15

1595 Words
KUNG hindi lang ikinokonsidera ni Celine ang legwork sa gaganaping kasal ay hindi na siya kukuha pa ng wedding planner. Kay Trina pa lang ay marami na siyang napulot na idea. Naging excited lalo ito sa pakikipag-usap sa kanya nang malaman nitong magpapakasal na sila ni Claudio. Tila buhay na nito ang pakikipagsosyalan kaya tinalo siya sa dami ng alam. Kungsabagay, aminado naman siyang promdi kahit na nga ba sosyal din siyang matatawag. Higit na malaki ang sirkulong ginagalawan ni Trina kumpara sa kanya. Instant best friends sila agad ni Trina. Inaya siya nito sa Glorietta nang sabihin ni Claudio na mayroon itong business partner na kailangang kausapin. Sabi ni Trina, wala silang papel sa business meeting na iyon kaya sa Glorietta na lang sila. May sariling pera si Celine pero isang debit card ang agad na ibinigay sa kanya ni Claudio. “Iyan ang gamitin mo kapag may gusto kang bilhin,” sabi nito sa kanya. “Baka sumagad sa limit ito,” tudyo niya. “There’s no need to worry. Sky’s the limit iyan,” nakangiti pang sabi nito. At bago sila naghiwalay ay hinagkan pa siya nito. Sumakay siya sa kotseni Trina. “Kakatuwa kayong tingnan, in love na in love kayo sa isa’t isa,” ani Trina. Magkatabi sila sa back seat sapagkat may personal driver ang babae. “Kami, in love?” pabiglang sabi niya. “Bakit, hindi ba?” tanong naman nito agad. Hindi siya agad nakasagot. “I’m curious,” sabi uli ni Trina. “May iba bang dahilan ang pagpapakasal ninyo?” Sandali siyang nag-isip kung sasabihin kay Trina ang totoo. Ngayon lang niya nakilala ang babae pero malakas ang kutob niyang magiging mabuti silang magkaibigan. Pahapyaw niyang binanggit ang tungkol sa paghahabol niya sa manang kay Claudio napunta. “Ganu’n?” react ni Trina mayamaya. “Parang script iyan, ah? Meron pa palang ganyan ngayon?” “Totoo ang kuwento ko, Trina,” aniya. “I believe you naman, pero alam mo, mas naniniwala akong in love kayo ni Dio sa isa’t isa.” Natawa na lang siya. “Dati kaming mag-on. Pero matagal na iyon. Kaya kami magpapakasal ngayon ay dahil nga sa bahay at lupang hinahabol ko.” “Uh, wow! An old flame rekindled,” kinikilig na wika nito. “Hindi ako manghuhula pero malakas ang kutob ko na in love kayo sa isa’t isa.” Inabot nito ang kanyang kamay. “Look at your ring. Ang taray ng bato. Bigay ba iyan ni Dio?” “Engagement ring ko.” “He must really love you. Kuripot ang lokong iyon kahit mayaman na. Ang dami niyang naging girlfriend pero puro Russian diamonds ang inireregalo.” Natawa siya. “Kilala mo ang mga babae niya?” “Iyong iba, oo. Huwag mong isipin ang mga iyon. Mga fling lang iyon.” “Wala siyang seryosong girlfriend?” “Wala akong maisip. Si Arianne na ang pinaka-clinging vine sa lahat pero sa tingin ko ay hindi rin naman seryoso si Dio sa kanya. She’s just one of those.” Arianne. Mabilis tumimo sa isip niya ang pangalang iyon. Inilibre siya ni Trina ng lunch sa Red Crab. At habang kumakain ay ang tungkol sa kanilang kasal ang paksa nila. “Kaibigan ko si Randy Ortiz. Sa kanya ka magpagawa ng gown, hindi ka magsisisi. Magaling siya. Sulit ang halagang ibabayad mo.” “Baka mahal?” Tumawa si Trina. “Oo, mahal talaga. Huwag mong isipin ang presyo, si Claudio ang bahalang sumakit ang ulo doon. Tayong mga bride, taga-dikta lang tayo ng mga gusto natin sa kasal natin. Ang groom ang bahalang magbayad. After this, ano ang gusto mo, shopping o puntahan na natin iyong kilala kong wedding planner?” “Doon na lang sa wedding planner. Pagbalik namin sa San Ramon, tiyak na tatanungin ako nina Auntie ng tungkol doon.” “Relax. Kapag nakausap mo si Gina, iyong wedding planner na sinasabi ko sa iyo, wala ka nang iisipin pa. Kahit out-of-town wedding ang plano ninyo, walang problema. Siya na ang bahala sa lahat. Magbu-beauty rest ka na lang para blooming na blooming ka sa kasal ninyo.” Ngumiti siya. “Thank you, Trina.” “It’s nothing. By the way, babalik na ba kayo agad ni Dio sa San Ramon?” “Hindi ko alam sa kanya.” “Alam ko na, I’ll throw a dinner party tonight. Tatawagan ko ang iba pang kaibigan niya para makilala mo rin. Mamayang gabi, sa bahay na kayo mag-dinner.” At bago pa siya nakaimik, nagsimula nang dumayal si Trina sa cellphone nito. OVERWHELMED si Celine sa nangyayaring dinner party sa bahay ni Trina. Lalo siyang naging bilib sa babae. Nang gabi ring iyon ay naging kumpleto ang mga kaibigan ni Claudio na pamilyar lamang sa kanya sa pangalan. Nakilala niya si Joaquin na siyang asawa ni Trina. Si Pedro, Hector at Isagani ay mainit ang pagsaludar sa kanya sa kabila ng maraming kantiyaw na ipinupukol ng mga ito kay Claudio. It turned out na nagkansela ang mga ito ng ibang appointment nang ianunsyo ni Trina na ikakasal na si Claudio. Ang lahat ay pawang sabik na makilala ang babaeng pakakasalan ng binata. Proud na proud naman ang pakiramdam ni Celine dahil proud din naman si Claudio sa pagpapakilala sa kanya sa mga kaibigan nito. Palaging nakakawit ang braso nito sa kanyang bewang. “Si Nate na lang ang kulang. Walanghiyang iyon, late na naman,” sabi ni Isagani. “Alin sa dalawa, hindi makaalis sa isinusulat niya o nagtitimpla siya ng dede,” sabi ni Hector. “Baka kamo hindi siya makaalis sa dede,” sabi ni Joaquin. “Utak-berde ka na naman. Mamaya ako na naman ang kukulitin mo,” pabirong sabi ni trina sa asawa. “Celine, pamilyar ba sa iyo ang pangalang NR Cordero?” “Oo naman,” mabilis na sagot niya. “Writer iyon, di ba? Nakikita ko palagi ang mga libro niya sa National.” “Si Nate iyon,” ani Pedro. “Talaga? International bestseller iyon. Big time,” impressed na sabi niya. “Lahat ng lalaki dito, big time,” sabi ni Trina. “Kita mo iyang si Pedro? Bill Gates of the Philippines iyan. Si Isagani, sportsman iyan. Dami na niyang pera ng palaro-laro lang.” “Trina, pinaghihirapan ko rin ang laro,” depensa ni Isagani. “Wala kang hilig sa sports, ‘no? Hindi ako pamilyar sa iyo, eh,” baling sa kanya ng lalaki. “Shopping ang hilig niya kaya panis ka sa kanya,” si Claudio. “Patay na,” eksaheradong wika ni Joaquin at inakbayan si Trina. “Kaya pala magkasundo agad itong asawa ko at si Celine, eh. Shopping pala.” Bigla itong umigtad nang kurutin ni trina sa tagiliran. “O, Hector, walang nag-build up sa iyo. Ikaw na bumuhat ng sarili mong bangko,” tudyo ni Pedro sa katabing lalaki. “Humble ako. Hindi ko ipagmamayabang na hindi ako nawawalan ng kontrata sa ARAMCO. Noong isang linggo lang, nagpirmahan kami ng kontrata. Multi-million- dollar-worth contract.” Binatukan ito ni Isagani. “Humble ka pa ng lagay na iyan, ha?” Nagkatawanan silang lahat. Mayamaya ay dumating si Nate. Katakot-takot na kantiyaw ang inabot nito palibhasa ay huling dumating. Ipinakilala siya ni Claudio dito. “Pati sa kasal, panggagantso yata ang style mo,” pabirong sabi ni Nate matapos na kaswal na nakipagkilala sa kanya. “Medyo,” pakikisakay na lang niya. Madali siyang naging kumportable sa grupong iyon dahil na rin sa mainit na pagsaludar ng mga ito sa kanya. “Yaman din lang at kumpleto na kaming anim na magagandang lalaki, dapat na ang pag-usapan ay ang stag party,” sabi ni Isagani. “Excuse us, ladies. Hindi muna kayo kasali.” Kunwa ay umirap si Trina. “May kilala akong belly dancer. They can dance for all of you, guys.” “Trina, please. Hayaan mong kami ang mag-organize ng party. For-the-boys ‘to,.” Bohemyong sabi ni Gunny. “Oh, well, kayong bahala. Joaquin, be good, okay?” anito sa asawa. Natawa ang lalaki. “Hon, planning stage pa lang ito. Remind me again kapag stag party na mismo.” Hinila siya ni Trina sa kusina. “Ibigay lang natin ang hilig. Mababait naman ang mga iyan lalo na at tulog. Malalim ang pinagsamahan ng mga iyan. Ilang taon din silang tumira sa ampunan.” Tumitig ito sa kanya. “Alam mong galing sa ampunan si Dio, di ba?” Tumango siya. “Hindi naman problema kung ampon lang siya, hindi ba? Si Joaquin, mula ulo hanggang paa kung laitin ko noon sa pagiging ampon niya but when I fell in love with him, it didn’t matter anymore. Ang mahalaga ay ang pagkatao niya mismo.” “O-oo nga.” Sumulyap siya sa bahagi ng sala. Malakas ang tawanan ng mga lalaki subalit hindi niya naiintindihan ang usapan. Walang dudang nagkakasayahan ang mga iyon. “Hayaan mo, magkakaroon tayo ng ladies party. Makikilala mo rin sina Hannah at Sari. Si Hannah ang asawa ni Nate at si Sari naman ay kay Pedro. Okay ang dalawang iyon. If you want, I’ll throw a bridal shower for you.” “Naku, huwag na, nakakahiya naman.” “Tumigil ka. Walang nakakahiya. Kung halos magkakapatid na ang turingan ng mga lalaking iyan, dapat ay ganoon din tayong mga partners nila. Just tell me kung kailan kayo babalik ni Dio ng Maynila at ihahanda ko ang party.” “Thanks, Trina.” “Thanks na naman,” nakangiting wika ng babae at inikot ang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD