Gugustuhin ko man na intimate ang mangyari pero tila imposibleng makontrol ang lahat. Mula pa kahapon, abala na ang buong paligid sa paghahanda. May mga tolda na itinayo sa labas ng simbahan at sa bakuran ng bahay, may mga mesa’t upuan na inayos ng mga tauhan ni Atticus at ilang kapitbahay na nagkusang tumulong. Ang mga bulaklak na idinikit sa gilid ng altar ay kulay puti at ginto, at sa bawat sulok ng simbahan ay may nakalagay na mga kandilang mabango, na lalo pang nagbigay ng solemneng pakiramdam. Nakaharap ako ngayon sa salamin habang inaayos ang aking bestida. Puti ito, simple lang ngunit elegante, may manipis na lace sa manggas at leeg. Huminga ako nang malalim, ramdam ang kaba sa dibdib ko. Hindi ko alam kung para saan, kung para sa mismong seremonya o dahil sa dami ng taong naroroo

