"Ay, Bakla. Supermarket s***h palengke ‘to hindi grocery." sa halip na matawa ay inirapan ako ni bakla. Nainis yata sa sinabi ko.
"Pareho lang 'yon 'te." sabi niya na naiinis dahil halata naman sa mukha niya.
"Halika na nga, Fafs. Ikaw na lang ang magtulak sa cart. Hayaan mo na ‘yang baklang 'yan." aba at ako pa ang bakla ngayon? Ipinagpalit niya agad ako sa lalaking 'yan! Ang lakas pa makakapit sa braso. Ano? Jowa?
Iniwan ako ng dalawa sa kinatatayuan ko. Minsan talaga ay may pagka-abnormal 'yang kaibigan ko na 'yan. Hindi ko alam kung kaibigan ko ba talaga o hindi. Basta ka na lang iiwan lalo at may Fafa siyang kasama.
"Hoy, Baks! Hintayin mo 'ko!" sigaw ko. Nagmadali ako sa paglalakad para maabutan ko sila. Bakit nga ba narito 'tong lalaking ‘to?
"Psst!" syempre ayaw ko siyang tawagin sa pangalan niya. Baka kiligin pa siya 'no. Sa halip na lingunin ako ay inakbayan pa niya si bakla habang namimili sila ng baboy.
"Hoy!" kalabit ko sa kanya.
"Bakit? Na-miss mo 'ko?" aba naman ang kapal din ng tinga ng lalaking ‘to. Ang baho nang lumalabas sa bibig. Ako? Na-miss siya? No way!
"Miss mo mukha mo!" angil ko sa kanya.
Alangan namang aminin kong miss ko siya. Syempre hindi. Kasi hindi ko naman siya miss. Hindi nga ba? Hindi ko naman siya hinanap kahapon nang hindi kami sabay mag-lunch. Hindi ko rin naman napansin na na-late siyang pumasok. At hindi ko rin alam na iniwan niya ang motor niya kasi ipinaayos niya. Hindi ko siya miss ‘di ba? Hinding-hindi.
"Bakit nga pala wala ka sa work?" napakunot lang ang noo niya at tinitigan ang maganda at perpekto kong mukha. Naks. Wala namang nakarinig sa ‘kin kaya walang kokontra.
"Ano? Bakit hindi ka sumagot?" hindi ba gusto niya ng kausap? Ngayong kausap ko na siya hindi naman siya nagsasalita. Mga ilang minuto siyang tumitig sa akin bago niya na-realized na kausap ko siya.
Ganda ko e, ‘no.
"Ha?" wala sa sariling sabi niya. Ilang beses ko na siyang nahuhuling nakatitig nang seryoso sa akin kahit noong unang araw pa lang niya sa opisina. Minsan naman ay napakakulit niya.
"Sabi ko. Bakit nandito ka? Bakit hindi ka pumasok sa trabaho? Hindi mo naman off ngayon." gusto pa kasing detalyado.
"Ah ‘yon ba? sabi ko kasi sa opisina ay may LBM ako. Humingi ako ng reseta sa doktor. Sabi ko nag-LBM ako.” ngisi niya na ikinakunot ng noo ko. Nahalata naman niya kaagad at sinegundahan ang sinabi niya.
“Alangan namang silipin pa niya kung totoo. Syempre binigyan ako ng one-week rest. Hindi ba pumunta ka sa bahay kahapon? ‘Yon ang time na masakit ang tiyan ko." hanep 'tong lalaking ‘to. Ako pa raw ang pumunta sa bahay nila. Eh siya ang nagdala sa akin do’n. Ayos din ang kapal ng peslak nito.
"Anong sinasabi mo? Hindi ba kaya ako nakapunta sa bahay niyo dahil ang sama na ng tiyan mo. Hindi mo na kayang magmaneho papunta sa bahay ko. And excuse me po! Kasalanan ko ba na nagka-LBM ka?
"Oo.” aba naman. Kapal talaga. Ako pa may kasalanan?
“Nagka-LBM ako dahil sa ‘yo. Dahil hindi mo tinanggap ang kape na ibinibigay ko sa ‘yo. Nakainom na ako ng kape no’n tapos para sa ‘yo talaga 'yon." sabi pa niya. Hindi ko alam kung kikiligin ba ako o maiinis.
Sinabi ko bang bilhan niya ako ng kape? Kaya pala seryoso siya no’n dahil masama na ang lagay ng tiyan niya. After niya magpasabog ng sama ng loob ay inihatid niya rin ako agad.
"Nanisi ka pa. E hindi naman kita pinabibili ng kape. Bakit ka bumili?" kaya ayaw ko talagang kausap 'to. Ang yabang.
"Talaga naman." parang batang sabi niya na nakanguso pa. Ayan na naman ‘yang labi na ‘yan. Inaakit na naman ako.
"Huwag mo nga akong artehan." tinalikuran ko siya at pinuntahan si Taleo na pumipili ng baboy.
"Salamat naman, Baks. Naisipan mong tulungan ako. Alam mo namang hindi ko forte ang pumili ng baboy. Hotdog at itlog lang ang kaya kong piliin. Marunong din akong tumingin ng fresh na talong." bakit parang iba ang naisip ko sa mga pagkaing binanggit niya?
Nang makita kong fresh ang baboy ay agad ko itong kinuha. Iniabot sa lalaking nakatayo sa harapan ko. Mukhang kanina pa siya nag-aabang sa bibilihin ni Taleo na hindi pa rin nakakapili. Napanganga ako sa lalaki.
Bakit ang yummy niya? Ano ba 'tong naiisip ko? Nahawa na yata ako kay Taleo. Kaya naman pala hindi makapili ang bakla. Sadyang hindi pumipili. Kasi ang laki ng braso ng lalaking pinagpapa-cute-an niya. Expert ‘yang si Taleo sa paggo-grocery sa totoo lang at magaling din ‘yang magluto. Pero magaling din ‘yan magpanggap na hindi marunong.
"Ang bibig mo malapit na pasukan ng langaw." nakita kong kunot ang noo niya at masama ang tingin do’n sa lalaki. Selos ka, Kuya? Pakialamerong lalaki. Ako na naman ang napansin.
"Fafs, sa amin ka na magdinner. Gagawin kitang masarap na ulam. I mean, igagawa kita ng masarap ako. Ay! ano ba ‘yang sinasabi ko? Sorry Fafs. Basta sa akin ka lang. Este sa bahay kita kakainin." ang landi talaga ng bakla na 'to kahit kailan.
Natatawa naman ang mokong. At inalok pa ni bakla ang mahangin ang utak na lalaking ito. Ang iksi na nga ng fafa, aapat na letra pinaiksi pa lalo. Fafs? Ano 'yon sigarilyo? Pa-puff please! Buwisit. Parang ang korni ko na ro’n. Last ko na ‘yon.
"Hoy, bago kayo magkainan diyan ay tulungan niyo muna ako rito. Ang bigat kaya." basag ko sa malagkit na tingin ni Taleo kay Kuya.
"Arte, Baks? Isang kilong baboy lang 'yan mabigat na? Pa’no pa ‘yang eyebags mo na parang sampung kilo." personalan talaga? E kung pagbuhulin ko kayo ni Kuya?
"Ay laglagan, Baks? Tara na nga." ‘aya ko sa kanya nang matapos mamili. Kahit ganyan si Baks ay mahal ko pa rin 'yan. Kapatid na ang turing niyan sa akin at ganoon din ako sa kanya. Pa’no ko ba siya nakilala? Naalala ko noon ay hindi ako pinapansin niyan ni Baks. Pa’no kasi ang akala niya raw ay mataray ako. Mukha naman talaga kasi akong mataray.
Lalo na pagnapatingin ka sa singkit kong mata. Tiyak iisipin mo pa na salbahe ako bukod sa masungit ako. Baka lalapit ka pa lang e aatras ka na kaagad. Isang tao lang naman ang sinusungitan ko. Kasungit-sungit naman din kasi. Bukod sa kayabangan e… sige na nga aaminin ko na galit ako sa malakas ang dating. Hindi siya gwapo pero hindi rin naman siya pangit.
Shakto leng. Enebe. Landi pa more.
"Sa akin na kayo sumabay." basag ni Kuya sa lumilipad kong isip na umabot na sa langit habang palabas kami ng grocery. Ang haba na pala ng naisip ko. Nasa exit na kami kaagad.
"Ha? Kami sasabay sa 'yo? E paano kami kakasya sa motor mo? Paano ‘yong groceries?" agad kong sabat.
Syempre mas importante 'tong mga pagkain. Mahirap na magutom sa hatinggabi. Baka lumabas ang kaluluwa ko at maghanap ng pagkain sa kusina tapos makapasok sa loob at matakpan sa kaldero. Paano ako babalik sa perpekto kong katawan?
"Baks," siko sa akin ni Taleo. Nawawala na naman ako sa sarili ko.
"Baks, makasiko? Nadanggil mo na." turo ko sa dibdib kong hindi kalakihan. Pero malaman.
"Ayaw mo 'non? Mas lalaki 'yan." supportive talaga 'tong baklang 'to sa pangarap ko sa buhay. Ang lumaki ang aking hinaharap. Kailan kaya? Pero syempre hindi ako nagpapaniwala sa sinasabi niya.
Naalala ko tuloy iyong dati kong katrabao. Sabi niya sa isa ko pang katrabaho na ang pag-inom ng maraming tubig ay nakakalaki ng hinaharap. Aba si ateng. Araw-araw may nilalaklak na isang galon na tubig. Funny talaga si ateng e. Funny-walain.
"Teka nga. Nalalayo tayo. O, pa’no? Kasya ba tayo sa mot –" baling ko kay Yujin na hindi ko na naituloy pa ang sasabihin nang pindutin niya ang car key niya. Napanganga ako sa nakita. Well, napaawang lang nang bahagya.
"Ay bongga ni Fafs. May tsikot. Tara, Baks." muling siko ni bakla sa akin. Slight akong napahiya ron’ ha. Parang gusto kong lumubog sa kinatatayuan ko. Kulang na lang e magpalamon ako sa lupa.
"Hoy, Baks! Ano pa’ng hinihintay mo?" tawag ni Talie sa akin. Kanina pa pala sila nakasakay sa kotse. Gaano na ako katagal nakanganga?
Bwiset. Nakakahiya!
Nagmadali akong lumapit sa kotse para sumakay. Pagbukas ko ay puno ng groceries ang puwesto sa tabi ni Taleo.
"Dito ka na. Pang isang taon yata ang pinamili niyo. Puno na ang compartment." nakangising saad ni Yujin na hindi mo maintindihan kung sinadya ba ng dalawang ‘to. Mapang-asar pa ang tingin. At labas ang dimples niyang magkabilaan.
Tyet. Kahinaan ko! Dami ko naman yatang kahinaan. Marufoc ka, ghorl?
"Baks, ikaw na do’n!" angil ko kay bakla pero inirapan lang ako.
"Diyan ka na. Nakaupo na ‘ko e." talaga naman.
Napagkaisahan yata ako. At dahil wala akong choice ay nakanguso akong pumunta sa harapan. Hindi ko ine-expect na pagbubuksan ako ni Kuya ng pinto pagbaba niya ng kotse. Akala ko ay kung anong gagawin niya at bakit pa siya bumaba ng kotse. Inalalayan pa niya ang ulo ko para hindi mauntog. Additional pogi points.
Gentleman? Check.
Over-acting nga lang pala ako sa malaking gate ng bahay nila dahil isang apartment din ang tinitirahan ni Yujin. May malaking gate sila para sa parking space ng landlord nila. Pero hindi ko nakita ‘tong kotseng sinasakyan namin ngayon. Malamang na hiniram niya lang 'to. Pero pamilyar sa akin ang kotseng ito.
Parang nasakyan ko na ‘to dati. Pero parang hindi rin. Ewan. Ramdam kong nakatitig siya sa akin sa rearview mirror. Seryoso na naman ang tingin sa ‘kin. At nang mapansin niyang nakita ko siyang nakatingin ay iniiwas niya ang mga mata niya sa ‘kin.
"Aba ang bakla. Sitting pretty. Tulog na." baling ko kay Kuya na naka-focus sa pagmamaneho. Ewan kung naka-focus lang siya kaya hindi niya ako narinig o hindi niya talaga ako pinansin. Nanahimik na lang ako. Nang makarating sa apartment ay tinulungan kami ni Kuya na buhatin ang mga pinamili namin.
"Baks, we're here." ibang klase rin si Baks. Nakailang yugyog na ‘ko ay hindi pa rin siya nagigising.
"Puyat na puyat lang, ghorl? Patapos na kaming magbuhat." agad na sabi ko nang magising si bakla.
"Sorry naman, Baks," agad siyang lumabas ng kotse at tumulong sa pagbubuhat ng groceries papasok sa bahay. Inihanda namin ang mga ingredients ng lulutuin. Masarap naman ang kimchi kapag bagong gawa kaya iyon ang inuna kong gawin. Para may kakainin na kami habang hinihintay ang inihaw na baboy.