MAALIWALAS na umaga ang bumungad kay Pinky pagkamulat pa lang niya ng kanyang mga mata. Lalo pang umaliwalas ang kanyang mukha nang makita ang kanyang kagandahan sa malaking salamin. Endangered species nga talaga ang lahi nila! May labis pero walang kulang.
Agad niyang inihanda ang kanyang sarili saka bumaba para mag-almusal. Katulad ng inaasahan ay naabutan niya ang daddy at inang reyna niya roon.
"Good morning," masiglang bati niya. Nagtaka siya nang hindi man lang siya tinapunan ng tingin ng daddy niya. Tanging ang inang reyna niya lang ang bumati sa kanya.
"Dad? Good morning po!" sabi niya ulit pero hindi pa rin siya pinansin. Nagkatinginan sila ng inang reyna niya. Parehong nagtatanong ang kanilang mga mata sa isa't isa.
"Nilinis niyo po ba ang tenga ni Daddy? Bakit bigla siyang naging bingi?" tanong niya sa ina.
"Ang alam ko baby kahapon lang siya naglinis ng tenga niya eh, di kaya natanggal ang eardrums niya?"
Parehong nanlaki ang kanilang mga mata at mabilis nila itong nilapitan saka tiningnan ang kanyang tenga.
"Dee? Patingin ng tenga mo."
"Daddy? Masakit ba?"
Ngunit parang bato ito na walang naririnig. Nakatutok lang mga mata nito sa hawak niyang dyaryo, na animo'y w*****d iyon na nakaka-adik.
Nagkatinginan naman ang mag-ina at sabay na tumango sa isa't isa. Hinawakan nila sa ang magkabilaang tainga nito at inginudngod sa hawak na dyaryo.
"What the hell! What are you two doing?" kunot-noong tanong nito sa dalawa.
"Ayan, nagsalita ka rin. Kanina ka pa binabati ng baby Pinky natin, hindi ka sumasagot. Wala kang galang sa bata," sermon ng kanyang inang reyna sa daddy niya.
Nanahimik na lamang si Pinky at umupo sa kanan ng daddy niya. Tutal hindi naman niya maintindihan ang trip nito sa buhay. Ganyan siguro pag may saltik.
"Mee," banta ng daddy sa kanyang inang reyna. Naaasiwa nga siya sa tawagan ng parents niya, Dee at Mee, parang kambing.
"Ikaw, Dee! Hindi kita tinuruang maging bastos!" bulyaw ng kanyang ina. Tama naman kasi siya. May ugali ang daddy niya na hindi sumasagot tuwing kinakausap. Tulad na lang kanina.
"Tss, talk to your daughter," inis na sagot ng daddy niya. Napaangat tuloy siya ng tingin.
"Aba! Ikaw pa ang may ganang mainis! Yung totoo Dee?! At ano namang problema mo kay baby Pinky? Mabait nga 'yang anak natin eh! Buti nga hindi niya namana ang kabaliwan mo!" Pinky nodded in approval. Tama naman kasi ang kanyang inang reyna. Buti na lang sa kanyang ina siya nagmana. Kung nagkataong sa kanyang daddy, tiyak pagtatawanan siya sa eskwelahan.
"Tss, ako pa talaga ang baliw sa ating tatlo? Kaya pala pinapatawag tayo sa school niyan." Nabitawan ni Pinky ang hawak na kubyertos at napatingin sa daddy niya. Kahapon kasi may ipinadalang sulat ang kanilang guidance counselor para sa parents niya. Hindi naman niya nagawang basahin kasi nga para sa daddy niya 'yon.
"Ano namang mali kung pinapatawag tayo sa school? Mabuti nga 'yon para--- Sandali..." Biglang bumaling kay Pinky ang inang reyna niya. Napakagat tuloy siya sa kanyang pang-ibabang labi.
"Bakit nga ba kami pinapatawag sa school mo, baby Pinky?" tanong ng inang reyna niya. Patay! Mukhang mabibisto na siya.
"E-eh... K-Kwan. A-ano po... It's for you to find out," ngumiwi siya bago yumuko. Sana huwag siyang ibitay nang patiwarik sa kasinungalingan niya. Kung iisipin wala naman siyang kasalanan. Sumusunod lang naman siya sa instruction.
"Ayy! Mukhang exciting 'yan, baby Pink! Kaya bilisan niyo na ang pagkain. Magbibihis muna ako. Sasama ako sa inyo." Narinig pa ni Pinky ang malalim na pagbuntong hininga ng daddy niya nang tumalikod na ang kanyang ina. Dead na dead na talaga siya. Mukhang may alam na ang daddy niya.
PAGKABABA pa lang nila ng kotse ay inatake ng takot ang dibdib ni Pinky. Nasa parking lot sila ng kanilang school.
"Good morning!" bati ng mommy niya sa mga dumadaang estudyante. Siyempre bumati rin siya. Baka kasi mahalatang may nagawa siyang kasalanan.
Halos hindi naman magawang ihakbang ni Pinky ang kanyang mga paa papasok ng guidance office. Tiyak makikita na naman niya ang nakakatakot na itsura ng kanilang guidance counselor. Idagdag pa ang lumuluwang mata ng kanilang dean.
"Good morning!" masiglang bati ng inang reyna niya pagkapasok pa lang nila. Una namang tumayo ang guidance counselor.
"Good morning, Mr. and Mrs. Mijares, have a seat." Naunang umupo ang kanyang inang reyna bago pa man magsalita ang counselor kaya umupo na rin sila. Nasa harap din nila sina Professor Puque at Professor Fenis.
"Miss Pinky, maupo ka na rin." At dahil takot si Pinky ay pinili niyang umupo sa gitna ng kanyang mga magulang.
"Maraming salamat at pinaunlakan ninyo ang imbitasyon ko, Mr. Mrs. Mijares," pagsisimula ng guidance counselor.
"Walang anuman po, Ma'am. Pero ano po ba ang pag-uusapan natin?" tanong naman ng inang reyna niya.
"Hindi na ako magpaligoy-ligoy pa, ang anak ninyo ay parehong ipinahiya ang dalawang professor niya. I am aware that you are one of the major stakeholders of this institution, pero maliwanag na nagkasala ang anak ninyo." Nanlaki naman ang mga mata ng kanyang ina at tiningnan siya.
"Totoo ba 'yon, baby Pink?" Umiling siya. Nanumpa siya noon na hindi siya aamin ng kasalanang hindi naman niya ginawa.
"Promise?"
"Promise po!" At tulad ng batas nila ng kanyang ina ay itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay. Hindi naman kasi siya sigurado kung wala nga siyang kasalanan.
"Let's get to the point, what did my daughter do?" anas ng daddy niya. Tumikhim naman si Professor Fenis bago nagsalita.
"Umiihi ako sa men's room nang bigla siyang pumasok, kaya sa sobrang gulat ko bumusawit pataas sa bibig ko ang aking ihi! Your daughter clearly violated the school rules and regulations," ani Professor Fenis. Bigla tuloy nagpanting ang tainga ni Pinky.
"Aba! Wala po akong kasalanan! Nagtatago lang po talaga ako doon. May humahabol po sa'kin, ang liit kaya ng signage do'n. Hindi ko tuloy napansin na men's room 'yon. 'Tsaka meron ba tayong rules na bawal pumasok sa men's room ang mga babae? Wala naman po ah! Memorize ko kaya ang handbook!" mahabang paliwanag ni Pinky. Bigla namang umusok ang ilong ng kanyang ina.
"Diosmio! Por santo! Professor ka ba talaga? Bakit mo pinagbibintangan ang baby Pinky namin nang walang katuturan?" singhal ng ina niya kay Prof Fenis. Napasuntok naman siya sa ere. Mukhang natakot kasi ang professor kay inang reyna.
"Mee, calm down," her dad interrupted. Pero bigla namang sumingit sa usapan si Professor Puque.
"Nagbigay ako ng assignment sa kanila. Ang sabi ko maghanap sila ng picture ng fray botod base sa description na ibinigay ko. Pero pinahiya ako ng anak ninyo. Kumuha siya ng picture ko sa f*******: at iyon ang ipinasa niya," nanggagalaiting wika ng professor.
"Pft! Hahahahahaha..." Natigilan silang lahat nang tumawa ang daddy niya. Nagkatinginan tuloy sila ni inang reyna. Siyempre, sa isip nila umatake na naman ang saltik ng kanyang ama.
"Hahahahaha! Oh sh*t! Hahahaha!" Hindi ito tumigil sa kakatawa kaya naman hindi na nila napigilang mag-ina na batukan ito.
"Hahaha---what the hell!"
"Magtino ka nga, Dee! Seryosong usapan 'to!" ani ng ina niya.
"Teka lang po, ano naman pong mali na itsura niyo ang ipinasa ni baby Pinky namin?" Sumingit naman ang guidance counselor.
"Ang fray botod ay sumisimbolo sa pari noong mga panahon ng Kastila. Base sa deskripsyon ng isang bayani, ang fray botod ay malaki ang tiyan, kalbo ang ulo at nakasuot ng damit na hapit sa katawan. Clearly, your daughter has insulted Prof Puque, Mrs. Mijares." Napaawang naman ang mga bibig ng mommy ni Pinky at di- makapaniwalang tiningnan ang counselor.
"Seriously?! Eh tama naman pala ang baby Pinky eh! Bulag ka ba, Ma'am?" Wala naman sa sariling napatingin ang counselor kay Professor Puque. Sinuri niya ito mula ulo hanggang paa.
"A-ah... E-eh... Oo nga 'no? M-may punto naman po pala kayo. P-pasensya na po. Puwede na po kayong umuwi. Pasensya po sa abala," nauutal na saad ng guidance counselor.
Habang nagpupuyos naman ang loob ng dalawang professor ay nagpaalam naman sila palabas. Siyempre, nakahinga naman nang maluwag si Pinky. Absuwelto na naman kasi siya sa katangahan niya.
PAGKAUWI ng daddy at inang reyna niya ay dumiretso muna siya sa canteen para bumili ng pagkain. Ginutom kasi siya sa sobrang tense niya kanina sa guidance office.
"Kray!"
Malapit na sana siya nang biglang may tumawag sa pangalan niya kaya nilingon niya ito. Isa lang ang tumatawag sa kanya nang ganoon. Si Fuschia. Kray kasi ang kanilang tawagan, short for Krayola.
"Oh?"
"Kamusta ang na-guidance? Balita ko kasama mo kanina sila Tito Skeet at Tita Nisyel."
"Hihihihi." Humagikhik si Pinky. Agad namang naintindihan ni Fuschia ang ibig niyang sabihin.
"Absuwelto ba?" Tumango-tango siya at muling humagikhik. Ngunit pareho silang napatigil nang lumapit ang tatlong lalaki sa kanila.
"Pinky Mijares, huh?" ani ng lalaking kinaiinisan niya.
"Bakit?" mataray niyang tanong. The guy smirked at her.
"Akala mo ba tapos na tayo?" Kumunot naman ang noo ni Pinky. Ngunit naalala niya ang ibig sabihin nito.
"Bakit? Sino ba maysabing tapos na tayo? Hindi pa nga nagsisimula! Pambihira ka! Tara na nga, Kray!" an'ya at hinatak palayo si Fuschia. Ngunit bago tuluyang tumalikod ay lumingon muna siya kay Harris.
"Zipper mo bukas! Yung boxers mo kulay pink!"
Naiwan namang nalaglag ang panga ng tatlong lalaki.
♕GreatFairy♕