Chapter 9 The Wicked Move

2612 Words
Wala na akong nagawa kundi mapaatras dahil parami na nang parami ang lumalapit kina Sander at Kiara. Halos maipit na nga ako dahil wala silang pakialam sa ibang mga tao sa paligid. At patuloy ang paggigitgitan para lang mainterview iyong dalawa. “Kiara, ang sweet naman ninyo! At ikaw pa talaga mismo ang sumalubong dito kay Congressman Sander. Totoo ba ang chismis na matagal nang may namamagitan sa inyong dalawa?” tanong ng matabang reporter. Sinegundahan naman ito ng iba pa na halos ganoon din ang tanong. Kahit nasa likuran nila ako ay kita ko ang gilid ng mukha ni Sander kaya alam kong hindi siya kumportable sa mga nangyayari, habang iyong Kiara naman ay all out smile sa harap ng mga kamera. Very friendly pa nga siya sa media people. Hindi ko tuloy maiwasang pasadahan siya ng tingin. Nakasuot ito ng long red gown na napapalibutan ng mga makikinang na crystals. Litaw ang kaliwang baywang niya dahil sa nakakorteng butas ng gown doon at ang slit ay hanggang sa gitna ng hita niya. Medyo makapal ang make-up niya at kinulot din ang kalahati ng mahaba niyang buhok na inayusan iyong bandang kaliwa ng ulo niya. Pagkatapos ay wala sa sariling napatingin ako sa kabuuan ko. I am wearing a silk silver gown na spaghetti strap at may kaunting fur sa harap. Hindi rin naman papatalo ang katawan ko dahil bukod sa height kong 5’8”, magaganda talaga ang hita at balakang ko. Gaya ni Ashnea, ay nabahaginan din naman ako ng magandang dibdib. Kaya wala akong dapat ika-insecure. Tapos sabi pa ni Sander kanina cute ako. Na-crush back na niya ako kaya wala nang bawian iyon! “Guys, Alam naman ninyong camera-shy itong si Sander. At napaka-private niyang tao kahit sobrang sipag na public servant, kaya huwag na natin siyang i-pressure pa, okay?” malambing na sagot ni Kiara sa mga nangungulit na reporters. Kung ano-ano ang tinatanong ng mga ito. “So, Miss Kiara, totoo bang secretly engaged na kayo at ngayong araw ng birthday mo ang announcement para sa mismong araw ng kasal?” tahasang tanong ng isa pang babaeng reporter na sa tingin ko ay sadya ring walang pakialam sa mga nasa paligid niya dahil kanina pa ito nakikipagbalyahan sa mga kasamahan niya. “Excuse us, guys. The party is about to start, and we do not want the president to be waiting,” pormal at malamig na sagot ni Sander. May nahihimigan akong pagkairita sa boses niya pero parang hindi naman ito nahalata ng mga taong nasa harapan nila. Pero ang nakakapanginig talaga ng laman ay ang pagpulupot ni Kiara ng kanyang mga kamay sa braso ni Sander na ang akala mo ay isa siyang ahas na nakalingkis sa puno. Sarap hilahin ng buhok niya, nakakairita talaga! Selos lang ‘yan? Sita ng isip ko. Lalo tuloy naningkit ang mga mata ko nang hilahin na niya si Sander papasok sa hotel. Dahil na rin sa pag-cordon ng mga security guards nilang dalawa ay hindi na sila muling nalapitan pa ng mga paparazzi. Ako naman ay nadismaya dahil tila nakalimutan na ako ni Sander at tuloy-tuloy na nga itong lumakad kasama si Kiara na kung makadikit ay para talagang mas masahol pa sa linta. Malungkot akong napayuko at pinigil ang mga luha ko sa pagpatak. Ang dami-daming tao dito kaya ayoko namang magmukhang kawawa. Ang ganda-ganda pa naman nitong gown ko na galing pa ng Dubai. Pati itong mga alahas na puno ng iba’t ibang diyamente na nakakabit sa katawan ko ay sayang din. Tapos itong sapatos ko, mamahalin din kaya bawal na bawal talaga akong umiyak dito. Huwag na huwag! Pagbabanta ko sa isip ko kahit tila nagdurugo na ang puso ko sa sakit. Pero ang pinakamahirap sa lahat ay iyong magselos ka pero wala naman kayong label. Oo mabait at sweet siya sa akin, sinabihan pa akong cute, pero never niyang sinabing gusto niya ako. Kaya technically, walang-wala talaga akong karapatang magselos! “Coleen?” natigil ang pag-e-emote ko nang marinig ang tinig ni Sander na punong-puno ng pag-aalala. Nag-angat ako nang paningin at sumalubong sa akin ang mukha niyang tila humihingi ng dispensa. Dahil doon ay hindi ko na napigil ang sariling mapahikbi. “Akala ko n-nakalimutan mo na a-ako rito,” halos masinok na ako sa pinipigil kong mapalakas ang iyak ko nang ako ay magsalita. Agad siyang lumapit sa akin at kinuha ang kamay ko at hinila ako sa kabilang bahagi ng sasakyan kung saan hindi kami makikita ng mga taong nasa loob. “I-I’m sorry, okay? nabigla lang din ako sa bilis ng mga pangyayari kanina. Hindi ko inaasahang bigla na lang lilitaw si Kiara tapos biglang sa isang iglap nasa harap na namin ang maraming reporters at cameraman,” paliwanag nito pagkatapos humingi ng paumanhin. Mukha namang seryoso siya sa paghingi ng tawad kaya kahit papaano ay nabawasan itong sakit na nararadaman ko. Inilabas niya ang kanyang panyo mula sa bulsa niya saka buong ingat na pinunasan ang mga luhang bumalong mula sa mga mata ko. “Tahan na, please. Sorry na talaga,” paulit-ulit na pang-aalo nito sa akin. Ewan ko ba, habang ginagawa niya iyon ay parang lalo naman akong naiiyak. Kaya sa huli ay kinulong niya ako sa pamamagitan ng yakap niya. Nagulat din ako sa ginawa niya pero himalang gumaan agad ang pakiramdam ko at parang nakalimutan kong nasa ibang lugar pala kami. Ipinikit ko ang mga mata ko at isinandal ang ulo ko sa dibdib niya. hinayaan ko lang na tuluyang humupa ang nararamdaman ko at patuloy na damhin ang init ng katawan niya. Ang sarap sa pakiramdam! “Okay ka na ba?” banayad na tanong niya habang hinahaplos ang bandang likod ng ulo ko. Nakapikit pa rin ako at bahagyang ko siyang nginitian dahil sa gentleness sa boses niya. Naisipan kong tumango at tingalain siya. At nang magtama ang aming mga mata ay may kakaibang damdamin akong nababasa roon na hindi ko mawari kung ano. Hindi pa rin niya inaalis ang mga kamay niyang nakayakap sa baywang ko at nakatitig lang din sa akin. “S-Sander…” wala sa sariling nausal ko. ‘Kita ko ang paggalaw ng Adam’s apple niya, tanda ng paglunok nito. Tumigas din ang mukha niya na tila may pinipigilang bagay sa loob-loob niya. Ngunit nanlaki ang mga mata ko nang unti-unti bumaba ang mukha niya hanggang sa halos isang pulgada na lang ang layo ng mukha namin sa isa’t isa. Ipinikit ko ang mga mata ko dahil parang alam ko na kung ano’ng mangayayari. “Sir,” tawag ng assistant niya. Agad akong napadilat. Si Sander naman ay maagap na kinalas ang pagkakayakap sa akin at hinarap ang kumakausap sa kaniya. Mukha siyang nalilito at kung titingnan ay parang bigla siyang nagising mula sa isang panaginip. “Yes?” “Kanina pa po tumatawag ang daddy ninyo. Hinahanap na raw po kayo sa loob,” magalang na tugon nito. “Alright, we’ll be there in a minute,” sabi naman ni Sander. Tumango si Bernard saka nagpaalam na. Tinulungan ako ni Sander na ayusin ang sarili ko. Nag-retouch lang ako kaunti, at nang masigurong wala nang anumang bakas ng pag-iyak ay muli kong hinarap si Sander. “Okay na ba ang itsura ko?” nag-aatubiling tanong ko. Ayoko naman kasing mapahiya siya riyan sa loob dahil lang sa akin. “Yeah. You look really pretty tonight!” Ewan ko lang kung assuming lang ako, pero parang may kakaiba sa mga tingin niya nang sabihin niya iyon. Muli na naman akong tila kinikiliti nang maliliit sa tiyan dahil sa sagot niya. Pasimple akong ngumiti at tinanggap ang nakaumang niyang braso sa akin. Pareho kaming may ngiti sa mga labi nang lumakad na patungo sa venue ng party. Biglang parang nalunok ko ang dila ko nang maramdaman ang tinging ipinupukol na ilan sa amin habang naglalakad kami patungo sa nakatalagang lamesa para sa amin. Sa may bandang harapan pa naman kaya ilang beses akong napalunok dahil makiramdam ko iginigisa ako ng mga mapanuring tingin ng mga nasa paligid namin. Lalong bumaha ang kaba sa dibdib ko nang mamataan sa lamesang katabi lang ng lamesa namin ang lola ni Sander. “Are you okay?” napansin yata ni Sander ang biglaang tensyong nararamdaman ko kaya biglang napatanong kung ayos lang ako. Ipinaghila niya ako ng upuan at bahagya pa akong inalalayan sa pag-upo para hindi ko maapakan iyong gown ko. “Pinagtitinginan nila tayo,” pabulong na sagot ko. Halos manginig ang boses ko at talagang nanlalamig ang mga kamay ko. Maging ang paa kong nababalot nang magndang sapatos ay parang yelo sa lamig. “Don’t mind them. Maybe some of them are just curious because I brought a different girl tonight,” sabi niya. tumaas naman ang kilay ko sa sinabi niya? “At sino namang babae iyon, aber?” kinakabahan ako kanina pero parang dinaig ng selos iyong kaba ko dahil sa sinabi niya. Natawa naman ito kaya lalo ako nainis at hindi itinago sa kaniya ang bahagyang pagsimangot ko. “I was with Kristine. Siya ang huling date ko sa party na dinaluhan namin dati,” natatawang sabi nito. Agad namang nalusaw ang inis ko at bahagyang napangiti. Naikuwento pala sa akin ni Kristine ito noon. “Ah, iyon ba iyong nagpanggap kayong mag-boyfriend? Mabuti hindi ka sinapak ni Charles noong malaman niya? masiyadong bantay sarado iyon sa bestfriend ko. Muntik na nga niyang mapatay si Drake dati dahil sa selos,” pabirong tanong ko. Natatawang napailing naman ito. “Muntik na. Mabuti na lang nanunuyo pa lang siya sa asawa niya noon kaya kinailangan niyang magtimpi. Besides, hindi ko naman alam na may asawa na pala si Kristine noon,” sabay kaming nagkatawanan habang patuloy na inaalala ang mga nangyari noong narito pa sa Ilocos si Kristine. Bigla ay nawala sa gunita ko na nasa party kami at ang kaba ko ay tuluyan nang nawala dahil sa pakikitungo at pagtrato ni Sander sa akin. Nasa ganito kaming estado nang i-anunsyo na ng host ang pormal na pagsisimula ng kasayahan. Tumayo ang lahat para bigyan ng grand entrance ang magbi-birthday. Lihim akong nakamasid kay Sander habang lumalakad si Kiara. Napangiti ako kasi wala naman akong nakitang kakaiba sa tingin niya. Confirmed! Wala nga siyang gusto sa babaeng iyan. Masiyado lang talagang assuming iyang si Kiara. Nang makaupo na si Kiara sa upuan niya sa stage ay nagsimula na rin ang paglapit ng ilan na nagnanais na maisayaw siya. Ang ibang mga bisita ay nakisabay rin sa pagsasayaw at kani-kaniyang kuha ng kapareha. “Nagugutom ka na ba?” pabulong na tanong ni Sander. Mula sa panonood sa mga nagsasayaw ay napalingon ako sa kaniya. Umiling ako at ngumiti. “Hindi pa naman. Ikaw ba?” balik-tanong ko. “I’m good. Pupuntahan ko lang si lola, okay ka lang bang mag-isa muna rito?” tanong pa niya. Nilingon ko ang kinaroroonan ng lola niya. Abala ito s a pakikipagkuwentuhan sa mga kasama niya sa lamesa. Bumalik ang tingin ko kay Sander na nakaabang pa rin sa isasagot ko. Marahan akong tumango sa kaniya. “Huwag mo akong alalahanin, okay lang ako,” sabi ko. Ngumiti siya sa akin, pero natulala ako nang bigla niya akong halikan sa pisngi. Bahagya lang siyang ngumiti sa akin pagkatapos niyang gawin iyon saka ito umalis na sa tabi ko. Literal yatang huminto ang paghinga ko dahil doon. Totoo ba iyon? Hinalikan ba talaga niya ako? Sa pisngi pa lang iyon pero parang libo-libong kuryente na ang dumaloy sa kabuuan ko paano na lang kung… wait… Coleen, hinga… huwag assuming, baka gentleman lang talaga siya! Bumuntong-hininga ako at hinamig ang sarili. Pero hindi ko maiwasang kiligin at payukong ngumiti. Simpleng halik sa pisngi lang iyon pero nagdiriwang na agad ang puso ko. Ang lakas talaga ng epekto niya sa akin. Mahal ko na yata talaga si Sander. Ang sarap niyang mag-alaga tapos ang sweet pa. Medyo masungit siya sa iba pero mabait naman siya sa akin. Kasi nga friends kayo! Saway ng isang bahagi ng utak ko. Naku, kailangan lang talaga siguro namin ng mas mahabang moment together para mas maging malapit sa isa’t isa. Saka wala namang imposib– “I never thought magdadala ng babae si Sander ngayon para lang pagselosin ako,” nahinto ang pag-iisip-isip ko nang may biglang magsalita sa tabi ko. “K-Kiara…” parang hangin lang iyon na lumabas sa bibig ko. “Yes, it’s me. Of course, you know me. I’m the daughter of the president of this country. So, it’s natural for you to know me,” tila may kayabangang saad nito. Eh, ano naman ngayon kung anak siya ng presidente? Ako nga anak ng daddy ko hindi ko naman sinasabi at ipinagyayabang sa kaniya! “Happy birthday, Kiara! Ang ganda-ganda ng party mo,” binati ko na lang siya saka pinuri para naman matahimik na siya. Kailangan kong magpakumbaba rito dahil wala ako sa teritoryo ko. “Well, thank you. Pero gusto ko lang malaman mo na dapat matuto kang lumugar. Ayokong isipin nila na nambabae ang fiancé ko dahil lang sa mabait at maluwag ako sa kaniya!” mataray na banat niya sa akin. Ako naman ay hindi naiwasan ang medyo mapataas ang kilay. “Fiance? Fiancé ka ni Sander? Parang wala naman siyang nabanggit na ganiyan sa akin,” matapang na sagot ko. Akala niya siguro masisindak niya ako sa paganiyan-ganiyan niya. Aba, wala akong ginagawang masama para pakitaan niya ako ng masama. Saka kahit bigyan pa niya ako ng isang bilyon, hindi ako papayag na lumayo kay Sander. I didn’t go all the way here para lang magpatalo sa kaniya. “Bakit naman niya kailangan sabihin sa iyo? You’re just a w***e of him that– Bago ko pa maalalang party niya ito at mapigilan ang sarili ko, napatayo ako at umigkas ang kamay ko at nasampal ko siya. “How dare you call me w***e?!” halos pasigaw na tugis ko sa kaniya. Napatda ako nang bigla itong humagulgol nang malakas na tila aping-api at kinawawa. Bigla namang natahimik ang lahat at nagsilapitan ang mga bodyguards niya. “Arrest that woman! Bigla na lang nananakit ng walang dahilan!” patuloy ang pag-iyak niya at lalo pa nga yatang nilalakasan para makuha ang atensiyon ng lahat. “Ano’ng nangyayari dito? Kiara my dear, what’s wrong? Why are you crying?” kilala ko ang lumapit sa nag-iiyak na si Kiara. Siya ang first lady at ang asawa ng presidente – ang mommy ni Kiara. “Mom, she hurt me! Wala naman po akong ginagawa sa kaniya!” sumbong ni Kiara. Ngayon nga ay nanindig ang lahat ng balahibo sa katawan ko dahil ang atensiyon ng lahat ay nakatuon na sa amin. “H-hindi po totoo iyan. Siya po ang nauna saka sinabihan niya ako ng w– ” “Shut up! Who the hell are you? At sino ang nag-imbita sa iyo rito at nagbigay ng karapatang saktan ang anak ko?” pasigaw na tanong ng mommy ni Kiara sa akin. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatitig sa akin habang dinuduro-duro ako. Nagtagis ang mga ngipin ko dahil sa pamamahiyang ginagawa nilang mag-ina sa akin. Pakiramdam ko ay matutumba na ako sa pagkapahiya nang may humapit sa baywang ko. Nilingon ko kung sino iyon, at agad na nangilid ang mga luha sa mga mata ko nang mapagtantong si Sander iyon. Galit ang nakikita kong nakarehistro sa mukha niya at kinabahan ako. Hindi ko alam kung kanino siya nagagalit kaya dumoble ang takot sa dibdib ko. “What happened here?” mariin at pabulong niyang tanong sa akin. Napasinghap pa ako nang tumama sa tainga ko ang mainit na hangin mula sa bibig niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD