Kumunot ang noo ni Mr. Marasigan nang marinig ang sinabi ni Isabela sa kaniya.
“May problema ba? Akala ko ba ay flexible ka at willing na matuto?” tanong pa ng binata sa kaniya.
Napahinga naman ng malalim si Isabela at napapunas sa pawis na namuo sa kaniyang noo. Mas lalo kasing bumilis ang t***k ng puso niya dahil sa tensyon na nararamdaman niya.
“Yes po. Akala ko po kasi ay Admin Staff ang in-apply-an ko,” alanganing sagot pa niya.
Marahan namang napatango si Mr. Marasigan. “Yes. Ngunit may natanggap na kami sa posisyon na iyon. Ang tanging open na lang ay ang Personal Secretary ko. So tinatanggap mo ba ang offer ko? Or kailangan kong maghanap ng iba pang aplikante?”
Marahang napalunok si Isabela. Hindi niya maaaring tanggihan ang trabahong ito sapagkat hindi biro ang maghanap ng trabaho para sa katulad niyang fresh graduate pa lang. Hindi naman siya katulad ni Ichiro na may nakaabang na negosyo agad kaya pagka-graduate pa lamang ay naging CEO na ito agad. Sa isang katulad niya ay kailangan talaga niyang magsimula sa mababa bago makamit ang isang mataas na posisyon sa kumpanya.
“S-sige po Mr. Marasigan. Tinatanggap ko po ang posisyon na inaalok niyo,” kinakabahan na sagot niya.
Bahala na, ito ang nasa isip niya. Hindi na siya magpapaka-choosy pa sa trabaho. Kailangan na agad niyang makapagsimula upang mapatigil na niya ang kaniyang ina sa pagtitinda sa gabi. Tumatanda na rin kasi ang kaniyang ina at ayaw na niya itong napupuyat pa.
“That’s good to hear,” kaswal na sabi ni Mr. Marasigan.
Tumayo ang binata at iniabot ang kamay nito sa dalaga. Agad din namang tumayo si Isabela upang tanggapin ang kamay ni Mr. Marasigan.
“Welcome to ABC Publishing House, Ms. Isabela Manalo.”
Nang maglapat ang kanilang mga kamay ay parang may kung anong kuryente ang dumaloy sa buong katawan ni Isabela. Hindi niya akalain na magagawa niyang hawakan ang kamay ng binata. Noong kolehiyo pa lamang kasi sila ay hanggang tingin lang siya sa binata. Nakokontento na siya sa simpleng sulyap lamang ngunit ngayon ay kaharap niya ito at nakamayan pa.
“Thank you po Sir Marasigan,” naiilang na sambit pa niya.
“You can go to HR office now for the contract signing. You can start tomorrow,” seryosong sabi ni Mr. Marasigan pagkatapos nilang mag-shake hands.
“Bukas po?” hindi makapaniwalang tanong pa niya.
“Yes Ms. Isabela. May problema ba? Bakit ba lagi ka na lang nagugulat sa mga sinasabi ko?” nagtatakang tanong pa sa kaniya ng binata.
“Ah ano po kasi. Akala ko ay bibigyan niyo po ako ng allowable days para maasikaso ko ang mga papel ko,” sagot naman niya.
“Don’t worry. Ang HR na ang bahala sa mga kailangan mo. Mas kailangan ko ng secretary as soon as possible so be here tomorrow, 8:00 am sharp. I need you Ms. Isabela, so please be here."
Halos mabingi na si Isabela dahil mas lalong lumakas ang t***k ng puso niya. Simple lang naman ang mga sinabi sa kaniya ni Mr. Marasigan ngunit bolta-boltaheng kuryente na ang naidulot nito sa kaniya. Pakiramdam din niya ay kakapusin siya ng hininga kapag nagtagal pa siya sa apat na sulok ng opisinang iyon.
“Y-yes Sir," nauutal niyang sabi.
“Sige na. Go to the HR office now. And see you tomorrow Ms. Isabela.”
Marahan siyang tumango at saka tahimik na lumabas ng opisina ni Mr. Marasigan. Nagpakawala siya ng buntong hininga nang makalabas siya ng opisina. Medyo gumaan ang pakiramdam niya dahil nabawasan ang tensyon na nararamdaman niya. Katabi lang naman ng opisinang iyon ang HR office kaya mabilis siyang nakarating doon.
“Come in Ms. Manalo,” nakangiting sabi sa kaniya ng HR Manager.
Nakangiting pumasok naman si Isabela sa opisina at naupo sa may harap ng table ng manager. Napansin niya ang pangalang nakapatong sa table nito. Ms. Luisa Bautista.
“Sa tingin ko naman ay nasabi na sa ‘yo ni Mr. Marasigan ang posisyon na inaalok namin sa ‘yo,” panimulang sabi ni Ms. Luisa.
“Opo. Personal Secretary po,” magalang na sagot naman ni Isabela.
May kinuha ang HR Manager na isang folder sa drawer niya at pagkatapos ay tumingin ito sa kaniya.
“Tatapatin na kita Ms. Manalo. Hindi ko alam kung anong nagustuhan sa ‘yo ni Mr. Marasigan at ikaw ang napili niyang maging secretary niya. Ang gusto kasi ni Mr. Marasigan ay mga magaganda at sexy na secretary, pero not to offend you ha, hindi ikaw ang babaeng iyon.”
Nawala ang mga ngiti sa labi ni Isabela. Hindi niya gusto ang tono ng pananalita ng HR Manager sa kaniya. Pakiramdam niya ay nilalait siya nito dahil sa itsura niya.
“Mukha ka namang matalino, Ms. Manalo. Alam mo naman na siguro ang sinasabi ko, hindi ba?” dugtong na sabi pa ng dalaga.
“Ano pong ibig niyong sabihin?” ang tanging natanong na lamang niya.
Isang ngisi ang ipinakita ni Ms. Luisa. Ipinatong nito ang folder sa table at inilapit sa kaniya. “Nasa sa ‘yo pa rin naman ang desisyon. Pipirmahan mo ang kontrata o tatanggihan mo ito.”
Kumunot ang noo ni Isabela. “At bakit ko naman po tatanggihan ang trabaho?”
“Dahil katulad ng sinabi ko sa ‘yo, hindi ikaw ang nararapat na maging secretary ni Mr. Marasigan,” mabilis na sagot naman ni Ms. Luisa.
Marahang napailing si Isabela. Hindi niya akalain na may tinatago palang ganitong ugali ang HR Manager. Mataas nga ang posisyon ngunit napakababa naman ng pag-uugali. Sa mga ganitong pagkakataon ay sanay na sanay na siya. Buong highschool at college kasi ay lagi siyang nakakatanggap ng mga panlalait dahil sa itsura at pananamit niya. Kalimitan pa nga ay binabansagan siyang nerd ng school.
Kinuha niya ang folder na naglalaman ng kontrata at agad na pinirmahan iyon. Pagkatapos ay ibinalik niya ito sa dalaga at saka marahang ngumiti.
“Pasensya na po Ms. Luisa ngunit sa pagkakaalam ko po ay si Mr. Marasigan ang nag-hire sa akin kaya siya lamang ang may karapatang magsabi kung nararapat ba ako o hindi na maging secretary niya. So, I think we’re done here. Excuse me.”
Tumayo na si Isabela at akmang lalabas na ngunit biglang nagsalita pa ang HR Manager na ikinatigil niya.
“Pagsisisihan mo ang pagsagot mo sa akin Manalo. Hindi ka pa man nagsisimula sa trabaho mo ay binabastos mo na ako. Tandaan mo, ako ang HR Manager. At sisiguraduhin kong hindi ka magtatagal sa kumpanyang ito,” nagbabantang sabi pa sa kaniya ni Ms. Luisa.
Hindi na siya nagsalita pa dahil kahit papaano ay ginagalang pa rin niya ang HR Manager. Walang imik na lumabas na lamang siya ng opisina. Pinagtinginan pa siya ng ibang staff sa publishing house kaya mabilis siyang naglakad palabas ng building.
Isang buntong hininga ang pinakawalan niya. Hindi pa man siya nakakapag-umpisang magtrabaho ay mukhang alam na niya ang magiging lagay niya sa kumpanyang iyon. Ngunit gayunpaman ay hindi na niya iyon iisipin pa. Ang mahalaga ay may trabaho na siya at mapapatigil na niya ang kaniyang ina sa pagtitinda ng penoy at balut. Kayang kaya naman niyang tiisin ang pangmamaliit ng mga tao sa kaniya. Ang hindi niya kayang tiisin ay ang pagpapakapagod at pagpapakapuyat ng kaniyang ina para lamang maitaguyod ang pang-araw araw nilang pangangailangan.