BERNADETTE
“Nakakahiya naman sa iyo, Cyrus. Sinamahan mo pa ako rito. Okay lang naman na hindi na,” sabi ko kay Cyrus dahil sa pag-stay niya.
Napakamot siya ng ulo. “Ayos lang ’yun. Pakiramdam ko ay hindi ka pupuntahan ng asawa mo kaya sinamahan na kita.” Napayuko ako. May tama naman si Cyrus. Hindi naman talaga ako sasamahan niyon. Tinatawagan ko si Fernan, ngunit hindi niya sinasagot ang tawag ko. Nangilid ang luha ko.
“I am so sorry. Wala akong karapatang panghimasukan ang tungkol sa inyo. Hindi ko lang mapigilang mainis sa asawa mo. Dapat siya ang nandito upang samahan ka,” sabi ni Cyrus at napailing.
“H-Hindi kami in good terms ng asawa ko. Ikinasal kami na labag sa kagustuhan niya. Ang Mommy ng asawa ko ang nag-insist na pakasalan ako para panagutan ang nangyari sa aming dalawa. Noon pa man kinasusuklaman na niya ako. Hindi ko alam kung bakit. Naging mabuti naman ako sa kanya, pero tila kulang iyon para mahalin niya ako. Nagmumukha na akong tanga sa pagmamahal sa kanya. Ganoon yata kapag umiibig minsan nakakatanga.”
Napangiti ako, ngunit hindi umabot sa mga mata. Nagiging tanga na nga ako sa paningin ng ibang tao, pero heto ako nagmamahal sa lalaking manhid at hindi yata marunong magmahal. To the point na hindi ko alintana ang sakit ng puso ko dahil sa ginagawa niya.
“Naiintindihan kita sa part na yan. Kapag talaga nagmahal nagiging bulag sa lahat ng bagay. Kahit alam na mali o nasasaktan na sige pa rin. Minsan magtira tayo kahit isang porsyento lang para sa sarili natin. Atleast may isang porsyento na nagsasabi sa iyong tama na.” Napatitig ako kay Cyrus. Nakangiti ito. Isang porsyento?
“Hindi naman kita pinpilit na gawin iyon. Nasa sa iyo pa din ang desisyon wala sa akin. Suggestion lang naman ang sa akin.” Tumango ako.
Isang porsyento.
Napangiti ako kay Cyrus. Hinatid niya ako sa bahay ng alas-sais ng gabi. Nakita ko ang sasakyan ni Fernan at may isa pang sasakyang nandoon. May bisita siguro si Fernan.
“Salamat Cyrus sa paghatid at sinamahan mo pa ako. Hayaan mo bibigyan kita ng leche plan at ube kahit yun man lang ang bayad ko sa iyo.”
“Naku ayos lang yun. Hindi ko tatanggihan ang leche at ube mo. Sayang ang tumanggi sa grasya.” Natawa siya sa sinabi.
“Ingat sa pag-uwi.” Tumango siya at sumakay sa taxi niya. Sinarado ko ang gate at pumasok sa loob. Expected kong nasa sala ang bisita ni Fernan, pero walang tao kaya nagtaka ako. Nagpunta ako sa library, pero madilim at walang senyales na nagpunta roon. Pinuntahan ko rin ang mini bar ni Fernan sa underground, pero walang tao. Kaninong sasakyan ang nandoon? Hindi naman kay Fernan iyon dahil kilala ko ang sasakyan niya.
Nagpasya akong umakyat sa itaas upang makapagpalit ng pantulog. Gusto kong kausapin si Fernan tungkol sa pagbubuntis ko. Kahit hindi ako sigurado na matatanggap niya itong dinadala ko. Magbabakasakali ako.
Napahinto ako sa tapat ng pinto ng silid ni Fernan. Nakarinig ako ng mga mahihinang boses. Hindi ko alam kung nag-uusap o ano. Tinapat ko ang tainga ko sa pinto. Napahawak ako sa bibig ko nang marinig ang halinghing ng isang babae. Napalayo ako sa pinto na tila takot na takot.
Kumabog ng mabilis ang puso ko. Napahawak ako roon. Ramdam na ramdam ko ang panginginig ng katawan ko. Napakuyom ako ng kamao. Binuksan ko ang pinto at nabuksan iyon. Napaawang ang labi ko sa dalawang taong nasa ibabaw ng kama. Parehong nakahubad habang may ginagawang kalaswaan. Humigpit ang pagkakakuyom ng kamao ko. Nagtagis ang bagang ko.
Sobra na itong ginagawa ni Fernan sa akin. Matitiis ko pa na pakitaan niya ako ng hindi maganda, pero ang makita siyang may babae rito sa bahay namin ay hindi na tama.
Tumulo ang masaganang luha sa aking mata. Nanginginig ang labi ko habang nakatingin sa dalawang tao.
“Fernan. . .” Mahina kong sabi. Bulong lang iyon, ngunit tila tunog ng kidlat ang boses ko sa dalawa. Napahinto si Fernan sa paggalaw sa ibabaw ng babae. Napatingin silang pareho sa akin. Tinakpan nilang pareho ang kanilang hubad na katawan.
“What are you doing here?!” Pagalit na sabi ni Fernan.
Ang kapal ng mukha niyang magtanong kung ano ang ginagawa ko rito. Ako ang asawa niya at ako ang mas may karapatan dito kaysa sa babae.
“Kailan mo ba ako pahihirapan ng ganito Fernan! Hanggang kailan! Kaya kong tanggapin lahat ng p*******t mo sa damdamin ko dahil alam kong hindi mo ako mahal, pero huwag naman sa ganitong paraan. Sobra na Fernan h-hindi ko na kaya! Ano bang naging pagkukulang ko? Ibinigay ko naman sa iyo ang lahat. Sahid na ako, sa sobrang pagkasahid ay kahit sarili ko hindi ko na inintindi,” sabi ko.
Parang bombang sumabog ang dibdib ko. Nanginginig ang kamao ko sa matinding galit. Gusto kong saktan sila, ngunit mas inisip ko ang anak ko. Hindi ko na hahayaang mawalan ulit ng anak. Tama na ang isang nawala sa akin. This time hindi ko na kakayaning mawala pa ang magiging anak ko. Nakakalokong tingin ang ibinigay niya sa akin.
“Sinabi ko naman sa iyo, hindi ka magiging masaya sa piling ko. Kasalanan mo yan dahil kahit alam mong wala akong pagmamahal pinagsisiksikan mo pa rin ang sarili mo. So ngayon natauhan ka na ba? Give up!” Panghahamon niya sa akin. Nagtagis ang bagang ko.
“Narinig mo naman siguro ang sinabi ni Fernan,” sabi ng babae.
Halos maglabasan ang ugat ko sa kamao at sa sintido sa sobrang galit. Hindi ko ugali manakit ng tao, pero this time hindi ko kayang magtimpi. Sumabog na ako. Sinugod ko ang babae. Hinila ko ang kanyang buhok at sinampal.
“Ahhhh... you b***h get off my hair!” Pilit niyang inaalis ang kamay kong nakahawak nang mahigpit sa buhok niya. Kakalbuhin ko talaga ang babaeng ito.
“May gana ka pang pumatol sa may asawa na! Napakawalanghiya niyo!” Sigaw ko rito.
Halos mag-apoy ang mata ko sa galit. Sinakal ko ang leeg ng babae. Pinipigilan ako ni Fernan, ngunit mahigpit ang pagkakasakal ko sa babae. Naging bulag ako dahil sa galit. Ang nasa isip ko ay mawala ang babae.
Hindi ko napaghandaan ang ginawa ni Fernan. Sinampal niya ako. Napabaling ang mukha ko. Napahawak ako sa pisngi. Mukhang nagulat si Fernan sa ginawa niya sa akin. Tumulo ang luha ko. Napakagat labi ako.
“I will sue you!” sabi ng babae sa akin, ngunit tila balewala sa akin ang sinabi niya. Nakatitig lang ako kay Fernan habang tumutulo ang luha ko.
“Ang kapal ng mukha mong magsabing kasuhan ako? Kayo ang kakasuhan ko! Napakasama niyo!” Umiiyak na sabi ko.
Tumayo ako para lapitan si Fernan. Ngayon ko lang gagawin ito. Dapat nga matagal ko ng ginawa ito. Ginawaran ko ng malakas na sampal si Fernan. Hindi isa, tatlong sampal. Hindi natinag si Fernan sa ginawa ko na parang hindi nasaktan. Sinuntok ko ang dibdib niya. Napahagulgol ako.
Napahawak ako sa mga tuhod ko. Ramdam ko ang panghihina ng paa ko. Feeling ko naubos ang lakas ko. Sumagap ako ng hangin dahil sa walang humpay na pag-iyak.
“Nagsisisi akong ikaw ang minahal ko Fernan. Masakit na masakit na rito.” Itinuro ko ang tapat ng puso ko. Dumating na ako sa punto ng buhay ko na wala nang natira sa sarili ko. Sa sobrang wala ng natira ay wala na akong lakas para ipaglaban siya. It’s time na mahalin ko naman ang sarili ko. It’s time to give up. Tama si Cyrus dapat magtira ako para sa sarili ko kahit isang porsyento lang. At gagamitin ko ang isang porsyentong iyon, hindi sa sarili ko kung hindi para sa anak ko.
“I give up Fernan. Ayoko na. . . Ayoko na. Masaya ka na? Ibinibigay ko na ang kalayaan mo.” Pagkasabi niyon ay tinalikuran ko na siya. Pumasok ako sa silid ko. Kinuha ko ang mga damit ko sa cabinet at inilagay sa malaki kong bag.
Ngunit nagulat ako nang sundan ako ni Fernan sa silid ko. Hinawakan niya ang braso ko para patigilin sa ginagawa ko.
“Pag-usapan natin ito. Sa palagay mo ba kung aalis ka rito hindi magagalit si Mommy?” Marahas akong napatingin sa kanya. Hindi ako makapaniwala kay Fernan. Iniisip niya pa kung anong mararamdaman ng Mommy niya? Paano ako? Hindi niya ba ako naisip?
“Bakit mas mahalaga ba ang ego mo kaysa sa nararamdaman ko? Sa palagay mo kayang i-justify ang takot mo sa galit ng Mommy mo sa nararamdaman ko ngayon?! Dito mismo sa sarili nating pamamahay nagdala ka ng babae. Sabihin mo nga tama ba iyon? Naisip mo ba ako? Asawa mo ako at hindi katulong na kahit makita ang ginagawa mong kahalayan ay ayos lang sa akin. Tao ako Fernan, may pakiramdam! Tanggap ko naman na hindi mo ako mamahalin, pero umaasa akong balang araw kahit konti lang na pagmamahal ay maibigay mo sa akin.” Pinahid ko ang luha sa pisngi ko.
“Siguro nga tama ka isa akong desperada at manhid. Nakakapagod kang mahalin Fernan,” sabi ko. Sinarado ko ang bag at binitbit iyon.
“Berna, please huwag kang umalis.” Pakiusap niya, ngunit wala ng epekto iyon sa akin. Hindi ko siya nilingon at dumiretso palabas ng pintuan. Bago makababa ng hagdan ay nakita ko ang babaeng nakatayo sa tapat ng silid ni Fernan at nakabihis na. Isang matalim na tingin ang ibinigay ko sa kanya.
Bago ko pa ihakbang ang mga paa ko. Nilingon ko ang babae. “Magsama kayo sa impyerno!” Sigaw ko. Pagkalabas ng gate roon naramdaman ang bigat ng dibdib ko. Nagsibagsakan ang mga luha ko. Akala ko kaya ko pang ipaglaban ang pagmamahal ko sa kanya, ngunit nasahid na ako. Pagod na akong mahalin siya.