Naging matagumpay ang rescue mission sa bestfriend ko at sa wakas ay nakabalik na ito sa pamilya niya. Iyong Catherine naman at boyfriend niya ay hindi kasama sa mga hinuli ng mga pulis dahil dinala raw ito noong Russian boss sa bansa nito para doon parusahan. Masayang-masaya ako para sa kaibigan ko, lalo at kasama na nito ulit ang mga anak niya at masaya na silang dalawa ng kanyang asawa. Ako naman, heto hindi malaman kung paano mapapansin ni Sander.
Aaminin ko medyo nasaktan ako ng kaunti noong malaman kong si Kristine din pala ang itinitibok ng puso ni Sander. Hindi naman ako magtataka dahil parang diyosa naman talaga sa kagandahan iyong aking kaibigan. Kahit noong hayskul kami talagang napaliligiran iyon ng maraming manliligaw. Kahit nga si Drake, na-in love din sa kaniya, eh. Ang hirap niyang karibal. Pero hindi ako susuko. Hanggang wala namang jowa itong si Sander ay lagi namang may pag-asa pa!
“Sander, ngayon ka na rin ba uuwi sa inyo?” tanong ko sa kaniya. Iisa lang ang table namin nina Drake at pinili ko talagang umupo malapit sa kaniya. Ngayon ay ang celebration party ng pagbabalik ni Kristine at tanging ang mga malalapit na kapamilya at kaibigan lang ang invited.
“Yup! Marami na rin kasi akong napabayaang trabaho. Pero mas marami pa rin naman ang pagkakataon na narito ako sa Maynila dahil nga sa trabaho ko sa kamara,” nakangiting sagot nito saka tinungga iyong wine na nasa baso niya. Pati pag-inom niya napaka-elegante ng dating. Parang mas malinis pa yata siya sa babae. Kung hindi lang ito nahumaling sa kaibigan ko, iisipin ko talagang isa siyang bakla, eh.
“Wala pa rin naman akong gagawin dito dahil naghihintay pa lang ako ng tawag mula sa mga kumpanyang inaplayan ko. At gusto ko sanang makapagbakasyon muna. Puwede ba sa lugar ninyo?” tanong ko sa kaniya. Kita kong napakunot siya ng noo sa sinabi ko. Hindi ko naman inililihim sa kaniya na gusto ko siya kaya siguro medyo na-tense. Hello? Bakasyon lang naman, harmless naman ako, ano!
“Of course. We have beautiful beaches and other tourist spots in Ilocos,” sabi nito.
“So okay lang din ba kung doon na ako sa bahay mo pansamantalang tutuloy?” diretsahang tanong ko sa kanya. Nasamid ito kaya napalingon si Drake sa kaniya.
“W-what?” litong tanong niya sa akin. Bahagya pa ngang nataranta iyong mga bola ng mata niya.
“Well, para makatipid ako, ‘di ba? At least hindi ko na kailangang magbayad ng accommodation. Tapos puwede mo rin akong samahang mamasyal, ganoon!” turan ko. Si Drake ay natawa sa sinabi ko habang si Sander naman ay tigagal na napaawang ang mga labi.
“Ayaw mo ba? Oh, may magagalit ba kapag may nakakita sa akin sa bahay mo?” kunwa’y nagtatampong tanong ko. Agad naman itong dumipensa. Tumalab ang acting ko, ‘day!
“Oh, no. That’s not what I mean… well…”
Medyo nautal pa siya habang nagsasalita kaya napangiti ako.
“So, okay na! Sasabay na ako sa iyo papunta roon. Daan lang tayo sa bahay namin sa Makati para kumuha ng mga gamit ko… please?” walang pag-aatubiling saad ko sa kaniya. Halatang nataranta ito lalo pero mukha namang hindi siya tatanggi. Good!
“O-okay…” sabi lang nito. Umiling lang si Drake pero hindi naman nagsalita. Ako naman ay masayang-masaya. Ito na ang umpisa ng ultimate mission ko – and that is making-Sander-fall-for-me!
Nangingiti ako sa tumatakbo sa isip ko. Desparate moves na ba ito? Well, nagkaka-crush na ako dati pa. Pero ngayon lang na parang kakaiba iyong attraction na nararamdaman ko para sa kaniya. Hindi ko rin alam kung love na ba ito, basta ang alam ko lang, gustong-gusto ko siya at gagawin ko ang lahat para gustuhin din niya ako.
Pakatapos ng party ay sabay-sabay na kaming nagpaalam sa mag-asawang Charles at Kristine. Maging ang mga napaka-cute na kambal nila ay yumakap at humalik din sa akin. Medyo mahirap lang kausap itong mga batang ito dahil dumudugo ang ilong ko kung saang diksiyunaryo ko pwedeng hagilapin ang mga salitang gagamitin ko. Slang na slang ang pagsasalita nila ng English! Tinalo pa ako eh, college graduate na ako. Kitang-kita ko rin kung gaano sila ka-close kay Sander. Mabuti na lang kasal na si Kristine bago niya nakilala si Sander. Kasi sure ako, hindi malayong ma-in love din siya rito kasi bukod sa guwapo na at mayaman, napakabait pa at maalaga. Lalo tuloy nahuhulog ang loob ko sa kaniya.
“Besh, mauuna na kami, ha? Kasi medyo malayo pa ang biyahe namin,” paalam ko. Pero kumunot lang ang noo ni Kristine.
“Dalawang oras lang naman mula rito hanggang sa bahay niyo, ah, malayo na ba iyon?” nagtatakang tanong nito.
“Well,” lumapit ako sa kaniya para hindi marinig ng iba ang sasabihin ko. “Magbabakasiyon ako sa Ilocos!” napapahagikgik pang sabi ko sa kaniya. Pinanlakihan ito ng mga mata at napanganga pa ito sa sinabi ko.
“Ano naman ang gagawin mo roon?” takang dagdag tanong pa niya.
“Ano pa nga ba, e, de babakuran ko na iyang si congressman. Baka masila pa ng iba,” malapad ang pagkakangiting tugon ko sa kaniya.
“Alam mo, ikaw… kailan ka pa naging maharot, ha? Saka tumigil ka nga riyan sa kalokohan mo. Coleen, mabait at matinong tao iyang si Sander kaya huwag mo nang guluhin,” seryosong sabi nito sa akin.
“Grabe, ka naman, besh! Para mo namang sinasabing masamang tao ako! Dapat sa akin ka kumampi, ‘no! Ako kaya ang bestfriend mo rito!” maktol ko sa kaniya saka siya iningusan. Tinawanan lang niya ako kaya tinapunan ko ulit siya ng masamang tingin.
“Hindi naman sa gano’n. Pero kilala kita, eh. Baka pairalin mo iyang kakulitan mo at bigyan mo pa ng sakit ng ulo si Sander. Huwag mong kakalimutang public servant iyan kaya iniingatan ng husto ang pagkatao at pangalan,” payo pa ni Kristine. Feeling ko tuloy ako ang kontrabida rito talaga.
“Oo na, oo na! Para kang si Drake! Naku, just wait and see, sa akin din ang bagsak niyan! Ako pa ba?” pagmamayabang ko sa kaniya.
“Hay, good luck talaga kay Sander. Sana nga kayanin ka niya!” sabi pa nito saka muling tumawa nang malakas.
“Ikaw din. Sana tuloy-tuloy na ang maayos na pagsasama ninyo ni Charles. Grabe! Ang bigat ng mga pinagdaanan ninyong dalawa! Hay naku…” nasambit ko.
“Thanks, Coleen. Pasalamat na lang ako at napapaligiran ako ng mabubuting kaibigang gaya mo kaya mas lalong gumanda ang buhay ko. ‘Nga pala, iyong mga pasalubong ko para kay Marie at sa nanay niya, huwag mong kalilimutan ha?” bilin pa nito.
“Oo, naman. Gusto ko ring makilala iyong mga taong nag-alaga sa iyo roon sa Ilocos,” paniniguro ko sa kaniya.
“Okay, basta tumawag ka kapag nakarating ka na roon ha?” paalala niyang muli. Gusto ko nang matawa dahil pangalawang beses na siya iyong sinabi sa akin.
“Ang kulit mo rin,” natatawang komento ko. Sina Marcus at Ashnea nakauwi na ba?” tanong ko dahil para biglang nawala iyong dalawa eh kasama lang namin kanina.
“Hindi pa. Kasama ni Charles ang mga iyon dahil may pinag-uusapan yatang tungkol sa negosyo,” sagot niya.
“Alam mo ang ganda-ganda rin ni Ashnea, ano? Medyo nainggit ako sa ganda ng katawan niya,” hindi ko maiwasang matawa sa sarili kong papuri. Medyo brusko ang itsura ni Marcus kahit napakaguwapo samantalang medyo jolly din si Ashnea.
“Oo nga. Suwerte rin ni Marcus doon kasi mukhang mabait talaga si Ash,” pag-sang-ayon naman ni Kristine.
“E, ‘di ba Mafia boss si Marcus? Hindi ba nakakatakot iyon? Okay lang kay Ashnea kaya?” medyo curious na usisa ko. Naalala ko itatanong ko sana kung ano’ng feeling na magkaroon ng Mafia boss na boyfriend kaya lang hindi natuloy dahil na-divert naman sa iba ang topic kanina.
“Mabuting tao naman si Marcus. Medyo cold at super possessive nga lang gaya ni Charles, pero I think okay naman siya. May kaniya-kaniya rin talaga tayong taste sa iba’t ibang bagay,” sabi pa niya. Tumango-tango na lang ako. Sa mga napapanood ko kasi, delikado ang buhay ng mga nasa ganiyang mundo – iyong mafia, mafia na iyan. Parang iyong 365 days na pelikula sa Netflix ba iyon? Naku, hindi ako tatagal sa ganoong buhay ‘pag ako.
Pagkatapos ng ilan pang mga pag-uusap at pagpapaalaman ay tuluyan na kaming umalis. Kasunod lang din namin si Drake. Sa kaniya kasi ako nakisakay papunta rito sa Tagaytay, pero ngayon dito na ako sa sasakyan ni Sander. And in all fairness, magkatabi kami dito sa likod. Akala ko nga doon siya sa harap uupo, kaya natuwa talaga ako dahil tumabi siya sa akin. Kilig to the bones na naman ako!
“Sander, taga-Ilocos ba talaga kayo o dayo lang doon?” naisipan ko siyang tanungin. Medyo mahaba-haba rin ang biyahe kaya awkward naman kung magpapakiramdaman lang kami rito, ‘di ba?
“Technically, yes. My grandfather is an Ilonggo while my grandmother is a half Spanish and a half Ilocano. They are my maternal grandparents. Since then, they decided to live there although they also have a residence in Iloilo,” maginoong sagot niya. Tipid siyang ngumiti sa akin. Maya’t maya ay sumisilip siya sa phone niya. Halos kada ilang minuto ay may tumatawag din sa kaniya. Mahirap din siguro talagang maging pulitiko.
“So, dahil doon, pati mga magulang mo doon na rin sa Ilocos tumira kasama ang mga lolo at lola mo? Puwede ba malaman kung paano sila nagkakilala?” tanong ko pa. Tumango siya at bahagyang humarap sa akin.
“Sa America nagkakilala ang mga magulang ko. Doon din nabuo ang pag-iibigan nila hanggang sa ikasal sila. Lahat kaming magkakapatid sa New York ipinanganak at tumira hanggang makatapos ako ng primary schooling. Nagpatayo ang mga magulang ko ng bahay malapit lang din sa compound nina lola dahil sa pakiusap ng mga ito. And since then, doon na kami tumira hanggang ngayon,” pagsasalaysay nito. Napatitig ako sa mukha niya. Lumuwang ang ngiti ko dahil hindi ko akalaing magkukuwento siya ng gano’n kadetalyado tungkol sa personal na buhay niya.
“Salamat nga pala sa pagpayag mong sumama akong magbakasyon sa lugar ninyo. First time ko pa lang makapupunta roon,” medyo nahihiyang pahayag ko.
“It’s alright. Kaibigan ka ni Kristine kaya kaibigan na rin kita, kaya wala ka nang dapat pang alalahanin,” sagot niya. Ouch naman! Ang sakit namang ma-friendzone ng diretsahan!
Pilit akong ngumiti sa kaniya upang itago ang tila pagguhit ng hapdi sa dibdib ko. Hindi ko alam kung sinadya ba niyang gumuhit ng linya sa pagitan namin o wala lang sa kaniya iyong isinagot niya. Hindi na ako muling nagsalita at ninamnam na lang ang mumunting kirot sa dibdib ko dahil sa sinabi ni Sander na magkaibigan lang kami.