Matapos ang pagsigaw ng CEO ng ABC Publishing House ay agad na nagtungo ito sa kaniyang opisina. Naiwang tulala at kabado ang dalagang si Isabela. Halos ipagsigawan na niya na sana ay lamunin na lamang siya ng lupa dahil sa kahihiyang nangyari sa kaniya sa unang araw pa lamang ng kaniyang trabaho. Lalo pa at naririnig niya ang mahihinang tawa ng kaniyang mga katrabaho. Hindi ito ang inaasahan niyang mangyayari sa unang araw ng kaniyang trabaho.
“Ms. Isabela, kung ako sa ‘yo ay pupuntahan ko na si Mr. Marasigan. Ayaw na ayaw pa naman niyang pinaghihintay siya,” nakangising bulong sa kaniya ni Ms. Luisa.
Doon siya parang natauhan kaya agad siyang tumalima at mabilis na naglakad papunta sa opisina ng kaniyang boss. Bago siya pumasok ay napadako ang tingin niya sa table na malapit sa pintuan ng opisina ni Mr. Marasigan. Kung hindi lamang sana siya na-late ay baka matiwasay na siyang nakaupo sa table na iyon at nagtatrabaho. Ngunit dahil sa likas niyang kabaitan ay kailangan niyang harapin ang consequence ng naging desisyon niya kanina.
Huminga siya ng malalim bago kumatok ng tatlong beses sa pintuan ng opisina ng CEO. Nanginginig ang kanang kamay niya nang marahan niyang buksan ang pintuang mas mahal pa yata sa kanilang buong bahay.
“Sir--”
“I am giving you one minute to explain yourself. Why are you late?” pagputol ni Mr. Marasigan sa sasabihin sana ni Isabela.
Hindi niya magawang makatingin ng deretso sa kaniyang boss dahil ayaw niyang makita nito ang sobrang kabang nararamdaman niya. Dinaig pa niya ang isang estudyanteng nagde-defend ng thesis sa harap ng mga panelist.
“I’m sorry Mr. Marasigan,” ang tanging nasabi na lamang niya. Nais niyang ipaliwanag sa binata ang buong nangyari ngunit natatakot siyang hindi nito maintindihan ang rason niya. Natatakot siyang magsalita pa na maaaring mas lalong makapagpahamak sa kaniya.
“That’s all you would say?” hindi makapaniwalang tanong naman ni Mr. Marasigan. Napakalamig ng boses nito na halos tumagos na sa buto niya. Mas lalo niyang naramdaman ang panginginig ng mga tuhod niya at anumang oras ay papatak na ang mga luha niya.
Narinig niya ang mahihinang yabag na palapit sa kaniya. Alam niyang si Mr. Marasigan iyon kaya nanatili lamang siyang nakatingin sa sahig ng opisina habang hinihintay ang mga maaaring sabihin pa ng binata. Ayaw man niyang mag-isip ay nais na niyang ihanda ang sarili na baka ito na rin ang huling araw niya sa kumpanyang ito.
“Now I wonder if your Punctuality Award is true.”
Nanlaki ang mga mata ni Isabela at agad siyang napatunghay dahil sa narinig. Mas lalong nanlaki ang kaniyang mga mata nang iilang pulgada lamang ang agwat ng mukha ni Mr. Marasigan sa mukha niya. Hindi niya magawang kumurap at napatuon lamang ang kaniyang tingin sa perpektong mukha ng binata. Doon niya lamang napagmasdan ng malapitan ang lalaki kaya naman hindi niya mahagilap kung nasaan na ang katinuan ng kaniyang isipan.
“P-po?” nauutal niyang sambit sapagkat hindi na niya matandaan ang huling sinabi ni Mr. Marasigan.
“Nakalimutan mo na bang naglagay ka sa resume mo na nakakuha ka ng Punctuality Award noong college ka?” dere-deretsong tanong ng binata na hindi man lang nag-abalang lumayo sa kaniya kaya naman amoy na amoy niya ang pabango nito.
Hindi niya maintindihan kung bakit nabanggit ito ng boss niya. Masyado siyang nadi-distract sa mukha ng binata kaya hindi na magawang mag-function ng kaniyang utak.
“So tell me, Ms. Isabela Manalo, bakit na-late ang isang babaeng nakakuha ng Punctuality Award?”
Hindi niya alam kung matatawa ba siya o maiinsulto sa narinig. Wala naman kasi siyang balak na isama pa sa resume niya ang ganoong achievement, ngunit dahil sa kagustuhang makahanap na ng trabaho ay inilagay na niya ang lahat ng award na natanggap niya noon, maliit man o malaki. At hindi niya inaasahan na matatandaan pa iyon ni Mr. Marasigan, at ngayon nga’y nakukwestiyon pang lalo ang pagka-late niya. Mas lalo pa siyang nalagay sa alanganin dahil sa paglalagay niya ng mga pabida niyang award noon.
Medyo nakahinga siya ng maluwag nang lumayo na sa kaniya ang boss at bumalik na ito sa swivel chair nito. Ngunit ramdam naman niya ang matatalim na tingin ng binata.
“I hate waiting Ms. Isabela,” walang emosyong sambit ng binata ngunit ramdam na ramdam naman ni Isabela ang galit nito.
“Sorry po talaga Mr. Marasigan. Hindi na po mauulit, promise po,” mahina niyang sambit.
Isang malakas na hampas sa lamesa ang nakapagpagulat sa kaniya. Lakas loob niyang tiningnan si Mr. Marasigan ngunit nakatalikod na ito sa kaniya kaya hindi niya makita ang ekspresyon ng mukha nito. Ngunit kahit naman hindi niya makita ito ay alam niyang galit ang boss niya. Nakakapagtaka lamang na hindi ito agad nagpakita ng emosyon kanina. At nakakapagtaka na pinapahaba pa nito ang usapan nila gayung ramdam naman niyang aalisin na siya sa trabaho.
“Go to your table. Make sure to finish all of your works because I have a meeting at 2pm, and you will join me,” malamig na sabi pa ng binata.
“Okay po Sir.” Iyon na lamang ang sinabi niya at tahimik siyang lumabas ng opisina. Hindi niya inaasahan ang mga salitang iyon kaya naman labis ang pagtataka niya. Kahit na mabilis pa rin ang t***k ng puso niya ay gusto na niyang maghihiyaw sa tuwa sapagkat hindi siya tinanggal sa trabaho.
Agad na naupo si Isabela sa kaniyang upuan at saka nagpakawala ng buntong hininga. Nanlalambot ang kaniyang mga tuhod at nang makita niya ang ilang pile ng mga papel ay mas lalo siyang nanlambot. Mahaba-habang trabaho ang nag-aabang sa kaniya at kailangan pa niyang matapos ito bago mag-alas dos ng hapon. At ang mas ikinakaba niya ay hindi niya alam kung paano ito sisimulan. Wala man lang kasing nagturo sa kaniya ng mga dapat niyang gawin kaya hindi niya malaman kung paano magsisimulang magtrabaho.
Napapitlag siya ng isang tasang kape ang bigla tumambad sa may table niya. Agad niyang tiningnan ang taong nagbigay nito at isang lalaking nakasalamin ang bumungad sa kaniya. Kahit na nakasalamin ito ay hindi maitatago niyon ang angking kagwapuhan ng binata.
“Batid kong hindi maganda ang unang araw ng trabaho mo, kaya dinalhan kita ng kape, pampakalma,” malumanay na sabi sa kaniya ng binata.
Alanganin naman siyang ngumiti. “Hindi ba mas lalo akong kakabahan dahil diyan?”
Napaayos ang binata sa salamin nito na tila na-realize ang kaniyang sinabi. Parang nakonsensya naman si Isabela sapagkat nagmagandang loob na nga sa kaniya ang lalaki.
“But thanks anyway. Kailangan ko nga talaga ng kape ngayon,” nakangiting dugtong niya upang mabawasan naman ang pagka-awkward sa pagitan nila ng lalaking hindi pa niya alam kung anong pangalan.
“Hindi na kita tatanungin kung napagalitan ka ni Sir dahil sure na iyon. Pero huwag ka sanang masyadong magpapaapekto. Mabait naman ang boss natin. Suplado at masungit lang talaga,” mahinang sabi sa kaniya ng binata.
Muling nagpakawala ng malalim na buntong hininga si Isabela. “Ang panget lang kasi na first day ko tapos late pa ako ng isang oras. Kung sa iba iyon ay marahil tanggal na agad ako.”
“See? Hindi basta basta nagtatanggal ‘yan si Sir Marasigan.”
Napangiti si Isabela habang deretsong nakatingin sa binata. Hindi niya akalain na may makakausap agad siyang katrabaho at nagpapasalamat siya sapagkat mukhang mabait ito.
“I’m sorry. Ang dami ko nang nasabi sa ‘yo na hindi man lang ako nakakapagpakilala. I am Lucas Sarmiento, and you are?” nakangiting sabi ng lalaki habang nakalahad ang kanang kamay nito.
“I’m Isabela Manalo,” agad niyang sambit at nakipagkamay sa binata.
“Ako ang magte-train sa ‘yo dahil ako lagi ang nagiging pansamantalang secretary ni Sir kapag nagtatanggal siya secretary niya. Don’t worry, matatapos natin ang mga trabaho mo ngayon. Tutulungan kita.”
“Naku, maraming salamat Lucas. Iyan nga ang pinoproblema ko ngayon dahil first job ko ito kaya wala pa akong kaalam-alam. At isa pa, kailangang matapos ko lahat bago mag-2pm dahil may meeting daw si Sir,” alanganing sabi ni Isabela.
Medyo nakahinga siya ng maluwag sapagkat may magte-train pala sa kaniya. Hindi na siya masyadong mamomroblema kung paano magsisimula.
“Okay sige. Tutulungan kita ngayon. Pero simula bukas, you’re on your own. May mga na-pending kasi akong trabaho ko talaga,” sabi naman ni Lucas.
Marahang napatango naman si Isabela. “Oo sige. Malaking tulong na ang pagte-train mo ngayong araw,” nakangiting sabi naman niya.
Ayos na sa kaniya ang isang araw na may magtuturo sa kaniya ng mga dapat niyang gawin. Mabilis naman siyang matuto at sa tingin niya ay kaya na niyang mag-isa simula bukas. Ang kailangan na lang niyang aralin ay kung paanong hindi siya mapapagalitan ng masungit niyang amo. Kailangan niyang aralin ang mga mood nito at kung paano niya pakikisamahan ito upang maging matiwasay ang trabaho niya bilang isang secretary.
“Are you done talking to each other?”
Pareho napapitlag sina Isabela at Lucas nang magsalita mula sa may pintuan ang kanilang boss na si Mr. Marasigan. Sabay silang lumingon dito at sinalubong ang mga matatalim na tingin ng binata.
“Sir Marasigan, ite-train ko po si Ms. Isabela sa trabaho niya ngayon,” plain na sabi ni Lucas na tila hindi man lang natakot o kinabahan sa presensya ng amo nito. Ganoon yata talaga kapag matagal nang nagtatrabaho at hindi na makapaghintay si Isabela na dumating ang araw na ganoon din siya, na wala nang epekto sa kaniya ang presensya ng isang Uno Ichiro Marasigan.
“Ituro mo na rin sa kaniya kung paano pumasok ng maaga. Ayokong nauuna pa ako sa sekretarya ko, at alam mo ‘yan Lucas,” malamig na sambit naman ni Mr. Marasigan.
Napakagat labi si Isabela dahil sa narinig. Bad impression agad ang tumatak sa kaniyang amo at hindi niya alam kung paano iyon mababago. Natatakot siyang baka mapag initan siya lagi dahil lang sa isang pagkakamali.
“Yes po Sir,” mabilis na sagot ni Lucas.
Tumalikod na si Mr. Marasigan at akmang papasok na ulit sa kaniyang opisina. Ngunit bigla itong natigilan.
“One more thing..”
Muling humarap si Mr. Marasigan sa dalawa na nakatingin pa rin pala sa kaniya. Una niyang tiningnan si Lucas at pagkatapos ay tumingin kay Isabela na hindi na maipinta ang mukha.
“Stop chit-chatting. Go back to work and finish all the papers before 2 pm.”