12

1649 Words
“DAMN you, Celine!” mariing wika ni Claudio habang tinutuyo ang sarili. Matagal siyang nagbabad sa tubig bago humupa ang init na lumukob sa kanyang katawan. Si Celine ang sinisisi niya. Hindi niya akalaing sa matagal na panahong lumipas ay matindi pa rin ang epekto sa kanya ng dalaga. It was obvious that he was still aching for her. He never had that kind of erection that was so painful. Na para bang hindi huhupa iyon maliban sa maangkin niyang muli si Celine. And he couldn’t believe it. Sa dami ng babaeng nagdaan sa kanya kasali na rin ang mga babaeng nakakapiling niya sa kasalukuyan, tila iba pa rin ang antas ng paghahangad niya kung si Celine ang sangkot. Napangiti siya. Kaya siya napuyat ay sa pag-iisip kung paano niya kakausapin ang dalaga. Kung alam lang niya na paggising niya ay si Celine ang makikita niya, disin sana’y hindi na siya napagod na mag-isip pa. Sa takbo ng usapan nila kanina, hindi na niya kailangang magpakahirap pang buksan dito ang tungkol sa kasal. Mabuti na lang at mabilis siyang nakapagkaila tungkol sa habilin ng papa nito. Naisip niyang malaking pabor iyon sa kanya. Hindi pa rin nagbabago si Celine. Childish pa rin ito. Isang karakter nito na kinaiisan niya dati. Lagi siyang napipikon noon sa childishness na karaniwang nagiging sanhi ng pagsisikmatan nila. At hindi pala nagbago si Celine sa nakalipas na mga taon. Napangiti siya. Sa sarili niya ay malaki na ang nabago sa pagdaan ng mga taon. Napagpasensyahan niya si Celine. Nagawa niyang tawanan na lamang ang asal nitong dati-rati ay tiyak na papatulan niya. Bigla ay na-miss niya ang ilang buwang relasyon nila noon. Bigla rin ay tila gusto niyang manghinayang. Subalit agad niyang kinontra ang sarili. Pareho nilang ginusto na maghiwalay noon. Pareho silang mataas ang pride. Pareho silang nagmalaki na hindi makakatagal sa ugali ng isa’t isa kaya mabuti pang maghiwalay na lang. Itinuon niya ang oras sa pagsisikap na magkaroon ng sariling negosyo. He had string of girlfriends, naturally. At si Celine naman ay nabalitaan niyang nagkaroon na rin ng relasyon sa iba. Mga lalaking wala namang kuwenta dahil balita niya niya Tito Carling noon ay mas matimbang ang interes ng mga iyon sa mamanahin ni Celine. Balewala iyon sa kanya tutal ay wala na silang relasyon. Pero bakit ngayon ay parang nais niyang magselos sa mga lalaking naging karelasyon nito. “Over na ang delayed reaction mo, Claudio. Siyam na taon na ang nakalipas,” aniya sa sarili habang nag-aahit. “Dio, hindi ka pa ba lalabas?” katok sa kanya ni Marjorie. “Palabas na, Ma,” malakas na sagot niya. “Hihintayin kita sa komedor.” Nakahain na ang tanghalian sa komedor subalit mayroon din doon piniritong itlog at daing at sinangag na mukhang ininit uli. “Pagsabayin mo na ang almusal at tanghalian,” sabi sa kanya ni Marjorie. “Akala ko’y hindi ka na bababa.” “Naligo pa kasi ako.” “Si Celine, mukhang natagalan din bago bumaba.” “Wala akong ginawa sa kanya,” depensa niya agad. Natawa ang babae. “Wala naman akong ipinapahiwatig. Ano ba ang sadya niya? Aba’y nagulat ako kanina, ah? Ano ba ang nangyari sa batang iyon at sumugod dito na hindi maipaliwanag ang amoy. Naprangka ko tuloy.” “Wala kayong dapat ipag-alala, Mama. Hindi iyon maiinsulto. Gimik niya iyon, akala naman niya, eh, magiging effective sa akin.” Pahapyaw niyang ikinuwento ang tungkol sa pagnanais ng dalaga na mabawi nito ang bahay at lupa. “Mukhang magiging mabilis kaysa sa inaasahan ko ang inyong kasal, Dio,” nasisiyahang sabi ni Marjorie. “Ayaw mo ba ng ganu’n, Ma? Kapag nangyari iyon ay tiyak na mapapabilis din kayong maging lola.” “Magaling. Pero, Dio, ipangako mo sa aking magiging maayos din ang pagsasama ninyo. Love her, hijo. Hindi naman siguro mahirap gawin iyo tutal ay dati mo na siyang mahal, hindi ba?” He just smiled. ILANG oras nang nasa silid si Celine subalit hindi siya tumitinag. Ilang linggo na rin siyang hindi natutulog doon. Buhat nang mamatay ang kanyang papa ay sa bahay muna ng kanyang tiya siya tumira. Masyado siyang nagiging emosyonal kapag nasa bahay na iyon at isa pa ay ang mag-asawang kawaksi lang ang kasama niya doon. Nagpaalam siya kay Auntie Carolina na ieempake niya ang mga personal niyang gamit kaya naroroon siya sa bahay ng kanyang ama subalit ni isang lipstick sa tokador ay hindi pa niya ginagalaw. Tila hindi niya magagawa. Halos buong buhay niya ay doon niya ginugol sa bahay na mas matanda pa sa kanyang ama. Paano niya iiwan iyon? Ibang usapan iyong permanente niyang iiwan ang bahay kesa sa puntong pansamantala ay sa tiya siya nakatira. Pakiramdam niya ay iginapos siya ng ama sa ginawa nito sa testamento. Ayaw na niyang isipin kung legal man iyon o hindi. Ang mas matimbang sa puso niya ngayon ay ang personal na sulat na iniwan nito. Oo nga at isang manipulasyon iyon. Mismong ang kanyang ama ay aminado sa bagay na iyon. It was obvious that her father had lost hope on her. Hindi siya nito basta mapapasunod sa gusto nito kaya nito ginawa iyon—ang ipamana nito kay Dio ang bahay upang mapilitan siyang magpakasal sa binata. At matalino ang kanyang papa. Alam nitong hindi niya magagawang mawala sa kanya ang bahay na iyon. Pero ganoon na lang ba kadaling magpakasal sa isang lalaking kagaya ni Dio? Puwede bang ang basehan lang niya ay ang tiwala ng kanyang papa sa lalaking iyon? Ampon lang si Dio. Hindi niya alam kung saan ito galing pero alam ng lahat na ampon lang ito ng mag-asawang Buencamino. Hindi kaya naalala ng papa niya ang bagay na iyon bago nito ginusto na pakasalan niya ang binata? Nine years ago, she was only eighteen. Ang tingin niya kay Caludio na dalawamput’isang taong gulang niyon ay perpektong lalaki. Malayo ang itsura nito sa mga lalaking manliligaw niya na mga mukhang lampa. Matatalino sa eskuwela subalit walang alam sa mga praktikal na bagay. Si Dio, ng mga panahong iyon ay tapos ng mag-aral, binigyan ng puhunan ng ama-amahan nito upang magkaroon ng sariling negosyo. Claudio was the perfect man for her. Guwapo, macho, may sarili nang negosyo sa batang edad. At marami ang nagsabing bagay sila. Si Dio ang tipo ng lalaking poprotekta sa kanya sa anumang panganib. Si Dio din ang tipo na susunod sa yapak ng kanyang ama. Magbubuhay prinsesa siya kagaya ng kanyang mama dahil sa labis na pagiging maasikaso at responsible ng kanyang papa. Pero akala lang pala niya iyon. Sa simula pa lang nga kanilang relasyon ay daig pa nila ang aso’t pusa. Mas marami ang oras na nagiging magkagalit sila. Maraming ugali ang hindi nila kayang tagalan sa isa’t isa. Gusto niyang magbago si Dio para sa kanya. Gusto naman nitong siya ang magbago para dito. Walang gustong magbigay. At parehong mataas ang pride. But they loved each other. Sa pagtatapos ng kanilang away ay ang pag-ibig na iyon ang mamayani. Katunayan na ang pagkakaloob niya ng sarili dito. Walang pagdadalawang-isip na pinayagan niya si Dio na angkinin nito. Dahil naniniwala siyang nabubukod sila ng wagas na pag-ibig. Wagas na pag-ibig na tatlong buwan lang pala ang itatagal. Sa huli ay sumuko sila sa dami ng incompatibilities nila. Iniyakan niya iyon. Nasaktan siya subalit idinikta niya sa sariling kailangan niyang bumangon. She had changed. Oo nga at nakipagrelasyon siya subalit hindi na siya basta-basta nagtitiwala. Lumampas sa bilang ng mga daliri niya sa kamay ang bilang ng mga sumunod na naging boyfriends niya subalit pagkatapos ni Dio, wala na siyang ibang lalaking pinagkalooban ng sarili. Nadala na siya kay Dio. Ipinangako niya sa sariling sa susunod na sumuong siya sa ganoong bagay ay sa gabi na ng kanyang kasal. At sa takbo ngayon ng pangyayari, matimbang na si Dio rin ang mapalad na lalaki. Isang paghinga ang pinakawalan niya. Isang bahagi ng isip niya ang nasisiyahan sa ideyang iyon. Mabuti nga iyon at iisang lalaki lang ang magkakaroon ng pagkakataon sa katawan niya. Pero hindi lang naman iyon ang punto. Magpapakasal sila ni Dio. Ni hindi pa nga ito pumapayag. Na tila lumalabas na siya ang atat na atat na magpakasal sila. Kungsabagay ay iyon naman ang talagang mangyayari dahil sa ginawa ng kanyang papa sa testamento nito. Siya talaga ang magnanais na magpakasal sila ni Dio upang manatili siyang mayroong karapatan sa bahay na iyon. Hindi niya nakakalimutang kuwestiyunable pa rin iyon. Isang abogado pa lang ang nahihingan niya ng opinyon. Pero dahil sa sulat ng kanyang papa ay malamang na isantabi niya ang legalidad ng testamento. Sa ubod ng kanyang puso, gusto niyang sundin ang huling kahilingan ng kanyang ama. Kahit na nga ba mangangahulugan iyon na magpapakasal siya sa lalaking hindi naman niya iniibig. Pero baka may iba pang paraan upang mapasakanya ang property na hindi na kailangang magpakasal siya kay Dio. Mataman siyang nag-isip. Napapitlag si Celine nang maramdamang may papalapit na yabag. Tumayo siya sa kamang kinauupuan at tinungo ang pinto. “Bakit ho?” tanong niya agad nang makita ang kanilang kawaksi. Matagal na iyong tauhan ng bahay. Hindi pa siya isinisilang ay tagapagluto na doon si Aling Fely. Ito at ang asawang hardinero ang nananatili pa sa bahay. Ang ibang kawaksi ay pinagbakasyunan niya muna. Hindi pa siya nakakapagdesisyon ukol sa mga matatapat na tauhan. “Nariyan sa ibaba si Claudio. Hinahanap ka.” “Sana ay sinabi ninyong wala ako dito.” “Celine, nasa harapan ang kotse mo,” paalala nito sa kanya. Napatango na lang siya. “Sige ho at bababa na ako.” “Hindi na kailangan,” sabad ni Claudio na nakasunod na pala sa kawaksi. Pinukol niya ito nang matalim na tingin. “Bababa ako. Doon tayo mag-usap.” “Bakit pa? Noong ako ang kakausapin mo, kahit tulog ako, pinanhik mo ako sa kuwarto.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD