"Tulungan na kita." alok ni Kuya nang simulan kong hiwain ang mga gulay.
Gusto yata nitong maging super hero at palaging gustong tumulong.
A-award-an ko na to e.
Sa halip na makipag-away ay agad kong ibinigay sa kanya ang kutsilyo. Napakunot naman ang noo niya. Nagulat siya marahil dahil hindi na ako nakipagtalo pa. Kinuha ko na lang ang iba pang mga ingredients ng kimchi para paghalu-haluin na. In fairness magaling siyang maghiwa ng gulay. Baka dating babae si Kuya sa past life niya.
"Marunong ka pala niyan?" singit ko sa abalang paghihiwa niya para kahit papaano ay hindi naman kami mabingi sa katahimikan. Paano’y puro tunog ng malulutong na hinihiwang gulay at tunog ng kutsilyo lang ang naririnig namin.
"Oo naman. Noong nasa France ako ay tinuruan ako ng kaibigan kong magluto." natahimik naman ako bigla dahil sa youtube lang ako natutong magluto.
Sosyal pala ang chef namin. Sa France pa natutong magluto. Naghihiwa lang naman siya at hindi pa nagluluto pero pagluluto na agad ang sinabi niya. Fine. Pagbigyan na ‘yang mahangin na ‘yan. Baka bumagyo pa.
"Everyone, heto na ako. Ang masarap. I mean heto na ang masarap na marinade ng ating barbeque." pagyayabang ni bakla. Expert kasi siya sa ganyan. Hihirit pa na masarap siya.
Ano siya pagkain?
"Matatapos na rin kami." sabi ko nang paghalu-haluin na namin ang gulay at lahat ng ingredients ng kimchi.
"Wow buti pa kayo at nakaraos na. Tayo naman, Fafs." bastos ‘tong baklang 'to. O bastos lang ang naisip ko sa unang sinabi niya?
"Bunganga mo, Baks!" saway ko kay Taleo.
"Bastos mo mag-isip. Magpapatulong lang naman ako kay Fafs na mag-ihaw dahil tapos na kayong gumawa ng kimchi. Kung ayaw mo e di huwag. Damot mo kay Fafs. Hindi pa naman kayo." pabiro nitong sabi.
E paano magiging kami? Hindi naman siya nanliligaw. Huh? Ano na naman ba ang naiisip ko?
"Hoy, Baks! Hindi ko pinangarap na maging kami 'no! At walang kami. Hindi rin magiging kami. Kung gusto mo e ‘di kayo na!" gigil ako ni Baks e. Na-highblood ako ng bongang-bongga.
"Ay bet. Fafs tayo na lang daw." sigaw ni bakla.
Tatawa-tawa naman si Kuya. Mukhang gusto rin. Hinayaan ko na lang silang mag-ihaw habang inihahanda ko ang lettuce para sa barbeque at nagsaing na rin ako ng kanin.
Nang maihanda ko na ang lahat ay luto na rin ang inihaw na baboy. Kitang-kita kong kumikinang na ang mga mata ni Kuya na halatang sabik na kumain.
Hay... nakaka- in love ang lalaking mahilig kumain.
Iyon bang kapag nilutuan mo ng pagkain ay taob ang kaldero at kawali sa kanya.
Wait, Yuki. Ano na naman ang iniisip mo?
"Let's dig in." sigaw ni Baks nang maihain ang barbeque. Agad ko namang hinampas ang mga kamay nila bago pa man sila makakurot sa barbeque.
"Maghugas muna kayo ng kamay. Pagkatapos ay magpi-pray tayo bago kumain." sabay-sabay silang napatingin sa akin na para bang hindi makapaniwala sa sinabi ko. Sinamaan ko lang sila nang tingin at ini-nguso ang lababo.
"Opo, Inay." parang mga batang sumunod ang mga ito na sabay pa ang pagkakasagot.
"Hindi niyo ko Nanay! Buwisit!" sigaw ko. Aba! Ginawa pa akong nanay nitong mga 'to. Bumubulong pa si Taleo kay Kuya. Malamang ay pagkakaisahan ako ng dalawang ito.
"Hello everyone!" biglang bumungad ang kinaiinisan kong bruha. Nakaamoy na naman si Jes. Speaking of Jes, taga riyan lang siya sa kabilang apartment. Magkakalapit lang talaga ang bahay namin. Ewan ko ba sa dalawang 'yan at ipinaubaya ako kay Kuya kahapon para umuwi. Hindi talaga ako maka-move on.
"Lakas nang pang-amoy mo, Girl!" sigaw ni Baks sa kanya.
"Aba naman syempre. Pagkain yata 'yan. Tsaka hello! Nag-message ka kaya na pumunta ako rito. ‘Di 'ba?" agad akong napatitig nang masama kay Baks.
Pilit na ngumiti naman si Baks sa akin. Alam na alam naman niyang ayaw kong kasama at kausap ang babaeng ‘yan pero inimbitahan pa. Kung hindi ba naman talaga abnormal.
"Hi, Yujin! Nandito ka pala. Actually nabanggit din ni Talie na kasama ka nila." landi nang pagkakasabi. Halatang kinikilig pa habang nagsasalita. Sarap hilahin ng buhok niyang pagkaitim-itim na kasing itim ng balat niya.
Harsh ba? Nagpapakatotoo lang.
"At pupunta rin talaga ako. Keshee nemen nendete ke." rinig kong inarte niyang sabi sabay suksok ng bob cut niyang buhok sa gilid ng tainga niya.
Pabebe ka ‘te?
Kagigil. Ang landi. Feel na feel naman ni Kuya. Lakas pa nang halakhak ng mokong. Parang tuwang-tuwa sa sinabi ni Jes. E ‘di ikaw na ang gwapo!
"Tara na nga at kumain na tayo." hindi ko na ma-take ang kalandian nila. Actually, hindi ko na rin matiis ang gutom ko sa totoo lang kaya kailangang kumain na kami. Nagwawala na ang mga bulate ko sa tiyan. Kaunti na lang ay lalabas na sila.
Nang matapos kaming kumain ay parang binagyo ang mesa. Box office ang barbeque ni Taleo at ang kimchi ni Kuya. At dahil late na dumating si Jes at wala naman siyang naitulong sa pag-set ng table at pagluluto ay siya ang nagligpit ng mesa at naghugas ng mga plato.
Saglit na nagkuwentuhan matapos ay nag-marathon na kami ng kdrama ni Bakla. Oo na. Sige na. Kasama naming nanood sina Jes at Yujin. Pernes. Kung makahampas ‘tong si Talie sa kilig akala mo e jowa ang katabi.
Hindi ako nagseselos. Sinasabi ko lang.
Halos hating gabi na rin nang umuwi sila. Hinatid namin sila sa labas pagkatapos ay nagpahinga na ako. Umuwi na lang rin si Talie sa kanila. Hindi ko talaga maalis sa isip ko ang mga ngiti niya kanina.
Ano na naman ba’ng naiisip ko?
Maaga akong pumasok kinabukasan dahil marami akong callback. Puro mga follow-up lang naman sa mga clients. Ayaw na ayaw kong may trabahong binabalikan. Hangga’t maaari ay tinatapos ko na lahat. Hindi nga lang maiwasan kapag sa airlines ang linya mo dahil talagang babalik at babalik ang trabaho mo kahit anong gawin mo. Lalo at may problema ang flights.
"Thank you for calling Alfonso Airlines. Yuki speaking. How may I help you?" agad kong sagot sa tumawag sa line ko nang marinig ko ang incoming tone. Kaya naman mababa lagi ang ASA ko o average speed of answer sa bawat calls.
Technically, the call must be answered within two seconds and the maximum is fifteen seconds. Hindi naman sa pagyayabang pero magyayabang ako dahil ako lang naman ang laging top sa service level agreement namin o SLA. Palagi rin naman akong nakaabang sa calls, and I treat every call as my first call. Ewan ko lang sa iba riyan na ilang minuto na yatang nakatitig sa akin at nakanganga pa.
At syempre dapat ay matapos kong ma-assist ang isang client within six minutes or less dahil para sa isang airline company maraming clients ang nasa linya araw-araw. Lalo na sa line namin. For normal calls like confirmation of flight lang ay dapat three minutes or less lang ay tapos na ang call. Tulad ngayon natapos ko ang call ko in two minutes lang. At hanggang ngayon ay nakatingin pa rin ang mokong.
"Anong kailangan mo?" awtomatikong umarko ang kilay ko na tanong sa katabi ko sabay abot ng tissue paper. Galing sa toilet ang tissue paper. Iyong ginagamit after maghugas ng kamay kaya I'm sure gasgas ang mukha nito pag-ipinunas niya sa mukha niya.
As usual si Yujin ang tinutukoy ko. Paano ba naman ay kanina pa nakatitig sa ‘kin? Ako lang 'to. Si Yuki, the pretty. Sabay flip ng hair ko papunta sa likuran. Wala akong pakialam kung may maartehan sa akin. That's me.
"Huh?!" pamaang niyang sabi.
"Alam mo… ayaw talaga kitang kausap pero bakit ka ba tingin nang tingin sa kin?" sa isip ko lang talaga dapat sasabihin. Okay na rin sigurong malaman niya na ayaw ko sa kanya.
"Kasi ano... ah... eh..." nauutal niyang sabi. Napapakamot pa sa ulo. Kuya sa gwapo mong iyan ay natotorpe ka pa sa katulad ko. Paano pa kapag Miss Universe na ang kaharap mo?
"Ano nga?" hindi pa kasi ituloy ang sasabihin. Nakakairita na. But instead of telling me why ay agad niyang kinuha ang tissue sa kamay ko. Kuya ha. Sumayad ang palad mo sa kamay ko.
Tyansing ‘yan.
Sabihin mo lang kung gusto mong hawakan ang kamay. Syempre hindi ko ibibigay. Ano ako hilo? Kahit siguro type kita pero hindi talaga kita type. Aba'y paghirapan mo ang bagay na gusto mong gawin.
"Aray! Ano ba?" napatutop ako sa aking bibig dahil napalakas ang sigaw ko. Napahaplos din ako sa aking pisngi dahil sa gaspang ng tissue. Nasugat pa yata ang mala-porselana kong kutis. Kung hindi ba naman abnormal 'tong lalaking ito e.
"Anong ginagawa mo?" singhal ko rito nang hawakan niya ang pisngi ko at punasan gamit ang tissue na magaspang.
"Ano kasi... may icing ka pa sa pisngi..." hindi ko alam kung matutuwa ako, kikiligin o maiinis kay Kuya e. Masasampal ko nang wala sa oras ang lalaking ‘to.
"Bakit ‘di mo kasi agad sinabi? Kaya ko namang punasan ang sarili ko." hmp! Nakakainis ang bruho. Kaya pala nakatitig. Ang sarap naman kasi ng ensaymada sa coffee shop. Try ko nga magluto nang kasing sarap no’n one time.
"Kas –Thank you for calling Alfonso Airlines. Yujin speaking. How may I help you?" sabay kindat sa akin. Sasagot pa sana siya pero pinasukan na siya ng call. Buwisit may pakindat-kindat pa.
Tusukin ko ‘yang mata mo e.
Paligoy-ligoy pa kasi. Bakit ba kasi iniintindi ko pa ang pagtitig niya? Bahala nga siya diyan! Tinalikuran ko ang nakakainis na lalaking ‘yon. Hindi ko na talaga siya kakausapin kahit kailan. Nakakairita. Puwede namang sabihin kaagad ang mga ganoong bagay kung bakit ba naman kasi kailangang tumitig pa. Para bang nang-aasar.
Pero bakit gano’n? Mapaseryoso siya o hindi ay ang cute niyang tingnan. Pasimple kong sinilip si Yujin sa gilid ng mga mata ko. Ang cute niya. Lalo na ‘pag nakalabas ang dimples. Parang ang sarap titigan lagi. Bakit ba naman kasi may dimples pa siya. Kahinaan ko pa naman ‘yon.
Hay…
Bakit parang naiinip ako sa tagal niya makipag-usap sa kausap niya? Parang ang tagal naman yata nilang mag-usap.
Hmp.
Patawa-tawa pa siya. Parang close sila ng client. Hello, Kuya. Nasa work tayo. Hindi tayo dapat nakikipag-kuwentuhan sa client. Masyadong mabulaklak ang bibig nito. Kala mo naman kabisado na ang lahat ng babae sa mundo. Naiinis na naman ba ‘ko?
Ewan talaga.
Pero… sa totoo lang... cute si Kuya. Hindi nakakasawang titigan lalo na ang mga mata niya.