ngunit tinawanan niya lang ito.
Habang naglalakad kami pupunta sa elevator ay lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko. Pero hindi ko mapigilang lihim na mapangiti dahil kasama ko na siya ngayon. He looked very formal at tama nga ako, ang bango-bango niya. At napaka-gentleman pa dahil pinauna pa akong sumakay sa elevator.
“Thank you for accompanying me,” bigla ay sabi nito. Kanina pa nga ako nag-iisip ng paraan kung paano babasagin ang katahimikan sa aming dalawa dahil parang ang awkward. Mabuti na lang nagsalita na siya.
“Naku, wala iyon. Maliit na bagay,” mahinang sagot ko. Hindi ko tuloy alam kung mahihiya ba ako o ano. Pero nanlalamig talaga itong mga kamay ko sa kaba.
“So, Coleen, anong pinagkakaabalahan mo ngayon?” tanong nito. At parang nablangko na naman ang isip ko nang tumingin siya sa akin. Bakit gano’n? Parang nauumid ang dila ko kapag kaharap ko na siya. Tumikhim ako para iayos ang boses ko bago magsalita.
“Kaka-graduate ko lang. Nag-a-apply ako ngayon ng trabaho,” sagot ko. Medyo nanginig pa ng konti ang boses ko. Coleen, be yourself! Kaya mo iyan! Pagpapalakas ko ng loob sa sarili.
“Oh! Ano’ng trabaho naman ang ina-apply-an mo?”
“Flight attendant. Pangarap naming dalawa ni Kristine iyan, kaya lang ako na lang talaga ang nakapagtuloy,” pagbibigay-alam ko sa kaniya.
“That’s good. Thank you for telling me,” sabi niya. Inalalayan pa niya ako nang bumukas na ang elevator. Naroon na rin pala sa lobby ang mga bodyguards niya. Dumiretso na kami sa sasakyan patungo sa lugar na sinasabi niyang pupuntahan namin.