Kacelyn Samiano
Bakit mo iyon nagawa sa akin?
Bakit mo ako pinaasa?
Ni minsan ba ay hindi talaga ako naging mahalaga sa iyo?
Noong sinabi mong gusto mo ako, joke lang ba ang lahat ng iyon?
Umasa ako, nagtiwala ako sa sinabi mong darating ka!
Naghintay ako sa iyo kahit malinaw naman sa akin na hindi ka darating. Naghintay ako hanggang sa lumalim ang gabi.
Iwinasiwas ko ang aking ulo dahil sa mga isipin na iyon. Mahinang tinampal-tampal ko rin ang magkabilang pisngi ko. Bakit ba ganoon ang mga naiisip ko na sasabihin ko sa araw na magkaharap kami ng lalaking iyon?
Tatlong linggong matulin ang lumipas. At iilang araw na lang ay nalalapit na ang araw na kinakailangan ko siyang harapin. At hindi ko alam kung paano ko nga ba iyon gagawin.
Iyon pa nga lang mga pagkakataon na nakikita ko siya mula sa malayo ay hindi ko na kinakaya ang emosyon ko. Paano pa kaya kung makakaharap ko na talaga siya? Paano pa kaya kung kakailanganin ko siyang kausapin?
"Dapat na ba akong mag-resign sa trabaho?" mahinang tanong ko sa aking sarili. Napahigit ako ng malalim na paghinga.
"Ms. Samiano." Agad akong napalingon sa may-ari ng boses na tumawag sa akin.
Nakita ko si Jema at Mikay na nakangiting naglalakad patungo sa akin. Hinarap ko sila habang hawak ang kapeng tinimpla ko sa pantry.
"Kacelyn! May lakad tayo mamaya!" masayang sabi ni Jema sa akin.
"Huh? Saan?"
"Naku, pagbigyan mo sana itong si Jema," komento ni Mikay.
"Bakit? Ano ba iyon?" tanong ko sa kanila.
"Kasi niyaya ako ni Rodolfo na gumimik mamaya," kinikilig na sabi ni Jema.
"Si Rodoflo? 'Yong crush mong taga-accounting department?" tanong ko rito.
"Oo siya nga."
"Oh, tapos?" walang buhay na tanong ko.
"Ang kaso, hinihiling niya na kung pwede sana ay maisama kita."
"Ano?" kunot-noong tanong ko sa kanya. "Ano namang kinalaman ko sa inyo ni Rodolfo?"
Nagsimula akong lumakad at nilampasan ko sila. Awtomatikong sinundan naman nila ako kaagad.
"Kasi Kacelyn, type ka yata ng isang kaibigan niya na taga-accounting department din. Gustong makipagkilala." Si Mikay ang nagsalita.
"What?" balin ko sa kanila. Nakita ko ang paglungkot ng mukha ni Jema sa akin. Napabuntong-hininga ako saka mahinahon na nagsalita sa kanya. "Jema, alam mo naman na wala akong hilig at interes sa mga ganyang bagay, 'di ba?"
"I know, pero... minsan lang naman, Kacelyn. Saka hindi ka naman namin iiwanan mamaya. Kaya hindi ka naman mapopormahan ng kung sino—"
"Ayoko," putol ko sa kanya at nagpatuloy na ako sa paglalakad patungo sa loob ng opisina ko.
Nanatili naman ang dalawa sa pagsunod at pagkumbinsi sa akin.
"Kacelyn, sige na. Minsan lang naman at ngayon lang talaga ako hihingi sa iyo ng ganitong bagay," pangungulit sa akin ni Jema.
"Saka pagkatapos na magpakilala sa iyo ng kaibigan ni Rodolfo ay pwede mo na siyang hindi pansinin. Katulad ng lagi mong ginagawa sa tuwing may lalapit sa iyong lalaki," nakatawang sabi ni Mikay. "Kaya sumama ka na. Weekend naman bukas kaya tamang-tama rin na hindi naman puro trabaho lang ang pinagkakaabalahan mo."
Nanatili akong walang imik sa kanila at inabala ko na lamang ang sarili ko sa pagso-sort ng mga files na nasa ibabaw ng table ko.
Si Jema at si Mikay ang mga natatanging kasundo at kaibigan ko pagdating dito sa trabaho. Bago pa man din akong ma-promote bilang executive secretary ni Mr. Chairman Emman Vego ay mga kasamahan ko na sila sa Administration Department. Pare-pareho kaming nagsimula bilang staff assistants doon. Hanggang sa ako nga ay napahiwalay at na-promote na bilang executive secretary ni chairman. At sila naman ay na-promote bilang mga admin supervisor.
"Come on, Kacelyn. Sige na. Pagbigyan mo na kami," pakiusap muli ni Jema sa akin.
"Hindi ka naman namin laging niyayaya sa ganito. Ngayon lang, Kacelyn. Kaya sana ay pumayag ka na," dagdag pa ni Mikay.
"Girls, kung tayong tatlo lang ang gigimik, why not 'di ba? Pero 'yong may iba tayong kasama at mga lalaki pa, hindi ko alam kung makakaya ko kayong pagbigyan," saad ko sa kanila.
Napabuntong-hininga si Jema sa akin. "Seriously, Kacelyn? Bakit ba napaka-allergic mo sa mga lalaki? Like, wala naman silang gagawin na masama sa iyo. At isa pa, kasama mo naman kami."
"Sige na, Kacelyn. Pagbigyan mo naman na kami." Si Mikay.
Sandali akong napatigil at nagpakawala ng malalim na paghinga. "Okay fine," tugon ko sa kanila na siyang ikinagulat at ikinatuwa nila.
"Oh my gosh! Wala ng bawian 'yan, Kacelyn," galak na galak na sabi ni Jema.
"In one condition," agap ko sa kanila. Sandali naman silang natigilan at naghintay sa sasabihin ko. "Hindi tayo sasama sa table nila."
"O-okay! Sige. Mas okay na 'yon at least pumayag ka," saad ni Jema na sinang-ayunan naman ni Mikay.
Tinalikuran ko sila at nagbalik na ako sa ginagawa ko. At sa wakas ay nilubayan na nila ako at bumalik na rin sila sa kani-kanilang opisina.
Minsan lang naman talaga nila ako yayain sa mga gano'n kaya pagbibigyan ko na lang din sila. Tutal ay ilang araw na ring walang alcohol ang katawan ko. At hindi ko naman na pwedeng yayain si Briana sa mga inuman dahil sa kalagayan niya.
Mabilis na lumipas ang oras at sumapit na nga ang gabi. Iniwan ko na lang ang kotse ko sa Blue Prime Hotel at sumabay na lang kami ni Mikay sa kotse ni Jema papunta sa bar. Nangako naman si Jema na ihahatid niya rin kami ni Mikay sa mga bahay namin mamaya.
Pero syempre, doubt ako dahil for sure lasing na siya mamaya kaya magta-taxi na lang ako pag-uwi.
"Come on, girls! Nasa loob na raw ang grupo nila Rodolfo," masiglang sabi ni Jema sa amin. Hinila niya kami papasok sa loob at kapwa nagpatianod na lamang kami ni Mikay sa kanya.
Isang maingay na musika at mga taong nagsasayawan ang sumalubong sa amin pagkapasok namin sa loob. Medyo nakaramdam naman ako ng pagkahilo dahil sa mga malilikot na ilaw na tila ba sumasayaw rin dahil sa pagsabay nito sa musika. Matagal-tagal na rin talaga noong huli akong makapasok sa ganitong klaseng bar.
Tumungo kami sa kabilang side ng bar kung saan ay mas malayo sa dance floor. Kaya naman hindi na masyadong maingay rito.
Natanaw namin ang table ng grupo nila Rodolfo ngunit hindi na ako sumama kina Jema na magtungo roon. Naupo ako sa isang table sa gilid malapit sa bar counter. Ilang sandali pa ay lumapit din kaagad sa akin si Mikay na may dala ng ladies drink namin.
"Hindi kita iniwanan ng matagal huh, bumati lang ako sa mga katrabaho nating iyon," wika niya sabay upo sa harapan ko.
"Whatever," walang buhay na tugon ko sabay inom sa ladies drink na ibinigay niya.
Maya-maya pa ay si Jema naman ang lumapit sa amin. Naupo siya sa tabi ko at masayang hinagkan ang braso ko.
"Thank you sa pagsama sa amin ngayong gabi, Kacelyn," malambing at nakangiting saad niya.
"Okay. Kanina ka pa nagpapasalamat sa akin," natatawang tugon ko naman sa kanya. "Sana lang ay maging kayo na talaga ng Rodolfo na iyan. Ang tagal mo ng crush 'yan hindi ba? At matagal na rin naman kayong nag-uusap at lumalabas na dalawa."
"Feeling ko naman ay malapit na," kinikilig niyang sabi at napailing na lamang ako.
"Hi, magandang gabi." Pare-pareho kaming napalingon na tatlo mula sa dalawang lalaki na lumapit sa amin. Si Rodolfo na may kasamang isang lalaki.
Bumati sa kanila ang dalawang kasama ko at pagkuwan ay bumalin sa akin sina Rodolfo.
"Hi, Kacelyn," nakangiting bati niya. Tinanguan ko naman siya. "This is Jerry," tukoy niya sa lalaking katabi niya.
"Hi, ikinagagalak kong makilala ka, Kacelyn," nakangiting bati sa akin no'ng Jerry.
"Yea," tanging tugon ko sa kanya.
"Ano ka ba naman, Kacelyn, hindi ka ba naturuan kung paano sumagot kapag may nakikipagkilala sa iyo?" bulong sa akin ni Mikay.
Nagkibit-balikat lamang ako kay Mikay at napailing na lamang siya sa akin.
"I'll buy you drinks," sabi pa ulit no'ng Jerry sa akin.
"No, thanks," walang buhay na tugon ko sa kanya.
Sa huli ay bumalik na lamang sila ni Rodolfo sa table nila. Wala naman silang mahihita sa akin.
Lumipas pa ang ilang minuto at aliw na aliw naman si Jema sa pag-inom niya, habang pasalit-salitan na nagtutungo sa table nila Rodolfo at sa table namin. Ewan ko na lang talaga kung hindi siya agad tamaan ng alak dahil sa kalikutan niya.
Si Mikay naman ay nanatili lamang sa tabi ko habang kapwa kaming nagkukwentuhan at umiinom. Ilang sandali pa nang bumalik si Jema sa table namin na may dalang panibagong inumin.
"This is for you my friend," sabi niya sa akin sabay abot ng ladies drink.
Inabutan niya rin si Mikay at pagkuwan ay nagpaalam siya sa amin na sasama siya kay Rodolfo sa dance floor.
Ininom namin ni Mikay ang natitirang inumin na ibinigay sa amin ni Jema. At ilang sandali pa ay nagpaalam siya na gagamit lamang ng comfort room.
Sakto naman na sa pag-alis niya ay bigla akong nakaramdam ng matinding pagkahilo.
Weird.
Tumayo ako para sana sumunod kay Mikay sa comfort room. Pero nagulat ako nang may mga kamay ang biglang humigit sa akin.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Jerry sa akin.
"I'm fine," saad ko at binawi ko ang kamay ko sa kanya. Ayaw na ayaw ko talaga ang basta na lang na may hahawak sa akin. Kung hindi lang ako nakakaramdam ng matinding pagkahilo ngayon ay baka naitulak ko na siya o kaya ay nasampal.
Humakbang ako palayo sa kanya pero muli na naman niya akong hinawakan sa braso ko maging sa baywang ko. Tumaas ang balahibo ko dahil sa ginawa niya at gustong-gusto ko na siyang sapakin. Pero sa bawat paglipas ng minuto ay mas lalong tumitindi ang pagkahilo na nararamdaman ko.
"Got you, babe," bulong niya sa tapat ng tainga ko.
"L-let me go," nanghihinang saad ko. Pinilit kong makawala sa kanya pero masyado siyang malakas.
"Ako nang bahala sa'yo," bulong muli niya sa akin. At inipon ko ang lakas ko para maitulak siya.
"I said let me go!" inis na wika ko at sa pagtulak ko sa kanya ay tumama ako sa isang matigas at matipunong dibdib.
Mabilis akong inalalayan ng lalaking nasagi ko upang hindi ako tuluyang malaglag sa sahig.
"Hindi mo ba siya narinig? Lubayan mo siya," malalim na wika ng lalaking nakaalalay pa rin sa akin.
"Huwag kang makialam dito," sabi ni Jerry.
"Lulubayan mo siya, o aalis ka ritong basag ang mukha mo?" malamig na pagbabanta ng estranghero.
Sa huli ay wala na ngang nagawa si Jerry at tuluyan na lamang itong umalis sa harapan ko.
"Are you alright, Miss?" tanong niya.
Marahan akong nag-angat ng tingin at halos tumalon ang puso sa gulat nang makita kung sino siya.
"I-ikaw?" kunot-noong tanong ko sa kanya.
Mabilis akong lumayo sa kanya. Dahilan para lalong tumindi ang pagkahilo ko at nakita ko na lang ang paggalaw ng buong paligid ko.
Habang mataman na nakatingin sa akin—si Brylle.
And it all went blank.