Natatanaw na ngayon ni Kim ang tulay na may Nakalagay ‘Welcome to Concepcion’ palatandaan na naroon na sila sa kanilang Nayon.
Kinailangan nilang Mag-anak na umuwi ng probinsiya dahil may sakit ang kanyang Lola at walang mag-aalaga dito.
Ang kanyang Ama at Ina ay nagpasya na ring sa bukid na magtatrabaho. Kaya labag man sa kalooban ni Kimberly ay kasama siya ngayon sa bus na sinasakyan nila. Ang nakababatang kapatid niya ay nakatulog na sa haba ng biyahi.
Bumalik ang tingin niya sa paligid. Puro kahoy, palayan at mga bundok sa kalayuan ang nakikita niya dito sa Nayon nila.
Mamimiss niya ang Maynila. Ang kalsada na puno ng jeep, ang mall, ang skwelahan nila at ang bestfriend na si Faith.
Nakapagpaalam naman siya sa bestfriend niya at nangako pa itong magpapadala ng sulat palagi, pero iba pa rin iyung nakakasalamuha, nakakausap at nakikita mo ang tao.
Hindi alam ni Kim kung anong kinabukasan meron siya dito, siguro ay magiging asawa na lamang siya ng isang magsasaka dito.
Mabilis niyang winaksi ang kanyang mga pangamba, basta pinapangako niya sa sarili na magtatapos siya ng pag-aaral, mag susumikap siya at lumuwas ng Maynila pagkatapos.
May isang taon pa sana siya bago makatapos ng highschool pero dahil sa agad agad na desisyon ng mag-anak ay mapipilitan siyang mag transfer ng skwelahan at doon na sa probinsiya tatapusin ang isang taon na iyon, pati ang kapatid niya na nasa Grade 6 na rin.
Napabuntong hininga si Kim. Panibagong pag-aadjust na naman ito.
At hindi na nga naglaon ay bumaba na sila sa Bus, naroon na sila sa kanilang Nayon, pero maglalakad pa sila ng ilang metro bago makarating sa bahay ng Lola niya.
Bitbit ang may kabigatan rin na bag ay naglakad na si Faith kasama ng mag-anak.
Tiningnan niya ang mukha ng kanyang mga magulang, ang nanay niya ay may lungkot at pag-asa sa mga mata, siguro pag-asa na magsisimulang muli ang kanilang mag-anak doon. Ang ama naman niya ay di niya makikitaan ng emosyon, siguro’y pinipigilan lamang nito kung anuman ang nararamdaman nito sa ngayon.
Construction worker lamang ang ama niya sa Maynila ngunit masipag ito kaya naman kahit kapos ay hindi naman talaga sila nagutom. Nakapag-aral din sila at may baon araw-araw. Ang nanay naman niya ay tumatanggap ng labahin bilang extra income nito.
Ngayong umuwi na sila sa Probinsiya ay pagsasaka ang magiging hanap-buhay ng kanilang mga magulang, sana lamang ay magiging maayos ang pamumuhay nila dito- ang tanging dalangin ni Kim.
Nang makarating na sila sa bahay ng kanyang Lola Celia ay namangha si Kim sa bahay at bakuran nito. First time niyang nakauwi doon, at mali pala ang iniimagine niyang hitsura ng magiging bahay nila sa probinsiya.
Maganda at medyo malaki rin pala ang bahay ng lola niya. Kalahati semento- kalahati kahoy ang bahay. Malaki rin ang bakuran na may mga tanim na mga orchids na nakahanay sa kahoy na gate, may iba pang gulay at bulaklak na naroon, na maingat na inihanay sa kabilang bahagi ng bahay.
May narinig din si Kim na mga manok sa bakuran at parang turkey yata iyong nasa di kalayuan.
Si Lola Celia ay ang Ina ng Ama niya, sa larawan lamang niya ito nakita noon at hindi rin nag kukwento ang ama niya tungkol sa lola niya.
Sa pagkakaalam ni Kim ay may tampohan ang mag iina.
“Tao po!” Sigaw ng tatay niya sa pintoang sarado pa.
May mahinang tinig na sumagot.
“Sino ‘yan? parating na!”
Tinig ng isang matandang babae, mahina iyun.
Tiningnan ng palihim ni Kim ang ama. May namumuo ng luha sa mata nito pagkarinig sa tinig.
Bumukas ang pintuan at nakita ni Kim ang isang matandang babae, uugod-ugod na itong akmang lalabas upang tingnan ang bisita.
Sa tingin ni Kim nasa mahigit 70 anyos na rin ito.
“Sino ba ang nariyan?” tanong pa nito, siguro ay hindi na ito nakakakita ng maayos.
Lumapit na ang tatay niya sa matanda at niyakap ng mahigpit ang ina.
Walang isang salita na lumabas sa bibig kundi iyak lamang at yakap.
“Naku! anak ko! Manuel ikaw ito!” anas ng Ginang, na yumakap din ng mahigpit sa anak.
“Bakit ngayon lang kayo umuwi, araw-araw akong nag aantay sa inyo!” dagdag pa nito.
Hinalikan ng tatay niya ang buhok ng ina.
Nang midyo na himasmasan na ang ama ay nagsalita na ito.
“Patawarin mo po ako ‘Nay kung ngayon lamang ako umuwi”
“Masaya ako anak ko! mula ngayon huwag mo na akong iiwan ha!”
Tumango ang ama niya. “Hinding-hindi na po!”
“Mga anak, mag mano kayo sa Lola ninyo!” baling ng ama niya sa kanila na nasa pintuan ng gate pa din, ang Ina niya ay umiyak din pala ngayon lang napansin ni Kim iyon.
Pagkakita ng ama niya sa asawa nitong umiiyak din, ay pinuntahan na din sila nito.
At iginiya papalapit sa ina.
“Nay! aking asawa po si Kelly, ang panganay ko po si Kimberly at ang bunso namin si Miguel” pagpapakilala nito sa kanila sa Ina.
Isa-isa silang nag mano sa matanda.
Ang kanyang Ina ay yumakap din sa Ina ng asawa. Pagkikitaan ng saya ang mukha ng lola niya.
“Naku! Kelly! at talaga namang tama ang sabi ng mga tao sa akin, mahusay pumili itong anak ko, maganda ka nga at sabi nilay mabait pa” anas ng lola niya.
Natawa naman ang Ina niya. “Sakto lang ho ‘nay!” nahihiya pang sambit ng nanay niya.
Totoo rin naman iyon, meztisa ang nanay niya, sabi nga ng nanay ay namana niya ang ganda niya sa lolang purong kastila, iyon nga lang hitsura lang ang pinamana sa kanila, walang ari-arian.
Guapo rin naman ang tatay niya, kung hindi lang ito babad sa initan at bigat na trabaho sa construction ay maihahalintulad niya ito sa batikang actor na si Ian Veneracion, pagod version nga lang.
“Mga apo! tuloy kaayo dito sa loob!” baling pa nito sa kanila.
Tumalima naman sila. Bitbit ng tatay niya ang mga bag nila at pumasok na sa bahay.
Hindi naman pala masama ang pag uwi nila sa probinsiya. Ngayon ay mas malaki ang bahay nila dito, may sariling lupa naman palang sinasaka ang pamilya nila.
Kaisa-isang anak lang ang tatay niya sa lola niya, nagkaroon lang sila ng hindi pag kakaunawaan ng mag-asawang muli ang ina nito, binatilyo ang tatay niya ng makahanap ng pangalawang pag ibig ang ina nito, tutol ang kanyang ama sa magiging step father nito noon, ngunit sadyang mahal ng ina niya ang lalaki kaya nagpasya ang kanyang ama na umalis na sa poder ng ina.
Ilang beses din namang hinanap ito ng lola niya pero nagmatigas ang ama niya at pinangakong hindi na uuwi sa ina. Kahit noong namatay na ang pangalawang asawa ng Lola ay hindi pa rin umuwi ang tatay niya.
Hanggang sa kamakailan lang na nagkasakit ang ina nito. Doon na bumigay ang ama niya at nag desisyong umuwi na at dala-dala ang pamilya.
Hindi na rin pa nagkaanak ang ina noon sa pangalawang asawa kaya mag isa na lamang ito sa bahay nila.
At ngayong umuwi na sila ay makikitang masaya at sumigla talaga ang matanda.
Tama nga ang Ina niya, isa itong panibagong panimula ng kanilang pamilya.