PROLOGO
LAKAD-TAKBO SA MATATAAS na talahib ang ginagawa ni Chona upang makalayo sa mga taong humahabol sa kanya habang hawak-hawak ang nag-iisang anak.
"Shh. Baby, please don't cry they…might hear us."
Nakakubli sa matitinik na dahon sa gilid ng kakahuyan upang hindi matunton ng mga armadong lalaking nang-ambush sa kinalululanang sasakyan. Hindi maintindihan kung ano ang tunay na motibo ng mga taong gusto siyang patayin. Is it because of power? Money?
"Anak, patawarin mo 'ko kailangan kitang iwanan dito..." nahahabag na saad sa batang patuloy ang pag-atungal.
Hinubad ni Chona ang gintong locket upang i-kuwintas sa batang balot na balot ng mamahaling pranela. Mariing niyakap at hinalikan sa noo ang sanggol kasabay nang pag-usbong ng masaganang luha sa mga mata.
"Balang-araw malalaman mo kung sino ka, anak..."
Matapos niyang iwan ang umiingit na sanggol ay tumungo siya sa isang tuyong sapa't nagbabakasaling makahingi nang tulong. Palinga-linga sa paligid upang makaiwas sa kapahamakan, dahil baka matunton ng mga kalalakihang humahabol. Halos hingal na hingal at panay gasgas ang ilang parte ng katawan ngunit hindi siya tumigil sa katatakbo. Sa paglinga sa likura'y hindi napansin ang matigas na bagay na hindi sinasadyang mabangga ng babae.
"H-hindi."
"Saan ka pupunta, miss?" anang sanggano.
Nakapalibot ang apat na lalaki sa daraanan kaya nang sinubukang kumawala sa mga kalalakiha'y hinaltak ng pinaka-lider ang buhok ni Chona.
Humiyaw ito sa sakit ngunit hindi roon natapos ang kanilang pagmamalupit.
"Tulungan ninyo 'ko!" sumisigaw ang babae.
"Walang tutulong sa'yo rito, miss..." anang ka-miyembro ng suspek.
Nagtawanan ang mga kalalakihan saka sinimulang lapastanganin ang p********e nito ngunit ni isa'y walang rumesponde sa masukal na kakahuyan.
"A-anak ko…"
Hinang-hina ang kanyang buong katawan dahil sa paulit-ulit na panggagahasa ng mga armadong kalalakihan, ngunit ang pinakamasaklap ay tinutukan ng baril sa sentido hanggang ang mga huling ingay na maririnig na lamang sa tahimik na gubat ay alingawngaw na galing sa putok ng baril.
"Itapon na 'yan saka siguraduhin ninyong walang makakakita kundi malalagot pati pamilya ninyo," anang lider.
"Opo boss!"
"Mauuna na 'ko sa van."
Binuhat ang bangkay ng babae saka inihulog sa gilid ng batuhan. Samantala, dali-daling nagsitakbuhan ang tatlong kalalakihan papasok sa loob ng sasakyang nakaparada sa bungad ng kakahuyan.
ILANG ARAW ANG LUMIPAS, nang mayroong natanggap na tawag mula sa telepono kung saan nagmamadaling sinagot ni Don Arnulfo. Halos hindi makatulog ang lalaki dahil sa mga hinihintay na lead galing sa kapulisan.
"Hello?"
"Sir, tumungo kayo kaagad dito sa Santa Fe, dahil natagpuan na po ang sasakyan ng asawa ninyo."
Napatayo ang matanda sa mga narinig ngunit kaagad nabalong ng kaba ang puso. Mabilis ang naging kilos at kaagad nagmaneho tungo sa lugar kung saan nakita ang nawawalang sasakyan.
Maya-maya'y bumaba sa kotse saka nagmamadaling lumapit sa mga nag-uumpukang imbestigador at pulis.
"What's your info?" anas nito sa imbestigador.
Tinignan lamang ang matanda tila hindi makapagsalita ang mga rumesponde.
"Tell me if where's my wife and my newborn baby?" matigas na pahayag ni Don Arnulfo.
"I'm sorry, Sir. Na-rekober po namin ang bangkay ng misis ninyo ngunit hindi namin nakita kung nasaan ang anak niyo."
"H-hindi, hindi! Nasaan ang asawa ko?"
Itinuro ng mga lalaki ang nagdala sa bangkay na di sadyang natagpuan sa ilog, kapagkadaka'y lumuhod sa harap ng isang body bag saka unti-unting binuksan ito. Halos gumuho ang mundo ni Arnulfo dahil nakumpirmang si Chona Ricaforte ang nasa loob. Lalong nabagdan ng pighati nang malaman ang sinapit ng asawa sa kamay ng mga salarin.
"Pinapangako kong bibigyan kita ng hustisya, mahal ko. Hindi ako titigil hangga't 'di ko nakikita ang gumawa nito sa'yo. I swear that I will find our heiress, I swear it over your grave, my love..." tumulo ang masaganang luha sa mata ni Don Arnulfo habang unti-unting isinasara ang body bag na kinalalagakan ng pinakamamahal na asawa.
ARAW NG HUWEBES, naglalakad si Luisa sa kakahuyan sapagkat kararating lamang ng mga gulay na ini-angkat niya sa bayan ng Santa Fe. Ito lamang ang tanging daang malapit sa kanilang tahanan kung kaya walang mapagpipilian kundi tahakin ang masukal na kakahuyan. Kasalukuyang abala sa kabubuhat ng bilao, nang makarinig ng kaunting ingit sa bandang kaliwa. Kaagad nakadama ng takot ngunit imbis pansini'y dumiri-diretso nang lakad subalit mas lumakas ang ingit at napalitan ng atungal.
"Ano 'yon?"
Sumilip si Luisa sa mga matitinik na baging ng isang puno saka hinanap ang pinanggalingan nang ingay, di katagalan ay natigagal dahil nakakita ng sanggol.
"Mahabaging langit! Diyos ko, sanggol!" anas nito.
Mabilis tumungo sa umiiyak na bata saka marahang kinarga ang naturang biyaya.
"Anong ginagawa mo rito? Bakit ka iniwan sa ganito ka-delikadong lugar?" ani Luisa habang patuloy sa pag-iyak ang sanggol kaya't napilitang dalhin ng babae pauwi sa kanilang barung-barong. Pagkarating sa kubo'y tumambad ang makalat na bahay habang natutulog sa papag ang asawang si Lando.
"Lando, gising!"
"Pucha! Kitang natutulog ang tao!" singhal nito subalit determinado ang babaeng gisingin ang asawa.
Ilang minuto ang nakalipas, nang maalimpungatan ang lalaki saka bumungad dito ang hawak ni Luisa.
"Saan mo nakuha 'yang batang hawak mo?"
"Nakita ko sa kakahuyan," anito ngunit mas lamang ang katuwaang maaaninag sa mukha ng babae dahil matagal na itong nag-aasam na magkaroon ng anak ngunit 'di maibigay ni Lando sapagkat hindi handa ang lalaki sa responsibilidad.
"Ang ganda-ganda niyang bata, Lando!"
"Huwag mong sabihing aakuin mo 'yan? Alam mong kulang na nga tayo sa pagkain magdadala ka pa nang alagain? Anong ipapakain mo diyan, aber? Mabuti pa ibenta mo na lamang sa mayayamang walang anak para magkapera tayo,"
Humigpit ang hawak ni Luisa sa sanggol dahil tutol ang isip sa mga sinasabi ng asawa.
"Kakayod ako nang maigi para hindi maging pabigat si baby, Lando. Matagal ko nang pangarap magkaroon ng anak!" pakiusap dito subalit kumamot lamang sa batok ang lalaki tila aburido sa mga naririnig mula sa asawa.
"Hala, sige, bahala ka sa batang 'yan dahil wala kang maaasahang tulong kapag nahirapan ka. Bigyan mo na lamang ako ng pera't bibiling toma sa tindahan. Bilisan mo!" sigang saad nito kapagkadaka'y nagmamadaling dumukot sa mahabang palda nang kakarampot na barya si Luisa.
"Pucha! Bakit barya lamang 'tong binigay mo?"
"Y-Yan lamang kasi ang napagbilhan ng mga gulay kanina,"
"Tanginang buhay 'to! Diyan kana nga! Wala ka talagang kuwenta kahit kalian, Luisa!" buska ng lalaki pagkatapos ay padarag na sinipa ang maliit na bangko sa gilid, dahilan upang mapakislot ang sanggol sa gulat kaya't pumalahaw nang iyak.
"Shh...shh...baby."
Patuloy ang pag-ingit ng sanggol hanggang sa isinubo nito ang maliit na kamay sabay sinupsop animo mayroong nakukuhang gatas doon.
"Simula ngayon, tatawagin kitang Zarina...anak,"