3

1930 Words
Dahil sa sobrang inis na nararamdaman ni Isabela ay hindi na muna siya dumeretso sa pag-uwi. Ayaw niyang madatnan siya ng kaniyang ina na balisa. Maayos na sana ang kaniyang araw ngunit dahil sa mga sinabi ng HR manager sa kaniya ay nasira na ito. Napagdesisyunan na lamang niyang pumunta muna sa mall upang magpalamig. At dahil nga ibinigay na niya sa matanda ang pera niya, naglakad na lamang siya patungo sa mall. Halos kinse minutos din siyang naglakad at pagkarating niya ay hinihingal na siya. Medyo nakakaramdam na rin siya ng gutom ngunit ipinagsawalang bahala na lamang niya. Pagkapasok pa lamang niya sa mall ay sa may bookstore na siya agad dumeretso. Isa ito sa libangan niya noong pumapasok pa lamang siya. Tumatambay siya sa mga bookstore upang magbasa ng mga librong gusto niyang mabili ngunit wala naman siyang pambili. Sa kada 15 minutes niyang pagtambay sa mga bookstore ay nakakatapos siya kahit papaano ng mga librong gustong gusto niya. Agad siyang pumunta sa may novels section at hinanap ang librong binabasa niya. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi niya ito makita. A Week with my Ex. Ito ang librong kasalukuyan niyang binabasa ngunit wala pala noon sa bookstore na ito. Ayaw pa naman niyang magbasa ng iba kapag hindi pa niya natatapos basahin ang librong iyon. Baka kasi maghalo halo na ang mga characters at scenario sa isipan niya kapag ginawa niya iyon. Lugmok siyang lumabas ng bookstore. Malayo pa kasi sa mall na ito ang susunod na bookstore na alam niya. At hindi na niya kakayanin pang lakarin iyon sapagkat masyado nang mainit. Hindi kasi siya nagdala ng extrang pera sapagkat gawain na talaga niya iyon. Upang mas makatipid siya ay sakto lang lagi ang dinadala niyang pera upang makaiwas siya sa biglaang gastos. Hindi naman niya kasi akalain na mapapadpad pa siya sa mall kaya ibinigay niyang lahat ang dala niyang pera sa matandang manghuhula. Hindi naman siya nagsisisi na nakapagbigay siya ng tulong dahil bukal sa loob niya iyon. Sa ngayon ay baka umuwi na lamang siya para masabi na niya sa kaniyang ina na may trabaho na siya simula bukas. Habang naglalakad ay patingin tingin si Isabela sa mga shop na nandito sa mall. Kung minsan pa nga ay namamangha na lamang siya sa mga magagandang damit na naka-display sa mga mannequin. Hindi na nga lang siya nag-abala pang pumasok sa mga shop dahil alam naman niyang mahal ang mga presyo ng bilihin doon. Nakuntento na lang siya sa patingin-tingin sa labas ng mga shop. Sa sobrang pagka-aliw niya ay hindi na niya napansin ang dalawang tao na makakasalubong niya. Hindi rin naman siya nakita ng dalawa dahil kapwa abala rin ito sa isa’t isa hanggang sa magkabungguan sila. Sa lakas ng impact ay napaupo na lamang si Isabela habang ang dalawa ay masamang tumingin sa kaniya. “Tumingin ka naman sa dinadaanan mo!” mataray na sambit sa kaniya ng babae. Napatingin siya sa dalawa at nanlaki ang mga mata niya nang makilala niya ang mga ito. Ang babae ay si Trisha, ang kaniyang pinsan na nakakaangat sa buhay at kaklase niya noong college. Ang lalaking kasama naman nito ay si Jonathan na boyfriend nito at ka-batchmate rin nila noong college. “O my gosh! Sa lahat naman ng pwedeng makakasalubong ay ikaw pa, Isabela,” pabulong na sabi pa ng kaniyang pinsan. Kahit kasi na magpinsan sila at magkaedad, magkalayong magkalayo naman ang loob nila sa isa’t isa. Mayaman kasi ang pinsan niya, palaayos, maganda at sexy, hindi katulad niya na isang hamak na simpleng babae lang. Noon pa man ay mainit na ang dugo sa kaniya ni Trisha sa hindi niya malamang dahilan. “Babe, hayaan mo na. Let’s go!” bulong naman ni Jonathan kay Trisha. Si Jonathan ang long-time boyfriend ni Trisha. Mayaman din ito at pogi, ika nga, full package na. Mabait sa kaniya si Jonathan ngunit hindi umuubra ang kabaitan nito sa pagiging amasona ni Trisha. Kaya kahit anong bait nito ay hindi ito nabigyan ng chance na makipagkaibigan sa kaniya. “Sandali Babe, gusto ko lang malaman kung anong ginagawa ng nerd kong pinsan dito,” sabi naman ni Trisha. Dahan-dahang tumayo si Isabela habang pinapakalma niya ang sarili. Kahit may pagkamaldita si Trisha ay ni minsan ay hindi niya ito pinatulan. Iyon kasi ang kabilin-bilinan ng kaniyang tiyahin sa kaniya. Malaki kasi ang utang na loob nilang mag-ina kina Trisha dahil ang kaniyang tiya ang tumulong sa kanila para magkaroon siya ng scholarship sa kolehiyo kaya siya ay nakapagtapos ng pag-aaral. Kaya kahit na ano pang sabihing panlalait ng pinsan ay tumatahimik na lang siya. “Pasensya ka na, Trisha,” iyon na lamang ang sinabi niya upang lubayan na siya ng dalawa. Hindi pa man siya nakakaalis sa kaniyang malditang pinsan ay may natanaw na naman siyang isang lalaki, si Ruel Castro. Sa kasamaang palad ay nakita siya nito kaya napakagat siya sa kaniyang labi. Hindi na niya hinintay pang magsalita si Trisha at agad na lumakad palayo. Narinig pa niyang tinatawag siya ng pinsan ngunit hindi na siya nag-abala pang lingunin ito. Binilisan niya ang paglalakad na halos takbuhin na niya ang mall. Hanggang sa marinig niyang tinatawag siya ni Ruel kaya kahit nasa public place siya ay tumakbo na lamang siya. Hindi kasi niya gugustuhin na maabutan pa siya ng binata. Si Ruel ang masugid niyang manliligaw simula noong highschool pa lamang sila. Hindi nga niya maintindihan kung bakit sobrang kulit ng binata gayung alam naman niya sa sarili niyang hindi siya kagusto-gusto. Minsan nga ay iniisip niya kung seryoso nga ba sa kaniya si Ruel o makulit lang ito sapagkat naaapakan niya ang ego nito. Maski sa kurso at eskwelahan ay sinundan pa siya nito, at sa halip na magustuhan niya ang binata ay mas lalo lang tumindi ang pagka-disgusto niya. At ang isa pang dahilan ay wala pa sa kaniyang isipan ang buhay pag-ibig niya. Ang tanging mahalaga sa kaniya ay ang maiahon sa kahirapan ang buhay nilang mag-ina. Hinihingal na siya at ramdam din niya ang panginginig ng mga tuhod niya. Tumigil siya sandali at sinilip ang kaniyang likuran at medyo nakahinga siya ng maluwag nang makitang hindi na siya hinahabol pa ni Ruel. Napahawak na lamang siya sa kaniyang tuhod habang hinahabol ang kaniyang paghinga. Wala pa siyang kain kaya mas lalo siyang nanlambot dahil sa pagtakbo. Kailangan na talaga niyang makauwi para makakain at makabawi ng lakas niya. “Isabela.” Nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan nang makita si Ruel na nakatayo na sa harapan niya. Hindi na niya magawang ihakbang paatras ang mga paa niya dahil sa sobrang gulat. Akala niya ay natakasan na niya ang binata ngunit nakatayo na ito sa harapan niya. “Ruel.” “Tinataguan mo ba ako, Isabela?” punong puno ng hinanakita na tanong sa kaniya ng binata. Napalunok siya at naiilang na tumingin sa binata. “Ruel, hindi ba’t sinabi ko na sa ‘yo na wala kang aasahan sa akin,” deretsong sabi niya. Ilang beses na niyang sinabi sa binata na wala itong pag-asa sa kaniya ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natitinag ang binata. Consistent pa rin ito sa panliligaw sa kaniya at hindi na niya alam kung paano ito iiwasan. “Buong akala ko ay hindi mo ako magawang sagutin dahil naka-focus ka sa pag-aaral mo. At ngayong graduate na tayo, nagbabaka-sakali lang ako ulit na mabigyan mo ng chance, Isabela,” seryosong sabi pa ni Ruel. Pinagmasdan niya ang binata. Pogi naman ito at may kaya rin sa buhay kaya nga nagtataka siya kung bakit ito nagtitiyaga sa kaniya. Ngunit kahit ano pang ipakita ng binata ay wala talaga siyang maramdaman na kahit na anong kilig. Kaya hanggang maaari ay ayaw niyang paasahin ito. Mabait si Ruel ngunit hindi niya nakikita ang sarili na minamahal ang binata. “I’m sorry Ruel,” sincere na sabi niya. “Bakit? May boyfriend ka na ba, Isabela? Sinabi ko sa ‘yo na hindi ako susuko hanggang alam kong wala kang ibang minamahal,” determinadong sabi naman ni Ruel. Napabuntong hininga si Isabela. “Oo, may boyfriend na ako kaya kung pwede lang ay tigilan mo na ako,”deretsong sabi naman niya. Hindi niya akalain na makakapagsinungaling siya upang mapatigil lamang ang binata. Ni minsan kasi ay wala pa siyang naging boyfriend. Ngunit kung ito ang tanging paraan para tigilan siya ni Ruel, magsisinungaling na lamang siya na boyfriend siya. Hindi nagsalita si Ruel bagkus ay tumingin ito sa bandang likuran niya. Hindi mabasa ni Isabela ang iniisip ng binata sapagkat blangko lang ang ekspresyon nito. “Siya ba ang sinasabi mong boyfriend mo?” seryosong tanong ni Ruel habang nakatitig pa rin sa may likuran niya. “A-ano?” nalilitong tanong naman ni Isabela. Humarap si Isabela upang tingnan ang kung ano o sino mang tinitingnan ng binata. Biglang bumilis ang t***k ng puso niya, at parang bigla na lamang nag-slow motion ang lahat ng makita niya ang isang binatang naglalakad palapit sa kaniya. Nakatingin din ito sa kaniya kaya ganoon na lamang ang panlalamig ng kaniyang buong katawan. Hanggang sa makita niya sa gilid niya si Ruel na mabilis na naglalakad para salubungin ang binata. Pipigilan na sana niya si Ruel ngunit huli na ang lahat sapagkat nagawa na nitong lapitan ang binata. “Ikaw ba ang boyfriend ni Isabela?” matapang na tanong ni Ruel sa binata. Kumunot naman ang noo ng binata at nagtatakang tumingin kay Isabela. Hindi alam ni Isabela ang gagawin sapagkat hindi niya inaasahang mangyayari ito. Naumid ang dila niya at hindi niya magawang makapagsalita. “Hindi ko alam kung totoo ngang may relasyon kayo, pero sa oras na mabalitaan kong sinaktan mo siya, babalik ako at babawiin siya,” dugtong na sabi pa ni Ruel. Muling humarap si Ruel kay Isabela at saka bumuntong hininga. “Hindi ko alam kung anong wala ako, Isabela. Pero nirerespeto ko ang desisyon mo at ang hiling ko lang ay sana masaya ka sa kaniya. Huwag kang mag-aalala dahil hindi na kita guguluhin pa,” seryosong sabi sa kaniya ni Ruel. Humakbang palayo si Ruel habang siya ay naiwan sa binatang inaakala ni Ruel na nobyo niya. Hindi niya magawang makatingin ng deretso sa binata dahil sa sobrang kahihiyang nagawa niya. “Did I just save you from that guy?” malagong na tanong sa kaniya ng binata. “Sorry po. Sorry po talaga Mr. Marasigan,” naiiyak niyang sabi sa binata. Sa dinami-dami ng lalaki sa mundo, bakit pa ang boss niya ang nakita ni Ruel at napagkamalang nobyo niya? Hindi niya tuloy alam kung anong gagawin, at the same time ay natatakot siyang mawalan na agad ng trabaho. Hindi pa man siya nakakapagsimula ay mate-terminate na agad siya. “Huwag niyo po sana akong tatanggalin sa trabaho. Pangako po, aayusin ko ang gulong nagawa ko,” dugtong na sabi pa niya. Hindi niya makita kung anong ekspresyon ng mukha ni Mr. Marasigan dahil wala siyang lakas ng loob na salubungin ang mga tingin nito. Mas lalong bumilis ang t***k ng puso niya at nagsisimula na ring mamawis ang mga kamay niya. "So iniligtas nga kita sa lalaking iyon?" pag-uulit pa na tanong ng binata. Marahan namang tumango si Isabela. Ayaw na niyang magsalita pa dahil baka lalong makadagdag pa sa mga pagkakamali niya. "Well, hindi ako likas na matulungin, Ms. Isabela. Lahat ng ginagawa ko ay may kapalit. So, I advise you to prepare yourself because one of these days," Humakbang palapit sa kaniya si Mr. Marasigan at inilapit ang labi nito sa may bandang tainga niya. "Maniningil ako."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD