Maagang gumising si Isabela sapagkat ayaw niyang ma-late sa unang araw ng kaniyang trabaho. Kahit na sobrang kahihiyan ang nangyari sa mall kahapon ay kakapalan na lamang niya ang kaniyang mukha upang humarap sa kaniyang bagong boss na si Uno. Mas mahalaga pa rin ang kaniyang trabaho kaysa sa kahit na ano pa. Pipilitin na lamang niyang ibaon sa limot ang nangyari sa mall.
"Isabela, anak, nakahanda na ang almusal pati na rin ang baon mo," nakangiting sabi ng kaniyang ina nang makalabas siya ng kaniyang kwarto.
Isang matamis na ngiti naman ang kaniyang iginanti sa ina. Ngunit agad na napawi ang ngiting iyon ng mapadako ang kaniyang tingin sa munti nilang lamesa na niluma na ng matagal na panahon. Dalawang pirasong pandesal at isang tasang kape na singputla ng kaniyang ina ang nakapatong sa lamesa.
"Nag-almusal na po ba kayo, Inay?" magalang niyang tanong sa kaniyang ina.
"Oo anak. Kaya kumain ka na sapagkat mahabang araw ang naghihintay sa 'yo sa trabaho mo," nakangiting sagot naman ng ina.
Lihim na napabuntong hininga si Isabela. Alam niyang nagsisinungaling ang kaniyang ina. Marahil ay dalawang pandesal lamang ang kinayang bilhin nito kung kaya't iyon lamang ang nakahain. Kilalang kilala na niya ang kaniyang ina na lagi siyang inuuna. Sinisigurado kasi nito na kahit kapos sila ay hindi siya nito hinahayaang magutom.
Isang ngiti muli ang sumilay sa labi ni Isabela at saka ibinalik ang tingin sa ina. "May libre pong almusal sa opisina, Inay. Doon na lang po ako kakain," pagsisinungaling niya sapagkat hindi naman niya alam kung may pagkain nga bang naghihintay sa kaniya sa opisina.
"Sigurado ka ba anak?" kunot noong tanong naman ng kaniyang ina.
"Opo, Inay. Kumain na po kayo dyan. Aalis na rin po ako sapagkat baka mahuli pa ako," masiglang sabi naman niya.
Marahan namang napatango ang kaniyang ina. "Mag-iingat ka, Isabela," ang tanging nasabi na lang nito.
Humalik si Isabela sa pisngi ng kaniyang ina at saka ito lumabas ng bahay. Napagpasyahan na niyang maglakad na lamang papunta sa opisina dahil maaga pa naman. Mas matitipid pa niya ang perang itinabi niya na balak niyang ipaabot hanggang sa unang sweldo niya.
Magkahalong saya at kaba ang nararamdaman niya habang tinatahak ang daan papunta sa ABC Publishing House. Masaya siya sapagkat may trabaho na siya ngunit kinakabahan siya dahil sa hindi niya malimutan ang huling sinabi sa kaniya ng boss niya kahapon. Hindi niya malaman kung nagbabanta ba ito o nagbibiro lamang.
Nakailang buntong hininga na siya, nagbabaka sakaling maiibsan ang kabang nararamdaman. Ngunit habang papalapit siya ng papalapit sa building ng opisina ay mas lalo lamang bumibilis ang t***k ng puso niya. Mas kabado pa siya kumpara sa naganap na interview kahapon.
Hanggang sa makarating siya sa may pwesto kung saan nakita niya ang matandang manghuhula kahapon. Nandoon pa rin ang matanda at mukhang nagliligpit na ito ng kaniyang mga gamit. Hindi napigilan ni Isabela na lapitan ang matanda upang kumustahin.
"Lola, kumusta po?" masayang bati niya sa matanda.
Tumingin ang matanda sa kaniya na nakakunot pa ang noo, waring kinikilala siya nito. At makalipas ang ilang sandali ay bahagya itong napangiti.
"Ikaw pala 'yan, Hija. Gusto mo bang magpahula ulit?" magiliw na tanong nito sa kaniya.
Marahan namang umiling si Isabela. "Naku, hindi po. Kukumustahin ko lang po sana kayo. Mukhang nagliligpit po kayo ng inyong gamit."
"Ah oo Hija. Matumal kasi dito sa pwesto ko. Walang balak magpahula sa akin kaya balak ko sanang lumipat ng pwesto," nakangiting sagot ng matanda.
Nilibot ni Isabela ang tingin sa mga gamit nito, isang maliit na lamesa, dalawang upuan at isang bag na malaki. Alanganin siyang ngumiti at saka sumulyap sa kaniyang relo. May sampung minuto na lamang siyang natitira bago sumapit ang alas otso ng umaga. Hindi kasi siya nagmadali sa paglalakad dahil alam niyang may sapat pa siyang oras sa pagpasok.
Ngunit hindi niya kayang iwanan ang matanda sa ganoong kalagayan. Hindi niya maisip kung paanong mabubuhat ng mumunting katawan nito ang lahat ng gamit. Wala rin naman siyang sapat na pera upang kumuha ng taxi para sa matanda.
"Lola, saan niyo po ba balak na lumipat ng pwesto?" magalang niyang tanong sa matanda.
"May nakapagsabi sa akin na may malapit daw na mall dito. Doon ko sana balak pumwesto dahil mas maraming tao doon na maaaring magpahula sa akin," sagot naman ng matanda.
Marahang napatango naman si Isabela. Kung tutuusin nga ay mas maganda ang pwesto doon. At isa pa, hindi gaanong mainit sa malapit sa mall. Malaking kagaanan sa matanda kung doon nga ito pupwesto.
"Hala sige Hija. Mauuna na ako dahil tumataas na ang araw," dugtong na sabi pa ng matanda habang isinusukbit nito ang malaking bag na sa tingin niya ay mabigat pa.
Napakagat sa labi niya si Isabela at saka nagpakawala ng malalim na paghinga. Tinuruan siya ng kaniyang ina na maging matulungin lalo na sa mga maeedad na kaya ganoon na lamang ang pag-iisip niya. Kung tutulungan niya ang matanda ay paniguradong mahuhuli siya sa unang araw ng kaniyang trabaho. At kung hindi naman niya ito tutulungan ay babaunin naman niya ang konsensya sa isipan niya.
Bahala na, aniya sa isip.
"Sige po Lola. Tulungan ko na po kayo. Ako na po ang magdadala ng bag niyo," nakangiting sabi niya sa matanda.
"Sigurado ka ba Hija? Baka mahuli ka sa iyong trabaho," alanganing sabi naman sa kaniya ng matanda.
Marahan naman siyang umiling. "Sige na po. Tulungan ko na po kayo Lola," nakangiting sabi naman niya.
"Maraming salamat, Hija."
Kinuha ni Isabela ang malaking bag ng matanda at tama nga ang hinuha niya, mabigat ito. Binuhat din niya ang lamesa habang ang matanda naman ay binuhat ang dalawang upuan. Magaan lang naman ang mga upuan kaya hinayaan na niya. Nais sana niyang sumakay ng jeep upang mas madaling makarating sa mall ngunit sa ganitong oras ay punuan na ang mga jeep. Kung kaya't wala siyang choice kundi ang maglakad papunta doon.
"Ayos lang po ba kayo Lola? Mahirap na po kasing makasakay ng jeep kapag ganitong oras kaya kailangan po nating maglakad," sabi niya sa matanda.
"Naku Hija, ayos lang sa akin iyon dahil wala na rin akong ipapasahe. Laking pasasalamat ko nga sa 'yo sapagkat tinutulungan mo akong magbuhat," nakangiting sagot naman nito sa kaniya.
Isang matamis na ngiti ang ibinigay niya sa matanda. Masaya siyang natutulungan niya ito sa abot ng kaniyang makakaya kahit pa mas lalong nadadagdagan ang kaba sa kaniyang dibdib. Late na siya sa kaniyang trabaho at sana ay magawa siyang unawain ng kaniyang boss kapag nagpaliwanag na siya.
Makalipas ang sampung minuto ay nakarating na sila malapit sa mall. Naghanap sila ng maganda at malilom na pwesto at saka inayos ang gamit ng matanda.
"Maraming maraming salamat talaga, Hija. Napakalaking tulong ang ibinigay mo sa akin," maluha luhang sabi sa kaniya ng matanda nang matapos silang mag-ayos.
"Walang anuman po iyon, Lola," nakangiting sagot naman niya.
"Hayaan mo at makakaganti rin ako sa kabutihan mo."
"Naku Lola, huwag na po kayong mag-alala. Mag-iingat po kayo lagi ha. Mauuna na po," sabi pa niya.
"Hala sige Hija. Salamat ulit at mag-iingat ka."
Marahang tumango si Isabela ngunit bago siya tuluyang umalis ay iniabot niya ang kaniyang baon sa matanda.
"Hija, kalabisan na itong tulong mo sa akin," mangiyak ngiyak na sabi sa kaniya ng matanda.
"Tanggapin niyo na po ito, Lola. Pagpasensyahan niyo na lang din po sana dahil iyan lang po ang nakayanan ko," nahihiyang sabi naman niya sapagkat ang kaniyang baon ay kanin at isang piraso ng itlog na nilabon pa.
Hindi na napigilan ng matanda na siya'y yakapin habang paulit ulit na nagpapasalamat sa kaniya. Napangiti naman siya sapagkat nakatulong siya sa matanda.
"Pagpalain ka ng Maykapal, Hija. Napakabuti ng iyong puso."
Bumitaw si Isabela at muling iniabot ang kaniyang pagkain. Tinanggap naman ito ng matanda na siyang ikinangiti niya.
"Sige po 'La. Mauna na po ako. Hanggang sa muli po nating pagkikita."
Kumaway pa siya sa matanda bago siya humakbang palayo. Nagpakawala siya ng buntong hininga at saka dali-daling naglakad. Halos takbuhin na niya ang kalsada hanggang sa makarating siya sa harap ng ABC Publishing House.
9:00 am. Isang oras na siyang late kaya naman mabilis siyang pumasok sa entrance ng building. Lahat ng empleyado ay sabay-sabay na tumingin sa kaniya at nagkataon pang nandoon din ang HR Manager na nangmata sa kaniya kahapon.
"Wow! Ms. Isabela Manalo, it's your first day and yet, you're one hour late," mataray na sabi sa kaniya ni Ms. Luisa na halatang ipinarinig pa sa lahat.
Napatungo siya sa kahihiyang nararamdaman. Ramdam niya ang tingin ng lahat at hindi na siya magtataka kung siya ang magiging laman ng mga usapan ng mga ka-trabaho niya. At tiyak na mas lalo siyang pag-iinitan ng HR Manager dahil dito.
"Ms. Isabela Manalo!"
Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya nang marinig ang boses ni Uno Ichiro Marasigan, ang kaniyang boss. Marahan siyang tumunghay at ang matatalim na tingin ng binata ang sumalubong sa kaniya. Hindi niya napansin na nasa ground floor din pala ang kaniyang boss.
"In my office. NOW!"