HINDI NA MULING NAKITA ang binata, magmula ng hapong nakasama siya sa ilog. Halos mag-dadalawang taon na'ring pabalik-balik sa shorkat na talon subalit tuluyang naglaho si Senyorito, pero ang paghanga sa lalaki'y nanatili kahit hindi magkatugma ang aming mundo. Malaki ang posibilidad na umuwi siya sa Maynila para harapin ang mas magandang buhay.
"Anim na taon na'rin pala, Zarina..." bulong sa sarili habang dala ang bilao ng mga gulay. Bente-dos ka na ngunit ang tanging alam lamang para mabuhay ay kumapit sa mga pangarap na malabo, lalo't kasabay ng pagkawala ni Senyorito ay pagkawala rin nang taong sinasandalan sa bawat laban ng buhay.
Bago dumiretso sa impyernong kubo'y dumaan muna malapit sa kakahuyan para dalawin ang ina. Lumapit sa mistulang pa-krus na sanga saka umupo sa gilid, habang nakalapag ang bilao sa damuhan. Halos magtatakip-silim na'rin ngunit parang ayoko pang umuwi sa bahay.
"Nanay, kumusta na po kayo? Siguro masaya na kayo diyan sa langit? Wala ng mananakit sa inyo." bulong ko kalaunan ay hinaplos ang dakot ng lupang pinaglibingan ni Nanay Luisa.
Isang taon din siyang nakipaglaban sa sakit at ilang panahong nahirapang humanap nang malalapitan sa tuwing isusugod ang ginang sa ospital. Bumalik-tanaw sa mga sandaling naghihingalo ang ina habang walang patid sa paghingi ng tawad. 'Di ko maintindihan kung bakit, pero ang tanging gusto sa mga oras na 'yon ay madugtungan ang buhay ng matanda.
"A-anak, patawarin mo s-si Nanay...yung k-kuwintas..." paulit-ulit niyang binabanggit ang tungkol do'n, bagamat imbis pagtuunan nang pansin ay tuluyang nabalong ng luha ang mata.
Tumingin sa papalubog na araw sa gitnang bahagi ng bundok saka nagpaalam sa puntod bago tumulak sa barung-barong.
Pagkarating sa naturang kubo'y nadatnan ang amang kasama si Aling Tintay na kilala sa baryo bilang ulam ng lahat, sapagkat sari-saring lalaki ang kasama nito. Isama pa maging ilang opisyal sa baryo ng Santa Fe.
"Magandang gabi, 'Tay!" akmang magmamano habang nakakandong ang babae sa hita ng lalaki.
"Magkano ang nabentahan mo?" sigang saad nito.
"D-dalawang daan po..."
"Ibigay mo lahat!"
"P-pero tay, pangkain ko po sana kahit singkwenta."
"Kumuha ka ng talbos sa likod. Anong singkwenta pinagsasabi mo? Ibigay mo sa'kin lahat ng pinagbentahan mo..."
Walang nagawa kundi buksan ang pitakang nakasabit sa beywang saka iniabot sa ama ang kita. Napansin ang pagrikisa ni Aling Tintay sa kabuuan habang humihithit ng sigarilyo, nakasuot ng maikling shorts, at manipis na damit.
"Ano ba, Lando... nakikiliti ako,” anas ni Aling Tintay habang tawa nang tawa ang babae't hindi alintanang nasa harapan nila.
"Pakipot ka naman masyado!" sinunggaban nang ama ang leeg ng babae.
Ni hindi matiis ang mga nasasaksihang kalaswaan ng dalawa kaya dumiretso sa loob ng kwarto subalit muling tinawag ni Aling Tintay.
"Zarina..."
"Po?"
"Zarina ang pangalan mo, 'di ba?" muling humithit ang babae saka kumawala sa yakap ng amang si Lando.
"Ilang taon kana nga ulit?" saad nito.
"Bente-dos po," maikling tugon hanggang sa lumibot si Aling Tintay habang sinisipat ang aking kabuuan dahilan upang mailang sa ginagawa ng babae.
"May boyfriend ka?"
"Bakit mo tinatanong 'yan? Wala kang mapapala sa bobitang 'yan!" nakahawak sa bote ng alak ang ama habang tumutungga.
"Manahimik ka Lando. Hindi ka marunong makakita ng pera!" makahulugang anas nito.
"Zarina, may boyfriend ka o wala?"
"A-ano pong b-boyfriend?"
Tumawa si Aling Tintay saka inayos ang kanyang ipit sa buhok bago bumuga ng sigarilyo.
"Lando, pwedeng-pwede pala 'to! Mas malaki ang kita kapag bergin..."
Hindi man masyadong maintindihan ngunit parang masama ang tinutumbok na usapan ng dalawa. Tahimik lamang na tumungga sa bote ang lalaki habang walang puknat ang tingin sa gawi ko tila may malalim na iniisip.
"Magkano ang kinikita mo sa isang araw, Zarina?"
"D-depende po."
"May kakilala akong kumukuha ng mga taga-probinsiya para magtrabaho sa Maynila. Baka gusto mo?" suhestiyon ng babae saka muling bumuga ng usok at sinabayan ng makahulugang tingin ang lalaki.
"A-ayos na po ako sa pagtitinda ng gulay...sige po, matutulog na 'ko."
"Ikaw rin, mas malaking kita lalo't bata ka pa saka madaling aangat ang buhay mo kapag pumayag ka!" pangungumbinse nito ngunit imbis pansinin ay tumuluy-tuloy sa loob ng sawaling silid.
Hinarang ang kahoy upang 'di makapasok ang kung sinuman subalit dinig na dinig pa rin ang usapan ng dalawa ukol sa'kin.
"Anong balak mo sa batang 'yon?" anang amang si Lando.
"Gago! Pera ang nakikita ko sa anak mo, kaya hindi mo na kailangan magtiis sa barya-baryang kita..." bulong ni Aling Tintay rason para kabahan sa usapan ng mga ito.
"Ikaw ang bahala basta magkakapera!" aroganteng saad ng lalaki hanggang ang mga sumunod na usapa'y nauwi sa kakaibang ungol at halinghing sa labas kung kaya mariing tinakpan ng unan ang tenga.
‘Di ko mapigilang tumulo ang luha dahil sa kawalang pakialam ng naiwang magulang sa kalagayan ko bilang anak. 'Nay, tulungan niyo po akong makaalis dito…’
KINABUKASAN ay maagang naabutan ang babaeng nagsusudsod ng kuko sa papag habang ang ama'y naninigarilyo sa hamba ng pinto.
"T-tay, magtitinda na po ako…"
Nagkatinginan ang dalawa animo nangungusap ang mga mata subalit isinantabi ang pag-aalala at patay-malisyang kinuha ang bilao nang tawagin ng ginoo.
"Zarina," tawag nito habang matamang humithit ang lalaki ng sigarilyo.
"B-Bakit po, 'tay?"
"Hindi mo na kailangan magtinda ng gulay dahil mamayang gabi may nakausap na kaming ahensiya para makapagtrabaho ka sa Maynila."
"P-pero, ayoko pong umalis. W-walang maglilinis sa puntod ni nanay," nanginginig ang labi sa kaba.
"Huwag mo kong hintaying magalit at makakatikim ka sa'king bata ka!" padaskol na anito.
"Magtatrabaho ako rito tay', sisipagan ko para makapag-abot sa inyo ng mas malaki-laking pera. Parang awa mo na 'tay, ayokong lumuwas sa siyudad!" pagmamakaawa sa lalaki ngunit tinulak lamang nito sa gilid rason upang sumubsob sa bilao.
Dumako ang paningin kay Aling Tintay na parang walang pakialam sa mga nagaganap sa'ming mag-ama. Unti-unting lumapit sa babae dahil nagbabakasakaling mapakiusapan nito ang ginoo.
"A-aling Tintay, nakikiusap ako tulungan niyo 'ko…"
"Alam mo Zarina, hindi na kasi puwedeng umatras ang tatay mo dahil magpapadala sila ng sweldo mamaya kapag nadala ka na sa Maynila. Magugustuhan mo rin do'n dahil mas maraming puwedeng pasyalan o kainan kaysa sa Santa Fe."
Halos manlumo sa mga naririnig sa dalawa sapagkat malaki ang posibilidad na ilegal ang trabahong sinasabi nito. Kilala si Aling Tintay sa baryo bilang bugaw ng mga babaeng dinadala sa Maynila para ibenta sa mga parokyano. Tumatayo ang balahibo ko sa maaaring kasadlakan sa kamay ng mga lalaki sa lungsod. Laglag ang balikat na nagkulong sa bahay at ni hindi makaalis dahil bantay-sarado ng amang si Lando tila hinihintay na lamang ang mga taong kukuha sa'kin para ilagak sa lungsod.
Maya-maya'y kumatok ang lalaki para lamang abisuhang ayusin ang mga gamit na dadalhin sa pagluwas. Halos mapuno ng luha ang buong mukha dahil sa takot na dumadaga sa dibdib sapagkat prostitusyon at pagbebenta ng laman ang isa sa mga bagay na 'di kailanman pinangarap para lamang makaahon sa buhay.
Kalauna'y nilagay sa lumang bag ang iilang damit saka hinatak ang karton sa ilalim, para kahit paano ay mayroong mabitbit sa mga gamit ni nanay, dahil tanging 'yon na lamang ang madadalang ala-ala sa pinakamamahal na ginang. Kinalkal ang mga lumang damit hanggang sa mapansin ang kupas na pranela sa sulok ng lalagyanan, saka dahan-dahang tinanggal ang balot at napansin ang dalawang letrang nakaburda sa dulo ng tela.
"J. R.? Anong ibig sabihin nito?" bulong sa sarili ngunit may kung anong dikta sa isip na dalhin ang naturang tela, kahit ngayon lamang nakita sa tanang buhay ang posibleng gamit ko noong bata pa, rason upang tikluping maigi't isinilid sa supot hanggang sa may masalat na kung ano sa sukluban ng ulo nito.
"A-ano ‘to?"
Kinapa ang maliit na bulsa sa pranela at tumambad ang kwintas na kulay ginto. Nirikisang maigi ang nakaukit sa bilog na dekorasyon.
"Anong J.R.? Sinong J.R.?" kumunot-noo sa natagpuang gamit sa damitan kapagkadaka'y naalala ang paulit-ulit na sinasambit ni nanay bago siya mamayapa.
"Ito na kaya 'yon?" tinignang maigi kung totoong ginto kaya siguro kailangan pag-ingatan dahil maaring regalo ni nanay ang kwintas.
Pinindot ang nakausling metal sa gilid hanggang sa bumukas ang pabilog na dekorasyon. Medyo kinabahan sapagkat baka nasira ang kuwintas ngunit iba ang tumambad sa loob.
"S-si nanay at tatay ba 'to?" iniisip ang maaring pagkakatulad ng mukha ng magulang sa maliit na larawan subalit kahit anong pilit ay malaki ang pagkakaiba, dahil ang lalaki't babaeng makikita sa kwintas ay masasabing maganda at matikas lalo kung ang pagbabaseha'y pisikal na anyo na tila nakakaangat sa buhay...
"Sino kayo? Sino si J.R.? Anong kinalaman ng mga sinasabi ni nanay bago siya mawala?" hindi mapakali sa nabuong tanong sa isip subalit naputol ang pagmumuni-muni nang padarag na kumatok ang ama.
"Zarina!"
"O-Opo."
"Tangina! Huwag kang kukupad-kupad at malaki ang binayad sa'yo! Tapos ka na bang mag-empake?"
"O-Opo, ‘tay…" kumabog ang puso sa nalalapit na pag-alis.
Mabilis na binulsa ang kwintas bago inasikaso ang mga na-empakeng gamit. Umaasang pangangatulong o pagtitinda lamang ang maabutan sa Maynila. Sa buong labing-walong taon ay 'di ko aakalaing makakatuntong sa siyudad bagamat hindi sa ganitong paraan.
"Lumabas ka na diyan! Huwag mong hintaying ako mismo ang kumaladkad sa'yo palabas." anito.
Pinahid ang luha sa mata saka mabagal na lumabas sa kwarto. Doon napansin ang isang matandang babae na mayroong kasamang dalawang matitipunong lalaki.
"Yan na ba 'yon, Tintay?" anito sa mataray na tono.
"Yes, Madam Lolly!" napalakpak ang babae saka mabilis akong hinatak ni Aling Tintay palapit sa ginang.
Sinapo ng matanda ang aking pisngi at tinignang maigi ang kabuuan.
"Hindi na masama, siguradong pagkakaguluhan 'to ng mga isda natin." tinignan ang dalawang lalaking sumang-ayon sa matanda.
"Sabi ko naman sa'yo Madam, magaling akong mamili.."
"Nasaan ang bayad?" tanghod ng ama.
"Ibigay mo ang napag-usapang presyo, Bogart!" seryosong litanya nito.
"Opo, Madam." kinuha ng lalaki ang medyo makapal na sobre sa ilalim ng kanyang itim na jacket saka ibinato sa amang si Lando na kababakasan ng kasiyahan sa lilibuhing perang ibinigay rito.
"Ikaw! Sumama ka dahil nabili na kita sa mga 'yan..." dinuro ng ginang.
Pumiglas ng bahagya lalo't kakaiba ang hawak ng dalawang lalaki.
"B-bitiwan niyo po ako!"
"Aba, mas magugustuhan 'to Madam dahil mukhang palaban." nagsitawanan ang dalawa ngunit di pinansin ng matanda saka dumiretso sa magarang van.
"Tay, tulungan niyo po ako! Ayoko pong sumama sa kanila!" hindi mawari ang sunud-sunod na luhang dumaloy sa mga mata.
Muling lumingon sa ama ngunit imbis mahapis ay kumaway pa gamit ang lilibuhing salapi habang nakapameywang si Aling Tintay.
"Tay! Tay, parang awa mo na!---Bitiwan niyo 'ko!"
Nakawala sa mga ito saka tumakbong muli sa kubo ngunit ang natikman lamang ay malakas na sampal sa ama.
"Tay, anak niyo 'ko! Maaawa kayo sa'kin, masisira lamang ang buhay ko sa Maynila!" pilit kinakalampag ang kubo.
"Hindi kita anak!"
"H-hindi totoo 'yan...anak niyo ko, Tay!"
"Hindi kita anak dahil kahit kailan wala kaming naging anak ni Luisa. Magpasalamat ka't kinupkop ka ng asawa ko! Pero simula nang dumating ka sa buhay namin ay nagkanda malas-malas kami! Hindi ko alam kung saan ka lupalop napulot pero panahon na siguro para tumanaw ka ng utang na loob!"
"Tatay..."
Sumigaw ang matandang nasa van saka inutusan ang dalawang lalaking bitbitin ako papasok sa loob ngunit halos panghinaan ng tuhod sa mga rebelasyon ng kinikilalang ama.
"Tatay...anak niyo po ako," marahang sambit sa hangin bago isinara ang pinto ng van.
HALOS INABOT NG ISA'T KALAHATING ARAW ang naging biyahe, sapagkat sumakay rin ng barko subalit nakatatak sa isip ang mga sinabi ni tatay ukol sa totoong pagkatao. Kung totoong hindi sila ang tunay na magulang ko. Sino?
Tumingin sa bintana ng kotse habang nililibang ang sarili sa mga nakikitang tanawin na sadyang malayung-malayo sa Santa Fe.
Ilang oras ang itinagal ng biyahe nang mamasdan ang napakaraming sasakyan at nagtatayugang gusali, kalaunan ay lumiko sa isang mahabang kalye kung saan may mga babaeng nakahilera sa kalsada habang nakasuot ng maiiksing damit. Halos maghahapon na'rin kaya matatanaw ang iba't-ibang ilaw sa daan, malalakas na tugtugan, mga lalaking nag-iinuman. Mayroon ding mga nakasuot ng kakaibang baro, nagkakantahan subalit hindi 'yon ang nakakuha ng pansin kundi ang mga menor de edad na may kaakbay na dayuhan.
"Hoy, bumaba ka na diyan at marami ka pang dapat matutunan sa trabaho mo," sita ng kanang-kamay ni Madam Lolly.
"P-puwede po bang maki-inom?"
"Ang dami mong satsat! Sumunod ka na!"
Kipkip ang isang supot na damitan saka nahihiyang itinulak ang salaming pintuan, rason upang tumambad sa'kin ang mga babaeng nasa entablado. Tumingin ang grupo ng kababaihan sa gawi ko hanggang sa may tumawag ng kanilang atensyon.
"Mga bruha! Ako ang tignan ninyo dahil kapag pumalpak kayo...tiyak walang datung!" anas ng bading.
"Alam namin bakla!" sagot ng babaeng nasa gitna kung saan nakasuot ng tube at maikling short.
"Anong tinitingin-tingin mo diyan?" sabad ng kasama nito.
"Hoy, 'wag mong bullyhin baka umiyak. Lagot ka kay Madam Lolly." sita ng isa pang babae sa likod.
"Bagong alaga siguro ni Madam."
Umirap ang naka-puwesto sa gitna tila parehas kami ng edad kung ang pagbabasehan ay itsura.
Naputol ang panonood sa mga nasa entablado nang muling tawagin ng kanang-kamay ni Madam Lolly.
"Tangina! Nandiyan ka lamang pala? Ako ang mapapagalitan ni Madam sa kakatunganga mo diyan."
"P-pasensiya na..."
Pumasok sa loob ng maliit na kwarto saka namasdan ang iba't-ibang mga damit na nakasabit sa gilid. Mayroong malaking salamin sa pinakasulok at ilang nanunuyong kolorete sa mesa.
"Gawin mong pamilyar ang sarili mo dahil ito na'ng magiging buhay mo, hija." anang ginang.
"A-Anong ibig ninyong sabihin?"
"Hindi mo parin ba nakukuha ang mga nangyayari sa'yo? Ibinenta ka ng tatay mo sa malaking halaga kaya kailangan mong bayaran ang perang ginastos ko sa pagkuha sa'yo sa probinsya…" untag nito.
"K-kaya ko pong mangatulong at maglinis---"
"Tonta! Anong katulong ang pinagsasabi mo? Hindi ako naghahanap ng taga-silbi! Ang kailangan ko ‘yong mapakikinabangan tuwing gabi! Ang lagay, lugi pa 'ko sa'yo kapag nagkataon?" hinampas nito ang aking balikat gamit ang pamaypay.
"A-ayoko pong--"
"Bawal ang mag-inarte, hija! Hindi ka pumunta rito para magbanat ng buto kundi magbenta ng laman. Pokpok, taga-aliw o kung anong tawag mo, wala akong pakialam!"
Nanginginig ang buong katawan sa nais ni Madam Lolly ngunit iisa lamang ang naiisip sa mga oras na iyon...ang tumakas sa ganitong klaseng lugar.
"Hala sige! Tama na 'yang kakangawa at kailangan mong ikondisyon ang sarili mo dahil mamaya kana magsisimulang sumalang..." anito.
"M-madam Lolly, ibalik niyo na po ako sa'min...parang awa niyo na!" pamimilit sa ginang ngunit imbis kaawaan ay hinampas ng pamaypay ang kamay na nakakapit sa braso nito.
Napaupo sa sulok habang yakap ang supot ng mga damit saka kinuha ang kwintas sa bulsa at bahagyang tinignan ang pabilog na disenyo.
"Nay, tulungan niyo po akong makaalis dito..." garalgal ang boses sanhi ng masidhing pag-iyak.
Maya-maya'y nagsipasukan sa kwarto ang mga kababaihan kanina sa entablado dahilan upang itago ang kwintas at mabilis pinunasan ang pisngi.
"Mali yatang trabaho pinasukan mo girl, walang audition dito!" sita nang isang pumipili ng damit.
"Taga-saan ka?" dumukot ang babae sa dibdib ng sigarilyo sabay sinindihan.
"Pipe ka?" pagtataray ng kasamahan nila habang nakatahimik lamang ang pinaka-lider ng grupo.
"Cagayan," maikling sagot ko.
"Anong pangalan mo?" anang kulot ang buhok.
"Z-Zarina Gallon."
"Ako si Apple, 'yang nasa gilid mo si Jennica, si Katya, si Aubrey tapos ang pinakapaborito ni Madam Lolly---itong lider namin si Honey." inakbayan ni Apple ang babaeng seryoso ang ekspresyon ng mukha tila nanunukat sa klase ng kanyang tingin.
"Anong kuwento mo?" ani Jennica.
"Binenta ako ng tatay ko kay Madam Lolly" halos bumikig ang lalamunan.
"Putangina, totoo ba? Siraulo pala 'yang tatay mo!" anito bago nakisindi si Aubrey sa sigarilyo ni Katya.
Panay ang tanong ng mga kababaihan hanggang sa napakwento na'rin ang mga dalaga sa masalimuot nilang eksena sa buhay.
"Tama na 'yang mga kwentong kutsero ninyo! Ikaw, kung gusto mong tumagal dito matuto kang hindi mag-inarteng malinis!" sita ni Honey kaya natahimik ang lahat.
"O-oo."
"Humanda na kayo para mamaya, kung ayaw niyong magulpi de gulat ni Madam Lolly!" irap ni Honey dahilan upang magkatinginan lamang ang apat na babae saka nagkanya-kanyang bihis.
"Anong inuupo-upo mo diyan? Hindi ka artista para ayusan, tanga!" pasaring ng dalaga kaya natatarantang tumayo.
Kumuha ng maikling damit kapagkadaka'y nakiusap kay Apple kung paano mag-apply ng pampapula sa labi. Hindi kailanman nasayaran ng kahit anong kolorete ang mukha kaya nang mamasdan ang kabuuang ayos sa salamin ay hindi akalaing lalabas ang matagal nang sinasabi ng mga tindera sa palengke ng Santa Fe.
"Girl, ganda mo pala!" ani Jennica ngunit nangingimi lamang sa puri nito sapagkat kuntodo irap ang natatamo sa lider nila.
Panay ang banat pababa sa bestidang suot dahil asiwang-asiwa sa ayos, habang tinuturuan nina Katya sa mga madalas nangyayari sa loob. Hindi masikmura ang mga pinagsasabi ng mga kasamahan ngunit panay tango na lamang ang ginagawa kahit parang anumang oras ay gustong umiyak sa kaba at takot.
"Virgin ka?" ani Apple.
"A-anong bergin?" nauutal na sabi rito.
"Gaga, virgin nga! Puta wasak 'to kapag dayuhan ang nauna, tiyak tiba-tiba si Madam Lolly!" susog ni Aubrey.
"H-hindi ko kayo maintindihan…"
Ngumisi lamang si Jennica bago inayos ang paglalagay ng libistik sa sariling labi.
"Girl, galingan mo para matuwa sa'yo si Madam, dahil nagbibigay ng bonus 'yon kapag maraming parokyano." payo ni Katya.
Naputol ang pag-uusap ng biglang pumasok si Honey kung saan nakasuot ng panty at boots.
"Mga bruha, tapos na kayo? Malapit na performance natin!" aniya saka binangga ang aking balikat sabay irap bago tuluy-tuloy na lumabas sa silid-bihisan.
"Pasensiyahan mo na si Honey, natatakot lamang 'yon maagawan ng trono sa mga parokyano." ani Apple.
Ayon sa kanila, ang madalas daw tumutungo sa lugar na 'yon ay mga negosyante, dayuhan, maykaya o kaya expat na tinatawag. Ayokong isiping totoo ang mga nangyayari kaya nagdesisyong manahimik at mag-obserba sa ginagawa nila hanggang sa pumatak ang relo sa alas-nuwebe.
Dinig na dinig ang maingay na tugtugan sa labas, maging mga kalalakihang nagtatawanan hanggang sa bumukas ang pinto rason para mapapitlag sa gulat.
"Hindi mo na kailangang tawagin!" halatado ang pagka-irita sa mukha ni Bogart, ang kanang kamay ni Madam Lolly.
"O-opo…"
Nahihiyang lumabas sa maingay na paligid nang naturang aliwan, hanggang sa tinulak ng lalaki sa mismong gitna. Nanlaki ang mata ng makita sina Apple sa entabladong halos walang saplot sa katawan.
"H-hindi..." gustong tumakbo o magtago para lamang 'di matulad sa mga ito.
"May bago akong alaga baka gusto mo?" narinig kay Madam Lolly kaya agarang napalingon sa ginang.
"I want to see her first?" anang matabang singkit.
"Zarina!" tawag ng matandang babae ngunit parang tinulos sa kinatatayuan hanggang sa hinaklit ni Bogart palapit sa babae.
"Is she your new pet?" malisyosong sinipat ng lalaki ang aking kabuuan bago nagtagal sa bandang dibdib.
"Take-out o pass?" saad ni Madam.
"Pag-iisipan ko..." halos mahubuan sa klase ng titig nito.
"Bergin pa 'yan boss! Ikaw rin baka maunahan ka..."
"M-madam Lolly...ayoko po!" hindi mapigilan ang luha sa mata.
"Oh, I like her dramatic scene in bed later," anang lalaking manyak.
"Bigay ko sayo nang twenty kiyaw?"
"Take-out later," anito
"Sure boss!" sang-ayon ng ginang.
Dinala ni Bogart sa kwarto ngunit hindi mapakali sa mga narinig kanina. Parang sasabog ang puso sa takot kaya muling hinawakan ang kwintas na pamana ni Nanay.
"Nanay, nakikiusap ako iligtas niyo po ako. Diyos ko!" pabalik-balik sa paglalakad saka hahawak sa sentido.
Ilang oras nakatunganga sa kawalan tila nawawalan na'ng pag-asang makatakas sa ganitong uri ng kalakalan. Siguro kailangan na lamang tanggapin ang kasasapitan ng buhay. ‘Di katagalan ay bumukas ang pinto saka tumambad ang nakangising katiwala ni Madam Lolly.
"Hoy, labas na! Hinihintay kana ni Mr. Ching..." abiso ni Bogart bago isinilid sa supot ang kwintas.
Kasabay ng pagtayo sa silya ang sunud-sunod na luhang pumatak sa mga mata.
‘Diyos ko, kayo na pong bahala sa'kin…’