Mabilis ang takbo ng sinasakyang taxi ni Rupert, kung pwede nga lang na paliparin niya iyon ay ginawa na niya. Panay lingon siya sa itim na kotse na nakabuntot sa kanila, kaunting-kaunti na lang ay maaabutan na sila. Kilalang-kilala niya ang kotseng iyon maging ang nasa likod ng manibela nito.
"Manong, wala na bang ibibilis 'yang pagmamaneho mo?! Maaabutan na tayo ng baliw na babaeng 'yon!" singhal niya sa may katandaang driver.
Napakamot ito ng ulo sabay sulyap sa kanya. "Hanap-buhay ang gusto ko, Sir. Hindi hanap-patay! Kung gusto mo pala ng mabilis bakit hindi ka na lang nag eroplano!" ganting singhal ng matanda.
"Anak ng! Kapag nahuli tayo ng babaeng 'yan, kahit ikaw mayayari, naiintindihan mo?!" pananakot niya.
Napailing na lang ang kawawang driver dahil sa inaasal ng buena mano nitong pasahero ng araw na iyon. Kapag minamalas ka nga naman! Maya-maya pa ay biglang nagring ang cellphone ng matanda. Kinuha niya iyon at sinagot. Baka may magpapabook na naman na pasahero at hindi niya iyon papalampasin dahil mahigpit din ang kanyang pangangailangan.
"Hello, Courageous Taxi, good morning!"
"Itabi mo 'yang sasakyan kung ayaw mong durugin ko 'yan kasama ng sakay mo!" utos ng isang tinig babae sa kabilang linya.
"H-ho?! S-sino ba ito?!" tarantang tanong nito.
"Huwag mong antayin na lumaki pa ang problema natin, itigil mo 'yang sasakyan at pababain mo 'yang lalaking sakay mo, bibigyan kita ng limang libo kapag nagawa mo 'yun."
"Manong, bakit ka pa nagte-telebabad diyan?! Ayusin mo 'yang pagmamaneho, maabutan na tayo ni Maggie!" utos ng binatang pasahero.
"Ihinto mo ang sasakyan bago ka pa lumiko pakanan," utos ng babae bago nito pinatay ang tawag. Pinagpawisan ng malamig ang matanda. Hindi niya alam kung sino ang susundin. Ang lalaki na takot na takot o ang babaeng nagbabanta pero magbibigay ng limang libo? Malaking tulong din ang limang libo sa kanya kung saka-sakali.
"Hoy! Ano ba! Huwag kang tatanga-tanga. Bilisan mo! Dapat ang mga gaya mong walang maayos na training, hindi pinagmamaneho ng taxi eh, ang bobo mo!" singhal ng lalaki.
"Ano'ng sabi mo, bobo ako?!" gigil na wika ng matanda.
Muling lumingon ang lalaki sa likuran nila. Mas lalo siyang pinagpawisan ng ga-munggo dahil kadikit na pala nila halos ang sasakyan. Parang nalaglag ang puso niya nang biglang iharang ng itim na kotse ang sarili sa taxi na sinasakyan niya.
"Iatras mo, bilis! Iatras mo!" turo ni Rupert sa taxi driver ngunit hindi man lang ito tuminag.
"Ano ang nangyari sa'yo? Nalulon mo na ba ang utak mo at hindi ka na makaintindi ng simpleng instruction?!" pukaw ng binata. Bumaling sa kanya ang matanda at bigla itong ngumisi sa kanya.
"Sa tinagal-tagal kong magmaneho ng sasakyan, tanging ikaw pa lang ang walang modong tumawag sa akin ng bobo. Bwiset kang bata ka, buena mano pa man din kita, pinag-iinit mo ang ulo ko!" anang matanda. Pinatay nito ang makina ng sasakyan at ini-unlock ang pinto. Umibis mula sa itim na sasakyan ang babaeng sa tingin niya ay 5'9 ang taas, malaki ang bulas ng katawan nito, morena at mahaba ang medyo kulot na buhok.
Huli na ng mai-lock muli ng binata ang pintuan dahil mabilis iyong nabuksan ni Maggie.
"Manong, heto ang limang libo, salamat!" anang dalaga sabay abot sa matanda ng limang-libo. Kaagad naman iyong tinanggap ng matanda at itinuro nito ang binata na parang batang nagsusumiksik sa gilid ng taxi.
"Bumaba ka na riyan, Rupert. Huwag mong antayin na hilahin kita pababa!" anito. Sa halip na sumunod ang binata ay mas lalo pa itong nagsumiksik at binalingan ang matanda.
"Manong, bibigyan kita ng sampung libo, ilayo mo lang ako sa babaeng 'yan. Please, parang awa mo na!" bulong ni Rupert sa matanda ngunit hindi ito sumunod.
"Sa tingin mo ba matatakasan mo ako ng ganoon na lang?! Tarantado ka, sino me sabi sa'yong pwede mo kaming tuhugin ng kaibigan ko?!" gigil na wika ng dalaga. Mabilis nitong hinila ang kanang paa ng binata at sapilitan itong ibinaba mula sa sasakyan.
"Boyfriend mo itong kumag na 'to?" tanong ng driver.
"Oo, at tuturuan ko 'to ng leksyon dahil certified manloloko. Buti sana kung malaki kargada, eh mukha ngang prinitong talong na nanguluntoy, tapos ang lakas pa ng loob mambabae!" anang dalaga. "Halika rito, Rupert, magtutuos tayo!" dugtong nito. Matagumpay na nailabas ng dalaga ang binata at pakaladkad na dinala sa itim nitong kotse. Palibhasa malaki ang bulas ng babae at mas matangkad ito sa lalaki kaya walang kahirap-hirap nitong naisakay ang takot na takot na binata.
Biglang natawa ang matandang driver sa narinig. Habang hiyang-hiya naman si Rupert sa tinuran ng kasintahan. Bakit nito nalaman na ganoon ang hitsura ng ari niya?!
"Huwag mong pilitin na tumakas at huwag mong isipin na kaya mo akong takasan, huwag mo nang dagdagan ang atraso mo sa akin, Rupert. Kung ayaw mong mag goodbye ka ng tuluyan sa toasted talong mo!" asik niya rito. Sa tingin ng dalaga ay tuluyan niyang natakot ang biyfriend dahil tahimik nitong inipit ang mga hita habang ang magkabilaang kamay ay pinagsalikup at isiniksik sa bandang pundilyo nito. Nilinga ng dalaga ang taxi driver at kinawayan ito para magpaalam.
Pinaandar na ng dalaga ang sasakyan at tinungo ang apartment ng kasintahan. Babalik sila roon kung saan niya ito nahuling kasama ang bestfriend niyang si Amy. Nakakatiyak siyang hindi makakalabas ng apartment si Amy dahil itinali niya ito bago pa man niya habulin ang kupal na nobyo.
"M-maggie, patawarin mo na ako. Hindi ko sinasadyang lokohin ka. Please naman oh..." pakiusap ni Amy. Nakaluhod ang bestfriend niya katabi ang boyfriend niyang si Rupert. Parehas itong bugbog sarado at may dugo na umaagos sa ilong.
"Oo nga naman honey, patawarin mo na kami. Hindi na ako uulit, maniwala ka. Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko hanggang sa mamatay ako, peksman!" ani Rupert. Tulo ang luha at uhog nito sa takot at sa pagmamakaawa. Sa tingin niya ay malapit na itong maihi sa sariling salawal kung itotodo niya ang torture sa mga ito. "Hindi ko naman talaga mahal si Amy, inakit niya lang ako eh. Ang sabi niya kaya niyang ibigay ang sarili niya sa akin, dahil alam niyang ayaw mong ibigay 'yang sa'yo."
"Hoy Rupert! Wala akong sinabing ganyan! Ikaw 'yang lumapit sa akin. Ang sabi mo ako ang mahal mo at hindi si Maggie! Natatakot ka lang sa kanya kaya hindi mo siya mahiwalayan!" ani Amy.
Kinuha ni Maggie ang nakadisplay na baseball bat sa salas ng nobyo at hinawak-hawakan iyon. Dahil doon ay mas lalong nagmakaawa ang dalawa sa kanya.
"Patawarin mo na kami Maggie, hindi na kami uulit!" umiiyak na tangis ng dalawang taksil.