Kacelyn Samiano
Nanlambot ang mga tuhod ko nang tuluyan akong makabalik sa loob ng opisina ko.
Hindi maaari!
Binalikan ko ng tingin ang asul na portfolio na hawak ko at paulit-ulit kong binasa ang pangalan na nakasulat doon. Maging ang isang pirasong 2x2 picture na naroon.
At hindi ko maunawaan kung bakit sa tinagal-tagal ng panahon ay muli akong minumulto ng nakaraan. Bakit kinakailangan na bumalik pa ulit siya?
Dahil doon ay nagbalik sa alaala ko ang unang araw na nakita ko siya. 'Yong araw na hindi ko inaasahan na mangyayari pa. 'Yong araw na hindi ko na pinangarap na mangyari pa.
Two Months Ago...
Kalderetang baka, lumpiang shanghai, fish fillet, chop seuy at kaunting rice ang mga pagkain na kinuha namin ni Briana sa buffet. Kasulukuyan kaming nasa party ng isa sa mga kaibigan ng asawa niyang si Zairus. Hindi ko naman kilala ang ilang mga kaibigan ni Zairus, basta lang akong isinama ni Briana rito.
At hindi ko alam kung bakit mula nang makarating kami rito sa venue ay hindi na nawala 'yong kaba ko. Hindi ko naman alam kung bakit ako biglang nakakaramdam ng ganitong kaba.
"You're here," bati ni Manuel kay Briana nang bigla itong lumapit.
"Uhm... oh, h-hi," tugon naman ni Briana rito.
Nagpatikhim ako sa kanila saka nagpaalam.
"Hanap lang ako ng table, iwan ko na muna kayo," saad ko at binitbit ko na rin ang pagkain ni Briana.
Nagpalinga-linga ako hanggang sa may makita akong puwesto na pang-dalawang tao. Mabilis akong nagtungo roon at naupo. Tinanaw ko si Briana mula sa 'di kalayuan na abala pa sa pakikipag-usap kay Manuel. Napailing na lamang ako sa ideya kung gaano kakumplikado ang love story nilang dalawa.
Matagal ko na silang kaibigan at alam ko naman na matagal na nilang gusto ang isa't isa. Hindi nga lang sila nabigyan ng pagkakataon para makapagtapat at mabigyan ng pansin ang nararamdaman nila.
So now, I am wondering kung ano ang magiging ending nila. Kung magagawa pa ba nilang piliin ang nararamdaman nila para sa isa't isa gayong kasal na si Briana sa iba.
But well, alam ko naman na kasunduan lamang ang mayroon kay Briana at sa asawa niyang si Zairus. Pero kahit na anong klaseng kasunduan pa iyon, legal na kasal pa rin sila at sa iisang bahay lang sila nakatira.
Iginala ko ang mga mata ko sa buong kapaligiran at mataman na pinagmasdan ang lugar. Maging ang mga taong naririto upang makisaya sa kung sino man na pinaghandaan nila ng welcome party na ito.
Ilang sandali pa nang may marinig at makita akong dumarating na sasakyan. Malapit kasi sa may gate ang pinuwestuhan ko. At hindi ko maunawaan ang sarili ko kung bakit muli na naman akong nakaramdam ng kakaiba at matinding kaba.
Ipinilig ko na lamang ang ulo ko at pilit na inalis ang isipin sa akin. Pagkuwan ay nakita ko si Briana na naglalakad patungo sa akin ngunit hindi siya nag-iisa. Kasama niya si Manuel at nakasunod naman sa kanila si Zairus at ang isa pang babae.
"Oh guys," bati ko sa kanila. "Naku, pang-two people lang 'yong table na nakuha ko. Sa kabila na lang kayo. Para sa amin lang kasi sana ito ni Briana."
"Let's go, Zai," maarteng biglang sabi naman no'ng babae at naupo nga siya sa kabilang table. Sumunod naman si Zairus sa kanya.
Siya siguro ang babae ni Zairus. Tss.
"Oh, ikaw?" balin ko kay Manuel na hindi pa rin umaalis sa amin.
"I'm fine. Don't mind me," tugon niya.
"Sure ka?" paninigurado ko pa. Ngumiti naman sa akin si Manuel sabay tango. "Okay," naitugon ko na lamang at napasubo na ako ng pagkain sa harapan ko. Kanina pa rin kasi ako gutom.
Naupo si Briana sa tabi ko. Kasabay no'n ang pagsasalita ng kung sino man mula sa entablado.
"Ladies and Gentlemen, let's all welcome, Brylle Dyllan."
At halos masamid ako sa anunsyo na iyon. Isang masigabong palakpakan ang sumakop ng ingay sa buong kapaligiran. Biglang nanikip naman ang dibdib ko nang umakyat sa entablado ang isang matangkad at gwapong nilalang.
Napako ang tingin ko sa kanya at kusang nag-ulap ang mga mata ko. Napaawang ang bibig ko sa gulat at halos mahirapan na akong makahinga dahil sa kung anong bigat ang sumasakop ngayon sa dibdib ko.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. At dahil sa mga ngiting iyon, unti-unting nawawasak ang puso ko.
"Thank you guys, I appreciate those efforts. Lalo na sa iyo, Rica. I heard this is your idea," wika niya. At sa puntong 'yon. Isang bagay ang nakumpirma ko. Siya nga ito.
Ang mga ngiti at ang boses niya. Tandang-tanda ko iyon kahit pa gustong-gusto ko na iyong burahin sa isipan ko.
At bago pa man tuluyang bumagsak ang mga luha ko ay tumayo na ako at sinikap na makaalis sa lugar na iyon. Kahit na nanghihina ang mga tuhod ko at naninikip ang dibdib ko. Pinilit kong tatagan ang loob ko upang matagumpay na makaalis sa lugar na iyon.
Nang makalabas ako ay bumuhos na nga ang mga luha ko. Kahit kailan ay hindi ko na pinangarap na makita pa siya. Kaya bakit kailangan na mangyari pa ang araw na ito? Bakit sa dinami-dami ng taong pwede kong makita ay siya pa?
Nagpatuloy ako sa paglalakad habang patuloy rin sa paglalandas ang mga luha ko. Hanggang sa hindi ko namalayan ang paparating na sasakyan. Napaupo ako dahil sa gulat at mabuti na lamang at nakapagpreno ito.
Bumaba ang isang lalaki na sakay ng kotseng muntik nang makabangga sa akin. Dinaluhan niya ako at natatarantang tiningnan ako.
"Miss, are you okay?" tanong niya. Isang marahan na pagtango lamang ang itinugon ko sa kanya. Hinawakan niya ang tuhod ko na nagkaroon ng maliit na galos. "Dadalhin kita sa hospital—" Agad ko siyang tinutulan.
"I'm okay."
Pinilit kong makatayo ngunit nakaalalay pa rin sa akin ang lalaki.
"Miss, pasensya ka na," saad niya na siyang binalewala ko na at sa halip ay nagpatuloy na lamang ako sa paglalakad. "Miss, sandali," awat niya sa akin sabay hawak sa braso ko.
"I'm okay. Please leave me alone," inis na tugon ko sa kanya at binawi ko ang sarili ko.
Mabuti na lamang at may dumaang taxi kaya naman nakapagpara at nakasakay ako.
"Saan po tayo, Miss?" tanong ng taxi driver sa akin.
"Heaven's Park Cemetery," mahinang usal ko at nagsimula na ngang magmaneho ang taxi driver.
Tumunog ang cellphone ko at nakita ko ang pangalan ni Briana sa screen nito. Sigurado akong hinahanap na niya ako sa mga sandaling ito. Hindi ko na nagawang magpaalam pa sa kanya kanina sapagkat abala ang sarili ko sa mga emosyon na kasulukuyang nararamdaman ko. Gusto ko sanang sagutin ang tawag niya ngunit nanghihina ako. Naghihina ako at wala akong lakas ng loob na humarap muna sa kahit na sino.
Muling naglandas ang mga luha ko at muling nakaramdam ng paghapdi ang puso ko. Napakalupit naman ng tadhana sa akin. Bakit hinayaan niya na makita ko pa ang lalaking iyon?
Unti-unting nabuhay ang matinding galit sa loob ko. Lalo pa nang sa ilang sandali ay maibaba na ako ng taxi driver sa Heaven's Park Cemetery.
Tinungo ko ang puntod ng daddy ko at muling kumawala ang mga luha ko. Kung hindi sana dahil sa lalaking iyon, buhay pa sana si daddy. Kung hindi sana dahil sa lalaking iyon, masaya pa sana at kumpleto ang pamilya ko. Kung hindi sana sa lalaking iyon, hindi ako iiwanan ni mommy. Hindi niya ako ipagpapalit sa ibang pamilya.
Ang lahat ng sakit at kalungkutan na nararanasan ko ay kagagawan ng lalaking iyon. Ginawa niyang miserable ang buhay ko habang siya ay masaya na para bang walang ginawang kagaguhan sa iba.
"I'm so sorry, daddy," umiiyak na saad ko sa harapan ng puntod niya. "Sana ako na lang ang nawala ng gabing iyon. Sana ako na lang at hindi na ikaw. Ang sama kong anak dahil... dahil sinuway kita. Sa pagsuway ko sa iyo... hindi ko alam na mapapahamak ka at mawawala ng tuluyan sa akin." Patuloy sa paglalandas ang mga luha ko habang patuloy rin sa pagkawasak ang puso ko. "Daddy... patawarin mo po ako. Patawad po," hagulgol ko.
At kung maibabalik ko lang sana ang nakaraan. Itatama ko ang lahat at hinding-hindi na ako magpapauto sa gagong lalaking iyon.
Ngunit kahit na anong gawin ko, batid kong ang nakaraan ay nakaraan na. Wala na akong magagawa para maibalik pa ang lahat at tanging pagsisisi na lamang ang magiging kaakibat ko sa lahat ng nangyari.
Present...
Nagbalik ako sa aking sarili mula sa alaala na iyon nang may mahihinang kumatok mula sa pintuan ng opisina ko.
Huminga muna ako ng malalim at kinalma ko ang sarili ko.
"Come in," utos ko at bumungad sa akin si Mikay.
"Uy, Kacelyn, lunch out tayo," pag-aya niya sa akin. Sinulyapan ko ang oras sa computer ko at hindi ko na namalayan na oras na pala ng panananghalian.
"Kayo na lang. Busog pa kasi ako," tugon ko kay Mikay.
"Huh? Anong busog? Hindi ka man lang ba nagutom sa presentation mo kanina?" tanong niya sabay upo sa harapan ko.
"Hindi naman. Saka marami pang pinapatapos sa akin si chairman Emman," tugon ko rito.
"Hay naku, Kacelyn. Talagang bilib ako sa iyo dahil ikaw lang ang nakatagal ng ilang taon bilang sekretarya ni chairman. Pero sana naman ay huwag mong abusuhin ang sarili mo sa puro pagtatrabaho 'no."
"Mikay, ayos lang naman ako at isa pa masaya akong gawin ang lahat ng trabaho ko."
"Hay naku. Kaya hanggang ngayon ay wala ka pa ring nagiging nobyo eh. Ilang taon ka na, Kacelyn. Dapat ay binibigyan mo naman ng panahon ang mga lalaki—"
"Mikay, kilala mo ako. At kahit kailan ay hindi ako magkakaroon ng panahon sa mga lalaki," masungit na sabi ko rito.
"Asus! Nasasabi mo lang iyan sa ngayon. Pero kapag tinamaan ka na ni kupido, ay ewan ko na lang talaga," tatawa-tawang saad niya. "By the way, balita ko gwapo raw 'yong Mr. Anthony Dyllan. 'Yong director and acting CEO ng Real Estate Land," wika niya pa.
"Sakto lang naman," walang buhay na tugon ko rito.
"Pero alam mo, ito ha may nasagap akong chismis," mahinang sabi niya.
"Huh? Ano naman iyan?"
Bahagya siyang lumapit ng kaunti sa akin saka bumulong.
"Mas gwapo raw ang nakababatang kapatid ni Mr. Anthony Dyllan. Hunk and famous architect—si Mr. Brylle Dyllan," bungisngis niya pagkasabi niya ng huli.
Mariin na lamang akong napapikit at malalim na napahigit ng hininga.