14

1326 Words
YES, IT’S been a long while indeed. At iyon din siguro ang dahilan kung bakit ang pamilyar na kiliting hatid ng halik ni Claudio ay nagmamadali ring gumapang sa buong katawan niya. Mabilis na napuno ng kilig ang kaibuturan niya. At tila naglaban-laban iyon dahilan upang magsimulang gumawa ng init. Init na nagsimula namang kumulo. Maalab ang paghalik na ginagawa sa kanya ni Claudio. Marubdob. Mapang-angkin. Kailangan niyang aminin sa sariling na-miss din niya ang halik nito. She allowed her past boyfriends to kiss her pero walang binatbat ang mga iyon sa paraan ng paghalik ni Claudio. Hinahalikan siya nito na para bang inaarok ang kanyang kaloob-looban. Hinahalikan siya nito sa paraang ginigising ang lahat ng natutulog na damdamin sa kanya. Nangunyapit ang kamay niya sa leeg ni Claudio. She kissed him back. Si Claudio din naman ang nagturo sa kanya noon kung paano humalik. Si Claudio ang pumukaw sa kainosentehan niya noon. Naging hudyat ang halik niyang iyon upang lalo pang lumalim ang halik. Hinapit siya nito at lalo siyang siniil ng halik. Lumipad ang katinuan ng isip niya. Tangay na tangay siya ng maalab na paghalik nito. Nagulat pa siya nang malamig na hangin ang dumapyo sa kanyang mga labi. Ibinukas niya ang mga matang hindi niya namalayang ipinikit pala niya. Nakita niya ang binata na nakatitig sa kanya. “I missed your kisses, Celine. I missed everything about you.” At tila may init ang mga mata nitong humagod sa kabuuan niya. Napalunok siya. Bigla siyang pumihit upang tumalikod. “Baka hinahanap na tayo nina Auntie.” Inabot ni Dio ang kamay niya. “Bakit bigla ka yatang natakot?” tila tudyo nito at pinakawalan din siya. Mabibilis ang mga hakbang na bumalik siya sa sala. PALUWAS sila sa Maynila. Ayon kay Claudio ay ipapakilala siya nito kay Trina at sa kukunin nilang wedding planner. Gusto sana ni Marjorie na akuin na ang pag-aasikaso sa kanilang kasal subalit umiral kay Celine ang pagiging sociable. Naisip niyang kasal niya iyon kaya dapat lang na maging involved siya. “Mabait ba si Trina?” tanong niya kay Dio habang nasa biyahe sila. “Mabait? Siguro. Hindi ko alam kung ano ang pamantayan mo ng mabait pero isa lang ang alam ko, halos magkaugali kayo. Spoiled-brat, sosyalera, anak-mayaman.” “Ganoon ba ako?” kunwa ay maang na tanong niya. “Hanggang ngayon hindi mo pa alam?” kunwa naman ay shocked na sagot sa kanya nito. Hinaplos niya buhok. Bago niya naibaba ang kanyang kamay ay hinuli iyon ni Dio. “Mabuti naman at suot mo ang engagement ring,” sabi nito, mukhang nasisiyahan. Hinagkan pa nito ang kamay niya bago iyon binitiwan. “Oo naman. Ikakasal na ako, eh. Saka baka makasalubong ko ang isa sa mga sinasabi mong girlfriends, iba na iyong makita nila ang ebidensya na wala na silang aasahan pa sa iyo.” “Sounds possessive,” nangingiting sabi nito. “Ayoko lang ng may kahati sa magiging asawa ko.” Then she paused. Nagulat siya sa binitiwan niyang pangungusap. At mas nagulat siya sa impact niyon sa sarili niya mismo. Bigla ay hindi niya mawari ang kanyang pakiramdam. Tila buong-buo na sa kanyang loob ang gagawin niyang pagpapakasal. Bigla siyang napatingin kay Claudio. Nakatitig ito sa kalsada, tila buhos ang atensyon doon. Kaswal siyang umayos ng upo. “Bakit nga pala ang dami mong girlfriends? Hindi ba dapat, isa lang?” Ngumiti ito. “Bakit naman ako magdidyeta sa isa kung puwedeng marami? Gusto kong pagbigyan ang lahat ng may interes sa alindog ko.” “Ang yabang mo, Dio!” “Binata naman ako, eh. Walang commitment kaya walang probema doon. Pero wala ka nang dapat na ipag-alala ngayon. Sa’yong-sa iyo na ako. I promise you fidelity.” “Talaga lang, ha?” “Oo naman. Eh, ikaw? Baka may mga ex-boyfriends ka pang maghahabol sa iyo? O baka naman magpapaligaw ka pa sa iba?” “Hindi. Saka dinispatsa ko na lahat ng ex ko. Actually, six months na nga akong walang boyfriend. Nakakapagod. Sasagutin mo tapos after ilang months, break na kayo.” “Bakit? Hindi sila makatagal sa ugali mo?” “Hindi rin naman ako makatagal sa ugali nila, ah?” katwiran niya. Mahinang tumawa si Dio. “Eh, paano kaya tayo? Hindi rin tayo makatagal sa ugali ng isa’t isa kaya tayo naghiwalay noon, di ba?” “Eh, iba naman ngayon.” “Paanong iba?” Hindi siya agad nakakibo. Nitong mga huling araw, bagaman tila aso’t pusa pa rin sila ni Dio ay mababaw lang ang dahilan. Parang natural lang na ganoon sila. Hindi niya binubuksan ang tungkol sa bahay at lupa. Mas nakatuon ang usapan nila sa gaganaping kasal. “Saan ang condo mo sa Makati?” pag-iiba niya ng usapan. “Malapit lang ba iyon sa condo na ibinigay sa akin ni Papa? Sa Buendia iyong kanya.” “Sa Buendia din iyong sa akin, pero ilang kalye ang pagitan,” sagot naman nito. “Ano ang mga negosyo mo, Dio?” “Iyong mga negosyong iniwan ni Papa, ako na ang nag-aasikaso ngayon. Mga paupahan, mga sosyo niya sa iba’t ibang negosyo. Iyong grocery sa bayan.” “Iyong sarili mong negosyo?” “Kagaya ni Papa, nakikipagsosyo din ako. Business partner ako sa isang imprenta ng mga textbooks, mayroon din akong sosyo sa isang restaurant at sa isang lending company. Partner din ako sa isang chain of salon na nakakalat sa buong bansa. I have four branches of pawnshop. Isa sa San Ramon, dalawa sa Makati at isa sa Mandaluyong. Mayroon din akong water refilling stations. Isa sa San Ramon at ang ibang branches ay nakakalat sa Metro Manila.” “Ang dami,” impressed na sabi niya. “Kaya pala ang yaman mo na. Akala ko, drug lord ka,” hagikgik niya. “Mahirap ang buhay na pinagdaanan ko. Ayokong maging mahirap lalo kapag pinasok ko ang isang iligal na bagay,” seryosong sabi nito. “I don’t mean to offend you. Joke lang iyon.” Nagkibit ito ng balikat. “What makes you busy, Celine?” pagkuwan ay tanong nito. “Shopping. Ano pa ba ang gagawin namin ni Auntie kundi ang magliwaliw at gumasta. Kapag kasal na tayo,Dio, pipigilan mo ba ako sa ginagawa ko?” “Kung sobra na, pipigilan talaga kita. Wala ka nang ibang ginagawa? Hindi ka nagtatrabaho?” “Hindi ba’t si Papa ang ayaw na magtrabaho ako? Ang diploma ko, pang-display lang sa dingding ang silbi.” “Paano ang mga negosyong minana mo? Sino ang mag-aasikaso niyon?” “Right now, may mga tauhan si Papa.” Napatitig siya dito. “Bakit mo itinatanong? Interesado kang hawakan?” “Hindi naman sa ganoon. Ikaw ang dapat na may interes na hawakan ang mga iyon. Dapat na matutuhan mong magpalakad ng negosyo. Pinaghirapang ipundar iyon ng papa mo. Mahirap na ipagkatiwala basta sa iba, malamang na malusaw.” “Kung ikaw ang hahawak, malulusaw din kaya?” “Ipinagkakatiwala mo ba sa akin, Celine?” “Bakit hindi? Magaling kang magnegosyo, di ba?” Ginagap nito ang kanyang palad. “Celine, hindi ko binuksan ang paksang ito para ipahawak mo sa akin ang mga negosyong minana mo. Ang gusto ko sanang ipunto ay ang magkaroon ka ng interes na magpalakad ng negosyo. Ang mama mo, ang mama ko at pati ang Auntie Carolina mo, pawang nasa bahay lang. Mga lalaki ang nagtatrabaho, taga-gasta lang silang mga babae. Okay lang sa akin kung ganoon ka rin. Pero mas maganda kung matututuhan mong humawak ng negosyo.” “Iyon ba ang gusto mong gawin ko?” “Oo lalo na kung hindi ka napipilitan lang. Kaya kong hawakan ang mga iyon pero mas gusto kong ikaw mismo ay makabisado ang pasikot-sikot sa mga negosyong minana mo sa papa mo.” Ngumiti siya. “Sige, pag-aaralan ko. Alalayan mo ako.” Pinisil nito ang kamay niya. “Sure, love. By all means.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD