HALOS lumuwa ang puso ni Odessa habang nasa loob ng dressing room. Hindi siya kinakabahan sa suot na two piece swimsuit kung hindi ay sa dalawang America representative ng sikat na modelling agency na Elite Model Management or EMM. Ang mga modelo ng agency na iyon ay madalas na napi-featire ang mga sikat na magazines at fashion events.
Salang-sala raw silang mga Pilipina na napili kaya naman halos hindi na sila umabot sa fifty models. At sa limampu ay tatlo lang ang mapipili.
Napatingin siya sa kanyang mga kapwa modelo. Kanyang-kanyang ayos ang mga iyon sa suot at buhok. Ang iba naman ay nagpapraktis ng paglakad.
God, help me.
Sa loob ng dressing room ay pumasok ang dalawang white gay men at bumati sa kanila. Nagpakilala ang mga itong galing sa Elite Model Management. Kahit mukhang mababait naman ay ramdam pa rin niya ang mga mata nitong sinusuri sila. Mas lalo tuloy siyang kinabahan. Paano kung hindi siya mapili? Paano na lang ang pangarap niya?
Matapos bumati ay lumabas na rin ang mga tag-EMM. Pumasok naman ang isang babaeng organizer at pinaghahanda naman sila.
“O, ano? Galaw-galaw na! Bilisan ang pagre-ready! Kung gusto niyong makuha bilang model ay bawal ang papetiks-petiks dito. Iilan na nga lang kayong nakapasa eh sasayangin niyo pa ang tsansa. You have 10 minutes para mag-ayos,” mataray na sabi ng babaeng organizer. Sa tingin niya ay nasa edad mga kwarenta na siguro ang babae. Bilugan ito at mukhang papel sa puti.
Sinipat niya ang sarili sa malaking salamin. Ang totoo ay kinakabahan siya. Pero dahil alam niyang nasa waiting area lang si Lucas, kahit papaano ay nabawasan ang pag-aalala niya. Kanina din kasi ay puno ng encouraging words ito sa kanya. Wala raw siyang hindi makukuha kung nanaisin niya.
“Sinong Odessa rito?”
Napalingon siya nang marinig ang pangalan. Isa sa mga modelo pala ang nagbanggit noon.
Agad naman siyang nagtaas ng kamay. “Ako, bakit?”
“May naghahanap sa’yo sa labas. Boyfriend mo yata.”
Si Lucas?
Pero anong ginagawa nito sa labas ng dressing room? Hindi ba’t binilin niya ritong manatili lang sa waiting area?
Mabilis siyang lumabas sa kwartong iyon at agad namang nakita si Lucas na nakatayo sa may pinto.
“Anong ginagawa mo rito? Di ba sabi ko sa’yo doon ka lang at maghintay? Bawal dito.”
Pero wala sa sinabi niya ang atensyon ni Lucas. Nakatingin ito sa katawan niyang naka two piece. Pero imbes na magandahan ay bumakas ang inis sa mukha ng binata.
“Ano ba ‘yang suot mo? Ano bang ginagawa ninyo at ganyan dapat ang kasuotan? Magbihis ka nang maayos.”
Hindi likas na mataas ang boses ni Lucas kung magsalita. Malumanay nga ito at puno ng karisma. Pero ngayo, ‘di maikakailang galit ito.
“Nagmomodelo nga eh. Wala lang ito sa panahon ngayon.”
“Anong wala? Maaari bang wala lang? Ganito ba ang pagmomodelo? Nagpapakababa ng sarili?”
Mula sa kabilang pinto ay lumabas ang organizer na babae. “Anong kaguluhan ito? Sinong nagpapakababa? Aba’t hijo, kung nandito ka para manggulo ay ipapadampot kita sa mga gwardiya. Doon ka sa labas. Tsupe!”
OMG!
Agad niyang itinulak palayo si Lucas sa organizer. “Pasensya na po. Wala po siyang ibig sabihin na masama.”
Pero hindi nagpatinag si Lucas. “Ikaw baa ng nagpapasuot sa kanila ng ganitong kasuotan?”
Nagtaas ng kilay ang babae. “Ako? May angal ka?” Pagkasabi ay binalingan siya. “Hoy, miss. Bakit ba nag-eenarte itong boyfriend mo? Ilabas mo ‘yan dito o ikaw ang malalagot sa EMM.”
Doon na siya kinabahan. Mabilis niyang hinila palayo si Lucas. “Ano ka ba? Umayos ka nga. Mapapahamak ako sa ginagawa mo.”
“Ikaw ang mapapahamak sa kamay ng babaeng iyon.” Hinubad nito ang suot na polo at mabilis iyong pinatong sa balikat niya.
Lucas is left wearing his white sando pero hindi pa rin naaalis ang inis sa hitsura nito. At kahit ganoon ay naiintindihan niya kung saan ito nanggagaling. He’s from a time na konserbatibo pa ang mga tao. Na ang pagpapakita ng sobrang balat ay ipinagbabawal.
Hinawakan niya ang kamay ni Lucas at saka tumitig sa mga mata nito. “Makinig ka. Walang gagawa sa akin ng masama rito. Natural lang na tingnan nila ang hubog ng katawan namin dahil magsusuot kami ng iba’t ibang damit kapag nakapasa na. Kaya ‘wag ka nang mag-alala.”
Nagsimulang lumambot ang hitsura ni Lucas.
“Hindi pa rin tama.”
“Wala ka bang tiwala sa akin? Si Odessa ‘to. Hindi ako magpapaapi sa kahit kanino.”
Pero imbes na sumang-ayon ay nanlaki ang mga mata ni Lucas habang nakatingin sa kanyang likuran. Wala siyang magawa kung hindi ay lumingon na rin. Doon na niya napansin na sa dalawang Amerikanong taga-EMM nakatitig si Lucas. Nagbibigay ito ng instructions sa organizer.
“Sino sila?” tiim bagang nitong tanong.
“Ah, sila ang kukuha sa amin bilang modelo.”
Umiling ang binata. “Hindi ka magmomodelo para sa kanila,” matigas na sabi nito sabay hila sa kanya palayo sa lugar na iyon.
Pero bago pa tuluyang makalayo ay buong lakas niyang pinakawalan ang sarili sa pagkakahawak ni Lucas. “Ano bang problema mo?! Di mo ba naiintindihan ang pinaliwanag ko sa’yo?”
“Mga puti sila. Kilala ko rin ang lengwaheng iyon. Hijo de putang mga Amerikano!”
Natilihan siya sa narinig. “Shhh! Baka marinig ka nila. Bakit ka ba galit na galit? Wala naman silang ginagawa sa’yo.”
“Hindi mo alam ang mga ugali nila. At sa hitsura mong ‘yan, hinding-hindi ka gagalangin!”
“Mga bakla sila. At kahit mga lalaki pa sila na tunay ay hindi rin nila gagawin iyang iniisip mo. Propesyonal sila.”
Pero matigas pa rin ang iling ni Lucas. “Hindi. Hindi ka sasali sa pagmomodelo na iyan sa kanila.”
Akmang hahawakan na naman siya nito nang umiwas siya. “Ikaw ang tumigil. Pangarap ko ito! Wag mong sirain!”
“Ikaw ang sumisira sa sarili mo sa paglapit sa mga iyan.”
Sumasakit na ang ulo ni Odessa. Paano ba niya ipapaliwanag kay Lucas na wala itong dapat ikatakot.
“Tama na, Lucas. Mag-uusap tayo mamaya. Kailangan ko nang makabalik doon.”
“Hindi pwede!”
“Ano ba? Sasali ka ba o hindi? Anong oras na?” ang organizer iyon na mukhang hinahanap pala siya.
“Ah, opo. Susunod na po. Pasensya po talaga,” paghingi niya ng paumanhin rito. Pagkatapos ay muli niyang hinarap si Lucas. “Sige na. Bumalik ka na ro’n.”
“Hindi pwede!” matigas nitong tanggi.
“Pero Lucas—”
“Miss! Kung hindi ka na sasali, ikakatuwa iyon ng iba,” sabi ng babae.
Doon na siya lubusang nataranta. Itinulak na niya palayo si Lucas. “Alis na.”
Pero imbes na sumunod sa kanya ay hinawakan lang siya nito sa braso. “Hindi ka sasali roon. Huwag matigas ang ulo.”
“Pakiusap naman, Lucas!”
“Hindi pwede! Nakita ko ang kaya nilang gawin sa mga kababaihan. Hindi ako papayag na gawin nila iyon sa’yo.”
Kung ano man ang nasa isip ni Lucas ay hindi siya handing pakinggan ang mga iyon. “Wala akong panahon para sa sinasabi mo.”
“Basta makinig ka lang sa akin.”
Doon na niya narinig na naglakad palayo ang organizer. Agad niyang hinabol ito. “Sandali lang po!”
“Wala nang oras. Nagsimula na sila. Late ka na. Ayaw ng mga taga-EMM ng late kaya you’re OUT.”
“Pero…”
“Hindi mo ba ako naririnig? YOU’RE OUT. Pack your bags and leave this building now.”
Iyon lang at tinalikuran na siya ng babae. Pakiramdam naman ni Odessa ay nanghina ang tuhod niya sa nangyari.
I’m out?
Hindi siya makapaniwala. Ilang taon niyang pinangarap at pinaghandaan ay mawawala lang nang ganoon? Dahil… dahil lang kay Lucas?
Hinawakan ni Lucas ang kanyang braso. “Umuwi na tayo.”
Pero imbes sumunod ay iniwas niya ang sarili rito. Nanginginig ang kanyang mga kalamnan. Gusto na niyang pigilang ‘di maiyak pero huli na. Umagos na ang luha sa kanyang mga mata. Nang makita iyon ni Lucas ay tila nawala ang kahit anong galit sa mukha nito at napalitan iyon ng pag-aalala.
“Odessa…” anas nito.
Pero hindi siya sumagot at inalis ang polo na ipinatong nito sa kanyang balikat. Itinapon niya iyon sa sahig. Hinang-hina na bumalik siya sa dressing room. Wala na roon ang mga kasamang modelo. Nagmamadali siyang sumunod sa silid kung saan magaganap ang audition pero naka-lock na iyon. May isang lalaking bantay roon pero ang sabi ay hindi raw ito magpapapasok ng kahit na sino.
Doon na siya nakaramdam na para siyang pinagsakluban ng langit at lupa.
Wala siyang nagawa kung hindi ay magpalit ng damit at bitbitin ang bag palabas ng dressing room. Sa labas ay nakaabang sa kanya si Lucas. His face looked sad pero wala siyang pakialam. Sinira nito ang audition niya.
“Odessa…” tawag muli ng binata pero nilampasan lang ito ni Odessa.
Wala siyang gana makipag-usap kahit kanino. Lalong-lalo na sa lalaking sumira ng kanyang pangarap.