Napalingon silang dalawa sa akin. Kita ko kung paano napalitan ng gulat ang galit na mga mata ni Bryson habang ang babae naman ay halos maiyak na dahil sa kawalan ng hangin.
"Bitawan mo siya," ulit ko sa sinabi.
Nagulat ako nang agad niyang sinunod ang utos ko. Pabalya niyang binitawan ang babae na naghahabol ng hininga.
Kahit kinakabahan ay pinilit kong lumapit at hinagod ang likod ng babaeng tumulong sa akin kanina.
"Ayos ka lang?" nag-aalala kong tanong ngunit napasinghap ako nang tinabig niya ang kamay ko bago ako sinamaan ng tingin.
"Pakialamera ka rin ano?" asik niya.
"Huh?" naguguluhan kong tanong.
Hindi siya sumagot bagkus ay
umirap siya bago tumalikod at umalis.
Naiwan akong tulala at hindi makapaniwala sa nangyari. Siya na nga ang tinulungan, siya pa ang galit. Kung hindi niya lang ako tinulungan kanina, nung kang makikialam ako sa nangyayari sa kanila. Napabuntong-hininga ako at napailing. May mga tao talagang imbes na magpasalamat ay tatarayan ka pa. Walang utang na loob. Mabuti na lang at quits na kami, hindi ko na kailangan pang magpasalamat. Mukha namang hindi siya sincere sa pagtulong sa akin kanina.
Narinig ko na may tumikhim dahilan upang mapatalon ako sa gulat. Nanlalaki ang mata ko na napatingin sa lalaki na malamig ang mga mata at matamang nakatingin din sa akin. Nahigit ko ang hininga at pakiramdam ko ay tumigil sa pagtibok ang puso ko.
"What's your name?" seryosong tanong niya dahilan upang mapaayos ako ng tayo.
"Ako?" parang tanga kong tanong.
Napapikit ako. Hindi ba obvious, Genesis?
"Yes. May iba pa bang tao rito bukod sa atin?"
Napailing ako bago dumilat. Direkta kong tinitigan ang mata niya bago naiilang na ngumiti.
"Uhm wala naman…" pilit ang ngiting sagot ko bago umiwas ulit ng tingin. Hindi ko kinaya ang tingin niya. Sobrang lalim na animo'y nilulunod ka at paniguradong hindi na makakaahon ang sinumang hindi umiwas ng tingin.
Matagal na katahimikan ang bumalot sa amin kaya tumikhim ako. "Genesis. Genesis ang pangalan ko," sabi ko na lang habang nanatiling nakaiwas ng tingin.
"Hmm.." tumango siya bago hinawakan ang braso ko. Napakislot ako at inilayo ang braso.
"A-anong gagawin mo?" nauutal na sabi ko.
Hindi niya pinansin ang tanong ko at hinawakan ulit ang braso ko bago hinila papalayo sa lugar na iyon. Napaigtad naman ako sa gulat habang naguguluhang nakatingin sa likod niya.
"Let's go." Hinigit niya ako hanggang sa tumigil kami sa tapat ng magara at mamahaling sasakyan.
Binuksan niya ang pinto ng shotgun seat bago itinagilid ang ulo sa pinto na para bang inuutusan akong pumasok. "Sakay."
Kahit nag-aalangan ay sumakay pa rin ako. Isinara niya ang pinto sa gilid ko. Pinanood ko siyang umikot patungo sa kabilang bahagi ng kotse hanggang sa makapasok siya.
"Seat belt," tipid na utos niya bago inistart ang makina ng kotse.
Nanginginig ang kamay ko na isinuot ang seat belt pero kahit anong gawin ko ay hindi ko malock dahil bukod sa hindi ako marunong ay first time ko rin na sumakay sa mamahaling kotse.
Mukhang nainip siya dahil kinalas niya ang sariling seat belt bago yumuko at inagaw sa akin ang hawak. Siya na ang nagsuot nito sa akin. Tahimik na pinagmamasdan ko ang mukha niya sa malapitan.
Magulo ang buhok, makinis na noo, makapal na kilay na palaging magkasalubong, matangos na ilong, perpektong panga at mapupula at nakakaakit na labi na animo'y nanghahalinang halikan.
Napailing ako sa naisip. Nagiging manyak na 'ata ako. Nang matapos ay lumayo na rin siya at umayos ng upo habang ako naman ay napahinga ng malalim. Ngayon ko lang napansin na kanina ko pa pala pinipigilan ang paghinga ko.
Habang nasa biyahe ay tahimik lamang kami. Wala ni isa sa amin ang gustong magsalita. Nakatingin ako sa labas ng bintana ng kotse at pinagmamasdan ang ilan galing sa establemento na nakasara na. Wala na ring masyadong tao sa paligid dahil dis oras na ng gabi.
Hindi ko alam kung bakit nandito ako ngayon at nakasakay sa kotse ni Bryson. Hindi pa rin nagsisink in sa akin ang nangyayari. Sobrang bilis kasi at kahit ako ay hindi makapaniwala na nandito ako, katabi ang lalaking hinahangaan ng maraming estudyante.
Napailing ako habang nakatingin sa pamilyar na mga gusali ngunit agad ding napalingon kay Bryson nang may mapagtanto.
"Sa Neighborly Nest Apartment tayo, diretso ka lang tapos liko ka sa kanan," turo ko sa tinutuluyan ko.
"I know," bulong niya na hindi ko narinig. Sobrang hina kasi ng boses niya dagdag pa ang ingay na nagmumula sa kotse.
"Ano?" naguguluhang tanong ko.
"Nothing, just lead me the way," bagot na aniya.
Tumango ako at tinuro ang daan papunta sa apartment na tinutuluyan ko. Tahimik lang siya buong biyahe at pansin ko rin na parang kabisado niya na ang daan papunta sa apartment ko. Kung assumera lang ako, baka inassume ko na na stalker ko siya. Pero imposible naman dahil sobrang gwapo niya at hinahangaan ng lahat, kabaliktaran ko na simple lang at walang masyadong kaibigan. 'Tsaka isa pa hindi naman niya ako kilala at baka may kakilala lang siya o kaibigan na malapit lang dito nakatira. Hindi ko alam. Nakakalitong isipin.
"We're here," anunsyo niya. Napatingin ako sa paligid at saka ko lang napansin na nandito na pala kami. Masyado akong nalunod sa kakaisip ng kung ano-ano kaya hindi ko namalayan na tumigil na pala ang sinasakyan namin.
"Salamat," sabi ko habang chinecheck ang gamit. Nang okay na ay lumabas na ako sa kotse bago muli siyang hinarap.
"Goodnight. Ingat sa biyahe," paalam ko. Tumango lang siya habang seryoso ang mukha na diretso ang tingin sa harap, ni hindi man lang ako binalingan ng tingin, kung kaya sinara ko na ang pinto ng kotse bago umatras.
Nanatili akong nakatayo sa gilid ng kalsada. Pina ilaw niya ng tatlong beses ang dalawang kulay pulang ilaw sa likod ng kotse niya bago tuluyang pinaandar ang sasakyan at umalis. Pinanood kong lumayo ang sasakyan niya at nang hindi ko na matanaw ay agad din akong tumalikod bago pumasok.
Dumiretso ako sa apartment ko. Nag-half bath ako at nagbihis bago ko naisipan na mag-review. Pilit kong pinapasok sa isip ko ang mga nakasulat sa libro pero kahit anong gawin ko ay hindi ako maka focus. Binabagabag ako ng nangyari kanina, masiyado iyon mabilis at hindi ko alam kung anong mangyayari bukas. Kung may magbabago ba sa buhay ko.
Sa huli ay napagpasiyahan kong matulog na lang. Humiga ako bago ipinikit ang mata ko. Agad din akong napamulat ng lumitaw ang imahe ni Bryson. Inis na napasabunot ako at pinilit na matulog pero napakahirap matulog dahil pilit na pumapasok sa isip ko ang nangyari kanina. Napabuntong-hininga ako at nirelax ang katawan at isip ko. Hindi ko alam kung anong oras ako nakatulog. Akala ko makakahinga na ako nang maluwag pero hanggang sa panaginip pala ay nakasunod pa rin si Bryson. What a nightmare.