13

1298 Words
HINDI agad nakaimik si Celine. “Ano ang kailangan mo?” matabang na sabi niya. Nanatili siya sa kinatatayuan. Wala siyang balak na papasukin si Claudio sa kuwarto niya. “Pag-usapan natin ang tungkol sa kasal natin.” Napamaang siya. “Magpapakasal tayo?” Sa nakaraang mga araw ay iyon ang laman ng isipan niya subalit nagulat pa rin siyang maging paksa nila iyon sa pagitan nila. “Hindi ba’t ikaw ang nagbukas sa akin ng tungkol sa bagay na iyan?” kaswal na sagot ng binata. “Tara, magpakasal na tayo. Ngayon na.” “Ha?!” “Nagbago ka na ba ng isip? Fine. Ikaw lang naman itong may gusto na magpakasal tayo.” Pumihit na si Claudio para tumalikod. “Sandali!” habol niya dito. “May gusto sana akong ialok sa iyo.” “Celine, may iaalok ka na naman? Nag-alok ka na ng kasal, ano pa ngayon?” Nagtimpi siya. Ayaw niyang patulan ang mga may pasaring na pangungusap ng binata. “Naisip kong mabigat na bagay para sa ating dalawa ang kasal. Matatali tayo sa isa’t isa. Bibilhin ko na lang ang property. O kung gusto mo, mamili ka sa ibang property ni Papa na iniwan niya sa akin. Iyong condo unit sa Makati, iyon na lang ang sa iyo. Mas mahal pa iyon kesa sa market value ng lupa sa Hermosa at bahay at lupang ito.” “May condo unit na ko. Sa Makati din.” “How about cash? Twenty million. Nasa nineteen million lang ang halaga ng ipinamana sa iyo ni Papa. Isasara ko na sa twenty million.” “Ayoko.” “Thirty M?” “May thirty million din ako.” “Magkano ang gusto mo?” desperadang tanong niya. “Fifty? Seventy?” “Lahat ng minana mo kapalit ng minana ko. Swap na lang tayo,” suwabeng sabi nito. “Ano ka, hilo?” bulalas niya. “Celine, ikaw ang nagtatanong sa akin, hindi ba? Sumagot lang ako.” “Sobra naman ang hinihingi mo.” “Kung sobra, di magpakasal na lang tayo. Hindi mababawasan ang mana mo, madadagdagan pa.” “Paano ang pansarili nating interes? Paano kung may boyfriend ako? Paano kung may girlfriend ka?” “May boyfriend ka ba ngayon?” Naalala niya si Diego. Ito ang huling boyfriend niya. Bago pa namatay ang kanyang papa ay malabo na ang relasyon nila. Kailangan na lang na kausapin niya ito upang pormal na tapusin iyon. “W-wala.” “Ako, maraming girlfriends. Pero hindi sila problema. Iiwan ko sila para sa iyo. Para namang wala tayong pinagsamahan. For old time’s sake, di sa iyo ako magpapakasal.” Nagtagis ang mga ngipin niya. Nagpipigil lang ang dugo niya na kumulo pero pakiramdam niya ay hindi naman sineseryoso ni Claudio ang kanilang usapan. “Paano ang pag-ibig? Magpapakasal tayo ng walang pag-ibig?” “For old time’s sake, I will fall in love with you again.” Natigagal siya. Sa pagkakataong iyon ay seryosong binitiwan ni Dio ang naturang pangungusap. HINDI PA man napag-uusapan ang detalye ng kanilang kasal ay matunog nang Kumare ang tawagan ng kanyang Auntie Carolina at ina-inahan ni Claudio na si Marjorie. Dahil ulila na siya ay kay Carolina mamamanhikan si Claudio at ang mama nito. At kahit anong tingin ang gawin niya, tila excited na excxited naman ang kanyang tiya. Wala na sa istura nitong tutol na tutol gaya noong una nitong malaman ang nakasaad sa testamento. Matapos silang magsalo sa pananghaliang dala nina Claudio ay pormal nilang pinag-usapan ang kasal. Manipulado ng mama nito at ng kanyang tiya ang usapan. “Hindi na natin kailangan ng wedding planner. Kayang-kaya nating asikasuhin ang mga detalye,” sabi ni Carolina. “Tutulungan kita, Kumare.” “Malaking handaan ito. Baka mapagod tayo nang husto. Uso naman ang wedding planner, iupa na natin.” “Si Trina, ang asawa ng kaibigan kong si Joaquin, marami siyang kakilala,” sabad ni Claudio. “Kumuha na tayo ng wedding planner. Magbayad na lang tayo at sila na ang mamroblema sa lahat.” Bumaling sa kanya si Carolina. “Ano sa tingin mo, Celine?” “Gusto ni Claudio na magkagasta, Auntie. Pabayaan natin siya.” Nagulat ang kanyang tiya at tila nanghihingi ng paumanhin na sumulyap kay Marjorie. “Hindi problema iyon,” sabi naman agad ni Claudio. “Gusto kong ibigay kay Celine ang marangyang kasal. At iyon din naman ang gusto mo, Mama, hindi ba?” linga nito sa ina. “Oo naman. Alang-alang sa anak kong si Claudio at sa iyo din, Celine, bilang anak ng matalik kong kaibigang si Selina. Kung nabubuhay ang inyong papa, tiyak na lahat ng pinakamainam at mahal ang pipiliin ng mga iyon para matiyak na magandang-maganda ang inyong kasal.” Kung saan-saan napunta ang usapan. Ang detalye ng kasal ay pansamantalang iniwan dahil kokonsulta pa rin daw sa uupahang wedding planner. Nang mapadako ang paksa ng dalawang may-edad na babae noong kabataan pa ng mga ito, nagpasintabi si Claudio at inaya siya sa veranda. “Hindi ka ba excited sa kasal natin, Celine?” tanong nito sa kanya. “Hindi. Bakit naman ako magiging excited, eh, hindi naman ako in love sa iyo?” Sandaling natigilan ang binata. “Hindi ba’t mamahalin nating muli ang isa’t isa dahil magpapakasal na tayo?” “Ikaw ang nagsabi nu’n, hindi ako.” Tinitigan siya nito at pagkuwa ay nagkibit-balikat. Hinawakan nito ang kamay niya. “I guess, I have to make you fall in love with me again. Ako nang bahala dun.” “Paanong ikaw na ang bahala?” Binawi niya ang kamay. “Just wait and see, okay? Basta magigising ka na lang, in love ka na sa akin.” Nagtaas siya ng kilay. Inabot uli ni Claudio ang kanyang kamay. “This is for you, Celine.” Inilagay nito sa kanyang palad ang maliit na kahong pelus. Nagkaroon ng kakaibang kabog sa dibdib niya. Hindi naman kasya ang stuffed toy sa liit ng kahong iyon. Tahimik na binuksan niya ang kahon. At napalunok siya nang makita ang singsing. Of course, inaasahan na niyang singsing iyon. Pero ang nakagulat sa kanya ay ang kalidad ng singsing. Marami siyang alahas at pawang mamahalin. Hindi mahihiya ang singsing na nasa harap niya ngayon kung ihihilera sa mga alahas niya. Makinang na makinang ang nakatampok na brilyanteng kasinglaki ng butil ng munggo. “Para saan ito?” mahinang tanong niya. “For you. Engagament ring mo.” Bigla siyang napatingin sa binata. “Bakit pa? Kahit wala naman nito, okay lang.” “Gusto ko, eh. Isuot mo na. Malamang ay kasya sa iyo. Sabi sa akin ng saleslady, halos ganyan ang karaniwang size ng mga babae. Kapag hindi kasya, ipapa-adjust ko. Sige na, isuot mo na.” “How romantic,” paismid na sabi niya pero isinuot din niya ang singsing. Kasyang-kasya iyon sa kanya. “Hindi mo na kailangang ipa-adjust. Kasya na.” “Hindi ka man lang ba magpapasalamat?” “Thank you.” At umismid uli siya. “Engagement ring pala ito, bakit hindi ikaw ang nagsuot sa daliri ko?” “Palasak na iyong ganun. Saka ganyan ang style ko para maiba naman.” Tinitigan niya ang singsing. “Mahal ito. Galante ka pala. Noon, pinakamahal mo nang nairegalo sa akin, eh, Ferrero chocolates. Iyon pang waluhan lang ang laman.” “Wala pa akong pera noon. Ngayon, marami na. Saka dapat lang na maging galante ako sa iyo. Ikaw ang magiging asawa ko.” “Feel na feel mo, ha?” sarkastikong sabi niya. “Oo naman.” At kinabig siya nito. “It been a long while, Celine. Miss na miss ko na ito.” At bago pa siya nakahuma ay inangkin na nito ang mga labi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD