“AYOS ka lang friend?” tanong kay Odessa ng kaibigang si Lucy. Dumating ito para sana damayan siya sa pagkaka-reject niya sa EMM pero hindi man lang niya ito magawang kausapin nang matino. Wala kasi siyang ganang magsalita o ni gumalaw man lang.
Gustuhin man niyang ipaliwanag rito ang pagiging warfreak ni Lucas sa audition niya pero hindi niya magawa. Paano niya ipapaliwanag ang galit ng lalaki sa mga amerikano? Hindi naman niya magawang ibulatlat na lang ang sikreto ni Lucas nang ganoon ganoon lang.
Kahit na ikaw na ang agrabyado, siya pa rin ang inaalala mo, Odessa.
Napabuntong hininga na lang siya. Totoo din naman kasi. Kahit na ganoon ang nangyari ay pinoprotektahan pa rin niya si Lucas. Walang nakakaalam sa buong nangyari sa audition niya. Maski ang kanyang lola pa.
“Uy, sagot naman d’yan,” untag ng kaibigan sa kanya. Hindi na yata ito makatiis dahil hinampas na siya sa braso.
She looked at her friend and sighed once more. “Ayos lang ako. Naiinis pero ayos lang.”
“Ganyan naman talaga minsan, Odessa. Nabibigo tayo sa unang subok natin. Pero tiwala lang. Makakamtan mo rin ‘yon sa susunod,” payo sa kanya ni Lucy.
Tama naman ito. Ang totoo naman ay tanggap naman niya na ang anomang rejections mula sa mga model agencies kung sana lang ay sumalang talaga siya sa auditions. Kaso hindi. Na-reject siya nang ‘di man lang nakikita ng mga ito ang kaya niyang gawin. Doon siya naiinis. Kaya naiinis siya kay Lucas.
Somehow, she felt Lucas knew it was his fault. Wala itong imik habang bumabyahe sila pauwi kanina. Bakas din ang guilt sa mukha nito. But he didn’t say sorry. Mukhang pinapanindigan pa rin nito ang ginawa.
Huminga siya nang malalim at saka hinarap ang kaibigan. “Thanks, Luce. Nagpunta ka pa talaga, rito. Okay naman na ako.”
“Kung okay ka eh bakit ‘di ka raw nag-dinner?” Tumayo ang kaibigan at saka hinila siya. “Tayo na. Ililibre kita sa bakery sa may labasan.”
“Wala akong gana, Lucy. Huwag na lang.”
“Kurutin kita sa singit eh.” Hinila muli siya nito hanggang sa mapatayo na siya. “Tayo na. Magbihis ka na. Sa labas kita hihintayin.”
Iyon lang at lumabas na ang kaibigan. Siya naman ay tumayo na rin at nagsimulang magbihis. Tama ang kaibigan. Di naman ikakabuti niya ang pagmumukmok. Mabuti na iyong makalanghap siya ng sariwang hangin.
“Apo, kumain ka na. May tirang adobo sa mesa,” alok ng kanyang Lola Lina nang nakalabas na siya ng kwarto.
“Salamat po, La. Pero gusto po ni Lucy na kumain kami sa labas. Doon sa may bakery. Sasamahan ko na lang po.”
Sumigla ang mukha ng kanyang lola. “Ah, mabuti naman. Sige, apo. At nang maibaling naman iyang lungkot mo. Mahirap na at mabawasan ang ganda mo. Aba’y apo ka yata ng Mutya ng San Mateo 1955!”
Napangiti siya sa biro ng kanyang lola. “Si Lola talaga.”
Inihatid pa siya ng kanyang lola sa may pinto saka siya tuluyang nagpaalam. Pero habang naglalakad siya palabas ng bahay ay napatigil siya nang may isang imahe ng lalaki ang nakatayo sa may tarangkahan nila.
Lucas.
Hindi gumagalaw si Lucas. Nakatitig ito sa kanya. At tulad kanina ay bakas pa rin sa mukha nito ang guilt.
“Paumanhin,” anas nito nang makalapit na siya.
“Nangyari na ang nangyari, Lucas. Hindi na maibabalik iyon.”
“Nadala ako ng aking galit, Odessa. Hindi tamang ilabas koi yon sa ganoong oras.”
“Mabuti naman at tinanggap mo na mali ka.”
“Pero hindi ko pinagsisisihan ang aking ginawa. Tama lamang na hindi ka natanggap sa nais mong pasukang trabaho.”
Imbes gumaan na ang kanyang pakiramdam ay muling nanumbalik ang inis sa dibdib niya.
“Anong sabi mo? Natutuwa ka na ‘di ako natanggap? Anong klase ka!” may lakip nang galit sa kanyang boses.
Pero nanatiling matigas si Lucas. “Narinig mo. Wala akong tiwala sa mga taong iyon. At saka marami namang pwedeng maging trabaho, Odessa. Bakit ganoon pa na paghuhubarin ka? Hindi ko tanggap iyon.”
Nanlaki ang kanyang mga mata. “At bakit mo naman kailangang tanggapin? Hindi ko hinihingi ang opinion mo. Pangarap ko ‘to, Lucas. Ito ang naiisip kong makakatulong sa pamilya ko!”
“Odessa…. Maaaring iba na ang panahon ngayon. Pero hindi mahirap pa rin sa aking intindihin iyon. Pwede ka namang maging guro, doktor, modista. Kahit na ano, ‘wag lang ang magsilbi sa mga amerikanong iyon.”
Bakas ang pagmamakaawa sa boses ni Lucas. Hindi rin niya maikakailang seryoso ito a ayaw nitong magtrabaho sa EMM. Pero hindi niya basta susukuan ang pangarap niya.
“Lucas… iba na ang panahon ngayon. Taong dalawang libo at labing-isa na, Lucas! Hindi na ito panahon ng pananakop ng mga taga-ibang bansa. Tapos na ang pinaglalaban ninyong mga katipunero!”
“Por favor, Odessa…”
“Tumigil ka na, Lucas! Ayoko nang marinig pa ang mga sinasabi mo.”
Sa inis ay naglakad na lang siya palabas ng bakuran nila. Hindi na niya hinintay pa na sumagot ito. Narinig pa niyang tinawag siya nito pero ‘di na siya lumingon pa. Iyon lang ang nakikita niyang paraan para hindi na siya makapagsalita pa ng mas makakasakit sa kanilang mga damdamin.
Mabilis ang kanyang paglalakad nang may humawak sa kanyang braso. Pag-angat ng kanyang mukha ay nakita niya si Calvin. Nakapinta sa mukha nito ang pag-aalala.
“Anong nangyari?” tanong nito.
Pero hindi pa man siya makasagot ay muli niyang narinig ang boses ni Lucas na tinatawag siya. Napalingon siya sa kanyang likuran at naroon nga ang binata. Kunot noong nakatingin ito sa kanila ni Calvin.
Yeah, right.
Hindi nga pala nito gusto si Calvin. Pero bahala na. Wala na siyang pakialam pa. Kailangan niyang makaalis doon para ‘di na sila tuluyang mag-away pa ni Lucas. She’s too pissed off to talk to him right now.
“Tayo na Calvin. Nasa may bakery si Lucy. Kumain tayo roon.”
THERE’S no sign of Lucas in his room. Mukhang totoo nga ang sinabi ng kanyang Lola Lina. Umalis na ito. Alas diyes na ng gabi nang makauwi siya. At kung saan raw ito pupunta ay hindi naman nagsabi. Ang binanggit lang ay nahihiya na raw itong makituloy sa kanila. Pakiramdam raw nito ay nakakaabala na ito sa kanilang mag-anak.
Napaupo si Odessa sa kama ni Lucas. Hindi niya maipaliwanag ang lungkot na nararamdaman. Nagkagalit sila ni Lucas bago ito umalis. Hindi dapat ganoon ang nangyari. Pero ano pang magagawa niya? Umalis na ang lalaki.
Pero saan naman ito pupunta? Galing ito sa 1901. Paano na lang kung mapahamak ito?
God.
Suddenly she felt like it’s her fault. Kahit alam naman niyang may karapatan pa rin siyang mainis matapos ang nagyari sa audition. Pero hindi talaga niya mapigilang makaramdam ng pag-aalala.
Ngayon ay naiintindihan na siya kung bakit siya ganoon kainis kanina. Hindi niya kasi matanggap na ang taong nagiging espesyal na sa kanya ay ang numerong unong ayaw sumuporta ng kanyang pangarap.
It hurts her… and saddens her at the same time.
Damn it. Kailangan niyang makausap ang lalaki.
Agad niyang inilabas ang cellphone sa kanyang bulsa at d-in-ial ang numero ni Lucas. Pero sa kasamaang palad ay nakapatay iyon. Mas dumoble ang kaba sa kanyang dibdib.
Nasaan ka, Lucas?